Episode 8: Year 1930-South Arctic

1608 Words
Isang maliit na komunidad na malayo sa kabihasnan at nilimot na ng karamihan ang nanatiling namumuhay sa malamig na klima ng lugar. Nagyeyelo ang paligid at ang niyebeng pumapatak sa buong lugar na nanggagaling sa kalangitan, ang nagdudulot ng matinding lamig sa buong lugar ng Westward, kung saan sakop nito ang maliit na lugar ng Mondabor. Madilim ang kapaligiran at purong siga ng mga kahoy na pinagputol-putol ang nagbigay init sa nagyeyelong klima ng isang tribo, ang Mondaborian tribe. Sa isang kuweba naninirahan ang mga ito, sa isang lugar na hindi nasisikatan ng araw at purong gabi lamang ang naghahari... "Kapangyarihang itim, 'yon ang kailangan natin. Mapapalakas lalo ang tribong ito at hindi na tayo malulusob pa ng ibang tribo. Ito na ang nagmistulang tahanan nating lahat, ba't tayo matatakot sa kanila?" Si Torck Loin, may galit sa mata nito nang tingnan isa-isa ang mga ka-tribo. Nakayuko lamang ang mga ito sa harap niya at walang magawa nang lusubin sila ng ibang tribo para nakawin ang nakaimbak nilang pagkain. "Matagal nang hindi nagagamit ang kaalamang ito pero susubukan natin, tayo ang katatakutan ng ibang tribo kapag lumakas tayo..." Isang ngiti ang sumilay sa labi ng lalaki. Mangangaso sa kagubatan ang kabuhayan ng mga tao rito. Isang tribo ang Mondaborian na naninirahan sa kagubatang ito ng South Arctic kung saan matatagpuan ang Westward. Purong balat ng hayop ang kasuotan ng mga ito na kalimitang nanggagaling sa balat ng oso. Sa nagyeyelong klima ng Mondabor, ang maliit na lugar kung saan kinilala ang tribo bilang Mondaborians, nabuo ang isang samahan. Nahawi ang mga tao nang pumasok sa isang yungib ang matandang Vlladimir, lagpas singkwenta na ang lalaki at may kahabaan na ang buhok nitong abot hanggang baywang. Dala-dala ng matanda ang isang lagayan na puno ng abubot nito. Nagkalat ito sa sahig nang ibuhos ito ng lalaki sa gitna ng mga ka-tribong nagkukumpulan sa harap ni Torck Loin, isang binatang puno ng tapang at namumuno sa mga Mondaborian. Pinagtulungang ipwesto ng mga tao ang bitbit ng matanda sa utos na rin nito. Isang pabilog na hugis ang nabuo nang sundan ng mga tao ang guhit na nilikha ng matanda sa pamamagitan ng paglalagay ng puting mga bato rito. "Hindi ko alam kung epektibo ito pero--" napabuntonghininga ang matanda bago napangiti. "Hindi ako nawawalan ng pag-asa. Lubha nang namimihasa ang mga ibang tribo sa pagsalakay at pagnanakaw ng mga pag-aari natin. Tayo ang maghahari rito...hindi s-sila!!" Kasabay ng malakas na pagsipol ng hangin sa labas ng yungib, ubod lakas na pinagtulungang buhatin ng mga kalalakihan ang isang batong ilalagay sa b****a ng kweba para hindi pumasok nang tuluyan ang hangin na nagbibigay ng sobrang lamig na sumisigid sa kanilang mga kalamnan. Laging nagyeyelo sa lugar na ito kaya kakailanganin nila ang makakapal na kasuotan para pananggalang sa lamig. At kagaya na naman ng naunang pangyayari, muli na namang inulit ng mga tao sa loob ng kuweba ang isang ritwal. Hawak kamay silang lahat nang sabay-sabay na dasalin ang isang kahilingan. Halos kalahati lang ang pagkakatakip ng b****a ang ginawa ng mga ito para may makapasok pang hangin sa loob habang walang hinto ang iba sa ginagawang pagbigkas ng paulit-ulit na kahilingan ng mga ito. Sinusundan ito ng ilang kalalakihan ng pag-igkas ng mga kamay para lumikha ng ingay ang mga hawak ng mga ito. Lumilikha ng malakas na tunog ang mga kagamitan kasabay ng malakas na sigaw ng matanda. Papalakas nang papalakas ang tambol na maririnig sa maliit na kagubatang ito. Nag-amoy usok ng tuyong dahon ang loob ng kuweba nang sunugin ang ilan sa mga ito, ang ilang pirasong kahoy na tinuyo, may langis na nilagay rito para magliyab ito. Nang huminto ang mga kasamahan sa ginagawang ritwal, mabilis na nagpaalam si Torck. "Dadagdagan ko ang mga kahoy dito, babalik din ako." Nakikita niyang paubos na ang mga ito at kakailanganin pa nila ng marami pa para mas uminit ang loob ng kuweba. "Tawagin mo, Torck, ang lahat ng ka-tribo natin...sabay-sabay nating gawin ito. N-ngayon ang tamang panahon...magpapantay ang mundo natin sa buwan at araw." Tumayo sa b****a ng kuweba ang matanda at pinagmasdan ang namumulang kulay ng buwan. Madilim kahit pa kabilugan nito. "N-nararamdaman ko, maisasakatuparan natin ito, mismo sa gabing ito." Nang makaalis si Torck, muling binalingan ng matanda ang mga kasamahan. Papalakas nang papalakas ang pag-usal ng isang ritwal ng matandang Vlladimir, na ginagaya ng mga ka-tribo nito nang muli nitong ulitin ang nasimulan kanina. Isang malakas na pagbagsak ng pinto ang nagpahinto sa lahat. Isang direksyon lang ang natingnan nila, ang b****a ng kuweba. Ang tribo sa kabilang ibayo! May hawak ang mga ito na palakol at sa isang iglap, napuno ng mga nakakahindik na sigaw ang loob nito. Tinalunton ni Torck ang daan patungo sa iba pang kasamahan, sa ilalim ng lupa niya natagpuan ang mga ito. Pinamahayan na ng takot ang ilan nang sunod-sunod ang ginawang pag-atake sa kanila. Ang ilan sa kanila ay nagbuwis na ng buhay. Natagpuan niya ang mga kababaihan at kabataan sa ilalim ng lupa. May ginawa silang malaking butas dito para gawing taguan kapag may sumusugod na mga kalaban. Lumalabas lamang sila kapag maghahagilap ng mga ligaw na prutas o hayop na pwede nilang kainin, pawang mga kalalakihan ang gumagawa nito. Nakakalusot din ang hangin dahil sa mga butas na ginawa nila sa ilalim ng lupa para makahinga sila nang maayos. Pinagsiklop niya ang kamay at nilagay ito sa bibig, lumikha ito ng tunog nang hipan niya. Unti-unting naglabasan ang mga ka-tribo niya dahil hudyat ito para sa kanila. Tinuro niya sa mga ito ang daan papunta sa kuweba. "Pinapatawag kayo lahat ng matandang Vlladimir, ang ilan sa inyo...t-tulungan niyo 'ko para makuha ang mga kahoy na kakailanganin natin sa loob. Sumunod kayo sa'kin," sigaw niya sa mga kalalakihan bago tumalikod sa mga ito. Sa gubat sila humantong pero 'di pa man sila nakakalayo, nakaramdam na siya ng panganib nang marinig ang boses ng mga kalalakihan. Mabilis ang pagsenyas ng binata sa mga ka-tribo. Kahit dito sa kagubatan, may ginawa rin silang butas sakaling makaengkwentro muli ang ibang tribo. Walang ingay silang nagsipagtalon sa butas bago ito tinakpan. May mga niyebe sa taas nito kaya hindi mahahalatang nasa ilalim sila ng lupa. Lalong lumapit ang ingay na iyon. Nakaramdam sila ng pangamba nang tuluyang lumagpas ang mga boses ng mga ito. Pangamba para sa ibang kasamahan nila. Sagana ang mga ito sa matutulis na bagay na panggalang kaya wala silang laban oras na gamitin ng mga kalaban ang mga sandata ng mga ito, buhay nila ang mabubuwis. Nagpalipas muna sila ng ilang sandali bago dahan-dahang nagsilabasan sa pinagtataguan. Nang makuha ang mga kahoy na kakailanganin, mabilis na silang bumalik sa kuweba kung nasaan ang mga kasamahan pero isang nakakalunos na tagpo ang bumulaga sa kanila, duguan ang mga ito at ang ilan, wala na itong mga kasuotan. Nanginginig ang mga ito sa lamig kaya napasigaw siya. "Maglagay kayo ng apoy sa harap." Mamamatay ang mga ito sa lamig kung hindi sila kikilos. "T-Torck L-Loin..." Hirap na tawag ng matandang Vlladimir, duguan ito at pinagkakapusan na ng hininga. "Gawin mong muli ang ritwal bago pa man matapos ang gabing ito. "I-ito na ang p-pinakahihintay ko, ang paghahanay ng mundo natin sa araw pero nakatakip ang buwan kaya purong kadiliman t-tayo, pamunuan mo si...s-sila." Nakikita ni Torck ang paghihirap ng matanda kaya wala na siyang sinayang na sandali pa. Muli nilang pinagtulungang buuin ang pabilog na guhit gamit ang nagkalat na batong puti. Ang ilan sa kasamahan nila, wala ng buhay ang mga ito kaya lalong naghihinagpis ang loob niya. Sumisidhi ang pagnanais niyang balikan ang mga kalaban para pagdusahin ang mga ito sa pagkitil sa kanilang mga kasamahan. Hawak kamay silang magka-tribo kasama ang matandang Vlladimir na nanghihina na. Sa loob sila ng bilog na mga bato at nasa gitna ang apoy na nagbibigay ng init sa kanila. Hinayaan na lamang nilang bukas ang kuweba kaya malakas ang pagpasok ng hangin sa loob. "Kapangyarihang itim, 'yon ang aming hiling. Ipagkaloob mo sa amin." Ito ang paulit-ulit na salita ng mga Mondaborians bago sinundan ng malakas na huni ng hangin. Sumabay ang 'di maintindihang salita mula sa matandang Vlladimir. Paulit-ulit habang nakataas ang hawak nitong mga pangil ng hayop. Isa itong alay at orasyon para maisakatuparan nito ang misyon. Hindi pa man natatapos ang ritwal ng mga ito nang malagutan ng hininga ang matanda, bigla na lamang itong bumagsak sa harap ng mga kasamahan. Tumiim ang anyo ni Torck bago siya nakaramdam ng sobrang galit. Umagos ang dugo ng matanda at ang ilang sugatan nilang kasamahan sa pabilog na guhit na kanilang ginawa, humalo ang dugo ng mga ito. Pumalahaw ng iyak ang ilan nang makita pa ang ibang nangisay na lang at tuluyan nang nalagutan ng hininga. May mga sugat ang mga ito at wala silang magawa para isalba ang buhay ng mga ito. "Ituloy niyo ang nasimulan, huwag kayong huminto!" Kahit pa hindi niya alam ito, isa ang naisip niya sa pagkakataong ito. Dugo sa dugo. Gamit ang matulis na pangil ng hayop na kanyang ginawang kuwintas, sinugatan niya ang palapulsuhan para ipatak ito sa kinauupuan niya. "Ito lang ang paraan na alam ko, sundan niyo 'ko." Matagal na itong sinabi sa kanya ng matanda kung papa'no ang pagsasagawa nito pero ito ang unang pagkakataon na susubukin nilang isakatuparan ito. Nakita pa niya ang ilang kasamahan nang sundin ng mga ito ang ginawa niya. Napangiti siya nang mapakla nang magkulay pula na ang kinauupuan nila mula sa pinaghalo-halong dugo nila. Napuno ng boses at panaghoy ang loob ng kuweba nang lalong lumalim ang gabi. Tuluyan nang nilamon ng dilim ang paligid nang mamatay ang siga sa harap ng Mondaborians.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD