Chapter 10

1175 Words
Nagtaka siya isang araw na tahimik ang kwarto ni Jayden. Hindi niya rin kasi kinakausap ito matapos noong gabing sinali niya ito sa amatuer singing contest. Sa isip-isip ni Clarie buti naman at hindi siya kinukulit nito dahil naiinis pa rin siya dito. Naiinis siya dahil hindi umayon ang mga plano niya. Wala siyang ibang gusto kundi ang mapahiya si Jayden ng gabing iyon. Gusto niyang iparanas dito ang ilang ulit na pagpapahiya nito sa kanya dati. Pero ang mas nakapagpa-inis ng mood ni Clarie ay madami nang nakakakilala sa bakasyonista lang naman na si Jayden. Makailang beses niyang nasaksihan mismo ang di magkamayaw na mga babae at mga beki na pumapansin dito. Noong una gulat na gulat pa si Jayden pero kapag nababanggit ng mga kausap niya ang papuri sa performance niya noong piyesta, nagiging magiliw na rin siyang kausapin ang mga iyon. Sa mga abot-abot na papuri kay Jayden, ang tainga naman ni Clarie ang naiirita dahil sa paulit-ulit na senaryo tuwing magkasama silang lumalabas ng bahay. “Pa-humble-humble pa, humahakot lang naman ng fans,” naibulong ni Clarie ng minsang magkasama sila at napaligiran sila ng mga teenager na babae at beki. “May sinasabi ka ba dyan?” tanong naman ni Jayden. “Wala. Sana lang hindi tayo kuyugin pauwi, kinakalat nila ‘yung virus mo eh. Mr. Zombie Tsunami!” Ang akala ni Clarie na kasama niya ay kasa-kasama pa rin niya, pero hindi niya namalayang mag-isa na lang pala siyang naglalakad at nagsasalita. At si Jayden, napalibutan na naman ng mga taga-hanga niya. Nag-entertain kasi ito kaya ‘ayun at dinumog na ito. Minsan ding nagkukwento si Ate Ester kanila Clarie at binabalita ang mga nangyayari sa pamangkin nito. “Hi Clarie!” bati ni Raymond habang nasa sala si Clarie at naglilinis ng mga figurine display. “Raymond!” bulalas niyang nasabi nang makita niya ito. Masaya siyang nandito ito. May katagalan na din nang huli niyang makita ang crush. “Alam ko na kung bakit ka nandito. Huwag kang mag-alala tapos na ‘yung ni-request mo.” Kahit na madaming nangyari ng mga nagdaang araw, nagkaroon pa rin siya ng oras na tapusin ang tula ni Raymond. Syempre hindi niya dapat pabayaan ito dahil gusto niyang patunayan na hindi totoo ang mga nilalait ni Jayden sa ginawa niyang tula. Hindi siya papatalo kung talent ang pag-uusapan. Nagulat na lang siya nang ipaalam ni Raymond kay Tita Melly na aayain siya nitong lumabas. Pumayag naman si Tita Melly dahil alam ng tiyahin niyang crush na crush niya talaga si Raymond. Nagpunta sila sa isang restaurant sa bayan. Bigla ‘y may naalala siyang isang panaginip. Naging maayos naman ang masasabi niyang date nila. Ngayon lang kasi siya pumayag na sumama sa lalaki na silang dalawa lang. Hindi naman sa nagmamayabang siya pero mayroon din naman talagang nag-aaya sa kanya na makipag-date pero ni isa wala siyang sinamahan. Nahingi na rin ni Raymond ang cell phone number niya kaya may chance ng magka-text sila. Ito na ang matagal niyang hinihintay na pagkakataon na magkakilala sila ng husto. Sa paghatid sa kanya ni Raymond pag-uwi ng ala-sais ng gabi dahil na rin sa pamamasyal, nakita ni Clarie mula sa kuwarto ni Ate Ester si Jayden. Napansin niyang iba ang titig nito sa kanya na nakadungaw mula doon sa kuwarto nito. Sa itsura nito hindi nagugustuhan ni Jayden ang nakikita niyang tagpo. Hindi na lang pinansin ni Clarie si Jayden dahil baka g**o na naman ang mangyari kung kakausapin niya pa ito. Wala naman siyang dapat ipaliwanag kay Jayden dahil wala naman silang anong koneksyon at relasyon sa isa’t-isa. Araw ng sabado, naulit muli ang pagyaya ni Raymond kay Clarie na lumabas at mamasyal. Gusto na nga sanang i-open ni Clarie kay Raymond kung ano ba itong ginagawa ng lalaki para sa kanya. Pero wala siyang lakas ng loob sabihin ito. Galanteng tao kasi si Raymond. Inaasahan naman niya na ang ginagawang ito ni Raymond ay kapalit lamang sa pabor na ginawa niya para dito. Pero hindi niya pa nga pala naitatanong kung anong resulta ng tulang ginawa niya. “Raymond,” pagsisimula niya. “Ano na nga palang nangyari doon sa tula?” “Ah ‘yun,” paglunok ni Raymond ng chicken fillet sa kinakainan nilang fast food. “Okay naman. Maganda ang ginawa mo.” Nakayuko itong kumakain. Hindi ito nakatingin sa kanya nang sinabi nitong maganda ang ginawa niyang tula. Hindi niya tuloy alam kung maniniwala ba siya sa papuri nito. “Talaga? Sinagot ka naman ba?” “Ewan ko!” natawa nitong sagot sa kanya. “Hindi ko nga alam kung gusto ko pa siya. Parang may iba na akong nagugustuhan.” Kinabahan si Clarie. “May iba ka ng na-nagugustuhan? Sino naman?” Sasagot na sana si Raymond pero hindi na niya naituloy pa dahil biglang nag-ring ang cellphone ni Clarie. Wala sa contacts niya ang number na tumatawag. “Hello?” pagsagot niya sa phone call. “Magkasama na naman ba kayo?” tanong ng kausap niya sa cellphone. “Sino ba ‘to?” “Huwag mong sabihing hindi mo nakikilala ang boses ko!” galit ang boses sa kabilang linya. “Kasama mo lang ‘yang lalaking ‘yan para ka ng nagka-amnesia!” This kind of rudeness, kilala na niya kung sino ang nagmamay-ari ng boses. Walang iba kundi si Jayden. “Bakit ka ba tumawag? At talagang nag-effort ka pa ha para kuhanin ang number ko! Ano bang kailangan mo?” “Umuwi ka kaagad ha. Huwag kang magpapagabi,” malumanay na ang boses nito. Nagulat naman siya bigla sa mga pinagsasabi nito. “Ano nga ang kailangan mo?” “Pumunta ka sa Colser mamaya, 8:00 pm. Kapag hindi ka pumunta asahan mo hindi mo magugustuhan ang gagawin ko sayo.” “Ano? Utos ba yan o imbita?” “Parehas. Pumunta ka. Kailangan kita doon.” “Bakit nga? Ano namang gagawin ko doon?” Wala ng sumagot dahil pinatay na ni Jayden ang pag-uusap nila. “Sino ‘yung kausap mo?” pagtatanong naman ni Raymond na nakakunot ang noo. “Nagtatalo ba kayo?” “Medyo,” nakangiti niyang sagot. “Wala ‘yun, tapusin na lang natin ‘tong kinakain natin. Kailangan ko din kasi umuwi kaagad.” Nakauwi siya ng pasado alas-siyete na pero dumaan muna siya kanila Ate Ester. “Umalis na si Jayden,” sagot ni Ate Ester nang hanapin niya kung nandiyan ba ang pamangkin nito. Sinubukan niya kasing tawagan ang number ni Jayden pero hindi naman nito iyon sinasagot kaya sumadya na siya sa kanila. “Nandoon sa Colser. Naimbitahan siyang mag-guest doon.” Ang Colser ay ang kilalang restaurant at bar sa kabilang bayan. Masasabing kilala na si Jayden sa Manalansan. Pero mukhang pati sa ibang bayan ay makikilala na rin ito. Nagpaalam si Clarie kay Tita Melly at sinabi ang totoo. Pumayag naman ito agad dahil naipaalam na pala siya ni Jayden sa mismong tiyahin. Gusto niya sanang isama si Clover pero hindi pa ito umuuwi. Si Goji naman masama ang pakiramdam. Kaya walang ibang naisip na dahilan si Clarie kung bakit siya ang tinawagan nito dahil kailangan siya nito bilang supporter doon. “Akala naman niya papalakpakan ko siya. Mahal ang palakpak ko lalo’t kung para sa kanya,” nasambit niya habang nagbibihis.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD