“LARA! God…Lara!” boses ni Miguel kasunod ang naramdaman niyang yakap. Disoriented pa, dumilat si Lara—nakita niya ang sarili sa itaas na yakap ni Miguel.
Ang ceiling mirror…
“M-Mig?”
“Yeah,” bulong nito, mas niyakap siya. “You’re awake, thank God! You’re safe, Lara. Nagising ka. Hindi ka niya nakuha.”
Tulala lang si Lara nang mahabang segundo. Nakatitig siya sa repleksiyon ng kanyang mga mata sa salamin. Nasa mga mata niya na hindi siya ganap na panatag.
Gising na nga siya—sa ngayon. Paano ang mga susunod na gabi? Nagising siya gaya noong una niyang bangungot.
Pero ligtas na nga ba siya?
Three years later...
BUMAON sa gitna ng dartboard ang patalim na ibinato ni Lara. Umangat ang isang kilay niya bago ngumiti. Bumaon ang patalim sa mismong target na hindi iilang beses niyang na-miss. Nagbunga rin ang ilang taong pagpupursige niya na matutuhan ang tama at epektibong pagbato—na hindi siya magmimintis.
Lumapit si Lara sa dartboard na nakasabit sa likod ng pinto at binunot ang patalim. Pagkatapos ay bumalik siya sa kinatatayuan kanina sa tabi ng kama. Matamang tumitig siya sa target…
One more, Lara, sabi niya sa sarili, gustong makasiguro na hindi tsamba lang ang nagawa niya kanina. Itinaas ng dalaga ang kamay, humigpit ang pagkakahawak sa patalim para ibato—biglang bumukas ang pinto at sumilip si Miguel.
Napamura si Lara. “Mig!” at napahawak sa dibdib. Segundo lang! Kung napakawalan niya ang patalim, mukha sana ng kaibigan ang tinamaan! “Baliw ka!” singhal ni Lara. “Ako pa talaga ang gagawin mong killer!” at pabagsak na naupo sa kama. “Kumatok ka, Mig, for goodness sake!” At inihagis niya sa wooden box ang hawak na patalim. “Seconds lang, o! Sa mukha mo na sana bumaon ang favorite knife ko!”
Ngumisi si Miguel. “Sorry,” at kinabig pasara ang pinto. Pagkasara, kumatok ang loko kasunod ang pagbukas ng pinto. Sumilip ang nakangising mukha nito. “Okay na?”
Naningkit ang mga mata ni Lara, dinampot ang unan sa tabi at marahas na ibinato iyon sa lalaki. Sinalo lang ni Miguel ang unan, ibinato rin pabalik sa kanya.
“Bakit kasi sa kasagsagan ka ng dilim nagri-ritwal sa mga knives na ‘yan?” Pumasok na si Miguel. Gaya niya, mukhang hindi pa inaantok. Walang bakas sa anyo nito na naidlip na o bumangon lang galing sa sariling kama. “Para kang witch.” Dagdag pa nito, umupo sa tabi niya at huminto sa box sa ibaba ng kama ang tingin. Naroon ang collection niya ng iba’t ibang klase ng patalim, mula sa pinakamaliit hanggang pinakamahaba, pinakaluma hanggang pinakabago. “Ilipat mo sa wall ang dartboard, Lara. Ako’ng mapapatay mo niyan ‘pag nagkataon—”
“Mukha mo na talaga ang gagawin kong target next time!”
Bumaling sa kanya si Miguel. Ngumisi agad nang magtama ang mga mata nila. “Hindi mo kaya,” sabi nito. Kumuha ng isang patalim sa box niya. “‘Takot mo lang na mawala ako sa buhay mo!” Nakangisi ito, dumampot ng patalim at ibinato iyon sa dartboard.
Napailing na lang si Lara. Wala siyang balak sumalungat sa sinabi nito. Tama naman kasi si Miguel. Dalawang bagay lang ang kinatatakutan siya. Una, ang mawala ito at maiwan siyang mag-isa.
Si Miguel na ang naging kapamilya ni Lara. Nasa high school pa lang siya nang maulila siya sa mga magulang. Mula noon, namuhay na siyang mag-isa. Ang bunsong kapatid ng Papa Leo niya, napilitan lang na mag-stay sa bahay nila bilang guardian niya. Pagdating niya ng eighteen, siningil pa siya sa ‘serbisyo’ raw nito. Iniwan na siya para sumama sa foreigner na nakilala online. Wala na siyang nabalitaan pagkatapos.
Mula eighteen, working student na si Lara. May nakuha siya sa insurance ng parents at mapag-aaral naman niya ang sarili pero pinili niyang isabay ang trabaho sa pag-aaral. Gusto niyang maranasan nang maaga na hindi madali ang buhay. Motivation niya ang pagod sa araw araw para mas maging matatag. Paulit-ulit niyang sinasabi sa sarili na mag-isa na lang siya kaya dapat siyang maging malakas at matatag. Wala siyang ibang aasahan kundi ang sarili. Hinarap ni Lara ang challenges at hardhips na inilatag sa kanya ng mundo. At si Miguel ang nakasama niya ng mga panahong iyon.
Unang taon niya sa kolehiyo nang makilala ni Lara si Miguel. Magkaklase sila. May kung ano kay Miguel na humatak sa kanya. Una pa lang, magaan na ang loob niya sa lalaki. Kung naniniwala siya sa soulmates, maiisip niyang soulmates sila na magkaibigan na sa past lives nila pareho. Hindi nga lang naniniwala si Lara sa soulmates. Ang naisip niya, destined talaga ang friendship nila. Sa first day of class pa lang, inseparable na agad sila. Ang first day, naging weeks, months and years. Pakiramdam nga ni Lara, hindi na lang sila mag-best friends—parang magkapamilya na. Marami na rin silang pagsubok na pinagdaan na magkasama. Ang pinaka-unforgettable, ang bangungot na muntik nang pumatay sa kanya three years ago.
Iyon ang ikalawang kinatatakutan ni Lara—ang maulit ang karanasang iyon na hanggang ngayon ay hindi pa rin mawala-wala sa sistema niya.
Tatlong taon na ang lumipas pero maisip lang ni Lara ang ancestral house, tumatayo na agad ang mga balahibo niya.
Three years na…
Nasa iisang bahay pa rin sila ni Miguel—sa condo unit nito kung saan tig-isa sila ng kuwarto—pero marami nang nagbago sa mga buhay nila. Si Miguel ay scriptwriter na at travel blogger. Si Lara naman, contract writer na sa publishing house kung saan ay freelance writer siya dati. Horror pa rin ang main genre niya. Gaya ni Miguel, may blog rin siya—foods naman ang focus.
Three years na pero hindi pa rin talaga tahimik si Lara. Maraming pagkakataon noon na kinatatakutan niya na ang pagtulog. Pakiramdam ng dalaga, bilang na ang mga araw niya kaya pinilit na palakasin ang sarili. Hindi niya gustong magpadala na lang sa takot. Pumasok siya sa martial arts classes. Sa isip ni Lara, kahit basic self defense lang, kailangang matutunan niya. Sa kickboxing siya mas nagtagal. Sa gym siya parating nagdede-stress. At sa mga pagkakataong nilalabanan niya ang antok, ang pagbato ng patalim ang naging exercise niya. Alam ng dalaga na walang kasiguruhan ang kaligtasan niya. Mas pinili niyang maghanda sa sariling paraan.
“On the way na sina Sophie,” boses ni Miguel na nagpabalik sa isip ni Lara sa kasalukuyan.
Sina Sofia, Annie, at Lenna ay mga college friends nila. Ang farewell party na dapat last week pa, hindi natuloy. Kanina lang biglang tumawag si Lenna at sinabing ituloy na na nila ng walang plano ang ‘party’ sa condo o hindi na talaga matutuloy. Agad pumayag si Lara. Ang lakad naman talagang pinaplano nila, laging nagkaka-aberya.
Nagkasabay-sabay ang pag-alis ng tatlo kaya nag-set sila ng house party para magkita-kita man lang bago maghiwa-hiwalay. Alam ni Lara na matatagalan bago mabuo ulit silang lima. Si Sofia ay lilipat na sa Zamboanga for good para pamahalaan ang farm ng pamilya. Si Annie ay sa Cebu, naka-set na ang kasal nito sa five years boyfriend na si Dex. Si Lenna ay sa China naman ang destinasyon, susubukan daw mamuhay kasama ang Chinese na ama.
“Tayo na lang ang maiiwan, Mig,” si Lara kay Miguel. Nakaupo pa rin sila pareho sa kama niya.
“Yeah,” sang-ayon nito. “‘Wag ka na lang mag-asawa,” ang idinugtong nito, napabaling tuloy siya sa kaibigan. “Mawawalan ako ng karamay sa pagpupuyat at paghahabol ng deadline,” ngisi nito. “May satisfaction pa rin talaga ‘pag alam kong mas mabagal ka magsulat kaysa sa akin.”
Natawa na lang si Lara.
“Sa paghahabol pa nga lang ng deadlines, stress na, ano pa kung may boyfriend akong sakit ng ulo? Lalo kong mami-miss ang deadline!”
“Kawawang babae,” si Miguel na umiling-iling pa. “Wala nang social life, wala pang love life.”
“Ikaw ba, meron?”
“May date ako!”
“May date rin naman ako, ah. ‘Yong personal trainor kong macho—”
“He’s gay!” Saka tumawa nang tumawa si Miguel. Napamaang naman si Lara. Kilalang-kilala niya ang loko. Ganoon na ganoon ang tawa nito kapag naisahan siya. “Hindi mo pa rin na-confirm?”
“Gay?!” sigurado si Lara na pati mata niya ay nanlaki na. “Ang macho kaya—”
“Ako’ng nag-recommend sa kanya, tama?” ngising-unggoy na ang loko. Masama na talaga ang kutob ni Lara.
“Ikaw nga…”
“Ni-recommend siya ng isa kong kaibigan. Sabi ko kasi, gusto ko, ‘yong ‘di halata pero alam na—aray!” hinampas niya sa balikat si Miguel. “Hindi mo naman sinabing maghahanap ka pala ng lalaki sa gym, ah!” katwiran pa nito. Nakaalis na agad sa kama niya. “Nag-base ako sa kakayahan no’ng tao—”
“Umayos ka!” banta ni Lara, kinuha ang unan. “Sinadya mo ‘yon, ‘no?” Napeke siya ni Roru. Wala ni katiting na clue ang pagiging gay.
Humalakhak si Miguel, umatras palayo nang dalawang hakbang.
“Naniguro lang ako!” tawa pa nito. “Hindi ako magwo-worry na mate-take advantage ka sa session n’yo,” biglang lumambot ang baywang nito, pumitik ang mga daliri. “Ako kasi ang bet niyang i-take advantage,” at malanding ngumiti.
Hindi nakayanan ni Lara. Nakangiwing sumubsob siya sa unan na hawak.
Naramdaman niya ang pag-upo ni Miguel sa tabi niya. “Uy! OA ka naman, friend! ‘Di mo ba bet na maging kami no’ng macho?” Ang landi ng pagkakatanong nito, bading na bading ang boses.
Biglang nag-angat ng mukha si Lara. Nag-beautiful eyes ang siraulong Miguel. Natawang hinampas niya ito ng unan. “Get out!”
“Ang harsh nito, ‘di naman maganda!” balik nito na kumendeng-kendeng na naglakad papunta sa pintuan.
Hawak na ni Miguel ang door knob nang tawagin niya sa seryosong tono na.
“Mig?”
“Yes?” parang na-deform lang ang buto nito, nakausli sa kanan ang baywang.
“Seryoso? Gay si Roru?”
“May boyfriend siyang young model, loka!” sagot nito sa gay voice pa rin.
“Wala kaming future?” nag-fake siya ng sad look. “May attraction na sana akong na-feel, eh…” sinadya niyang ibagsak ang mga balikat. “Ang seldom kong ma-attract sa opposite s*x ‘di ba?”
Umayos bigla ang ‘na-deform’ nitong katawan. Nawala na rin ang malanding ngiti at tingin.
“‘Wag siya, Lara,” seryoso nang sabi nito. “Masasaktan ka lang.”
“Totoong may boyfriend ‘yon?”
Tumango si Miguel. Tinitigan siya nang ilang segundo bago huminga nang malalim. Bumalik ang lalaki sa tabi niya. “Seryoso ka?” tanong ni Miguel. “Gusto mo siya?”
Tumingin din si Lara sa mga mata nito. Sa isip ay tumatawa na. To the rescue talaga lagi si Miguel sa kahit anong sitwasyon na alam nitong posible siyang masaktan.
“Oo eh,” si Lara sa malungkot na tono. “Pero mas gusto kita,” sabay ‘nag-beautiful’ eyes din siya. “Pakasal na lang tayo, like mo?”
Napaubo si Miguel. Parang napasong biglang lumayo sa kanya—nakanganga. Ang lakas ng halakhak ni Lara.
Hindi na nagulat ang dalaga nang dinampot nito ang unan at siya naman ang hinampas.
Tawa pa rin siya nang tawa nang walang paalam na lumabas ng kuwarto si Miguel—speechless, nakangiwi na parang diring-diri sa kanya.