Kinabukasan, tinotoo nga ni Jayden ang paniningil nito sa kanya. Nag-aya itong ilibre daw niya ng meryenda. Ikinagulat niya talaga na meryenda lang pala ang hihingin ng hero niya.
“Ang simple lang nitong hiningi ko,” dismayang nasabi ni Jayden habang nangingiti lang naman si Clarie. Pumunta sila sa isang tindahan di kalayuan sa kanila. Fish ball, burger, foot long, fries, siomai at samalamig ang inalok ni Clarie na ibigay sa kasama. “Hindi talaga ito ang sisingilin ko sayo, kaya lang baka hindi ka pumayag sa una kong naisip.”
“Oops! Wala ng bawian!” sabay bigay ni Clarie ng fries at samalamig kay Jayden. Kakagat na sana siya sa cheese burger na binili niya nang marinig niya ang pinag-uusapan ng dalawang babaeng bumibili rin.
“Di ba siya ‘yung kasama ni Raymond?” pagtatanong ng chubby na babae sa kasama nitong si Cynthia, dati niyang nakaaway sa university dahil sa kadaldalan ng bibig nito.
“Oo. May nilalandi ng Raymond pati ba naman si Jayden? Hi Jayden!”
Tiningnan niya kaagad si Jayden nang batiin nito ni Cynthia. Alam niyang narinig din ni Jayden ang mga pang-iinsulto sa kanya. Pero nagulat siya nang nginitian pa nito si Cynthia.
“Halika na,” aya niya kay Jayden sabay hawak sa braso ng binata.
“Clarie,” pigil naman ni Cynthia kaya napahinto siya at humarap sa tumawag ng pangalan niya. “Baka pwedeng ipaubaya mo na si Jayden, may Raymond ka naman na diba? Kasi kung ipagdadamot mo pa siya, iisipin ko talagang malandi ka.”
Umakyat agad ang dugo niya sa inis lalo’t nakangiti pa ang bruha. Harap-harapan itong paninirang puring ginagawa niya.
“Ano bang problema mo, Cynthia?” kompronta ni Clarie habang hawak ang cheese burger at samalamig sa magkabilang kamay.
“Nothing. Siguro na-miss lang kita?”
“Pwes ako, hindi kita na-miss! Naiintindihan ko na ganyan ang maiisip mo sa akin kasi alam natin parehas na daig pa ng utak ng talangka ‘yang kakitiran ng utak mo,” banat niya at tumalikod. Pero dahil sa hindi maipinta ang pagkakagusot ng mukha ni Cynthia sa inis kaya’t dinagdagan niya pa ito.“Sorry Cynthia, but truth really hurts! Sorry to tell you din na walang gamot sa sakit ang pagkainggit kundi tanggapin na lang ang ilang mga bagay-bagay kahit na masakit.”
At tinalikuran niya na talaga si Cynthia.
Nangiti naman ng husto si Jayden. Pero biglang humarang si Cynthia sa harapan ni Clarie. Kinuha nito ang samalamig na hawak ni Clarie at ibinuhos mismo iyon sa dibdib ni Clarie. Hindi inaasahan ni Clarie ang ginawang iyon ni Cynthia. Pinigil naman niya si Jayden nang alalayan siya nito sa nangyari.
“I’m not the looser here,” nakangiting banat ni Cynthia.
Hindi naman makakapayag ng ganoon na lang si Clarie. Kaya’t pinagpalit niya ang kanyang cheese burger sa samalamig ni Jayden at ibinuhos iyon sa ulo ni Cynthia. Kinuha niya rin ang fries ni Jayden at isinalaksak pa sa dibdib ulit ni Cynthia.
“Sino sa atin ngayon ang looser?” pang-aasar niya sa kaaway at lumakad na ng mabilis palayo sa tindahang iyon. Nakakahiya ang nangyari lalo’t dumami ang mga usisero’t usisera. Pero hindi naman siya papayag na apihin lang siya at hindi lumaban.
Ang akala niya nasa likod niya lang si Jayden pero paglingon niya wala pala ito. Dumiretso na lang siya sa sanktuwaryo niya para makalanghap ng sariwang hangin. Ito lang din naman ang lugar na mahihingahan niya ng lahat ng saloobin.
Sa lob-loob niya, siguro nga isang pagsampal lang sa kanya ng realidad ang ginawa ni Cynthia. Maaaring isa lang si Cynthia sa mga babae sa lugar nila na naiinis sa kanya. Hindi niya naman sinadya na maging malapit sa dalawang pinakapopular na lalaki sa Manalansan. Nakadama naman agad siya ng takot. Sigurado kasi siyang malalaman ito nila Tita Melly at isipin pa na may kung anong mga namamagitan sa kanilang tatlo. At ang masaklap baka makarating pa sa kuya Caloy niya. Hindi naman sa natatakot talaga siya sa galit na mapapakawalan ng kanyang kuya pero hindi niya gusto na pag-isipan siya ng kung anu-anong hindi naman totoo.
“Ano ba ‘tong lugar na ‘to sumbungan mo?”
Nang lingunin niya kung sino, si Jayden ang nakita niya. Bakit ba sa tuwing nakikita niya ang lalaking ito guwapong-guwapo na siya para rito na dati’y hindi naman?
Hay! Effective talaga ang pag-papacharming at pag-papacute ng lokong ‘to. Sa kasamaang palad pati ako na-gayuma na rin yata talaga.
“Dito ba nakatira ang fairy god mother mo? Tapos nagkukuwento ka sa kanya ng mga nangyayari sa buhay mo at nararamdaman mo?”
Kahit na biruin pa siya hindi nito nabago ang nararamdaman niya.
“Clareng, ang labo mo! Inaksaya mo lang lahat ng binili mo. Di ba ‘yun ‘yung pambayad mo sa’kin!”
“Nasaan ‘yung cheese burger ko?”
“Kinain ko na! Nakakagutom ‘yung sumbatan niyo eh. Pero, ang galing mo ah! Ang angas ng dating mo, ngayon lang ako nakakita ng babaeng dinaig pa si Cherry Gil!”
“Dapat lang ‘yun sa kanya. Saan ka ba nagpunta? Bigla kang nawala.”
“Ikaw ang biglang nawala! May mga hinabilin lang naman ako sa babaeng ‘yun kasi baka balikan ka pa niya.”
“Hinabilin? Anong sinabi mo?”
“Sinabi ko na huwag ka na niyang guguluhin pa kasi baka sa susunod buong mga patatas na ang ibabato mo sa kanya.”
Napangiti naman siya sa sinabi ni Jayden. Kahit kaunti gumaan naman ang pakiramdam niya.
“Puro ka talaga kalokohan. Pero binigyan mo ako ng idea ‘dun ah!”
“May seryoso akong itatanong sa’yo,” seryosong sabi nito sa kanya. “Pero dapat seryoso din ang isasagot mo.”
“Seryoso? May sapi ka ba, Jayden?” pagbibiro naman niya.
“Gusto mo ba talaga si Raymond?”
Seryoso nga si Jayden. Parang gusto naman niyang ibalik kay Jayden ang tanong na iyon. Kung bakit si Raymond na naman ang ino-open nito? Kahapon sinabi ni Raymond kay Clarie na may iba na siyang nagugustuhan. Ang sinabing iyon ni Raymond ay talaga naman i-kinakaba ni Clarie dahil umaasa siyang baka siya ang babaeng tinutukoy nito.
“Oo. Gusto ko siya,” pag-amin niya kay Jayden pero hindi siya tumingin sa mukha nito. Hindi niya na rin kasi alam kung ano pa ba ang nararamdaman niya kay Raymond. Mayroon pa rin namang pag-hanga ngunit hindi na siya sigurado kung kagaya pa rin ng dati. “Kaya lang hindi pwede ‘tong pag-kagustong nararamdaman ko sa kanya.”
“Bakit naman?”
“Nangako kasi ako kay kuya at tatay na hindi ako mag-bo-boyfriend hangga’t hindi pa ako nakaka-graduate.”
“Edi huwag mo ng tuparin!”
“Hindi naman ganoon kadali iyon. Pangako ko din iyon sa sarili ko no! Studies talaga ang priority ko.”
“Eh, matigas din pala ang ulo mo!” pagsundot ni Jayden sa sentido ng ulo niya. “Priority mo pala ang pag-aaral, sama ka pa ng sama sa lalaking ‘yun!”
Parang isang malakas ng paghampas iyon ng katotohanan sa kanya. Ilang minuto rin siyang natahimik at hindi niya namalayang mag-isa na lang siyang nasa bench...