“Ate Ester, nandiyan po ba si Jayden?”, pagtatanong ni Clarie nang napadpad ito sa bahay nila. Nakasarado kasi ang bintana ng kuwarto ni Jayden. May video kasi siyang nakuha sa youtube ng mga mash-up songs na tinutugtog sa gitara. Naisip niyang ipapanuod iyon kay Jayden dahil cool kung magagawa rin nito iyon.
“Oo, nandoon sa bahay kasama ‘yung best friend niya. Dinalaw siya.”
“Sige po. Pupuntahan ko na lang sila.”
Dire-diretso siyang umakyat sa kuwarto ni Jayden. Hindi naman nakasarado ang pintuan kaya dumiretso na siya sa loob. Pero nanlaki ang mga mata niya sa nakita. May babae sa kuwarto ni Jayden na hindi nalalayo sa tangkad nito. Magkadikit ang mga katawan nila. Nakatalikod si Jayden kay Clarie habang ang mga kamay nito ay nasa baywang ng babae. Ang mga kamay naman ng babae ay nasa magkabilang pisngi ni Jayden. Walang ibang pumasok sa isipan ni Clarie sa ginagawa ng dalawang taong iyon kundi, naghahalikan sila.
Umatras siya at nagmadaling bumaba. Nangangatog ang mga tuhod niya habang naglalakad papuntang sanktuwaryo. Mabilis din ang kabog ng dibdib niya. Hindi mawala sa isip niya ang mga nakita niyang iyon.
“Ang sabi ni Ate Ester, dinalaw siya ng bestfriend niya. Babae ang best friend niya? Pero best friend nga lang ba ni Jayden ang babaeng iyon?!” pag-kausap sa sarili.
Nakatulala siya at hindi na napigilan pang kausapin muli ang sarili.
“Clarie!” pagtapik niya sa sariling pisngi. “Ano naman sa’yo kung nakita mo silang naghahalikan? Huwag kang mag-react ng ganito! Wala ka namang pakialam kahit nakahubad pa sila doon!”
Wala nga ba siyang pakialam kahit makita niya silang hubo’t h***d? Pero bakit nasasaktan siya? May kirot siyang nararamdaman. Kirot na nagdudulot ng iba’t-ibang palaisipan sa utak niya. Kirot na hindi niya naman dapat maramdaman.
Kinagabihan, habang nag-aayos ng mga pinamili niyang mga gamit para sa pasukan bigla naman siyang sinigawan ni Jayden sa katapat na kuwarto. Masaya ito at alam na niya kung bakit. Bakit pa nga ba nagtataka pa siya eh kahit sino naman yata hinahalikan nito kapag gusto nito.
“Clareng!” sigaw ulit ni Jayden sa kanya. “Sabi ni Tita hinahanap mo daw ako kanina. Ang sabi niya pumunta ka daw dito, hindi naman kita nakita.”
“Busy ka kasi!” sagot niya naman na hindi man lang tumitingin kay Jayden.
“Ano bang ginagawa ko nung pumunta ka?”
“Naglalaro ka ng apoy! Buti hindi ka nasunog?!” biglaan niyang sagot na inis ang mukha.
“Apoy? Ano bang pinagsasabi mo?!”
“Wala!” pagsusungit niya sabay sarado ng kanyang bintana.
Wala siya sa mood na kausapin si Jayden. At ayaw niyang kausapin din siya nito. Tumatawag ito sa cellphone niya pero hindi niya iyon sinagot. Hindi niya ito pinapansin at talagang umiiwas muna siyang magkasalubong sila.
Minsan isang araw nakita niyang may kausap ito na mga babaeng taga doon lang din sa kanila. Sumagi kaagad sa kanya na nakikipag-mabutihan na naman ito sa mga taong iyon. Malay niya ba baka isa sa kanila dini-date na ni Jayden. Inis ang nararamdaman niya. Inis hindi dahil sa mga ginagawa ni Jayden ngayon kundi inis sa mga dati nitong ginawa sa kanya. Hindi niya gusto itong nangyayari sa kanya, dahil kahit itanggi niya pa hindi na rin naman niya maloloko pa ang sarili dahil sa lintik na pagseselos na nararamdaman niya.
Aalis na sana si Clarie sa sanktuwaryo nang pigilin siya ni Jayden dahil bigla nitong hinawakan ang braso niya.
“May problema ka ba sa’kin Clareng? Napapansin ko panay ang iwas mo,” kompronta nito kaagad sa kanya.
“Hindi,” mariin niyang pagtanggi at nakayuko lang. “Hindi lang maganda ‘yung pakiramdam ko.”
“Ano bang nararamdaman mo?” pagbibitiw na nito sa braso niya.
“Ha? A... Ang dami mong tinatanong!”
Aalis na dapat ulit siya para umiwas kay Jayden pero bigla na naman nitong nahatak ang braso niya at hinila siya paupo sa bench.
“Bitiwan mo na nga ako!” sigaw niya habang hawak pa rin ang braso niya at nakaupo na sila sa bench.
“Hindi!” seryoso nitong sabi. “Sabihin mo muna kung anong problema mo.”
“Wala nga akong problema! Tsaka kung meron man bakit ko naman sasabihin sa’yo? Boyfriend ba kita?”
Nanlambot ang hawak nito sa kanya kaya’t nagkaroon siya ng pagkakataong bawiin ang kanyang braso sa pagkakahawak nito.
“Boyfriend agad? Hindi ba pwedeng kaibigan lang?”
“So, magkaibigan na pala tayo?” pang-aasar niya. “Pwes bilang kaibigan mo, ayusin mo ‘yang mga manners mo sa mga babae! Hindi kasi magandang gawain ‘yung basta-basta mo na lang gagawin ang mga gusto mo kahit na hindi naman tama.”
“May mali ba akong ginawa? Nakikipagkaibigan lang naman ako sa kanila at wala akong inaway kahit isa.”
“Sa akin! ‘Yung ginawa mo sa akin dito din sa upuan na ‘to, natatandaan mo ba?” pag-uungkat niya sa talagang hinihimutok ng damdamin niya. “Huwag mo ng uulitin pa iyon sa iba.”
Natahimik si Jayden dahil inaalala niya ang eksenang sinasabi ni Clarie.
“Aah!” ngiti nitong sabi. “Yung tungkol sa purpose ng bibig ba ‘yung sinasabi mo?”
Umiwas kaagad ng tingin si Clarie dahil bigla siyang nakaramdam ng hiya na siya pa talaga ang nag-uungkat nito kay Jayden.
“Baka naman ayaw mo lang gawin ko ’yun sa iba dahil gusto mo sa’yo ko lang dapat gawin.”
“Hindi ka nakakatuwa!”
“Wala lang naman ‘yun! Napakaingay kasi ng bunganga mo nun.”
Alam niya naman na wala lang talaga iyon pero bakit napakasakit kay Clarie habang sinasabi iyon ni Jayden sa kanya. Siguro nga katuwaan lang para kay Jayden ang nangyaring iyon pero para kay Clarie hindi isang biro ang nakawan ng halik. Nangingilid na ang luha niya pero pilit niyang pinipigil ang pagbagsak ng mga ito.
“Huwag kang mag-alala,” dagdag pa ni Jayden “Sa’yo ko lang ‘yun gagawin. Promise!”
Itinaas pa nito ang kanang kamay nang sinabi ang promise. Alam niyang hindi rin seryoso ang pangakong iyon dahil tuwang-tuwa pa si Jayden habang sinasabi iyon.
“Puro kalokohan lang naman ang laman ng utak mo!” bulyaw niya sa kausap at mabilis siyang tumayo, iniwang mag-isa si Jayden. Patakbo ang lakad niya kasabay ng mga luhang unti-unting nagbagsakan na kanina’y pilit niyang tinatago at pinipigil.
Umalis siya, sumakay sa jeep nang hindi nagpaalam kay Tita Melly. Ayaw muna niyang umuwi at magmukmok lang sa bahay. Wala siyang gustong gawin kundi ang mapag-isa at makapag-isip-isip. Para na siyang sasabog sa mga dalahin sa kanyang dibdib at maging ang utak niya’y parang gusto na rin sumuko kahit sandali.
Inabot siya ng gabi sa Colser. Uminom ng alak. Hindi siya malakas uminom pero gusto niyang gawin ito bilang parusa sa sarili. Kaya naman ang isang bote ay hindi niya pa rin nauubos hanggang ngayon. At bilin niya sa sarili na hindi siya uuwi hangga’t hindi niya iyon nauubos.
Ang akala niya makakalimot siya kahit saglit pero hindi pa rin pala. Kung hindi ba naman siya tanga dito pa siya sa Colser nagpunta. Kahit walang nagpe-perform sa stage, parang nakikita niya pa rin na tumutugtog si Jayden. Bumabalik ang alaala noong una niyang makitang tumutugtog si Jayden dito.
“Clarie?”
Nilingon niya ang katabi.
“Raymond?”
“Anong ginagawa mo dito? Mag-isa ka lang ba?”
“Oo.”
Walang pinagbago si Raymond. Mala-anghel pa rin ang mukha nito. Pero wala sa mood si Clarie para makipagkwentuhan kaya naman hindi niya binibigyan ng atensyon ang lalaki kahit pa salita ito ng salita.
Maya-maya nga nag-order na rin ng inumin si Raymond at nag-order din siya para kay Clarie. Tumanggi si Clarie dahil nga hindi niya pa nauubos ang isang boteng i-norder niya pero kahit naman tumanggi siya sa alok na iyon sa loob-loob niya gusto niya pang uminon. Wala kasing epekto ang isang bote at naisip niya na baka pag dinagdagan niya pa ng isa ay umepekto na. Kaya naman nang naubos na niya ang isang boteng i-norder, kinuha niya agad ang i-norder ni Raymond para sa kanya. Binawi niya iyon kay Raymond.
“I’m sure, seryoso ‘tong problema mo kasi parang wala ka sa sarili mo,” narinig niyang sinabi ni Raymond nang simulan niyang tumungga.
“Mukha bang wala na ako sa sarili ko?” nasabi niya sa kausap na alam niyang iba na ang tono ng kanyang boses. “Mabuti naman kung ganyun! Kahit pano nakakalimot din! Hahaha.”
Iba na nga ang kinikilos ni Clarie, pero alam niya pa at tanda niya pa ang mga ginagawa niya. Nang ma-bored na siya sa pakikipag-usap kay Raymond iniwan na niya ito pero hinarang siya nito nang makalabas na siya ng bar.
“Oh Raymond!” tapik niya. “Ayos lang ako, bumalik ka na dun.”
“No, you’re not! Ihahatid na kita sa inyo,” pigil nito sa braso niya.
“Ah, huwag na! Kaya ko naman mag-isa.”
“Clarie, huwag mong sabihin na nagkakaganito ka dahil sa akin? Kung nahihirapan ka sa desisyon mo, pwede naman nating ituloy ang dati nating nasimulan.”
“Nagkakamali ka Raymond,” pagtanggi niya sa mga sinasabi nito. “Natanggap ko na, na hindi pala tayo bagay. At saka...wala na akong nararamdaman para sa-sa’yo.”
Humigpit ang hawak ni Raymond sa mga braso niya at ang mga mata nito parang nag-iba ng anyo. Dahil sa prangkang mga sinabi ni Clarie dala na rin ng alak sa kanyang ulo, hindi nagustuhan iyon ni Raymond.
“Ang sabihin mo pinagpalit mo lang ako sa cheap na gitarista na ‘yun!” galit nitong bulyaw sa kanya na labis niyang ikinagulat sa pagbabago ng mood nito. Kanina lang nag-aalala ito para sa kanya pero biglang nasapian si Raymond ng mga sandaling iyon.
“Bitawan mo na ako, Raymond!” pagpupumiglas niya pero mas tumindi pa ang hawak nito sa kanya.
“Nakita ko kayo. Kitang-kita ng mga mata ko na nilalandi mo siya. Kaya pala pinatigil mo ako dahil siya na ang kinahuhumalingan mo!”
“Nakipaghiwalay talaga ako sa’yo dahil ayoko ng ugali mo!” pakikipagsabayan niya sa galit ni Raymond. “Ito! Ngayon pa nga lang ganito mo na ako i-trato. I don’t like you anymore!”