PALAKAD-LAKAD si Amira sa maliit na silid niya habang hinihintay ang pagtuntong ng alas nuwebe ng gabi. Hindi pa rin niya alam kung lalabas ng kuwarto kapag dumating si Francois pero nakabihis na siya. Namamanhid ang kamay at paa niya at nanlalamig din siya. Hindi kasi niya alam kung anong magiging reaksiyon niya kapag nakita niya si Don Alfonso sa ICU. At kung tutuloy siya at may nangyaring masama sa don, kailangan din niyang ihanda ang sarili sa galit ng iba. Narinig niyang may kumatok sa pinto. “Ma’am, nasa baba na po si Chef Aklay at hinihintay kayo.” Dinampot niya ang knitted gloves at kinuha ang susi ng kuwarto niya. “Sige. Palabas na ako.” Pumikit siya nang mariin at nagdasal. “Kayo na po ang bahala sa akin. Sana naman walang masamang mangyari kay Lolo habang nandoon a

