“PASENSIYA na po kayo,” nahihiyang sabi ni Pippa kay Tita Virgie. Tinutulungan siya nito sa pagliligpit ng mga natirang pagkain sa kusina. Sinabi niyang kaya na niya ngunit nagpumilit ang ginang. Malakas pa raw ito at kaya pang kumilos-kilos. Ang iba ay nagpapahinga na sa mga silid. Knock down ang mga bata pagkakain ng hapunan. Sina Ike, Joshua, at Anton ay nasa labas pa at nagkukuwentuhan. Nagsiuwian na ang mga tagabaryo pagsapit ng alas-otso ng gabi. Tahimik na ang paligid. “Saan ka humihingi ng pasensiya, hija?” nagtatakang tanong ni Tita Virgie. Inilagay muna ni Pippa ang mga naka-ziplock na pagkain sa refrigerator bago sumagot. “Sa nangyari pong gulo kanina. Pasensiya na po kung kinailangan po ninyong makita `yon.” Napangiti si Tita Virgie. “It was nothing. Hindi mo naman `yon kas

