Chapter 8

1759 Words
Sa haba ng kwento ko ay hindi ko namalayang inabot na pala kami ng umaga ni Jaxon na magkausap. Sa nangyari ay para akong nabunutan ng tinik, gumaan kahit papaano ang pakiramdam ko. Iyong tipong sa wakas ay nailabas ko rin ang noo'y matagal ko nang kinikimkim na hindi ko magawang ibahagi sa iba, kahit kay Thalia ay hindi ko masabi, kaya patuloy ko pa ring dinadamdam. Sa tagal kong nabubuhay, ngayon ko lang nabuksan ang puso na maikwento sa ibang tao ang nangyari sa buhay ko. Kung paano kami iniwan ni Mama, kung paano rin ako iwan ni Papa. Lahat 'yon... kay Jaxon ko lang nasabi. Sa kaniya lang. Mas nakakatuwa pa na kahit inumaga na ako sa pagkukwento ay hindi siya na-bore, hindi niya ako tinulugan o ipakitang ayaw niya akong kausap. Kaya kinabukasan nang magising ako ay sobrang bigat pa rin ng talukap ko. Siguro ay dalawang oras o higit doon ang naging tulog ko, ganoon pa man ay may ngiti sa labi akong bumangon. Bukod sa malaking eyebags ay namamaga rin ang dalawang mata ko, dala ng matinding pag-iyak ko kagabi sa labis na pag-alala sa nakaraan, animo'y kinagat at nilantakan ng maraming ipis. Mabilis lang na nagdaan ang araw, nagpatuloy kami sa ganoong sitwasyon ni Jaxon, magdamag na magkatawagan. Wala akong balak na sabihin kay Thalia iyon dahil ayokong makasira ng relasyon. I have no intentions, gusto ko lang talaga ng kausap. Gusto ko nang may isang tao na napagkukwentuhan ako sa araw-araw na lumilipas, kaya naging baliwala na sa akin ngayon ang journal ko na naging diary ko na rin. Ayoko nang maramdamang mag-isa ako, kaya sobrang saya ko na nagkita kami ulit ni Jaxon at ngayon nga ay abot-kamay ko na siya. Wala rin naman kaming relasyon ni Jaxon. Sadyang masaya lang talaga ako. Isa pa ay nilinaw ko na sa kaniya ang gusto kong mangyari. Kahit kaibigan na lang ang ibigay niya sa akin, ayos na ako roon at wala na akong hihilingin pang iba. Kahit pa siguro na iba ang sinasabi ng puso ko, mas pinili kong ilihim ang totoong nararamdaman ko. Pinilit ko ang sarili na hanggang kaibigan lang ang tingin ko kay Jaxon. Lumipas pa ang maraming oras, araw hanggang sa buwan na ang nabibilang ko. Hindi ko na malaman, pati ang sarili ko ay nakukuwestiyon ko na— hanggang kailan itong pagpapanggap ko? Hanggang kailan? Kaya ko pa bang itago itong nararamdaman ko? Gayong bumubulusok at nag-uumapaw ang pagmamahal ko kay Jaxon. But then, I remain dead and silent. Malakas akong napabuntong hininga habang pinapanood si Thalia na naroon sa tabi ko, nasa kabilang counter siya at nagbibilang ng kaniyang benta dahil uuwi na ito mamaya. "Sana ay makapasyal ulit tayo ng Picnic Grove." Dinig kong sabi ni Thalia na siyang nangingiti pa sa kawalan. Napangiti rin ako. "Oo naman, kapag may pagkakataon ulit." Galing kasi kami kahapon doon. Nagkaroon kami ng reliever cashier, kaya napagsabay ang off o restday naming dalawa. Kaagad naming sinulit iyon bilang girls outing. Magdamag kami kahapon sa Picnic Grove, sobrang saya namin na walang mapapatawaran ang mga ngiti sa labi namin ni Thalia hanggang sa makauwi kami at ngayon nga ay hindi pa rin nawawala ang pagkakangiti naming dalawa. "Sige, sabi mo 'yan, ah?" anang Thalia na siyang ngiting-ngiti nang balingan niya ako. May parte sa akin na naaawa kay Thalia, pero naisip ko lang din na wala naman akong ginagawa masama. Hindi ko naman piniling makiapid at sumabit kay Jaxon habang sila. Ngayon nga ay mas nananaig pa ang inggit sa puso ko— na sana ay ako na lang ang nasa kalagayan ni Thalia, na ako ang gustong ipakasal at maitali kay Jaxon, pero hanggang doon na lang iyon. Arrange marriage ang nangyari sa dalawa, hindi iyon nabanggit sa akin ni Thalia, pero si Jaxon mismo ang nagsabi sa akin. Tunay namang mahal nito si Thalia, kaya nga umabot sila ng higit apat na taon. Inggit na inggit ako, iyong tipong gusto kong umiyak kasi sana ako na lang. Kalaunan nang mariin akong napapikit, kaagad ding nagdilat. Sakto namang napalingon ako sa entrance. Halos manlaki ang dalawang mata ko nang makita si Jaxon na dere-deretso ang naging pagpasok sa Bluebells Café. Hindi ito um-order at naghanap kaagad ng mauupuan. Napalunok ako, biglang umahon ang kaba sa dibdib ko. Makailang beses akong huminga nang malalim upang pakalmahin ang puso, inayos ko rin ang sarili mula sa pagkakatayo. Tumikhim ako upang iwala ang nakabara sa lalamunan ko. "Thalia, may sundo ka yata?" Sabay kaming nagkatinginan ni Thalia nang lingunin niya ako, mabilis ko namang inginuso ang pwesto ni Jaxon dahilan para balingan nito iyon na siyang nakatalikod na sa gawi namin. Ngunit katulad ni Thalia, kabisadong-kabisado ko ang bawat sulok ng katawan ni Jaxon. Nanlaki pa ang dalawang mata nito, kasabay nang panginginig ng mga kamay niya. "Awit! May panginig ang ganap," sambit ko, sabay tawa upang takpan ang totoo kong nararamdaman. "Baliw," bulong ni Thalia bago sinabayan ang pagtawa ko. Siguro nga ay nababaliw na ako. Hindi ako mapakali, pakiramdam ko ay may hindi magandang mangyayari. Kaya sa nagdaang segundo ay taimtim akong nananalangin. Hindi rin nagtagal nang matapos si Thalia sa ginagawa, kaya pumasok na ito sa back office. Pagkakataon ko iyon upang matitigan ang likod ni Jaxon na hindi naman kalayuan ang pwesto. Like the last time I saw him, he's wearing a black tuxedo. Animo'y kagagaling lang ng trabaho niya sa Makati at dumeretso kaagad dito para kay Thalia— wow, sana all. Ngayon ko na lang ulit siya nakita, nabanggit kasi nito na busy ito sa The Great Miller Industry, ang kumpanyang pinamamahalaan niya, bukod pa sa ilang restaurant na pagmamay-ari ng pamilyang kinabibilangan nito. Mayaman ang pamilya ni Jaxon, mula sa kung gaano kayaman ang kaniyang ina na si Lauren Miller at ang ama niyang si Jack Lewis, na isang sikat na chef worldwide at may ilang branches ng restaurant sa Pinas. Sangay-sangay ang mga business ng angkan ni Jaxon. Bukod sa The Great Miller Industry at California Shack Restaurant, mayroon din silang Wine and Liquor Company na inaangkat pa galing China. Kaya rin wala akong dahilan para pumagitna sa kanila ni Thalia. Walang-wala ako kumpara kay Thalia na isa ring mayaman at kayang pantayan si Jaxon dahil mayroon silang sariling modeling company sa London at Brazil. Huminga ako nang malalim, mayamaya rin lang nang lumabas na si Thalia. Nang malampasan ako nito ay nginisian ko siya, iyong tipong nang-aasar, rason para kindatan niya ako. Nakalugay na ang mahabang buhok nito, nakapag-retouch na rin siya ng kaniyang make-up na para bang excited siyang makita at malapitan si Jaxon, na naroon pa rin sa kaninang pwesto. Samantala ay hanggang tingin na lang ang nagawa ko sa malayo. Sunud-sunod ang naging pagdating ng customer, kaya hindi na ako nagkaroon ng oras para mapanood sila. "Tell me you're just kidding!" Dumaan ang ilang minuto, laking gulat ko pa nang malakas na sumigaw si Thalia mula roon. Awtomatikong napalingon sa kaniya ang ilang customer na malapit sa gawi nila ni Jaxon. Nangunot ang noo ko, hindi maiwasan na humaba ang leeg ko upang tingnan kung anong nangyayari sa kanila. Doon ay nakita ko ang isang paper bag sa kanilang lamesa at may box pang kulay pula. Sandaling tumigil ang mundo ko sa nasilayan. Engagement ring? Araw na lang ba ang bibilangin at ikakasal na silang dalawa? Sa naisip ay tila dinurog ang puso ko. "Jax, please... don't do this," dugtong ni Thalia, makalipas ang ilang segundo. Naramdaman ko pa ang presensya ni Ma'am Paula sa tabi ko, tila ba nakikiusisa rin ito sa nangyari dahil sa lakas ng pagkakasigaw ni Thalia kanina. Mayamaya rin lang nang manlaki ang dalawang mata ko nang masilayan ang nag-uunahang luha ni Thalia, mabilis itong yumuko at paulit-ulit na pinupunasan ang basang pisngi. Tangkang lalapitan ko siya upang daluhan nang maagap akong nahawakan ni Ma'am Paula sa braso, kaagad ko itong nilingon na siyang itinuturo ang kaha, kaya wala sa sariling natigilan ako. "Walang bantay, dito ka lang," pahayag nito dahilan para bumagsak ang balikat ko. Bumalik ako sa kaninang pwesto, muli ko pang tinanaw si Thalia na patuloy sa pag-iyak habang kinakausap si Jaxon. Sa kadahilanang nakatalikod si Jaxon sa akin ay hindi ko makita ang reaksyon niya. Ano bang nangyayari? Akala ko kanina ay nagpo-propose lang, pero bakit ganito? Gustung-gusto kong lapitan si Thalia, aluhin at patahanin. Wala na sa akin kung mahal ko man si Jaxon, pero ngayong nakikita kong umiiyak si Thalia ay nasasaktan ako. "You're the one who's hurting me, Jaxon Miller Lewis!" singhal ni Thalia na talaga namang umalingawngaw pa sa apat na sulok ng Bluebells Café. Hindi ko malaman kung anong pinag-uusapan nila ngunit kinakabahan ako. Ilang segundo pa nang mabilis na tumayo si Jaxon sa kaniyang kinatatayuan dahilan para magtama ang mga mata namin. Sa buong paglalakad nito ay sa akin lang siya nakatingin na para bang may ipinapahiwatig, siya namang hindi ko makuha hanggang sa nakalabas na lang ito ng shop. "Jax! Jaxon!" Marahas na tumayo si Thalia at madaliang siyang hinabol. "Jaxon! We're not yet done! Let's talk!" Nagkatinginan kami ni Ma'am Paula, pareho kaming tahimik na para bang hinuhulaan pa kung anong nangyari sa dalawa. Nasipat pa ng atensyon ko ang kaninang lamesa nila. Naiwan doon ang paper bag at iyong pulang box na alam kong singsing ang laman. Pati ang ilang customer ay naapektuhan kaya napuno ng bulungan ang Bluebells Café. Malakas ang bawat paghinga ko, para pa akong nabingi dahil ang tanging naririnig ko na lang ngayon ay ang malakas na pagpintig ng puso ko. Kalaunan nang matagpuan ko na lamang ang sarili na nilampasan si Ma'am Paula, kumaripas ako ng takbo palabas ng shop at kaagad na nanuot sa balat ko ang lamig gawa ng pag-ulan. Hinabol ko si Thalia na ngayon ay sumisigaw sa kawalan habang naroon sa gitna ng kalsada. Basang-basa na ang katawan nito at patuloy pa rin na sinisigawan ang isang kotseng papalayo. Minabuti kong lapitan ito, wala na sa akin kung maulanan man ako, basta ay madaluhan ko lang si Thalia. Nang makalapit ay maagap ko siyang hinila upang itabi sa kalsada. Mas lumakas ang pag-iyak nito, kasabay nang pagtangis niyang hindi mapapatawaran. Mahigpit ako nitong niyakap at naisubsob pa ang mukha sa dibdib ko. Samantala ay nanginig naman ang mga kamay ko, hindi ko mawari kung yayakapin ko rin ba pabalik si Thalia. Kalaunan nang pumatak na lang ang luha sa mata ko. "It's fine, Thalia. Hush, I'm here, okay? Hindi kita iiwan," pahayag ko, sabay yakap sa nanginginig niyang katawan. "Nandito lang ako."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD