Four

1646 Words
      NAPAPIKIT si Lara. Napasandal sa backrest. Obvious ang paghinga niya nang malalim.       “Hindi rin naman kasi naging unfair sa kanila ng ama niya ang mundo, Mig.” hindi alam ni Lara kung saan nanggaling iyon. Kung bakit ang isang bahagi niya ay parang gustong makisimpatiya kay Dante. Siya na ang minarkahan ng death mark at kamuntik nang mamatay sa bangungot, nakuha pa niyang isipin ang naging sitwasyon ni Dante noon. Hindi na yata talaga tama ang tinatakbo ng utak niya dahil sa karanasan kanina lang.       “Ang ancestor ko,” sabi ni Miguel. “Alam kong kasalanan ng great great grandmother ko pero hindi tamang pati mga inosenteng walang kinalaman sa pamilya namin, sinisingil ni Dante.”       “A-ano’ng gagawin ko, Mig?”       Huminga rin ito nang malalim. “Wala tayong choice kundi lumaban. Sa bangungot siya naniningil, do’n ka rin dapat lumaban. Too bad, wala na tayong oras para kumuha ng paranormal expert na makakatulong sa atin. Wala ka bang na-research dati para sa novels mo na mga ganitong problema ng characters?”       “Sa tingin mo, makakapag-isip pa ako ngayon?” balik niya, wala nang energy at nakasandal na lang sa backrest. “Ang gulo na ng utak ko!”       “Ang isip mo na lang ang huling pag-asa natin kaya kailangan mo ng focus, Lara. Hindi kita kayang samahan sa panaginip mo. Ikaw lang ang nasa kontrol ni Dante. Makatulog man ako, hindi ko magagawang pumasok sa panaginip mo. Experts lang ang may kakayahang gumawa no’n.”       “M-muntik na niya akong mapatay kanina...” Naging misty na ang mga mata ni Lara. Buhay na buhay sa isip niya ang eksena. Nag-eecho ang boses, kung paano tinawag ng boses lalaki ang pangalan niya. At ang anino…ang tunog ng tawa, ang boses nito na sinabing taglay na niya ang marka.       Pinilit ni Lara na itago kay Miguel ang pumatak nang mga luha. Bumaling siya sa labas, pasimpleng pinadaanan ng palad ang mukha para tuyuin ang luha.       Narinirinig niya ang paulit-ulit na paghinga nang malalim ni Miguel. Ilang minuto pa, iniliko nito kotse sa isang motel. “Hindi natin kayang tumuloy sa Manila. Two hours pa halos ang biyahe. Dito na lang tayo matulog. Nag-aalala ako. Baka makatulog ka na lang sa biyahe.” Binuksan nito ang pinto at lumabas. Binuksan ang pinto sa side niya at inalalayan siyang lumabas. Hindi agad sila tumuloy sa motel. Sumandal sila pareho sa tagiliran ng kotse.       Huminga nang malalim si Lara. “Ang cheap mo, ah,” basag niya sa katahimikan. Gusto niyang pagaanin ang sitwasyon. “Sa motel mo talaga ako dinala?” nakatingin siya sa front view ng motel.       “‘Wag mo akong paandaran, Lara,” sabi ni Miguel sa pantay na tono. “Ang sama ng pakiramdam ko ngayon.”       “Hindi ko gusto ang amoy ng room—”       “Ano ba’ng amoy?”       “‘Di ma-explain. Zonrox at s*x?”       “Na-analyze mo talaga ang amoy? Lagi ka ba sa motel?”       “Baliw! Nabasa ko lang somewhere—”       “Saang somewhere ‘yan? Forum ng p**n—”       “Hindi ‘no!” agaw niya agad. “Comment sa blog. May nire-research ako no’n tungkol sa cheapest motels. Naghahanap kasi ako ng perfect setting para sa isang story ko na serial killer ang antagonist at sa cheap na motel pumapatay.”       “Mas pabor sa atin ‘yang combination ng zonrox at s*x na amoy.”       “Bakit mas pabor?”               “Hindi ka makakatulog.”       Sa pagbanggit ni Miguel sa pagtulog, hindi na umimik si Lara. Nagbalik na naman sa isip ang sitwasyon na iniiwasan niyang mas isipin pa.   ISANG oras na siguro ang lumipas na pareho silang nakahiga sa kama at tahimik na nakatitig sa mga repleksiyon nila sa ceiling mirror. Si Miguel, nakikita ni Lara sa mukha na nag-aalala. Tahimik lang ang kaibigan pero ang higpit ng hawak sa kamay niya. Sa kabilang kamay, hawak niya ang licensed gun na nasa kotse lang nito, dinadala kapag may malalayo silang biyahe. Nagbaba-sakali lang sila na madala niya sa panaginip pati ang baril. Naalala ni Lara na nasa panaginip rin niya ang wooden chair kung saan siya nakaupo.       “‘Yong sinabi ko kanina Lara,” si Miguel sa kanya. “Ang isip mo na lang ang pag-asa natin. Nananaginip ka lang at magagawa mong gumising kung nanaisin mo—kailangan mong isipin ‘yan.” Mahinang dagdag nito, nakatingin sa repleksiyon niya sa salamin. “Ang pagkakaiba mo sa mga naunang biktima ni Dante, aware ka na sa nangyayari. Hindi ka na niya magugulat. Second, pinasok na niya ang panaginip mo pero nagsing ka. Third, mag-isa silang nakatulog noon, ngayon, kasama mo ako. I’ll hold your hand,” hinigpitan nito ang hawak sa kamay niya. “Hanggang magising ka. Tandaan mo, Lara, no matter what happens, gigising ka, okay? Kailangan mong gumising.”       “I-I’m scared…”       “I know, Lara. I know…” Nang yakapin siya ni Miguel, napaiyak na si Lara. Ang emosyon na kanina pa niya pinipigilan, umalpas lahat. Nabasa niya ng luha ang dibdib ni Miguel.       Ang habang katahimikan na ang sumunod. Pareho sila ni Miguel na hindi tuminag. Yakap pa rin siya ni Miguel hanggang naramdaman ni Lara na inaantok na siya.       “Inaantok na ako, Mig…”       “Gigising ka, Lara. Promise me.”       “Okay…”       “Promise me,” mas mariin na sabi ni Miguel.       “Promise…”       Ang paghigpit ng yakap ni Miguel ang huling naramdaman ni Lara bago siya nakatulog. “LARA...”       Parang nag-echo sa hangin ang pamilyar na boses-lalaking iyon.       Nagmulat ng mga mata si Lara. Natagpuan niya ang sariling nakatitig sa sariling repleksiyon sa salamin sa itaas. Nakahiga siya sa kama.       Nasaan siya? At nasaan si Miguel?       Bumalikwas siya ng bangon. May hawak siyang baril sa isang kamay!       Nanalangin si Lara sa isip. Tanda niyang magkasama sila ni Miguel sa iisang kama. Bakit mag-isa na lang siya?       Mariin siyang pumikit. Pinilit paganahin ang utak. Ang kilabot na gumapang sa katawan at nagpatayo ng mga balahibo niya ang naging clue ni Lara. Naging malinaw sa isip niya ang sitwasyon.       This is just your dream, Lara. You need to wake up soon.       Narinig na naman niya ang boses ng lalaki. Pamilyar.  Kasunod ng boses, unti-unting nagdilim ang paligid. Makapanindig-balahibong pagtawa na naman ang narinig ni Lara.       “Magpakita ka, Dante!” hiyaw niya. “Lumaban ka ng patas! ‘Wag kang magtago sa dilim! Harapin mo ako sa liwanag, duwag!”       Katahimikan ang sumagot kay Lara. Mayamaya, may liwanag na unti-unting tumanglaw sa kuwarto, hindi niya alam kung saan galing. Sapat lang ang liwanag para maaninag niya ang lugar—wala na siya sa kuwartong may ceiling mirror.       Ang lugar sa una niyang bangungot…       Ang sumunod na naaninag ni Lara ay isang aninong nakatayo ilang metro ang layo sa kanya.       “Dante...” nasambit ni Lara. Pinilit niyang pigilan ang pangingig ng kamay. Hindi iyon ang unang beses na nakahawak siya ng baril kaya alam ni Lara kung paano iputok nang tama ang armas. Itinutok niya ang baril sa anino. “Hindi mo ako basta makukuha!” Sigaw niya sa anino. “Masaya ka ba sa ginagawa mo, ha? Maraming buhay na ang kinuha mo, bakit ayaw mo pa ring tumigil—”       “Pinatay niya ang ama ko!” ganting sigaw ng boses, bakas ang galit sa tono at diin ng mga salita.       “Patay na ang babaeng sinasabi mo! Mga inosente na ang sinisingil mo at hindi tama iyon! Wala kaming kinalaman sa pagkamatay ng ama mo!”          Nakabibinging katahimikan ang sumunod. Nakikita pa rin ni Lara ang anino, hindi tumitinag sa puwesto nito.       Pero mayamaya, kumilos ang anino—marahang humakbang sa parte ng kuwarto na may liwanag. Napaatras si Lara. Malinaw na naaninag niya ang itim na suot ng lalaki—punit punit na pantalon at jacket. Mahaba ang magulong buhok nito, hanggang balikat. Hindi alam ni Lara kung sa pawis o sa tubig basa. Hindi gaanong malinaw ang mukha pero nakatutok ang liwanag sa bandang leeg nito kaya kitang-kita ni Lara ang laslas na naroon, na inaagusan pa ng dugo!       Napasinghap ang dalaga kasunod ang pagtatakip sa ilong at bibig. Sinakop nang masamang amoy ang paligid. Parang malansa at masangsang—nakakasuka!       Humalakhak ang kaharap niya. Malakas at may hatid talagang kilabot. Nagsimula itong lumapit sa kanya. Paisa-isa na ring umatras si Lara. Bawat hakbang nito palapit, tinatapan niya ng isang hakbang paatras. Huminto ang lalaki at tinitigan siya, ilang segundo bago malademonyong ngumisi. “Dalawang marka ang mag-uugnay sa ating dalawa, Lara—”       Ipinutok ni Lara ang baril hindi pa nito natapos ang sinasabi. Parang walang anuman na tinanggap nito ang bala. Medyo nag-sway ang katawan sa impact pero nanatili ang matatag na tindig. Humalakhak lang ang lalaki.       “Magdiwang ka, Lara,” ang sinabi nito.  “Na hindi mo taglay ang aking huling marka…” Panganib ang ibinabadya ng mababang boses nito, ng nakakapanginig na ngisi, at matalim na mga mata. “Ang pinakamakamandag sa lahat!”       “Kaya hindi mo ako mapapatay!” ganting sigaw ni Lara at magkasunod na ipinutok ang baril. Bumaon sa dibdib ng lalaki ang bala pero gaya kanina, tinanggap lang nito ang impact. Nanatiling matatag ang pagkakatayo.       Humalakhak uli ito. “Matapang ka…” Lumapad pang lalo ang ngisi nito, parang nasisiyahan sa ginawa niyang paglaban.       “Hindi mo ako makukuha Dante—”       “Magtatagumpay ako, Lara!” agaw nito sa buong-buo at galit na tono. “Ang huling marka ay papatak sa pulso niya!”       Sunud-sunod na ipinutok ni Lara ang baril bago pa man nag-sink in sa isip niya ang mga sinabi ni Dante. Ang impact ng huling bala ang nagpawala sa malay niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD