Chapter 11

1653 Words
Halos sampung minuto siyang late sa sinabing oras ni Jayden. Nagpalit pa siya ng damit. Mula sa simpleng midi skirt at printed blouse na suot niya sa date nila ni Raymond, plain blue hi-low dress naman ang suot niya ngayon sa Colser. Mula sa labas, kita na ang madaming tao sa loob dahil sa transparent ang walls nila. Sa pagbukas niya nga ng pinto, kita na niya kaagad si Jayden na nakaupo at tumutugtog sa gitna ng stage. May kasama itong ibang banda sa likod, banda ng acoustic dahil pang-acoustic ang mga instrument nila. Habang naglalakad sa gitna, may bakante pang upuan sa isang mesa na nakita niya. Magandang pwesto iyon dahil kitang-kita niya roon ang pagtugtog ni Jayden hanggang sa nagtama ang mga mata nila. Nangiti si Jayden, ngiti rin ang ginanti ni Clarie. Kitang-kita niyang ang ngiti sa mga labi at maging sa mga mata nito. “Tonight we’ll just get drunk disturb the peace Find your hands all over me And then you bite your lip whisper and say We’re going all the way...” Napapasabay na lang siya sa pag-kanta ni Jayden. Bukod sa magandang pakinggan, masarap din sa pakiramdam ang acoustic version na tinutugtog nilang kanta ni Jayson De rulo na The Other Side. “So tonight take me to the other side Sparks fly like the fourth of july Just take me to the other side I see that sexy look in your eyes And I know, we ain’t friends anymore If we walk down this road We’ll be lovers for sure So tonight kiss me like it’s do or die And take me to the other side...” Sa mga sandaling iyon, humanga talaga si Clarie. Naaaliw siya sa bawat pag-kaskas ni Jayden sa gitara nito. Sa bawat bagsak ng kamay nito ay kasabay din ang shakers at tambourine ng kanyang mga kasama na nagpapaganda pa ng kanilang pagtatanghal. Kaya naman hindi rin mag-kamayaw sa palakpakan ang mga manonood. Hindi pa naman pumapalakpak ang mga kamay ni Clarie dahil ayaw pa niyang gawin iyon. Hindi niya gustong bigyan kaagad si Jayden ng magandang impresyon. Habang patuloy niyang pinapanuod si Jayden, nauulit na naman ang naramdaman niya nang minsan na itong tumugtog sa plaza. Wari niya’y para sa kanya lang ang inaawit nito dahil na sa kanya lang ang direksyon ng mga mata nito. Ibang sensasyon ang idinudulot ng mga titig na iyon ni Jayden sa kanya. Sa mga pahiwatig ng mga mata nito, parang siya lang ang tao sa lugar na iyon. Bigla’y natangay siya ng sarili niyang imahinasyon na gusto niyang hilahin sa stage si Jayden at magkasama silang lalayo palabas habang magkahawak ang kanilang mga kamay. Iyong tipo na silang dalawa lang ang tao sa buong gabi sa ilalim ng buwan. Gusto niyang yakapin ito at tanungin kung ano bang mayroon sa mga harana nito sa kanya. Kung hindi niya pa namalayan ang malakas na palakpakan ng mga tao, baka hindi pa rin nakabalik ang katinuan sa pag-iisip niya at patuloy na lang siyang tatangayin ng pangangarap niyang iyon sa kanyang inuupuan. Hindi niya rin namalayan na pumapalakpak na rin pala ang mga kamay niya dahil sa sayang nadarama lalo’t nasa kanya pa rin nakatitig ang mga mata nito kahit natapos na ang number nila sa gabing iyon. “Hintayin mo ako dito magpapaalam lang ako sa manager, sabay na tayong umuwi,” utos ni Jayden sa kanya nang mag-aya na itong umuwi matapos ng isang oras din nilang pamamalagi doon. Gumagabi na rin masyado at baka mag-alala na ang mga tiyahin nila. Naiwan si Clarie sa labas ng Colser na naghihintay kay Jayden. Pero hindi nagtagal may dalawang lalaki na humatak sa braso niya. Amoy alak sila. “Sandali ho, bitawan niyo ako!” pagpupumiglas niya sa dalawang lalaking hawak ang mga braso niya. May kalakihan rin ang katawan ng mga iyon pero hindi ganoon kataasan. “Ang sexy mo, Miss. Sumama ka sa amin doon, sandali,” ngiting sabi ng isa sa mga lalaki na langhap na langhap niya ang baho ng alak sa hininga nito. “Ayoko ho!” pagtanggi niya. Mas malakas sila sa kanya kahit parang mga lasing na sila. Ang lakas ng kabog ng didib niya dahil sa sobrang takot. Sa totoo lang takot talaga si Clarie sa mga lasing na lalaki. Isa ito sa mga kinakatakot niya bukod pa sa mga palakang pinandidirihan niya. Hindi lang dahil sa amoy ng mga lasing kundi delikado din sila dahil may mga taong iba na ang takbo ng pag-iisip kapag may alak ng kahalo sa utak. “Jayden! Jayden!” sigaw niya sa Colser. Wala ng ibang paraan kundi ang humingi ng tulong. “Jayden! Jayden!” “Clarie!” Patakbong humabol si Jayden nang makita niya si Clarie na hinahatak ng dalawang lalaki. Mabuti na lang at nakalabas kaagad si Jayden. Mahigpit ang mga hawak ng dalawang lalaki. Ang isa’y tinakpan na ang bibig ni Clarie dahil sa kasisigaw niya. Pero buti na lang naabutan sila ni Jayden kaya kaagad nitong pinagsusuntok ang dalawang masamang lalaki. Hindi naman makapaniwala si Clarie sa nakikita niyang pagbugbog ni Jayden sa mga iyon. Mas matangkad si Jayden sa kanila pero hindi naman ganoon kalaki ang katawan niya. Malakas siya hindi lang halata. Nang hindi na lumaban pa ang dalawang lasing, nasa kanya na ang atensyon ni Jayden. “Ayos ka lang ba?” pag-aalala nitong tanong sa kanya habang hawak nito ang mga braso niya dala ng pag-aalala. Nagulat naman siya kagaya ni Jayden nang makita nilang may iniwan pang bakat ng pagkakahawak sa braso ni Clarie. “Mga walanghiya, nag-iwan pa ng remembrance ang mga lasing na ‘yun!” Galit na galit si Jayden. Galit siya dahil sa ginawa ng mga lalaking iyon kay Clarie. Hindi naman nakapagsalita si Clarie dahil pinagmamasdan niya lang si Jayden sa mga kakaibang reaksyong nakikita niya sa lalaki. “Totoo pala talagang takot ka sa mga lasing,” may pag-aalala pa rin ang boses nito na kinausap siya sa kanyang mga mata. Nabanggit kasi ni Clarie kay Jayden ang mga bagay na kinatatakutan niya. Dahil sa nanginginig pa rin ang mga kamay ni Clarie magbuhat pa nang hatakin siya ng dalawang lalaki, bigla’y niyakap na lang siya ni Jayden. Wala siyang ibang reaksyon kanina pa kundi ang pagkagulat. Kanina takot na takot siya nang pilit siyang isinasama ng mga lasing na iyon pero ngayon na nasa bisig siya ni Jayden, unti-unti ng nawawala ang mga takot na iyon. Kakaibang init ang dulot ng yakap na ito punong-puno ng pag-aalala. Kahit na masarap sa pakiramdam ang tagpong ito may kakaibang takot naman siyang naramdaman sa loob niya. Takot na baka isang araw tuluyan na siyang mahulog dito gaya ng sinabi nito sa kanya at maaaring hanap-hanapin na niya ang mga yakap nito. “Ayos na ako,” nasabi niya at kumawala sa bisig ni Jayden. “Salamat.” “Ayos ka na ba talaga?” Pagtango ang isinagot niya. Sa totoo lang hindi siya makatingin ng diretso sa mukha ng kausap. Hindi maganda ang pakiramdam niya sa mga sinasabi ng mga mata ni Jayden. Kanina puno iyon ng pag-aalala at nararamdaman niyang hanggang ngayon ay ganoon pa rin ang ekspresyon ng mga mata nito. “Di ba matapang ka? Dapat tinadyakan mo mga ano nila!” pagtaas ng boses ni Jayden na bigla niya namang ikinagulat at pinagtaka. Kanina lang sobra kung mag-alala sa kanya ngayon nanunumbat na. Hindi na niya pinansin ang panunumbat na iyon. Umalis na siya at naglakad palayo sa kausap. Wala na siya sa kondisyon para makipagsumbatan pa. Minsan may pagka-manhid talaga si Jayden, talak pa rin siya ng talak sa likuran ni Clarie. “Minsan matuto ka ring lumaban at ipagtanggol ang sarili mo sa mga ganoong tao! Paano kung naisama ka na nila sa kung saan, baka hindi na kita makita.” “Nakapagpasalamat na ako sayo. Ano pa bang gusto mo?” usal ni Clarie paglingon kay Jayden at huminto sa paglalakad. “Pakiusap Jayden, huwag muna ngayon please? Pagod na ako.” Natahimik naman si Jayden at umiwas ng tingin sa kanya. Bigla rin itong naunang lumakad sa kanya. Medyo malayo-layo na rin ang nilakad nila dahil may kalayuan din ang sakayan. Wala na ring gaanong dumadaan na mga tricycle doon dahil sa alas-diyes na rin ng gabi. Ang tahimik. Walang nagsasalita sa kanilang dalawa matapos tarayan ni Clarie si Jayden. Hindi na kinaya ni Clarie ang awkwardness ng eksena nilang iyon sa ilalim ng buwan. “Infairness ah, maganda ‘yung performance mo kanina,” ngiti niyang sabi sa kasama. Pero seryoso pa rin ang mukha nito, hindi man lang siya tiningnan nito at hindi nito nakitang totoo talaga ang papuri niya para dito. “Kasama ako sa band group noong college,” malumanay na sabi ni Jayden na ikinagulat niya. Diretso lang sa dinadaanan nila ang direskyon ng mga mata ni Jayden. “Hindi ko nga akalain na makakatugtog talaga ako ngayon. Kung hindi ka nakahabol bago mag-chorus, hindi ko tatapusin talaga ang kanta at uuwi na ako agad.” “Ha? Bakit naman?” “Wala lang! Bilisan natin,” lingon nito sa kanya at hinigit ang kanyang braso. “Baka kagalitan na tayo ng mga tiyahin natin.” At nagmadali na silang lumakad hanggang sa tumatakbo na pala silang magkahawak-kamay. At sa tagpong ito, hindi inaasahan ni Clarie na mangyayari ang kaninang napapangarap niya. Hindi man eksakto pero nangyari ang mga nais niyang mangyari. Nang makauwi sa bahay, medyo kinagalitan siya ni Tita Melly. Hindi niya na rin ikinuwento pa ang nangyaring pag-harass ng mga lasing, hindi na niya gusto pang mag-alala pa ito at makarating pa sa kanyang kuya Caloy. Bago matulog, nag-send muna siya ng text message kay Jayden. Salamat ulit kanina. :) Nagreply din naman iyon kaagad. May utang ka na sa akin. Hahaha. Bukas sisingilin kita. :P “Pambihira! Hindi ba pwedeng sabihin na lang niya na walang anuman? Ako pa ang nagkautang? Utang na loob ba ang ibig niyang sabihin? At bukas kaagad? Ibang klase talaga ang lalaking ‘to.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD