That is why, they all conclude that it's very suspicious everything about Tayla.
Napabuntong-hininga si Zach. Hindi niya alam ang gusto ni Tayla at bakit kinamusta siya nito. Hindi na niya hahayaan pa na lokohin pa siya nito.
Siguro ay sabayan ko na lang ang laro ni Tayla...
Biglang tumunog ang cellphone ni Zach. Agad niyang kinuha ang cellphone niya sa lamesa. Umaasa siyang nag-reply na si Tayla. Ngunit, nang buksan niya ang screen ng cellphone niya ay ibang message ang dumating sa kanya. Ang message na natanggap niya ngayon ay galing sa kanyang nobya.
--------------------------------------------
Julia: Bal, busy ka bukas? Samahan mo sana ako mag-shopping.
--------------------------------------------
"Uy, sino 'yan? Ang bilis mo naman kinuha ang cellphone mo," asar sa kanya ni Venus.
Tamad na inilapag ni Zach ang cellphone ay lamesa. "Si Julia... Samahan ko daw siya bukas," sagot naman niya kay Venus.
"May girlfriend ka pala?" asar na naman ni Venus. "Hindi mo re-reply-an?"
Parang nakalimutan nina Rome at Venus na mayroon na nobya si Zach ngayon. Lagi naman nakakalimutan ng mga ito na may nobya si Zach dahil ng alam ng mga ito na walang tumatagal na relasyon dito. Pero himala ngayon at tumagal ang relasyon nila ni Julia. Pero wala pang isang taon silang magkarelasyon--- mga nasa kalahating buwan pa lamang ang kanilang relasyon.
Hindi nagsalita si Zach at kinuha niya ulit ang cellphone niya at ni-reply-an na si Julia.
Minsan ay naisip ni Zach na hiwalayan si Julia, ngunit hindi niya magawa. Actually, magulo siya dahil hindi niya alam kung bakit niya kailangan si Julia sa buhay niya.
Noong una ay nagustuhan niya si Julia. Napamahal na rin naman siya kay Julia. Mabilis ang pangyayari at naging sila agad. Gaya nga lang ang nangyari sa kanila ni Tayla noon na sobrang bilis ng pangyayari. Pero iyong kay Julia ay matapang ito at nakipagkita ito kay Zach. Hindi gaya ni Tayla na sa tingin niya ay may inililihim ito sa kanya. Dahil ito ay tumatanggi sa kanya kapag makikipagkita siya dito.
Pero kahit wala pa sila ni Julia ng isang taon ay nagsasawa na siya dito. Mabilis nawala ang nararamdaman niya sa dalaga. Dahil habang tumatagal ang kanilang pagsasama ay nakikita niya na ang ugali nito. Ultimo ba naman na puro na lang sila shopping. Puro na lang luho ni Julia. Para na nga siyang driver ni Julia sa tuwing kailangan siya nito. Palibhasa ay nasanay si Julia na laging nakasasakyan at hindi marunong ito mag-commute. At dahil si Zach lang ang may sasakyan ay siya rin naman itong may kasalanan kung bakit ito namimihasa sa kanya. Dahil ang hilig niyang pagbigyan si Julia.
"Huy!"
Biglang naalis sa pagkatulala si Zach nang siya ay tawagin ni Venus.
Agad na napatingin si Zach kay Venus. "Bakit?" tanong niya dito.
"Lutang ka na naman." Singit ni Rome. "Problemado, P're?"
"Driver na naman siguro siya. Wala na ba siyang ibang driver?" sarkastikong tanong ni Venus habang ito ay nagsasandok ng kakainin nito.
"Ewan ko doon," walang ganang sagot ni Zach. Napabuntong-hininga siya dahil nawala na talaga ang gana niya kay Julia.
"Parang hindi ka na masaya sa kanya," pag-iiba ni Venus.
Sumingit naman ulit si Rome, "Alam mo, Zach, kung hindi ka na masaya... Hiwalayan mo na."
"Pero kung ikaw ang hiniwalayan nila... Sila pa ang may kasalanan. Sila pa ang sisihin mo at iiyak ka sa amin kung bakit ka hiniwalayan," kontra ni Venus sabay rolyo ng mata nito.
Totoo naman ang sinabi ni Venus sa kanya. Kapag ang babae ang nakipaghiwalay sa kanya ay ito pa ang may kasalanan. Pero siya na hindi na masaya sa relasyon, pero ginusto pa rin na mag-stay sa isang relasyon kahit na pinapakita niya na nanlalamig na siya sa mga nakarelasyon niya. Kaya ang ending ay ang mga nakarelasyon na lang niya ang nakikipaghiwalay dahil hindi nila maintindihan si Zach.
Pride. Masyadong mataas ang pride ni Zach. Kapag gusto niya, gusto niya. Hindi siya makikipaghiwalay; basta ay paaamuhin lang siya. Gusto niya na sinusuyo siya. Para siyang babae na kailangan pang suyuin. Pero dahil sa ginagawa niya ay iniiwan na lang siya dahil hindi na kinayanan ng mga ito ang ugali niya. Ngunit, tanging si Tayla lang ang hindi nang-iwan sa kanya kahit na sobrang taas ng pride niya.
"Hindi ko alam... Gulong-gulo ako," nasabi niya na lang kina Rome at Venus.
***
UMAGA na at malapit na ang uwian ni Tayla, ngunit, nagkaroon ng problema ang kanyang computer. Nagpatulong siya kay James na nasa likod lang niya. Magkatalikuran lang kasi ang kanilang puwesto at madali lang niya na matatawag si James dahil nga ay nasa likuran niya ito.
Lumingon si Tayla kay James sa puwesto nito at nanghingi ng tulong. "James, patulong naman ako dito sa pc ko... Hindi ko makita ang ibang files."
Agad naman lumingon si James sa kanyaat pinuntahan ang puwesto niya. Nagawa naman agad ni James ang ipinapagawa dito.
"Okay na," anito.
"Salamat, James," pagpapasalamat ni Tayla kay James na may ngiti sa kanyang labi.
"Wala iyon," tanging sagot ni James sa kanya.
Nakatingin na si Tayla sa kanyang computer at akmang magtitipa nang maramdaman niya si James na nasa tabi niya pa rin.
Lumingon si Tayla kay James. May pagtataka sa isip niya kung ano ang kailangan ng binata sa kanya. "May kailangan ka ba, James?" malumanay na pagtanong niya sa binata.
"Ano... Hingin ko sana ang number mo?" nahihiyang sabi ni James sa kanya habang himas-himas nito ang batok nito.
Hindi sa nag-o-overthink si Tayla pero alam niya kung bakit hinihingi ni James ang number niya. "Para saan?" patay-malisyang tanong niya.
"Kapag may updates sa office ay ite-text kita," pagdadahilan nito.
"Ah ganoon ba? Sige, wait lang," pagpayag ni Tayla at nagpilas siya ng isang sticky note at isinulat doon ang cellphone number niya. At nang matapos niya nang maisulat ang number niya ay ibinigay niya na ang sticky note kay James.
"Salamat," pasasalamat ni James sa kanya.
Tumango lang si Tayla bilang sagot niya sa binata. Ibinigay niya na lang ang number niya bilang pasasalamat niya na lang sa pagtulong ni James sa kanya. Pero bigla din siyang napaisip na napakababaw naman at no'n, at pwede naman siyang tumanggi kung ayaw niya. Pero wala na at naibigay niya na ang number niya kay James, kaysa naman na ma-offend niya ang tao.
Sumapit ang uwian ni Tayla ay nagpunta na siya sa locker room at kinuha na niya ang kanyang bag pack. Nag-log out na rin siya at pagkatapos ay lumabas na siya ng building. Nagmamadali siyang naglakad upang makasakay agad ng tren. Dahil sa umaga ay maluwag at mabilis ang sakayan, at makakaupo pa siya.
Nang nasa Train Station na si Tayla ay nakasakay na agad siya ng tren. Sobrang nakakapagod at nakakaantok kapag ang trabaho niya ay panggabi. Sa oras din na ito ay lutang siya. Nakatingin lang siya sa labas na nakikita niya na ang pagsikat ng araw. Habang hinihintay niya ang estasyon na pagbababaan niya.
Tumunog ang radyo mula sa loob ng tren. Hudyat na malapit na malapit na siya sa estasyon na pagbababaan niya.
Nang makarating na si Tayla sa estasyon niya ay bumaba na siya ng tren. Lutang lang siyang naglakad papalabas ng tren at pilit na iminumulat ang kanyang mata. Sobrang antok na antok na siya at gusto na niyang umuwi. Pero ang paningin niya ay umiikot na. At nagbabadiya man na anumang oras ay pwede na siyang ma-out of balance sa sobrang antok.
Ang haba pa naman ng lalakarin niya mula sa kanyang susunod na sasakyan. Pero sanay na siya. Kahit sobrang sakit na ng mga paa niya sa kakalakad ay tiniis niya lang. Ginusto niya naman din na magtrabaho para naman ay i-enjoy niya ang sarili niya.
Nang maranasan ni Tayla na magtrabaho ay na-experience niya ang mga ginagawa ng mga ordinaryong tao. Na kahit gaano kahirap at kalayo ng trabaho ay dapat matiyaga at nagsusumikap lang.
Ayaw man ng magulang ni Tayla na magtrabaho siya, ngunit mapilit siya upang magkaroon man lang siya ng experience ng mga ginagawa ng mga ordinaryong tao.
Nakarating na si Tayla sa susunod na sasakyan niya, ang fx. Mas pinili niyang mag-fx upang maka-idlip pa siya. Dahil kung magji-jeep siya ay puro abot ng bayad na lang ang gagawin niya. Nakasakay na siya ng fx. Naupo siya malapit sa may likod ng driver at naghihintay na lang ng iba pang pasahero ang driver upang makaalis na. Tatlong minuto na lang upang papunta sa kanyang tirahan.
Hindi pa umidlip si Tayla dahil mas gusto niyang matulog kapag nasa daan na sila. Maya-maya lang ay biglang nag-vibrate ang kanyang cellphone mula sa bag niya. Agad niyang inilabas ang cellphone niya mula sa loob ng bag niya. Tiningnan niya kung sino ang nag-text, ngunit unregistered number lang iyon pero nagpakilala naman ang nag-text sa kanya.
----------------------------
James: Hi, Tayla! Si James ito. Ang katrabaho mo.
----------------------------
Napabuntong-hininga si Tayla. Nararamdaman niya na may gusto si James sa kanya, ngunit hindi niya ito gusto. Madali lang mahahalata ni Tayla kung may gusto sa kanya ang isang tao.
Si James ay isang single dad. Mas bata ito kay Tayla ng isang taon. May isa itong anak na nasa limang taong gulang pa lang. Ang ina ng anak ni James ay dating katrabaho nila Tayla, ngunit hindi na niya naabutan ang dating nobya ni James sa opisina noon. Hindi kasal si James sa dating nobya nito. Hiniwalayan si James ng dating nobya dahil nakipagrelasyon ito sa ibang katrabaho nila noon kahit na may anak na sila. Samantala, ang bagong karelasyon ng dating nobya ni James ay nailipat sa ibang branch.
Pero dahil single dad si James ay malaya na nitong nagagawa ang gusto nito. Pero hindi naman nito pinapabayaan ang nag-iisang anak nitong babae sa dati nitong nobya.
Walang nararamdaman si Tayla kay James. Hindi naman siya mapili sa lalaki. Basta ay matangkad sa kanya ang lalaki ay okay na. Iyon nga lang ay kailangan niya talagang pumili ng may itsura dahil alam niyang mapintas ang kanyang ina na si Kayla. At isa rin na ayaw ni Tayla sa lalaki ay ang single dad at mas bata sa kanya.
Ni-reply-an niya si James. Tanong lang ng tanong si James sa kanya na alam niya na ang mga tanong nito ay kung saan mapupunta ang pagte-text nilang dalawa. Hindi man siya diretsuhin ni James ay alam niya na doon din ang punta ng usapan nila.
-----------------------------
James: Gusto kita, Tayla. Pwede bang manligaw sa iyo?
-----------------------------
Tayla: Naku, pasensya ka na, James. Hindi pa ko handang pumasok sa isang relasyon.
-----------------------------
Pero ang totoo ay okay lang kay Tayla, ngunit hindi kay James dahil wala talaga siyang nararamdaman dito. At isa pa ay ayaw niya na magkaroon ng relasyon sa kanyang pinagtatrabaho at baka pag-usapan lang sila. Ayaw niyang magkaroon ng problema.
Pero sobrang kulit ni James sa kanya na animo'y hindi nito mapansin ang ibig iparating ni Tayla.
-----------------------------
James: Pwede bang sabay tayong pumasok mamayang gabi?
-----------------------------
Napahimas si Tayla sa kanyang noo. Wala pa siyang pahinga at tulog. Gusto na niyang umidlip sa fx, ngunit, ito siya at napapahaba ang pagte-text nila ni James.
Sa huli ay napagdesisyunan ni Tayla na sabay na silang pumasok mamayang gabi para matapos na ang usapan nila.
Okay, pagbibigyan ko siya. Ngayon lang...
Natigil din sa wakas ang kanilang pagte-text. Puno na rin ang sinasakyan niya na fx na mga pasahero, kaya naman ay pwede na siyang umidlip. Ipinasok niya na ang cellphone niya sa loob ng bag niya. Matapos iyon ay isinandal niya ang kanyang ulo sa bintana at ipinikit niya na ang mata niya. Gising pa naman ang diwa niya, kaya naman ay naramdaman niya ang paagbuhay ng makina ng sasakyan at ang pag-andar nito.
Makalipas ang ilang minuto ay nakarating na si Tayla sa bayan. Bumaba na siya ng fx at mayroon pa siyang pangatlong sasakyan papunta mismo sa kanyang bahay, ang tricycle. Sumakay kaagad siya ng tricycle at agad na sinabi niya ang tirahan niya. At hindi rin nagtagal ay nakarating na nga siya sa bahay niya.
Nakauwi si Tayla sa bahay ng alas otso ng umaga. Walang anu-ano'y dumiretso siya na pumasok siya ng bahay. Nagdiretso lang siya hanggang sa makapasok na siya ng kwarto niya. Hindi na siya nagparamdam sa magulang niya na sa tingin niya ay mga tulog pa ito.
Hindi muna nagpalit ng damit si Tayla. Inilapag lang niya ang kanyang bag sa kama at nahiga muna siya. Ipinikit niya ang kanyang mga mata dahil gusto niyang matulog muna.