CHAPTER 6

1226 Words
“Ava, kain ka na. Ilang araw ka nang hindi kumakain magmula nang ilibing si Vanvan. Baka magkasakit ka niyan,” wika ni Julie, malumanay at may pag-aalala sa tinig. Puno ng awa ang mga mata nitong nakatunghay sa kaibigan. Dahil tatlong buwan pa lang, hindi na pinatagal ang burol ni Vander. Kaagad na inilibing ang sanggol kaya ang ibang kaanak ng kinakasama ni Ava Leigh ay hindi na nakapunta sa burol. Ang mga kamag-anak naman nila ng yumao niyang abuela ay nasa probinsiya kaya hindi din nakapunta. “Julie... H-Hindi ko na alam kung paano pa ako magpapatuloy. Wala na si Vanvan, wala na ang anak ko,” humihikbing saad ni Ava Leigh habang nakahiga sa kama. “Ni hindi man lang namin siya napabinyagan.” Lalo siyang napaiyak. Excited pa man din siya noon na makuha ang maternity benefit niya dahil balak niyang gamitin iyon para sa pagpapabinyag ng kanilang anak. “Magpakatatag ka, Ava. Malulungkot niyan si Vanvan kapag nakita niyang nagkakaganiyan ka,” payo nito sa kaniya. Tatlong araw na magmula ng ihatid sa huling hantungan ang anak niyang si Vander. Walang oras o sandali na hindi niya naaalala ang anak. Pakiramdam niya ay hindi nauubos ang luha niya dahil sa walang tigil na pag-iyak. Hindi siya nakakaramdam ng gutom. Halos hindi rin siya makatulog lalo na sa gabi. Sobrang sakit na din ng s*sô niya dahil puno na na pareho ng gatas. Ayon sa kaniyang biyenan, sumuka at nalunod umano sa gatas ang ikinamatay ng kaniyang anak. Namalayan na lamang daw ni Evan na hindi na humihinga ang sanggol kaya dali-dali itong isinugod sa ospital. Subalit idineklarang dead on arrival ang sanggol. “Ava, bangon ka na. Subuan kita kahit konti lang,” pamimilit pa nito sa kaniya. Kinuha nito ang platong nakapatong sa may maliit na mesa at may lamang kaonting kanin at sinigang. Dahan-dahan siyang bumangon. Pinahid niya ang mga luhang pumatak sa kaniyang pisngi. Mahapdi na ang mga mata niya sa kaiiyak. Kahit hindi niya tingnan, ramdam niyang namamaga na ang mga iyon. “Tingnan mo nga, bumagsak na kaagad ang katawan mo.” Napapailing ito habang pinagmamasdan siya. “Nasaan ba kasi ang asawa mo?” tanong pa nito, may bahid ng iritasyon sa tinig. Magmula nang ilibing si Vanvan, madalas umaalis sa bahay nila si Evan at umuuwing lango sa alak. Hindi siya nito kinakausap. Kung kailan kailangang-kailangan niya ang presensiya nito, saka naman laging wala ang lalaki. “H-Hindi ko alam, lagi siyang umaalis dito tuwing umaga. Tapos kung umuwi naman, gabi na at lasing pa,” malat ang boses na tugon niya. Susubuan na sana siya ni Julie ng pagkain subalit pinigilan niya ito. “Ako na, Julie.” Itinaas niya ang kamay upang kunin dito ang plato. Subalit inilayo iyon ng babae nang mapansin ang panginginig ng mga kamay niya. “Ako na. Mukhang nanghihina ka na.” Malungkot itong napabuntong-hininga. “Umalis ka na lang kaya dito at magpakalayo-layo?” ilang sandali pa’y mungkahi ni Julie sa mahinang tinig. “Mukhang wala naman silang pakialam sa ’yo. Si Evan imbes na samahan ka dito lagi namang wala. Dapat dinadamayan ka niya lalo at kapapanganak mo pa lang, baka mabinat ka. Sa halip na nasa tabi mo siya, ano’ng ginagawa, nagpapakalulong sa alak.” Napailing ang kaniyang kaibigan. Bakas sa mga mata nito na may nais pang sabihin ngunit mas piniling huwag na lang isatinig. Pinagtiyagaan siyang pakainin ni Julie. Kahit napangalahati niya lang ang laman ng plato, kitang-kita niya ang saya sa mukha nito. Hindi sila gaanong close ng dalaga, pero ramdam niya ang sinseridad nito at pag-aalala para sa kaniya. “ANO ba ’yan, anak?” naidilat ni Ava Leigh ang mga mata nang magtaas ng boses si Marcela. “Araw-araw ka na lang naglalasing. ’Yang asawa mo naman, nagpapagutom. Naghahanap ba kayo ng sakit?” anang tinig ng biyenan niyang babae na ang tinutukoy ay sila ni Evan. Hindi niya narinig na nagsalita ang kinakasama. Ilang sandali pa, bumukas ang pinto ng kanilang silid. Pasuray-suray na naglakad ang lalaki palapit sa kama. Kaagad na nakatulog si Evan kahit hindi pa nakakapagpalit dala ng kalasingan. Amoy na amoy niya ang alak mula sa singaw ng katawan nito. Napailing siya bago muling nahiga sa kama. Ngunit kaagad din siyang bumangon nang mapansin na umiilaw ang cellphone na nasa bulsa nito. Dahan-dahan niyang kinuha ang gadget upang hindi magising ang kinakasama. Tiningnan niya kung sino ang tumatawag. Kumunot ang noo niya pagkakita na unknown number ang nasa screen. Sinagot niya ang tawag. Hindi muna siya nagsalita upang mapakinggan ang sasabihin ng taong nasa kabilang linya. Ngunit kagaya niya, nanatili lang din na walang kibo ang taong tumawag kay Evan. Kumunot ang noo niya. Inilayo niya ang cellphone sa tainga upang siguruhing hindi pa napuputol ang tawag. Sampung segundo niyang hinintay na magsalita ang nasa kabilang linya. Subalit nanatili lang itong tahimik hanggang sa mamatay ang tawag ay hindi ito kumino. “Sino kaya ’yon?” may pagtatakang tanong niya sa sarili. Nakasanayan na niyang huwag munang umimik kapag unknown number ang nasa kabilang linya. Hinihintay niya lagi na mauna kung sino man ang tumawag sa kaniya. Inilagay niya ang cellphone ng kinakasama sa maliit na mesa. Ngunit tila may nag-uudyok sa kaniya na tingnan ang social media accounts nito kagaya ng madalas niyang gawin noon magmula ng magsama sila. Pagbukas niya sa blue app, kaagad na kumunot ang noo niya pagkakitang hindi iyon ang account na ginagamit ng lalaki. Iba ang nakalagay na pangalan. Pero ang lalaking nasa larawan ay kilala niya ang damit. Kahit nakatalikod ito, alam niyang si Evan iyon. Bigla siyang nabalisa, hindi niya maipaliwanag ang nararamdaman. Pumunta siya sa messages. Mas lalo siyang kinabahan. Nagtaka din siya nang makita na iisang tao lang ang nakita niyang nakakausap doon ng kinakasama. Maridel Cañete. Basa niya sa pangalan ng babae, mas lalong kumunot ang kaniyang noo. Hindi niya kilala ang babae. Pinindot niya ang nag-iisang conversation na naroroon sa isang account ni Evan na tila nakalimutang i-log out dahil sa kalasingan. Sinimulang basahin ni Ava Leigh ang palitan ng mensahe ng dalawa. “Love, nakarating ka na ba sa inyo?” Unang bumungad sa kaniya. “Ingat ka sa pag-uwi ha? Nag-aalala ako sa ’yo, lasing na lasing ka.” Biglang nanginig at nanlamig ang buong katawan niya sa mga nabasa. Nag-unahang pumatak ang mga luha sa kaniyang pisngi. Nanikip ang kaniyang d*bd*b dahil sa sakit na nararamdaman, halos hindi siya makahinga. Paulit-ulit niyang pinuno ng hangin ang baga, umaasang mababawasan ang bigat na nararamdaman. Hindi niya magawang lakasan ang iyak sa takot na baka magising ang lalaki. Dahil sa pangïngînìg ng kamay at panglalabo ng mga mata, halos hindi na niya mabasa ang ibang pinag-usapan ng dalawa. Pinilit niyang pakalmahin ang sarili. Hinanap niya ang kaniyang cellphone upang kuhaan ng larawan ang conversation nina Evan at ng babae nitong si Maridel Cañete. Maingat siyang lumayo sa kaniyang kinakasama nang makuha niya ang cellphone. Patuloy pa rin siya sa pag-iyak. Hindi pa rin nawawala ang panginginig ng mga kamay niya habang hawak sa magkabilang kamay ang cellphone nilang dalawa. Malabo ang unang kuha niya dahil sa pangïngînìg ng kamay. Kaya ilang ulit muna siyang huminga nang malalim para kumalma bago niya itinuloy ang ginagawa. Hindi na muna niya binasa ang iba pang mensahe sa takot na baka magising kaagad ang lalaki.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD