"She's beautiful!" hindi niya napigilang puri rito. Kakatwa ang kulay ni Hesa. Ngayon lamang niya iyon na-appreciate. May mga bulaklak na kulay pink na parang tatto sa katawan nito. At sa tuktok ng ulo nito ay may kulay gintong korona na para bang sinadyang ipinta roon ngunit hindi.
Nakakatakot naman talaga ang mga ahas lalo na’t makamandag ang kagat ng mga ito ngunit by seeing Hesa, tila ba ibang usapin na iyon. Hesa’s so different from the other snakes that she has ever seen. Hesa’s glowing and looks harmless.
"Yes." Tumango si Emanya.
Nanlalaki ang mga mata niya nang gumapang iyon sa kaniyang balikat. "Na'ko, paniguradong matatakot si Graza kapag nakita ka."
"Sinong Graza?" kyuryos na tanong ni Emanya sa kaniya.
Ngumiti siya rito. "Kapatid ko siya." Nanlalaki ang mga mata niya bigla nang may maalala. "Halah! Na'ko po, muntik ko nang makalimutan. Nasa oval nga pala si Graza." Marahan niyang hinampas ang tuktok ng sarili niyang ulo.
Mabilis niyang ibinigay kay Emanya si Hesa. "Kailangan ko nang umalis, Emanya."
Tumalikod na agad siya at walang likod-lingon na tumakbo paalis.
"T-Teka lang naman, Emrys!" pigil nito sa kaniya.
Lumingon siya ngunit saglit lamang na huminto. "Pasensiya ka na, Emanya. Kailangan ko na talagang umalis!" paalam niya rito sabay kaway.
Binalikan niya sa kaniyang isipan ang dinaanan niya kanina pabalik sa oval at tahimik na tinahak iyon. Hindi niya na lamang pinansin ang mga estudyanteng nagbubulungan sa kaniyang daraanan. Mukhang hindi pa rin tapos ang mga ito tungkol sa kaniya.
Mabuti na lamang at hindi naman siya naligaw. Naabutan niya si Graza na nagwawalis pa rin. Malapit na itong matapos. Awtomatikong nagsalubong ang kilay niya nang makita na pinagtatawanan ito ng ibang mga estudyante.
Para itong nakakatuwang palabas na tinatanaw ng mga estudyante sa oval.
"Nakakatawa naman iyang bagong salta na 'yan. Loser! Balita ko, butler lamang 'yan nung isa pang loser," narinig niyang sambit ng babaeng nasa harapan niya.
Naningkit ang mga mata niya dahil sa narinig. Walang alam ang mga ito na nakikinig lamang siya.
"Iyon bang pangit na Emrys?" pag-usisa ng isa sa mga ito.
"Ang bobobo nga eh! Nagpauto sila kay Kiko! Nakakaloka! Anong silbi ng ibinabayad natin sa paaralang ito kung walang janitor? Hahaha!" dugtong pa ng isa.
"Yeah. Ignorante!"
Nagpanting ang tainga niya at awtomatiko niyang ikinuyom ang kaniyang mga kamao.
Hindi siya makapaniwala sa nalaman. To think na hanggang ngayon ay naglilinis pa rin si Graza. Mabibigat ang yabang na naglakad siya palapit kay Graza na matiyagang nagwawalis sa kalagitnaan ng mainit na sikat ng araw.
"This is your fault!" hindi niya napigilang sambitin sa sarili habang pinagmamasdan ang kawawang kapatid. Sinisisi niya ang sarili. "Puro ka pa kasi pagkain!" patuloy niyang bulong sa sarili sa mariing boses.
Malapit na siya nang tapunan siya nito ng tingin. "Oh." Nagtataka ito pagkakita sa kaniya. "Nahanap mo ba ang canteen?" tanong nito.
Hindi agad siya nakaimik. Alam niyang tahimik lamang ito ngunit kanina pa ito naiilang sa titig ng mga estudyante rito.
Dinampot niya ang kaniyang walis at ibinuhos doon ang galit. Tumango siya rito at tumalikod. "Huli na, nagkanda ligaw -ligaw pa kasi ako."
Lumapit si Graza sa kaniya at hinarap siya. "So, hindi ka pa kumakain?" gulat na tanong nito.
Sinalubong niya ang tingin nito at ngumiti. "Sabay na lamang tayo mamaya. Tinamad na talaga ako." Nagawa niya na lamang magpalusot rito at magkibit-balikat.
Lihim niyang ipinagdasal na sana'y hindi makarating rito ang nangyari sa canteen at ang pagkaguidance niya kanina.
Bumalik ito sa puwesto nito at nagpatuloy sa pagwawalis. Isinako nila ang mga dahon na nawalis nila sa gitna ng oval. Halos isang sako rin iyon.
"Ako na ang magtatapon nito, Graza," sambit niya rito nang pabalik na sila sa klasrum.
Tinapunan siya nito ng sulyap. "Are you sure?" Parang nag-aalinlangan ito.
Tumango siya rito.
"Alam mo kung saan itatapon?" naninigurong tanong nito.
Muli siyang tumango rito saka inabot ang kaniyang walis tingting. "Hintayin kita rito sa baba. Magmeryenda muna tayo at one hour vacant natin ngayon."
"Sige, hintayin mo na lamang ako kung dito kung mauuna ka."
Nakangisi siyang dumiretso sa gilid ng building kung nasaan ang kanilang klasrum habang bitbit ang isang sako na puno ng basura. Inis na binitiwan niya ang sako at nanggigigil na tinadyakan iyon.
Muli niya iyong binitbit. "Nagkakamali kayo ng binangga," makahulugang bulong niya sa habang papalapit sa likod ng building.
Maaari siyang maliitin ng mga ito ngunit mali na idamay ng mga ito si Graza. Napakabait ng kapatid niya. Wala siyang pakialam kung pangit siya sa paningin ng iba dahil higit na kilala niya ang kaniyang sarili.
Ang ginawa ng mga ito ngayon na biro sa kanila ay isang malaking kalokohan. Sabagay ay naniniwala siyang hindi lang naman iisa ang araw.
“You’re doing that again,” hindi nakapagtimping puna sa kaniya ni Graza habang nginunguya nito ang spaghetti na nakapasak sa loob ng bibig.
Nakangiti niya lamang iyon na ipinagkibit-balikat. Kumuha muli siya ng isang french fries at isinawsaw iyon sa sauce ng kaniyang carbonara. “Bakit ba? Masarap kaya.” Nang-aasar niyang inilapit sa bibig nito ang French fries na may sauce ng carbonara.
Natatawa itong nag-iwas ng tingin. “Emrys Arison!” seryosong banta nito na ikinatigil niya.
“Fine!” sumusukong sambit niya sabay taas ng kaniyang mga kamay at sandig sa likod ng kaniyang upuan. “No more playing.”
Itinutok niya na lamang ang buong atensyon sa sarili niyang pagkain na ayon sa kapatid ay parte ng kawerduhan niya.
Ngunit pagkalipas ng ilang sandal ay hindi rin ito nakapagtiis at nagsalita.
“Naninibago ako sa ingay. Ikaw ba?” Saglit niya itong tinapunan ng sulyap. Nahuli niya itong nakatingin sa dako ng mahabang pila.
Maingay talaga sa paligid. Tunay na nakakapanibago. Rito sa panibagong lugar na kanilang ginagalawan, mayroong walang hanggan na daldalan at tawanan.
Tumangu-tango siya. “In-expect ko naman na kaso gaya nga ng sabi mo… Nakakapanibago talaga.” Tunay ang itinuran nito. Kung ikukumpara sa araw-araw nilang pagkakulong noon sa loob ng mansyon.
Bahagya siyang naalarma nang may marinig na pamilyar na boses mula sa kaniyang bandang likuran.
“Until now, I can’t accept the fact that I asked for that ugly girl’s forgiveness!”
Napalunok siya nang malapot at awtomatikong nabura ang ngiti sa kaniyang mga labi. Si Galena. Malakas ang kutob niyang boses iyon ng malditang babae.
Kagat-labi siyang umusal nang taimtim na panalangin sa loob ng kaniyang isipan na sana’y mali lamang siya talaga ng hinala. Ayaw niyang magtagpo ang landas nilang dalawa ngayon ng atribidang babae sa mismong harapan ng kapatid. Mahirap na kapag nag-alala ito.
“Siguraduhin mo, Emrys, ha?”
Napakurap siya. Muntik niya nang makalimutan. Nagsasalita nga pala ang kapatid. “A-Ano na nga ulit ang sinabi mo, Graza?”
Inismiran siya nito. ‘Kako, bukas, kailangan nating gumising nang maaga para naman hindi na tayo ma-late pang muli.”
Napakamot siya sa kaniyang ulo saka nakangising tumango rito.
“Wait lang, Graza. Magsi-cr muna ako,” paalam niya rito.
"Alam mo ba kung saan ang banyo?" nakakunot ang noong tanong ng kapatid sa kaniya.
"A-Alam ko," mabilis niyang sagot rito sabay tayo. Natampal niya ang sariling noo sa loob ng kaniyang imahinasyon. Hindi niya gustong magsinungaling ngunit ayaw niya rin naman na mag-alala si Graza sa kaniya at mapaaway ito. Kilala niya ang kapatid.
Matagal siya nitong tinitigan bago nagkibit-balikat sa huli. "Bilisan mo, Emrys," mahigpit na bilin nito sa kaniya.
Tumango lamang siya at diretso ang tingin na naglakad palabas ng canteen.
Saka lamang siya nakahinga nang maluwag nang makalabas na siya. Mabuti na lamang at hindi siya napansin ni Galena.
Tinahak niya na ang daan pabalik ng kanilang klasrum. Ayaw niya nang bumalik doon. Magdadahilan na lamang siya mamaya kay Graza. Imposibleng hindi siya nito hahanapin sa klasrum kapag wala siya sa banyo.
Tatlo pa lamang sa mga kaklase niya ang nasa loob ng klasrum nang makabalik siya. Ni hindi man lang siya tinapunan ng sulyap ng mga ito na nagustuhan niya naman.
"Excuse me, classmate," marahang tawag niya sa isa na nakaupo sa bandang harapan.
Naging malikot ang mga mata nito pagkakita sa kaniya. "Y-Yes?" Halatang kabado ito. Ipinagkbit-balikat na lamang niya iyon.
"Itatanong ko lamang sana, classmate, kung saan may bakanteng upuan," nakangiti niyang sambit rito.
Inilibot nito ang tingin at nag-isip. "Diyan sa tatlong upuan sa dulo," turo nito sa harapan. Iniling nito ang ulo bago nagpatuloy sa pagsasalita, "bakante naman lahat ng mga 'yan."
Tumango siya rito. "Thank you, ha?"
"Walang anuman," matipid na sagot nito.
Naglakad siya patungo sa upuan na tinutukoy nito. Naupo siya pangalawang upuan bago ang dulo. Agad niyang inilabas ang mga librong baon niya. Ang misteryosong si Ka Habol ang may akda niyon.
Tungkol ito sa pagmamahalan ng kapwa nila Asong Lobo na nagkagusto sa isang mortal na tao. Hindi niya na namalayan ang oras at dumarami na palang muli ang mga kaklase nila sa loob ng klasrum.
Pagkatapos ng ilang minuto ay tuluyan niya nang narinig ang boses ni Graza. Hingal na hingal ito.
"Emrys!"
Nanlalaki ang mga mata na ibinaba niya ang librong ibinabasa at tumayo.
"Ang tagal kitang hinintay sa cafeteria. Hinanap na rin kita sa banyo. Tapos..." Tinapunan nito ng sulyap ang binabasa niyang libro at naitumpal ang palad sa sariling noo. "Nandito ka na pala."
Agad siyang na-guilty sa tono ng boses nito. "S-Sumakit kasi ang tiyan ko, Graza..." Humawak siya sa kaniyang tiyan at umakto.
Isang matamang tingin ang iniukol nito sa kaniya. Tila ba tinatantiya sa ngunit sa huli ay bahagya na lamang ikiniling ang ulo. "Ewan ko kung anong nangyayari sa'yo, Emrys. Kanina pa ako nawewerduhan sa mga ikinikilos mo," mariing sambit nito. Ibinaba nito sa ibabaw ng desk ang bibit nitong snacks. Mga paborito niya iyon.
Mas lalo tuloy siyang na-guilty sa kapatid. "G-Graza," Nag-aalalang sambit niya sa pangalan nito.
"We'll talk about it later," bilin nito sa kaniya.
Wala siyang nagawa kundi tumango rito. Kapag nagseryoso na ito at siya ang may kasalanan, hindi na siya nagpupumilit pa.
Kagat-labi siyang lumabas ng kaniyang inuupuan at umatras upang bigyan ng espasyo si Graza roon na maupo. "Bakante riyan," sambit niya sa kapatid sabay upo sa upuan na nasa pinakadulong puwesto.
Naupo na rin ito at seryosong inilapag ang bag sa likod.
Isang malakas na tili kasabay ng pagbagsak ng mga libro sa sahig ang umagaw ng kanilang atensyon.
Nag-angat siya ng tingin sa estudyanteng tumili. Nagkalat sa sahig ang mga bitbit nitong libro at snacks. Nabasa ang iyon ng tumalsik nitong liquid juice.
Napamaang siya sapagkat nandidilat ang mga mata ng babae sa kaniyang kinaroroonan.
"Hala ka!" nangangalaiting turo nito sa kaniya. “Bakit diyan ka naupo?!”