NATUTOP ni Pippa ang bibig. “Oh, my God,” ang naiusal niya habang nakatingin sa lalaking nakalugmok sa sahig. Sumobra yata ang nagawa niyang paninindak. Pinagmasdan niya ang sarili sa salamin. Kahit siya ay natakot. Ganoon pala ang epekto niyon sa dilim.
Nagmamadaling sinindihan niya ang mga ilaw, at unti-unting nilapitan ang lalaking hindi yata tagabaryo. Wala sa hitsura nito ang pagiging probinsiyano. Sino ba ang lalaki? Talaga bang nawalan ito ng malay?
Pinindot-pindot ni Pippa ang pisngi ng lalaki upang alamin kung talagang wala itong malay. Paano niya napabagsak nang ganoon kadali ang ganoon kalaking lalaki?
Kitang-kita niya ang sindak ng lalaki kanina nang makita siya. Maputlang-maputla pa nga ang mukha nito sa kasalukuyan. Tumataas-baba pa naman ang dibdib nito kaya humihininga pa. Nang damhin niya ang palapulsuhan sa leeg ng lalaki ay nalaman niyang masyadong mabilis ang cardiac rate nito. Buhay pa ang lalaki.
Kahit na alam na mahihirapan ay pilit pa ring hinila ni Pippa patungo sa pinakamalapit na sofa ang hinimatay na lalaki. Hindi niya ito maaaring pabayaan na lang kahit pa hindi sigurado kung ano ang talagang pakay nito roon. Hindi man mukhang probinsiyano, hindi pa rin siya sigurado kung wala itong gagawing hindi maganda sa basta na lang pagpasok sa loob ng bahay niya. Anong oras na at bakit hindi man lang nito nagawang kumatok o tumawag?
Umiral na naman ang kanyang pagkamaawain kaya tutulungan pa rin niya ang lalaki sa kabila ng mga agam-agam.
Sana ay hindi na lang niya naisip ang kalokohang iyon. Maaari naman niya itong kausapin nang maayos at tanungin kung ano ang pakay. Napikon na marahil siya sa mga tao sa Gaway. Saka malay ba niya kung magnanakaw ang lalaking ito?
Engrossed na engrossed si Pippa sa harap ng laptop kanina nang maulinigan ang kaluskos na nanggagaling sa labas ng bahay. Napagtanto niya na may tao sa kanyang bakuran. Nainis siya sa pagkakaabala sa trabaho. Nainis na siya sa mangkukulam issue. Sigurado siya kanina na isa na naman iyong tao na pararatangan siya ng kung ano-ano. Siya na naman ang sisisihin sa masasamang nangyayari sa buhay ng mga ito. Siya na naman ang may kasalanan sa pagkakasakit ng kung sino-sino. Pinlano niyang komprontahin na ang mga ito. Hindi na siya mananahimik sa pagkakataong iyon. Hindi na tama! Hindi na makatarungan! Ipinangako niyang hindi na siya maaawa. Magdedemanda na talaga siya ng trespassing at slander.
Pagbaba ni Pippa ng kama ay nasagi niya ang bag na pinaglalagyan ng contact lenses sa bedside table. Nearsighted siya kaya kailangan niya ng salamin at contacts. Bigla siyang nakaisip ng bright idea. Pinaparatangan na ring mangkukulam, paninindigan na niya upang maiba naman. May pulang contacts siya na ginamit noon sa Halloween party na dinaluhan nila ni Heith bago sila nagkahiwalay. Dali-dali niya iyong isinuot bago pa man makapag-isip nang matino. Nakasuot na siya ng itim na mahabang damit na nakasanayan nang gawing pantulog. Inalis din niya mula sa pagkakapusod ang mahaba at kulot na kulot na buhok. Ginulo niya iyon hanggang sa magmukhang totoong bruha. Pinaputla niya ang kanyang mukha sa pamamagitan ng face powder. Nang mahagip ng mga mata ang eye liner ay naglagay rin siya para full ang effect.
Magpasalamat pa nga ang lalaking ito na hindi niya nadala ang pangil na ginamit rin niya noon. Pero may pangil ba ang mangkukulam?
Pinagpawisan si Pippa nang sa wakas ay maideposito ang lalaki sa sofa. Pinahid niya ang pawis sa noo at mabilis na ibinalik mula sa pagkakatali ang kanyang buhok. Hindi niya napigilang pagmasdan ang mukha ng lalaki. Dapat ay kinukuha na niya ngayon ang aromatic ammonia inhalant sa medicine kit para maipaamoy dito at nang magkamalay na. She needed to know what he was doing there.
Napaupo siya sa carpet imbes na kumilos upang kunin ang first-aid kit. Masarap pagmasdan ang mukha nito sa totoo lang. Hindi ito malubayan ng kanyang mga mata kahit na gustuhin niya. Hindi pa naman siguro ito mamamatay. Humihinga pa naman, eh.
Ano kaya ang iaakusa nito sa kanya kung hindi nawalan ng malay? Sino na naman ang diumano ay kinulam niya?
“Kung ganito kaguwapo ang lalaking susugod sa `kin gabi-gabi, magiging mangkukulam na lang talaga ako. Mas makisig ka pa kay Cedric. Puwede ka nga sa Hollywood,” pagkausap ni Pippa sa walang malay na lalaki habang nakapangalumbaba.
Makinis ang mukha nito. Matangos ang ilong at mapula ang mga labing tila kay sarap hagkan. Ito ang tipo ng lalaki na hindi pagsasawaang titigan. Hindi nakakaumay ang gandang-lalaki. Masyadong maamo at soft ang mukha nito upang mapagkamalang masamang tao. But looks can be deceiving. Malay ba niya sa likaw ng bituka ng mga tagaroon?
Hindi naman siguro siya magnanakaw. He looks expensive.
Kahit na maraming mamahaling gamit sa bahay na iyon ay walang nangangahas na looban sila mula noon hanggang ngayon. Matindi ang paniniwala ng mga tagaroon na may sumpa ang mga gamit doon at hindi mapapakinabangan kapag nawala sa bahay na iyon. Pinaniniwalaan na nilagyan ng kung anong mahika ni Lola Consuelo ang buong bahay. Noon kasi ay ninakawan ang grandparents ni Pippa ng baka. Ang diumanong nagnakaw ay minalas ang buong angkan. Lahat daw ng malas ay sinalo ng pamilya ng magnanakaw. Mas malala nga lang ang nangyari kay Mang Uste.
Baka naman hindi tagarito ang lalaki kaya hindi alam ang kuwento ng angkan niya?
Pero ang guwapo talaga niya. Hottie. Sino kaya `to?
Upang malaman kung magnanakaw ang lalaki o isa sa mga taong naniniwala na mangkukulam siya ay kailangan nitong magkaroon ng malay. Tumayo si Pippa at kinuha ang medicine kit sa kuwarto. Nais din niyang maging maayos ang lalaki. Medyo mabilis pa rin ang t***k ng puso nito at baka kailangan pang dalhin sa ospital. Tila wala naman sa hitsura nito ng maysakit sa puso ngunit maigi na iyong nakasisiguro.
Pinaamoy niya ang lalaki ng aromatic ammonia. Maghihintay siya ng ilang minuto at kung hindi pa ito magkakamalay ay tatawag na siya ng doktor. O malamang na dalhin niya ito sa pinakamalapit na klinika sa bayan at sana ay may twenty-four hours na bukas kung sakali mang umabot sa ganoon.
Bahagya siyang nakahinga nang magsimulang gumalaw ang mga kilay ng lalaki hanggang sa magsalubong ang mga iyon. Inilayo niya ang bulak na pinapadaan-daan niya sa butas ng ilong nito. Nangunot ang ilong ng lalaki at nagsimulang gumalaw-galaw ang talukap ng mga mata. He looked so cute and adorable—and super gorgeous.
Nang tuluyan nang napadilat ang lalaki ay napatitig si Pippa sa magaganda nitong mga mata. Light brown at hindi naman kakaiba ang kulay ngunit masasabi niyang ang mga iyon na ang pinakamaamong pares ng mga mata na kanyang nakita. May kung ano rin siyang nabasa roon na hindi niya mabigyan ng pangalan, ngunit tila may puwersang humihila sa kanya palapit.
Ilang sandali muna ang lumipas bago nito nai-focus ang mga mata sa kanya, na ilang sandali pa at nanlaki na. Kaagad itong bumalikwas. Bakas na bakas ang takot sa buong mukha ng lalaki. Pinigilan ni Pippa ang sarili na matawa nang malakas. “Hi! Sino ka?”
“Oh, my God, it’s talking to me!”
Hindi na niya napigilan ang mapahagalpak ng tawa sa reaksiyon ng lalaki.