Sa higit tatlong buwan na lumipas ay nakapagpalagayan kami ng loob ni Via Thaline Dixon, o mas kilala sa palayaw na Thalia. Sobrang ganda lang ng pangalan nito, parang siya.
Hindi mahirap pakisamahan si Thalia dahil sobrang saya niyang kasama. Dahil nga sa kaniya, kahit papaano ay nakakalimutan kong mag-isa ako sa buhay, na ako na lang pala iyong lumalaban.
Kapag nasa duty ako, hindi ko naiisip ang pagkawala ni Papa, never na ring sumagi sa isipan ko si Mama. Kung nasaan man ito ay sana masaya siya, sana worth it iyong pag-iwan niya sa amin noon ni Papa.
Magiging mas masaya pa ako kung hindi na talaga siya magpapakita sa akin. Masaya ako para sa kaniya, sana ganoon din ito. Ayokong dumating sa puntong magpapakita pa siya sa akin.
Ayokong makikita na nagmamakaawa o luluhod siya sa harapan ko dahil sa kagustuhan niyang bumalik o kunin ako. Kasi nasaan ba siya noong namatay si Papa? Nasaan ba ang presensya nito?
Wala kahit ang anino niya pero hayaan na. Nangyari na, natapos na. Hindi ko naman din hinangad na magkrus pa ulit ang landas namin. Tatanawin ko na lang na utang na loob ang pagluwal nito sa akin.
Pasalamat na lang ako na binuhay niya ako, na binigyan ako nito ng pagkakataon na makita kung gaano kaganda ang mundo, kasabay kung gaano rin kahirap mamuhay sa mundong ito.
"Huy, natutulala ka na naman diyan." Kinalabit ako ni Thalia na ngayon ay naroon sa tabi ko.
Tapos na ang duty ko at balak na ring umuwi, inaayos ko na lang ang gamit ko. Matapos kong isarado ang locker ay hinarap ko na si Thalia, ang magandang mukha nito ang nabungaran ko.
"May iniisip lang," sabi ko at tipid na ngumiti.
"May problema ka ba?"
"Naku, wala!" maagap kong sambit, kapagkuwan ay malakas na tumawa.
"Hmm, LQ kayo ng boyfriend mo, ano?" Sinundot ni Thalia ang tagiliran ko, rason para muli akong mapahalakhak.
Sa nagdaang araw kasi ay hindi ko maiwasang matulala, palagi akong tinatanong ni Thalia kung anong problema ko at dahil ayokong mapag-usapan ang pamilya ko ay gumawa ako ng kwento.
Sinabi ko na lang na may boyfriend ako at nasa Australia siya, bilang kunwaring ebidensya ay may ipinakita ako sa kaniyang litrato ng lalaki na nakuha ko lang sa google.
Kasi ever since na makilala ko si Jaxon, hindi na pumasok sa utak ko na magkakaroon ako ng boyfriend. Hindi ako naghangad ng lovelife, wala pa akong panahon para roon.
Mabuti at naniwala naman si Thalia, paano at napakahusay kong magsinungaling. Animo'y isang manunulat na bihasa sa paggawa ng kwento.
"Sus! Ganiyan talaga kapag long distance relationship, ano!. Bihira lang ang mga nakaka-survive sa ganiyang klase ng relasyon. Kita mo ngang ako na nasa Makati lang ang boyfriend ay sobrang hirap na," palatak nito kaya natawa ako.
"May boyfriend ka pala?" takang tanong ko pa habang nanlalaki ang dalawang matang pinagmamasdan ang seryosong mukha ni Thalia.
Hindi ko akalain na may boyfriend na itong si Thalia, mukha kasi siyang bata sa paningin ko. Natawa pa ako ulit nang hampasin niya ang braso ko, saka ito malakas na natawa.
"Anong akala mo sa akin? Mayroon syempre, papahuli ba ako?" aniya na tumatawa pa rin. "Hindi lang halata kasi bihira lang siya magpunta rito, once a year gano'n."
Sabay kaming napahalakhak at wala pa sa sariling nakipag-apir dito dala ng labis na kasiyahan. Iyon din yata ang naging hudyat para mas mapalapit kami ni Thalia sa isa't-isa.
Maliban sa kaibigan ay bunsong kapatid na rin ang turing ko sa kaniya. Madalas kaming magkasiyahan, kami ang palaging magkasama. Nakakatuwa nga na lahat ng problema nito sa pamilya ay sa akin niya sinasabi.
Minsan naman ay nagpupunta ito sa apartment na tinutuluyan ko, roon ay nag-iinom kami habang nagdadrama sa buhay, o 'di kaya ay nanonood ng movie kapag napagtripan.
Ang saya ko sa parteng nakilala ko ang isang Via Thaline Dixon, siya lang iyong babae na hindi ko nakitaan ng inggit. Hindi katulad ni Jeane na noo'y may lihim palang galit sa akin.
Kinagabihan, nang makauwi ako sa apartment ko ay kaagad akong nahiga sa malambot na kama. Katulad nang nakagawian ay matutulala na lang ako sa puting kisame ng kwarto.
I'm still wondering, ano kayang rason kung bakit ganito ang kinahinatnan ng buhay ko? May plano ba ang Diyos sa akin? Bakit hinayaan niya akong mag-isa sa buhay?
Bakit ako? Napalunok ako nang may magbara sa lalamunan ko. Ayoko man sanang isipin ay kusang nag-materialize sa utak ko ang mukha ni Mama, ang masaya niyang ngiti.
Ang noo'y palagi nitong sinasabi na mahal na mahal niya ako ay siyang paulit-ulit kong naririnig ngayon, lalo na sa nananahimik kong utak. Buhay pa ba siya? Kung oo, nasaan na siya?
Kahit pala gaano ka kagalit sa sarili mong magulang, maitatanong mo pa rin kung kumusta na sila— kung may pagkakataon bang nami-miss niya ako? Na minsan rin ba niya akong binalak na balikan?
For f*****g ten years, namuti na lang ang dalawang mata ko kahihintay sa kaniya. Galit ako, pero may puwang sa puso ko na nami-miss ko siya. Kaya ayoko talagang dumating sa puntong magkikita pa kami.
Baka mamalayan ko na lang din ang sarili na tumatakbo palapit sa kaniya at yakapin siya nang mahigpit, imbes na poot at masasakit na salita ang ibigay ko sa kaniya. Ayokong mangyari iyon.
Napahinga ako nang malalim. Dala ng pagod, pati na rin ng halu-halong problema, ng pinagsama-samang emosyong lumulukob sa puso ko ay nakatulog na lang ako sa ganoong posisyon.
Kinabukasan nang magising ako, suot ko pa rin ang uniporme ko at hindi na nakapag-ayos kagabi. Nang makaahon sa kama ay deretso kaagad ako sa kusina dahil sa sunud-sunod na pagkalam ng tiyan ko.
Binuksan ko lang ang isang delata, pabagsak pa akong naupo at mabilis lang na nilantakan iyon. Matapos sa pagkain ay sandali lang din akong naligo at nagsuot ng panibagong uniporme.
Lakad-takbo ang ginawa ko nang makalabas ako ng unit, halos masubsob pa ako sa pagbaba ko ng hagdan. Mabuti at nakakapit ako kaagad. Sapu-sapo ko ang dibdib nang tuluyan akong makababa.
"Uy, si ganda!" sigaw ng isang lalaki na madalas mag-basketball sa malaking court na siyang katapat lang ng building.
Hindi na ako nag-abalang magsalita, bagkus ay itinaas ko na lamang ang middle finger ko sa ere dahilan para marinig ko ang malakas nitong pagtawa. Nailing-iling pa ito na para bang dismayado.
Inismiran ko lang ito at kumirapas na ulit ng takbo palabas ng eskinita. Mabilis akong nakapara ng jeep at doon sumakay. Ilang minuto pa nang makababa ako matapos kong magbayad.
Hindi naman ako late o gahol sa oras, pero ayoko lang talaga na nakukulangan ako sa oras. Humahangos na tinakbo ko ang entrance at halos may mabangga pa akong customer.
Magkasabay pa naming nahawakan ang handle ng pintuan, ngayon ay nakapatong ang kamay nito sa kamay ko. Sandali kaming napatigil, dahan-dahan ay nilingon ko ito.
Kaagad kong nalanghap ang panlalaking pabango niya. Napatitig pa ako sa parehong mata nito na siyang nakatitig din sa akin, pababa sa matangos niyang ilong hanggang sa labi nito.
Makailang beses kong sinisipat ng tingin ang kabuuan ng kaniyang mukha, kasabay nang sandaling pagkatigil ng mundo ko. Kalaunan nang unti-unti ay manlaki ang mga mata ko sa natanto kung sino siya.
"Jaxon..." bulalas ko sa mahinang boses habang namamangha pa rin siyang pinagmamasdan.
Tumaas ang isang kilay nito, kapagkuwan ay nangunot ang noo. Naguguluhan niya akong tiningnan at saglit pang nagbaba ito ng tingin sa kabuuan ko. Wait, hindi ba niya ako nakilala? Hindi na ako nito kilala?
Makalipas ang ilang segundong paninitig sa akin ay mas lalo lang nagsalubong ang kilay niya. Mayamaya rin lang nang bitawan nito ang kamay kong hawak ang handle ng pintuan.
"Sorry, but did we met before?" anas nito na labis ang naging pagguho ng mundo ko.
Napakurap-kurap ako, tuluyan na rin akong umayos sa kinatatayuan na para bang ngayon lang natauhan. Bahagya kong inayos ang buhok ko, pati na rin ang uniporme ko, bago siya muling nilingon.
"A—ako 'to, si Stacy." Pilit akong ngumiti kay Jaxon. "Si Stacy, natatandaan mo ba?"
"Stacy?" tanong pa niya sa sarili, hindi rin nagtagal nang mapapitik ito sa hangin. "Wait, I don't really know you."
Sa narinig ay mabilis pa sa kidlat na bumagsak ang balikat ko. Nahulas ang emosyon sa mukha ko at napipilang tinitigan si Jaxon, na makalipas man ang sampung taon ay kabisado ko pa rin ang kabuuan niya.
Kung may nagbago man sa kaniya ay mas lalo siyang nag-mature, mas dominanteng tingnan sa suot nitong black tuxedo. Lumapad din ang katawan niya at mas tumangkad pa.
Napaka-unfair naman na hindi niya ako nakilala, para saan pa pala at nagbitaw ito ng salita noon? Mapait akong napangiti sa kawalan. Marahil ay hindi ko rin nagawang banggitin sa kaniya noon ang pangalan ko kaya hindi na niya ako matandaan ngayon.
"But anyway, dito ka nagtatrabaho 'di ba?" wika nito matapos ang ilang minutong katahimikan.
Wala sa sariling tumango ako, natutulala pa rin sa mukha niyang kay tagal kong hindi nasilayan. At ganoon pa rin ang epekto nito sa akin, tila tambol sa lakas ng pagpintig ang puso ko.
"Nandito na ba si Thalia? Hindi kasi siya sumasagot sa tawag ko."
Bakit hinahanap niya si Thalia? Nakagat ko ang pang-ibabang labi nang may magbara sa lalamunan ko. Ayaw ko mang maramdaman ay literal na nadudurog ang puso ko.
"Mayang lunch pa ang pasok niya." Masakit man ay deretso pa rin akong nakasasagot.
"Oh! Sayang naman. Sige, babalik na lang ako bukas." Ngumiti ito, kapagkuwan ay tumalikod din kaagad.
"Kaanu-ano mo si Thalia?" maagap kong tanong, bago pa man siya tuluyang makaalis. "Para masabi ko rin na napadaan ka rito."
Ganoon nga talaga siguro kapag magaling magsinungaling— magaling din magtago ng totoong nararamdaman.
Sandali ako nitong nilingon mula sa kaniyang balikat, samantala ay titig na titig naman ako sa mukha niya. Baka sakali na hindi siya si Jaxon na nakilala ko noon. Imposibleng makalimutan niya ako.
Kasi sa totoo lang, pinanghahawakan ko pa rin ang noo'y sinabi nito— na darating ang panahon na magkikita kaming muli at kapag nangyari 'yon, hindi na kami ulit maghihiwalay.
"Girlfriend ko si Thalia," anang Jaxon na siyang labis ikinawasak ng puso ko.
Matapos iyon ay nagpaalam na itong aalis na, kaya hinayaan ko na rin siya. Nagbaba ako ng tingin sa lupa, hindi mawari kung kaya ko pa bang gumalaw dahil para akong naparalisa.
Kaya pala... kaya pala nakalimutan na niya ako— dahil may girlfriend na siya.