Chapter 10

1729 Words
Mabilis na nagdaan ang araw, isang linggo na nga marahil ang lumipas. Pumapasok pa rin naman ako sa Bluebells Café ngunit hindi si Thalia, wala na ang presensya nito. Kung nasaan siya ay hindi ko alam. Ang huling kita namin ay iyong natulog siya rito sa unit ko, mabuti at hindi nagtangkang pumunta rito si Jaxon dahil todo text din ako sa kaniya na huwag siyang magkakamali. Dito natulog noon si Thalia sa kadahilanang gusto siyang ipa-arrange marriage ulit sa ibang lalaki. Iyon kasi ang problema niya, ang pagiging psychopatic ng kaniyang ama. Sa totoo lang din ay awang-awa talaga ako kay Thalia kaya hindi ko rin masikmura kung sakaling malaman niya ang patungkol sa amin ni Jaxon, na hindi rin naman malabong mangyari. Mabilis lang ang inog ng mundo kaya hindi ko alam kung hanggang saan kailangan kong itago ito. May parte sa akin na gusto kong isiwalat kay Thalia ang lahat ngunit sa tuwing gagawin ko ay napuputulan ako ng dila. Ayokong masira ang pagkakaibigan namin. Ayokong talikuran ako ni Thalia dahil sa kaniya ko nakita ang totoong kahulugan ng isang kaibigan na hindi ko makita noon sa iba. Ngunit ganoon na lamang din ang takot ko na mawala si Jaxon. Ayoko ring iwan ako ni Jaxon, kaya kahit na mali ay patuloy ko siyang hinahayaan sa gusto niyang mangyari. Hindi ko na alam ang gagawin ko. Gulung-gulo na ang utak ko, ang sarap lang iuntog sa pader para naman umayos at mabalik sa dating pag-iisip dahil simula nang mapunta ako rito sa Tagaytay ay nagkagulo na. O baka dahil simula pa noong nakilala ko si Jaxon sampung taon ang nakalipas? Marahas akong napahinga nang malalim. Ako lang ang mag-isang cashier ngayon since wala si Thalia. More than twenty four hours ang nare-render kong duty dahil wala rin naman akong kapalitan. Matapos ma-encode sa POS ang order ng isang customer ay kaagad din itong umalis. Siya namang labas ni Ma'am Paula mula sa back office, nilingon ko ito at nakitang may hawak siyang isang pirasong papel kung saan maigi niyang binabasa, kaya nangunot ang noo ko. "Nag-resign na pala si Thalia, ano?" aniya at binalingan ako. Nagulat ako sa sinabi nito at hindi nakaimik. Kapagkuwan ay muling hinarap ang counter nang may pumila roong customer. Nang matapos ay tuliro akong napatitig sa kawalan. "Bakit daw ho?" tanong ko kay Ma'am Paula na naroon pa rin sa kinaroroonan niya. "Ikakasal na yata," sambit nito at mabilis ding bumalik sa loob ng back office. Ibig bang sabihin ay tinatanggap na nitong ikakasal siya sa ibang lalaki? Kanino naman? Doon ba sa bago? Teka, may bago ba? Wala namang nababanggit sa akin si Thalia noong nakaraan. Mariin akong napapikit. Nakakaawa lang din si Thalia, lalo na kung paano siya tratuhin ng kaniyang ama, animo'y hindi anak at nagagawa siyang ipamigay ng ganoon na lang. Nagagawa nga naman kasi ng mayayaman, tila ba hindi rin nila kayang mawalan ng kayamanan, kung kaya pati sariling anak ginagawang pambayad utang. Sa nakasanayang buhay, takot silang maghirap. Minsan ay naiisip kong tunay ba nilang anak si Thalia? Hindi ko masikmura iyong pinaggagagawa nila, pasalamat na lang at hindi ko nararanasan iyong pinagdadaanan ni Thalia. Kung may isang bagay man kaming pagkakapareho, iyon ay pareho naming minahal si Jaxon. And speaking of which, hindi kaya ay nagkabalikan ulit sila ni Jaxon? Sa isiping iyon ay sumikdo ang puso ko. Iyon ang naging laman ng utak ko hanggang sa matapos ang duty ko. Nang makauwi sa bahay ay lutang ako, para akong naglalakad sa kawalan. Pabagsak pang naupo sa sofa. Mabilis ko lang din hinagilap ang phone ko sa bag at kaagad na tinawagan si Jaxon. Ilang beses pang nag-ring iyon bago siya sumagot, mabibigat na paghinga ang nabungaran ko rito. "Nasaan ka?" bungad ko habang nagtatas-baba ang dibdib. "Hmmm," sagot nito na para bang nang-uuyam pa. "Hulaan mo..." "Kasama mo si Thalia?" Sorry if I may sound so jealous and selfish, pero iyon talaga ang nararamdaman ko. Ayokong makipagplastikan, lalo ngayon na nanunuot ang pagdududa sa isipan ko. Kasi ngayon ko pa ba ito itatago? Ilang taon ko ring kinimkim ang lihim kong pagmamahal kay Jaxon. Higit sampung taon kung tutuusin na ako lang ang nakakaalam. Hindi ko na kayang ilihim pa sa mas mahabang panahon, pagod na rin ako sa ganitong tila nagtatago. Sawang-sawa na ako, kaya ngayon pa lang ay pasensya na sa mga taong masasagasaan ko. Mayamaya pa nang tumawa si Jaxon sa kabilang linya dahilan para mabalik ako sa ulirat. Pumikit ako at inihilig ang likod sa pahabang sofa, hinayaan kong ipahinga ang katawan ko. "Paano kung sabihin kong oo?" saad nito, kaya mapait akong napangiti sa kawalan. "Paano rin kung sabihin kong mahal nga kita, Jaxon? Na matagal na kitang mahal? Una pa lang noong makilala kita," dere-deretsong sabi ko na wala nang naging pakialam. "Then open this door. Let me hug you." Sa narinig ay maagap akong nagdilat at nilingon ang pinto. Wala nang pag-aalinlangan na lumapit ako roon at mabilis pa sa alas kwatrong binuksan ang pintuan, kasing bilis kung paano humataw ang puso ko. Halos mapatalon pa ako sa tuwa nang masilayan si Jaxon na hawak-hawak pa rin ang phone sa kaniyang tainga. Nakangiti ito, rason nang pag-alpas ng malaking ngiti sa labi ko. Wala pang anu-ano'y dinamba ko siya ng yakap, mahigpit akong kumapit sa leeg nito at isinuksok ang mukha sa kaniyang dibdib. Mayamaya rin lang nang marinig ko ang mahina nitong pagtawa. Kasabay nang pagpulupot ng kaniyang kamay sa baywang ko, mahigpit din akong niyakap na para bang ayaw nang pakawalan pa. Doon ay sabay na tumitibok ang puso naming dalawa. "I knew it," bulong nito sa tainga ko, kasunod nang paghaplos niya sa buhok ko. "Mahal mo rin ako." "Dati pa naman," dagdag ko at bahagyang natawa. Hindi rin nagtagal nang humiwalay ako sa kaniya, siya namang halik nito sa noo ko dahilan nang pagbaha ng saya sa puso ko. Hinawakan pa niya ang magkabilaan kong pisngi. "No words can explain how much I love you, Stacy. Ang bilis, hindi ba? Kasi kahit ako rin, hindi ko masabi. Basta ay naramdaman kong mas mahalaga ka kaysa kay Thalia." Hilaw ang naging ngiti ko, kalahating masaya at kalahating malungkot ngunit hindi ko na iyon masyadong pinagtuunan ng pansin. Mayamaya pa nang sabay kaming pumasok sa loob ng unit. Nagkaaminan na kami ni Jaxon, sa madaling salita ay kami na. Masyadong mabilis, pero ngayon pa ba ako magsisisi? Dito ako masaya, dito ko naramdamang may halaga ako. Lumipas ang ilan pang araw, paminsan-minsang bumibisita sa akin si Jaxon dito sa Tagaytay dahil hindi naman nito pwedeng iwan ang buhay na mayroon siya sa Makati. Sa nagdaang araw ay iyon na yata ang masasabi kong pinakamasayang nangyari sa buhay ko. Iyong sa wakas, ang dating pinapangarap ko lang ay abot-kamay ko na ngayon. Sa higit isang buwang lumipas ay nawala na sa isip ko si Thalia, marahil nga ay masaya na ito sa buhay may-asawa, kaya hindi nito magawang magparamdam sa akin. Narito ako ngayon sa unit, nandito rin si Jaxon at dito siya natulog kagabi. Pareho kaming nagising sa ganap na alas otso dahil may pasok pa ako, aniya ay isasabay na ako nito sa kotse niya. Kaya naman nang matapos ako sa pagligo ay mabilis akong lumabas, nakatapis lang ako ng tuwalya at balak sanang magbihis muna nang masipat ko ng tingin si Jaxon sa sala. Nakatayo ito sa mismong tapat ng pintuan, animo'y may kausap, kaya dali-dali akong lumapit doon na sana ay hindi ko na lang ginawa. Kaagad na nanlaki ang mga mata ko, kasabay nang pagkalaglag ng panga ko sa sahig. Nag-materialize sa paningin ko si Thalia, kagaya kung paano ko nakikita ngayon ang gulat na gulat niyang mukha. Ngunit mas nangingibabaw doon ang 'di mapapatawarang galit. "Tangina, Stacy!" ubod ng lakas na sigaw ni Thalia at walang pakundangan na hinablot ang buhok kong mamasa-masa pa. Halos mapahiyaw ako sa pinagsamang gulat at sakit. Sa tagal kong nakilala si Thalia ay never pumasok sa utak kong ganito siya magalit. Walang habas ako nitong hinila palabas ng unit. Nahulas ang emosyon ko, todo ngiwi ako dahil sa sobrang higpit nang pagkakahawak niya sa buhok ko. Makailang beses pa nito iyong hinila-hila rason para mahigpit kong hawakan ang kaniyang kamay. Hindi ako nagtangkang saktan pabalik si Thalia, marahil ay deserve ko rin itong nangyayari ngayon. Nasa isip siguro niyang matagal na namin siyang niloloko ni Jaxon. Gustuhin ko mang magpaliwanag sa kaniya ay hindi na niya ako binigyan pa ng pagkakataon. Mabilis pa itong sumakay sa likuran ko nang madapa ako sa malamig na sahig. Tuluyan na akong napaiyak, lalo pa nang iuntog nito ang ulo ko dahilan para maramdaman ko ang pagkahilo. Wala na sa akin ngayon kung nakatapis man ako ng tuwalya. Hilung-hilo ako at halos magdilim ang paningin ko. Kalaunan nang hindi na lang awa ang nararamdaman ko kay Thalia, bagkus ay napalitan ng galit sa ginagawa niyang iyon sa akin. Umatras si Thalia, siguro ay napigilan siya ni Jaxon, kaya may oras ako para lingunin siya. Hilam ng luha ang parehong mata nito ngunit ganoon na lamang mag-apoy iyon sa sobrang galit. Malakas at marahas niyang sinampal si Jaxon, rason para manlaki ang dalawang mata ko. Napatingin sa akin si Jaxon ngunit nananatili itong walang imik, na para bang okay lang sa kaniya iyon. "What did you do, you freak?" singhal ko kay Thalia at hindi na napigilan ang sarili. Gusto ko itong sugurin ngunit masyado na akong nanghihina, idamay pa na naging visible sa paningin ko ang pagtulo ng dugo mula sa noo ko dahilan para manginig ang kalamnan ko. Hindi ko na nasundan ang mga nangyari, masyado akong nahihilo na hindi ko na magawa pang lingunin si Thalia nang umalis ito. Deretso siyang bumaba ng hagdan. Binalak ko itong sundan ngunit para saan pa? Pagak na lamang akong natawa sa kawalan. Tinulungan akong makatayo ni Jaxon at halos manginig ang dalawang tuhod ko. "Ano pang tinitingin-tingin niyo riyan?" singhal ko sa mga tsismosang kalapit unit ko. Hudyat iyon upang kaniya-kaniya silang balik papasok ng kanilang unit. Marahas akong napahinga nang malalim habang hawak pa rin ang dulo ng tuwalya para hindi tuluyang mahulog sa katawan ko. Akay-akay ako ni Jaxon nang makapasok kami sa unit ko ngunit hindi pa man nagtatagal nang magdilim ang paningin ko at tuluyang nawalan ng malay. Sana naman ay panaginip lang ito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD