Chapter 15

1705 Words
Nag-send si Clarie ng text message kay Raymond na magkita sila sa pinupuntahan nilang kainan. Nag-alok ito na sunduin siya pero tumanggi siya dahil kaya naman niyang pumunta mag-isa doon. Nauna siya sa lugar na pagkikitaan nila. Kinakabahan siya dahil ang lalaking dating kinababaliwan niya ay nagkakagusto na sa kanya pero ngayon nama’y itataboy niya na. Tama, dati siyang baliw sa mala-anghel nitong mukha pero natanto niyang hindi pala sila compatible sa isa’t-isa dahil sa mga ugaling mayroon ito. Tinanggap ni Clarie sa kalooban na mabuti na rin na nangyari ito ngayon pa lang, habang maaga ay hindi ganoon kasakit para sa kanya. “Clarie, I’m so sorry for being late,” paghingi agad ni Raymond ng tawad dahil halos 30 minutes din itong late sa pinag-usapan nilang oras. “May emergency kasi kaya may pinuntahan muna ako.” “Okay lang,” pagsisinungaling ni Clarie. Hindi lang feelings niya ang unti-unting nawala pati na rin ang tiwala. Hindi niya rin kasi alam kung may katotohanan nga ba ang mga sinasabi nito. At hindi niya rin naman pwedeng sungitan ito dahil baka hindi pa maging maayos ang pag-uusapan nila. “I’m glad that you’re fine now. Magaling ka na nga ba talaga?” “Oo,” pagsisinungaling niya ulit dahil hindi naman talaga siya nagkasakit. “Maayos na maayos na.” Sa sobrang ayos nga, natauhan na akong iwasan ka! “Good! So I have a surprise for that!” masaya nitong sabi habang may kinukuha sa bulsa ng suot nitong pantalon. Iyon ang bilin ni Raymond kay Tita Melly na meron itong surpresa para sa kanya oras na gumaling siya. Nang buksan nito ang box na kinuha sa bulsa, isang charm bracelet ang laman niyon. Kaagad namang nakaramdam ng panic si Clarie. “Ah... Raymond,” pagtanggi niya sa pagsusuot nito ng regalo sa kamay niya. “Hindi ko matatanggap ‘yan. Di ba pinag-usapan na natin na huwag ka ng mag-aabala pa ng mga ibibigay sa akin kasi hindi naman talaga ako nagpapaligaw.” “Then, isipin mo na lang na friendly gift ko ito sa’yo.” Nakangiti pa rin si Raymond kahit na tinatanggihan na ang regalo nito. Lalong tumitindi ang kabog sa dibdib ni Clarie. Huminga siya ng malalim. “Raymond... salamat,” mahinahon ang boses niya. Hindi siya nagpasalamat sa binigay nito, dahil hinawakan niya lang naman iyon at ibinalik muli sa palad ni Raymond. “Salamat dahil sa maikling panahon, nagkaroon ako ng pagkakataon na makasama ka. Pero na-gi-guilty talaga ako sa ginagawa natin. Hindi pa ako handa na pumasok sa ganitong bagay. Huwag mo na akong pag-aksayahan pa ng panahon para hindi na tayo parehas masaktan. At nang hindi ka na rin mahirapan na maghintay pa.” Inaasahan niya naman talaga na kukunot ang noo at magkukuyom ang mga kamay nito pero hinanda na niya ang sarili para dito. “Sinabi ko naman na maghihintay ako sa’yo.” “Ayoko na gawin mo pa ‘yun. Sana maintindihan mo. I’m sorry.” Hindi naman nagalit si Raymond. Tinanggap naman nito ang mga sinabi niya kahit na malungkot itong umalis at iniwan siya. Sa nakita ni Clarie na reaksyon sa mukha ni Raymond ay naisip niyang totoo nga siguro ang nararamdaman nito para sa kanya. Pero nasabi na niya ang mga dapat sabihin at nagdesisyon na siyang itigil na ang paglapit pa sa dating ultimate crush niya. Natuwa naman si Tita Melly nang ikuwento niya ang mga nangyari. Mabuti na lang daw at naging tama ang desisyon niya dahil iyon naman daw ang nararapat niya talagang gawin. Si Clover naman hinayang pa rin sa mga ginawa niya. Nabingwit niya na daw pinakawalan niya pa. Hindi niya na rin sinabi pa sa kanila ang mga ugaling napansin niya kay Raymond dahil mas mabuting sarilinin niya na lang iyon at hindi nila maisip na dagdag na dahilan pa sa pag-iwas niya kay Raymond. Isang congratulation message naman ang nareceive niya mula kay Jayden. Tinext kasi niya ito na, she done it well na may smiley face pa. Alam na ni Jayden kung ano ang ibig sabihin ni Clarie at obvious naman na masaya rin ito para sa dalaga. Tuluyan na ngang naputol ang komunikasyon nila Clarie at Raymond. Hindi na nagpupunta pa si Raymond kanila Clarie at hindi na rin siya nakakatanggap ng mga text message at tawag mula dito. Tinanggap niya na rin naman na wala na talaga siyang nararamdaman para kay Raymond. Mabilis ang pagkawala noon dahil naisip niyang hindi naman talaga siya siguro in-love dito at tanging paghanga lang ang naramdaman niya. Kumpiyansa rin siya na humahanga lang talaga siya ngayon kay Jayden dahil sa magaling itong kumanta at gumitara. Gaya nga ng nasabi niya, kakaiba ang dating sa kanya ng mga tinutugtog nito. Hanggang doon na lang ang paghanga na iyon dahil iyon ang mas makakabuti. Ayaw niya na ring bigyan pa ng ibang kahulugan ang mga pag-aalala at sinasabi ng mga mata nito dahil kung mayroon ngang kakaibang nararamdaman si Jayden para sa kanya, tiyak niyang labis itong ikagugulo na naman ng utak niya. Sa susunod na linggo ay umpisa na ng klase. Kagagaling niya lang sa university, kumuha ng schedules ng mga klase niya. Dumaan siya sa sanktuwaryo para magpalipas ng ilang mga oras pero may ibang lalaki nang naunang nakaupo sa bench. Sa gitara pa lang alam na niya kung sino. “Hey!” bati niya sabay tapik sa likod ni Jayden. “Anong meron? May tugtog ka ba sa Colser mamaya?” “Wala naman. Bawal na ba ako dito at ang gitara ko?” “May sinabi ako?” May mga napapagkwentuhan naman sila dati tungkol sa buhay ni Jayden pero hindi niya alam kung nagsasabi ba ito ng totoo. Nabanggit naman na ni Ate Ester sa kanya na graduate nga ito ng HRM hindi lang pala basta culinary course at nagtatrabaho bilang junior chef sa restaurant ng best friend nito. Masasabi niyang mas angat ang buhay nila Jayden kumpara sa kanila Goji dahil may sariling business ang mga magulang nito. Nasabi rin nitong may maarte itong kapatid. Tungkol lang sa pamilya ang mga kinukwento nito sa kanya pero ang tungkol sa girlfriend nito hindi man lang binabanggit. Sa pagkakatanda ni Clarie, sinabi ni Goji na dahil sa girlfriend ni Jayden kaya ito biglaang umalis. At ngayon gusto niyang siya na ang mag-ungkat tungkol doon dahil gusto niya lang naman malaman. “Jayden,” istorbo niya sa pagkaskas nito ng gitara. “Kamusta pala kayo ng girlfriend mo? Medyo matagal din ang pagbabakasyon mo dito, hindi ka ba niya pinapabalik doon sa inyo?” Hindi sumagot si Jayden. Parang walang narinig. Nakaramdam tuloy siya ng pagkapahiya. Nang uulitin niya sana ang tanong niya ay bigla naman itong tumigil sa pagtugtog at ibinaling ang tingin sa kanya. “Wala na kami,” seryoso nitong sagot. “At hindi naman talaga naging kami. Kung sinabi ni Goji na girlfriend ko ang nagpauwi sa akin, hindi totoo ‘yun.” “Ganoon?” taka niyang nasabi. Hindi niya maintindihan kung bakit seryoso si Jayden at may halong kalungkutan sa mga mata nito. “Ano mo pala ‘yung babae na ‘yun?” “Kaibigan,” matipid nitong sagot. Tumahimik na lang siya at hindi na nagsalita pa dahil parang ibang Jayden ang kasama niya ng oras na iyon. Mas gusto niya pa ang makulit na nakilala niya kaysa sa ganitong seryoso ito. “Clarie,” unang beses nitong binanggit ang pangalan niya ng ganoon. “Gusto ko ang ginawa mong pagpapakatotoo kay Raymond. Kahit na masakit iyon para sa’yo ginawa mo pa din. Hindi mo siya pinaasa.” Nakangiti si Jayden habang sinasabi iyon sa kanya. Pero napansin ni Clarie na may iba pa itong gustong sabihin. “Alam ko masakit ang umasa. Kaya nga binabasted ko na kaagad ‘yung mga nanligaw sa akin bago pa dumating si Raymond. Ayokong masaktan ko pa sila dahil sa binigyan ko sila ng pag-asa.” Pagtango lang ang isinagot ni Jayden at muli na namang tumahimik at nakatanaw sa kawalan. Pinagmamasdan lang ni Clarie ang seryosong mukha ng kasama na hindi niya malaman kung ano bang mga iniisip o inaalala nito. Pero biglang sumilay ang mga ngiti nito at hinarap siya. “May kilala akong lalaki doon sa amin, nagpakatanga na umaasa sa isang babae pero hindi rin naman naging sila,” pagkukwento ni Jayden. “Nagpakatanga talaga? Anong nangyari sa kanya?” “Heart broken syempre! Naging miserable ang buhay. Naging malulungkutin siya at nangayayat.” Kahit na nakangiti si Jayden sa kanya na nagkukwento, pansin niya pa rin sa mga mata na may kakaiba sa mga ekspresyon ng mukha nito. “Nagpakamatay ba?” diretsahan niyang tanong kaya naman natawa bigla ang kausap niya. “Papunta na doon, pero buti na lang may isang babae na nagpabago sa kanya.” “Talaga? Mabuti na lang! Naging sila na ba ngayon? Siguro iyon talaga ang babaeng nakalaan sa kanya.” “Sa pagkakaalam ko, hindi pa sila. Walang relasyong namamagitan sa kanila pero sinisikap muna ng lalaki na kilalanin pa ‘yung babae,” tuloy pa rin si Jayden sa pagkukwento na nakatingin lang sa kawalan. “Sana nga tama ka, sana ang babaeng iyon na ang itinadhana sa kanya para hindi na siya ulit masaktan pa ” “Sana talaga. Pero totoo pala talagang may mga nagpapakatanga sa pag-ibig no? Buti ikaw hindi naging ganoon?” banat niya kay Jayden na may halong pagtawa. “Nakakatawa!” busangot ni Jayden. Kagaya ng nakagawian na, nauwi na naman sa kulitan ang usapan nila. Nalaman na ni Clarie ang gusto niyang malaman at wala na siyang pakialam pa sa lovelife nito. Panatag siya sa mga nalaman niya pero kung sinabi ni Jayden na mayroon na itong girlfriend at maayos ang takbo ng relasyon nila, hindi na alam ni Clarie kung mapapanatag pa ba siya. Hindi niya sigurado kung ano ang mararamdaman niya. Sumakit ang mga daliri niya pag-uwi ng bahay kakaipit ng mga kable sa gitara para lang sa chord na F. Nagpaturo siya kay Jayden kung paano gamitin ang gitara nito, mahilig siyang kumanta pero ni-isang instrumento wala siyang alam tugtugin. Itinuro sa kanya ang ilang mga basic chords at kung paano mag-strum. Pinakitaan rin siya ng iba’t-ibang klase ng pag-i-strum. Ayon kay Jayden kapag daw alam na niya ang melody ng kanta isasabay niya na lang din ang kamay niya doon. Kapag mahilig daw sa music madali na lang ito lalo na kung laging pina-praktis. At ang sabi pa ni Jayden, gitara ang pinakamadaling instrumentong nahawakan niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD