MABILIS na lumipas ang mga araw, ngayon nga ay malapit na ang final examination week nila. Mas lalo pang naging abala si Moira sa pag-aaral. Madalas ay late na siyang nakakauwi dahil after ng klase ay dumideretso sila sa bahay nila Paige. Sa outdoor living room na nasa malawak na garden nila Paige sila madalas na nagre-review para sa mga major exams nila. Conducive sa pag-aaral ang lugar dahil malamig sa mata ang paligid, na puno ng iba't-ibang klase ng mga halaman at bulaklak.
Pasado alas-sais na nang gabi ay nasa garden pa rin sila. Marami naman ang ilaw sa paligid kaya nakakapag-aral pa rin ang magkakaibigan kahit kumakagat na ang dilim.
"Sumasakit na ang ulo ko!" reklamo ni Scarlet sabay isinara ang hawak nitong libro. "Hindi na talaga kinakaya ng neurons ko itong principle of partnership and corporation."
"Lahat naman ng subjects mo sinasabi mong hindi mo kaya!" pakli ni Akira rito.
"Grabe ka naman kay Scarlet. Hindi naman lahat, gusto naman n'ya 'yong PE subject! 'Di ba?" natatawang kantiyaw ni Perrie kay Scarlet.
Inirapan ni Scarlet ang dalawa bago siya binalingan. "Hindi pa ba tayo magdi-dinner? Mag-break muna tayo, Moira."
Hindi siya sumagot dahil nakatutok ang pansin niya sa libro na nasa kanyang kandungan at hindi rin niya narinig ang sinabi ni Scarlet.
"Hoy! Naririnig mo ba ako?" ani Scarlet na tinapik pa ang tuhod niya. Naka-cross legs siya nang pagkakaupo sa single sofa habang ang babae naman ay nakasalampak sa sahig sa tabi ng kinauupuan niya.
Tinanggal niya ang earphones na nakasaksak sa tenga niya, pinakikinggan kasi niya ang ini-record niyang lecture kanina. Kunot ang noo na tiningnan niya si Scarlet. "Ano 'yon?"
Tinitigan siya ni Scarlet na para bang isa siyang kakaibang nilalang. "Basta talaga may kaharap kang libro, wala ka na talagang pakialam sa ibang bagay, 'no?"
"Hindi kasi kita naririnig, naka-earphones ako," katwiran niya na inilahad pa sa babae ang katatanggal niyang earphones.
"Sabi ko masakit na ang ulo ko, wala nang naa-absorb ang utak ko. Can we have our dinner first?" sabi ni Scarlet na napahawak pa sa tiyan nito.
Tiningnan niya ang relo niya. "Okay."
"Sige, ipapalabas ko na rito ang mga niluto ni Mommy for our dinner," ani Paige at tumayo na.
Mabilis na inihanda ng mga kasambahay ng mga Colmenar ang hapunan nila, at ilang sandali pa ay magkakasalo na silang kumain. Ikinabit ni Paige sa portable speaker ang cellphone nito at saka ini-on ang music player.
"Nakakaloka! Bakit ba parang ang bilis ng araw ngayon. Monday next week start na ng exams natin," ani Akira habang kumakain sila. "Last day na ngayon ng review, pero feeling ko wala pa sa kalahati ng mga kailangan kong aralin ang pumapasok sa utak ko."
Tumikwas ang kilay ni Scarlet at tiningnan si Akira na para bang hindi ito kumbinsido sa sinabi ng babae. "Talaga? Meron talagang pumasok?" komento nito na gusto lang bumawi sa pang-iinis ni Akira kanina.
Nakataas din ang kilay na tiningnan ni Akira ang babae. "Wow! Parang kanina lang din nagrereklamo ka na hindi na kinakaya ng utak mo ang mga nire-review mo, ano?!"
Tahimik lang na kumakain si Moira habang nakikinig sa usapan ng mga kaibigan.
"So, ano'ng plano after ng finals?" tanong ni Paige nang matigil na ang pag-aasaran nina Scarlet at Akira. Bumaling ang tingin nito sa kanya. "Saan tayo magbabakasyon?"
Napakibit-balikat siya. "I'm afraid I can't join you this time. I still have classes this summer. And 'yong one week na vacation ko after ng finals natin next week, sasamahan ko naman si Mommy sa Australia para bisitahin sina Lolo at Lola. Matagal ko na rin kasi silang hindi nakakasama, eh."
"How about you, girls?" baling ni Paige sa iba. "Any plans this summer? Iona?"
Nag-angat ng tingin ang kanina pang tahimik na si Iona. "Ha?" tila kababalik lang ng diwa na sabi nito.
"Nagtatanong si Paige kung may plan ka ba this summer. Bakit ba wala kang kibo diyan?" ani Perrie na kunot ang noo habang nakatingin sa babae.
Napabaling rin ang tingin niya kay Iona. Tama si Perrie, parang kanina pa nga niya hindi maramdaman ang presence ng kaibigang si Iona. Dumako ang mga mata niya sa plato na nasa harapan ng babae, parang hindi pa nagagalaw nito ang kaunting pagkain na laman niyon. "Are you alright?" may pag-aalalang tanong niya.
Hindi kaagad nakasagot si Iona, tila nag-iisip pa ito ng isasagot sa kanila. "I'm okay," maya-maya ay tipid na sagot nito.
Hindi sila nagsalita, nakatingin lang silang lahat dito. Sigurado siyang tulad niya ay hindi rin naniniwala sina Paige sa tipid na sagot na iyon ni Iona.
"I'm really okay," ani Iona na ngumiti pa, pero halatang pilit lang iyon. "I'm a bit tired lang kasi, at saka I have my period ngayon."
"Okay," ani Perrie na napatango pero hindi maitago ng mga mata nito ang pag-aalala para sa babae. "Akala ko naman kasi may problema ka kaya nananahimik ka riyan."
Hindi kumibo si Iona, sa halip ay binawi na nito ang tingin sa kanila at itinuon iyon sa pagkaing nasa harapan. Tahimik itong nagsubo at marahang nginuya ang pagkain.
Binalingan ni Perrie si Moira. "Anyway, kung hindi ka puwede after ng finals natin, then 'wag na lang muna tayong mag-out of town."
"Oo nga, naisip ko rin 'yon. Hindi naman kasi masaya kung kulang tayo," pagsang-ayon ni Paige kay Perrie.
"What if after na lang ng summer class ni Moira, saka tayo mag-out of town?" suggestion ni Scarlet.
Nag-angat siya ng tingin para magkomento sa sinabi ni Scarlet pero bago pa siya makapagsalita ay isang pamilyar na kanta ang pumailanlang, inagaw niyon ang kanyang pansin. Iyon ang kinanta nila noon ni Slater.
Hindi niya napigilan ang sarili na matawa nang maalala kung paano natigilan ang buong grupo nila nang kumanta ang professor. Natutop niya ang kanyang bibig habang pigil na matawa nang malakas.
"Ano'ng nakakatawa?" nagtatakang tanong sa kanya ni Akira na siyang nakaupo sa tabi niya.
Napatingin siya rito. "Wala, may naalala lang ako," wika niya at kagat ang ibabang labi na nag-iwas ng tingin.
"So, okay na ba 'yon?" tanong ni Paige na nakatingin sa kanya. "Okay sa 'yo na after na lang ng summer class mo tayo mag-out of town?"
"Sounds good to me," tugon niya na sinabayan pa ng pagkibit-balikat.
Nag-agree rin doon ang iba nilang mga kaibigan. Napagkasunduan rin na si Akira na ang mag-o-organize ng out of town na iyon. Doon naman kasi magaling ang babae, ang magplano ng lakad nila.
"Patapos na talaga itong sem, 'no?" ani Akira na napabuntong-hininga pa. "Kahit na masakit sa ulo ang mga subjects ko, mami-miss ko pa rin 'yong mga naging classmate ko."
"Ako, 'yong iba't-ibang food na dinadala sa atin ni Iona for food tasting ang mami-miss ko," sabi ni Paige na nginitian pa si Iona.
Tahimik lang siya habang nag-uusap ang mga ito kung ano ang mga mami-miss nila ngayong darating na bakasyon. Napaisip siya. Siya ba? Ano nga ba ang mami-miss niya sa semester na ito. Walang ano-ano ay pumasok sa isip niya si Slater Miranda.
Siya nga yata ang mami-miss ko. Ngayon pa nga lang I already missed how he bombarded me with questions back then, pati na 'yong sintunado n'yang boses. At saka malaki rin ang nagawa niya para sa akin, he helped me change.
Napahinga siya nang malalim. Ngayon feeling niya ay mas gumaan ang buhay niya. Hindi na niya masyadong iniisip na baka hindi niya ma-meet ang expectations ng iba; at higit sa lahat, nagkaroon pa siya ng mga bagong kaibigan. At lahat ng iyon ay ipinagpapasalamat niya kay Slater.
"TUWANG-TUWA siguro kayo, ano?" nangingiting tanong ni Slater habang nasa unahan ito at inihahanda ang kanilang mga test paper.
Tahimik lang sila na naghihintay na iabot ng lalaki ang kanilang test paper. Ang Pharmacology ang huli sa tatlong exam nila na naka-schedule ngayong araw, at halata na sa mukha nila ng mga kaklase ang pagod dahil sa naunang dalawang pagsusulit.
"Bakit naman po, Sir?" pa-inosenteng tanong ni Loisa.
"Eh 'di ba, you always complain about sa exams na inihahanda ko. Sabi ninyo napakahirap," tugon dito ni Slater.
"Ikaw ba naman, Sir, may parts pa na essay ang ibinibigay ninyong exam sa amin," wika ng isa sa kanila.
Nangiti si Slater sa narinig. "Kaya nga before tayo magsimula sa exam ninyo, gusto kong mag-apologize sa inyo. Sorry dahil masyadong marami akong hinihingi sa inyong mga paperworks, at masyado ko rin kayong napahirapan sa mga exams. I know some of you don't like me."
"Oy! Hindi po totoo 'yan, Sir!" malakas na sabi ni Tine na sinegundahan naman ng iba pa nilang mga kaklaseng babae.
"Class, okay lang naman 'yon. Because at the end of the day, kahit na magalit pa kayo, ang mahalaga sa akin marami pa rin naman kayong natutunan from me," wika ni Slater at nginitian pa sila. "Am I right?"
Nagpalakpakan ang buong klase pagkasabi niyon ni Slater. Nakangiting nakisabay si Moira sa pagpalakpak ng mga ito. Tama ang lalaki, marami silang natutunan mula rito. Ang in her case, mas higit pa sa learning about pharmacology ang naibahagi sa kanya ng binata. Pati na rin ang buhay niya ay nagkaroon ng pagbabago dahil dito.
"Gusto kong malaman ninyo how proud I am na naturuan ko kayo," patuloy ng lalaki. "Alam n'yo ba na sa section ninyo ang may pinakamaraming nakapasa at nakakuha ng mataas na score sa last mastery exam na ibinigay ko?"
Lalong naghiyawan ang buong klase. Ang tinutukoy na mastery exam ni Slater na yata ang pinakamahirap na ME na ibinigay nito sa kanila, pero pinaghandaan nila iyong mabuti tulad ng payo sa kanila ng binata. Ayon kay Slater, kung maipapasa nila ang mastery exam na iyon ay wala na silang dapat pang alalahanin sa finals nila. Mas mahirap daw kasi ang ME na iyon keysa sa test questions na inihanda nito para sa finals. Para mapaghandaan iyon ay nagkaroon sila ng mga group studies; at bilang contribution ni Moira sa paghahanda ng klase, ipinahiram niya sa mga classmates niya ang ginawa niyang reviewer.
"So, I'm expecting that you will pass this final examination nang walang kahirap-hirap," dagdag pa ni Slater.
"Sir, hindi ka na ba talaga namin magiging professor this coming school year?" bakas ang lungkot na sabi ng isa sa mga kaklase niyang babae.
Umiling ang lalaki. "Pero puwede pa rin naman tayong magkasama sa mga hospital duties ninyo."
Nangibabaw ang pag-angal ng mga kaklase niya.
"Class, kahit naman hindi ko na kayo students, you can always approach me anytime. If you need my help, puntahan n'yo lang ako or send me a message."
"Eh, paano naman 'yon, Sir? Eh, ikaw nga itong kailangan ko, eh," pabirong hirit ni Tine.
Napuno ng kantiyawan at hiyawan ang buong silid.
Natatawang napailing si Slater. "Puro kayo kalokohan. Anyway, sige na, tama na iyan. Simulan na natin ang exam ninyo." Tumayo na ang lalaki mula sa kinauupuan nito at iniabot sa mga estudyanteng nasa unahan ang tangan na mga papel.
"Sir, puwede bang ibagsak mo na lang ako?" hirit naman ng isa pa nilang kaklase na babae, si Joyce. "Para i-repeat ko ulit ang subject na ito; at siyempre, gusto ko ikaw pa rin dapat ang prof ko."
Tumawa lang si Slater bilang tugon sa sinabi nito.
"Sir, seryoso 'yang si Joyce," singit ni Diody. "Hindi naman daw kasi s'ya nagmamadaling maka-graduate, eh."
"Kapag hindi ninyo sineryoso ang exam na ito; sigurado 'yan, babagsak talaga kayo," wika ni Slater na pinipilit gawing seryoso ang tinig kahit halata naman sa mukha nito na pinipigil lang nito ang sarili na tumawa.
"Pero seryoso, Sir Slater," ani Rj sa mas pormal na tinig. "Mami-miss ho namin kayo. Kahit na bumabagsak-bagsak kami sa mga quizzes ninyo, we learned a lot from you."
Ilang segundo ring nawalan ng imik si Slater; pagkuway ay tumango ito at ngumiti. "Thank you. And of course, mami-miss ko rin kayo," anito na inilibot pa ang mga mata sa kanila. Sa kanya huling dumako ang mga mata ng binata. Ilang segundo pa nga yata ang lumipas bago nito binawi ang tingin sa kanya. "Sige na, start answering your exams now. Read the instruction carefully..."
Saka lang niya iniiwas ang tingin mula sa professor. Habang nakatuon ang mga mata nito sa kanya ay hindi niya malaman kung bakit parang nahigit niya ang kanyang paghinga. Napailing siya sa kanyang sarili, at saka itinuon na ang pansin sa test paper na nasa kanyang harapan.