HINDI mapakali si Moira habang nakaupo sa loob ng auditorium kasama sina Rj. Tulad niya ay bakas sa mukha ng mga ito ang kaba at pagka-inip habang hinihintay nila ang result ng case presentation. Tatlo pang grupo buhat sa ibang mga universities ang kasabay nilang nag-present kanina, at naghihintay ng result buhat sa tatlong nurse supervisor ng JRRMMC na siyang naging judge ng presentation.
Bukod sa ito ang kauna-unahan nilang case presentation; hindi nila akalaing competition din pala iyon, kaya ganoon na lang ang anxiety na nararamdaman ng grupo. Ayon sa mga judges at clinical instructors, ang grupo na makakakuha ng pinakamataas na rating ay magkakaroon ng bonus point sa kanilang duty evaluation.
Napakislot si Moira nang maramdaman ang mahinang tapik sa kanyang balikat. Napatingin siya sa gumawa niyon, at nakita niya ang nakangiting si Slater.
"Relax," wika ng professor na nakatayo sa may likuran niya. "Easy lang, guys. You've done well, all of you," dagdag pa nito.
Napangiti siya. Nakakagaan ng kalooban ang sinabi na iyon ng lalaki. Napaka-supportive sa kanila ni Slater mula pa kanina. Habang nagpi-present ang ibang grupo ay hindi ito umalis sa kanilang tabi at ini-encourage ang mga kinakabahan niyang kasama.
"Guys, 'ayan na!" malakas na sabi ni Rj na umagaw sa kanyang pansin.
Nang humarap siya sa unahan ay nakita niya ang isa sa mga judges na naglalakad patungo sa stage ng auditorium. Natuon ang atensiyon ng lahat dito.
"Are you guys excited for the results?" nakangiting sabi ng supervisor na nasa unahan, itinaas pa nito ang hawak na maliit na papel.
Malakas na 'yes' ang isinagot nang lahat ng naroon.
"Okay, I won't prolong your agony, at para pare-pareho na rin tayong makapag-lunchbreak. So, the fourth place goes to the group from Sta. Barbara College."
Dinig ni Moira ang masayang cheer nila Loisa, at lalo pa iyong lumakas pagkatapos sabihin kung sino ang nakakuha ng third place. Napahugot siya nang malalim na hininga, parang nagsisikip ang dibdib niya sa kaba. Ang grupo na lang nila at ang galing sa Central Luzon University ang hindi pa tinatawag.
"Sa atin 'yan, tayo ang first place," narinig niyang sabi ni Loisa. Nakapikit ang mga mata nito at magkadaop ang mga palad na tila nagdadasal.
Nagpatuloy ang supervisor. "Both groups from UST and CLU have presented their cases very well. Maganda ang pagkaka-develop ng mga nursing care plan, and well-researched ang kanilang mga presentation, kaya naman maliit lang ang difference ng ratings nila," anito at ngumiti pa. "Second place is CLU group with a score of ninety-one percent, and in the first place is the UST group with a score of ninety-two percent!"
Nagpalakpakan at naghiyawan ang grupo nila. Sa labis na tuwa ay niyakap pa siya ni Loisa, at sila Tine ay hindi magkamayaw sa kakasigaw.
Ilang sandali pa ay magkakasama ang grupo at si Slater na lumabas ng auditorium. Hindi maikubli ang saya ng grupo sa kinalabasan ng presentation nila. Maging si Moira ay hindi pa rin makapaniwala na sila ang nanalo, mahuhusay rin naman kasi ang mga nakalaban nila.
"Celebrate tayo, guys!" wika ni Loisa habang naglalakad sila sa hallway patungo sa area of assignment nila. "Videoke tayo or food trip after ng duty."
"Or p'wede rin namang both," singit ni Tine.
"Oy, gusto ko 'yan!" pagsang-ayon ni Rj sa dalawa. "Sama ka sa amin, Sir?"
"Oo nga, Sir, sumama ka na," segunda pa ni Tine na pinalambing pa ang tinig. "Tutal last day na ito ng duty namin with you, at hindi natin alam kung makakasama ka pa namin ulit sa mga susunod na rotations."
Tiningnan ni Slater ang suot nitong relos na wari ay nag-iisip, maya-maya ay ngumiti ito. "Alright, nakakahiya namang tumanggi sa inyo. Lalo na at nakuha ninyo ang first place. I'm so proud of you, guys!"
"Yes!" tuwang-tuwa na sabi ng grupo.
"Pero huwag kayong masyadong masanay sa paglabas-labas ng ganito pagkakatapos ng mga duties ninyo. Alam naman ninyong bawal ito, 'di ba? At kapag may nangyaring hindi maganda sa inyo, hindi na iyon sagutin ng school," seryosong paalala rin sa kanila ng professor.
"Bihira naman ito, Sir. Saka nilulubos lang namin 'yong chance habang p'wede pa kaming mag-relax ng ganito. Eh, next year baka hindi na rin namin ito magawa sa tindi ng mga lecture at duties namin," wika ni Diody bago siya binalingan. "Moira, sumama ka rin ha."
Napatingin siya sa mga ito. "Sorry, I—"
"Ayan na naman tayo, eh," putol sa kanya ni Loisa na nanghahaba pa ang nguso. "Pagbigyan mo na kami. Si Sir Slater nga sasama, tapos ikaw hindi?"
"Oo nga naman, Moira," sabad naman ni Rj. "Sabi mo last time, sasama ka na 'next time'."
Sasagot sana siya pero bago pa siya makapagsalita ay naunahan na siya ni Slater. "Ako na ang sagot sa snack natin. You should come with us, Moira. Siguro naman kung ako ang magyayaya sa 'yo, hindi ka na tatanggi?"
Hindi siya naka-imik, nakagat lang niya ang lower lip niya. Paano ba siya makakatanggi rito, lalo na sa harap ng mga ka-grupo niya?
"Patay tayo d'yan, Sir. Mukhang ipapahiya ka pa sa amin ni Moira, ah," pakantiyaw na sabi ni Diody sa lalaking professor.
Hindi nagsalita si Slater, nakatingin lang ito sa kanya habang hinihintay ang sagot niya.
Lalong dumiin ang pagkakakagat niya sa kanyang labi, mukhang wala siyang choice kundi ang pagbigyan ang mga ito. Napabuntong-hininga siya. "Okay, pero hindi ako puwedeng magtagal ha."
"Yes!" masayang sabi ni Loisa at ikinawit pa nito ang isang kamay sa braso niya. "Wala ng bawian 'yan, girl! So, saan tayo mamaya, Rj? Sa dati na lang ba?"
"`CAUSE I, I'm still waiting here for you
Hoping one day you'll realize
that what we had was true.
I know you'll be with me again.
Believe that love will show you the way,
Back in my arms, where you...
belong"
Binawi ni Moira ang tingin mula sa kumakantang si Loisa, at tiningnan ang suot na relos. Mag-iisang oras na silang nasa KTV house na malapit sa JRRMMC. Pagkatapos ng duty nila kanina ay dumiretso na sila rito. Puno ng pagkain at iba't-ibang juice ang lamesang nasa harapan nila. Gusto pa sanang um-order ng beer nila Loisa pero dahil kasama nila ang professor ay hindi nakaporma ang mga ito.
Naramdaman niya ang pag-vibrate ng cellphone na nasa bulsa ng kanyang uniporme, inilabas niya iyon, at tiningnan. Nakagat niya ang ibabang labi nang makitang si Akira ang tumatawag sa kanya. Nagpaalam siya sa mga kasama bago lumabas sa silid na inukopa nila.
"Where are you na?" agad na tanong ni Akira nang sagutin niya ang tawag nito.
"Hindi ba sabi ko, five o'clock na lang tayo magkita?" tugon niya habang naglalakad patungo sa may entrance ng KTV.
"Eh, bakit nga kasi five o'clock pa?! Kanina pa namang alas-dos natapos ang duty mo, 'di ba? Kanina ka pa nga dapat nandito, eh!" ani Akira na bakas ang iritasyon sa tinig.
She rolled her eyes, sinusumpong na naman ng pagiging childish at demanding ang kaibigan. Kung sabagay, kasalanan din niya iyon. May usapan sila ni Akira na magkikita after ng duty niya, pero heto siya at kasama pa rin ang mga kagrupo. Hindi kasi talaga niya matanggihan si Slater kanina. "Basta darating ako, okay?" nasabi na lang niya.
"Nasaan ka ba kasi?"
"I'll explain it—"
"Moira," narinig niyang pagtawag sa kanya ng taong nasa likuran niya, boses iyon ni Slater.
Napatigil siya sa paglalakad, at pumihit paharap sa lalaki.
"Sino 'yon?" Narinig niyang tanong ni Akira mula sa kabilang linya pero hindi na niya ito sinagot. Inalis niya sa tenga ang cellphone at idinikit iyon sa kanyang dibdib.
"Ano'ng ginagawa mo riyan?" tanong ng binata.
"Kausap ko lang ho ang kaibigan ko."
Napatango-tango ang lalaki. "Okay, hurry up. You're next," anito na tila nakakaloko pang ngumiti bago siya tinalikuran.
Hindi maipinta ang mukha na nakagat niya ang pang-ibabang labi. Kung may talento na to the tenth power yatang ipinagkait sa kanya, iyon ay singing. Ito ang dahilan kung bakit ayaw sana niyang sumama rito nang sabihin ni Loisa na magbi-videoke sila.
Muli niyang inilapat sa tenga ang cellphone. "I'll see you—"
"Sino 'yong tumawag sa 'yo?" mabilis na putol sa kanya ni Akira. "At saka—wait! Oh my gosh!"
"Bakit?" naguguluhan niyang tanong.
"Was that a guy? Don't tell me you're on a date?!" bulalas ni Akira.
Namilog ang mga mata niya. "Of course not!" mabilis at mariin niyang tanggi.
"Eh, sino 'yon? At saka bakit ba ayaw mong sabihin kung nasaan ka?" pahamon nitong tanong.
"FYI, si Sir Miranda 'yon. Kasama ko sila ng mga groupmates ko, nagyaya kasi silang lumabas after ng duty."
"Gano'n?" tila nadismayang sabi ng babae. "Akala ko pa naman nakipag-date ka."
"Grabe talaga ang imagination mo, ano? Narinig mo lang na may kausap akong lalaki, kung anu-ano na kaagad 'yang pumapasok sa isip mo!"
"Eh, pa'no kaninang-kanina pa ako naghihintay sa 'yo rito," pakli ng babae na bumakas na naman ang iritasyon sa tinig. "Iwan mo na nga ang mga 'yan! Inuna mo pa talaga sila keysa sa akin, ha?!"
"Hindi kasi ako makatanggi kay Sir Miranda kanina, eh," katuwiran niya. "Sige na, gagawa na ako ng paraan para makaalis dito."
Mabilis niyang ini-drop ang call bago pa makapagsalita ulit ang kaibigan at ibinulsa na ang cellphone. Tahimik na naglakad siya pabalik sa kinaroroonan ng grupo. Eksaktong katatapos lang kumanta ni Loisa pagkapasok niya sa room, kaya agad nitong iniabot ang microphone sa kanya.
"Hindi ba puwedeng pass na muna ako?" tila nakikiusap na sabi niya. Mukhang mangyayari na ang pinaka-nakakahiyang sandali ng buhay niya.
"Pass ka d'yan?! Hindi puwede!" nakalabing sagot sa kanya ni Loisa.
"Huwag kang mag-alala akong bahala sa 'yo," wika ni Slater na nakatayo na sa tabi niya at hawak ang isa pang microphone.
Pigil niya ang sarili na simangutan ang professor. Kung hindi dahil rito ay hindi naman siya mapapapayag nila Loisa na kumanta. Para mapilit siyang kumanta ay nangako si Slater na magdu-duet sila, at siyempre hindi naman siya makatanggi tulad na lang ng pasamahin siya nito rito.
"Ikaw sa unang part ha," anito na kinindatan pa siya.
Pairap niyang binawi ang tingin sa lalaki at ibinaling ang mga mata sa TV. Ang kanta ng Phoebe's Band na Chance ang pinili ni Loisa na kantahin nila.
"How can I forget the first day that we met,
The first time I ever saw your face.
Oh, you got me."
Sinabayan niya ang tugtugin kahit pa alam niyang talo pa niya ang tumutula. Maya-maya ay umayos na ng tayo si Slater at tila ba bumubuwelo pa bago ito nagsimulang kumanta.
"You brighten my days with just one smile.
Though I tried to get you off of my head,
I just can't stop this feeling."
Napatanga silang lahat sa professor. Hindi niya malaman kung sino ba sa kanila ng lalaki ang mas balagbag, o kung sino ang mas sintunado. At ang nakakatawa pa ay feel na feel pa ni
Slater ang pagkanta, papikit-pikit pa ang lalaki habang kumukumpas ang mga kamay.
Hindi na niya napigilan ang sarili, napabunghalit siya ng tawa. Natawa na rin ang buong grupo. Tila wala namang pakialam na patuloy lang sa pagkanta si Slater. Maya-maya ay pinilit niyang kontrolin ang pagtawa at sinabayan ang lalaki sa pagkanta ng huling bahagi.
"Enjoy na enjoy kayo na pagtawanan ako, ah," pabirong sita sa kanila ni Slater nang matapos na ang kanta.
"Galing mo pala, Sir, eh!" tumatawang biro ni Diody rito. "Pang-singing contest, eh!"
"Oo nga," segunda naman ni Rj. "Idol!"
Natawa lang si Slater sa kantiyaw ng grupo. "Ano, ikinahihiya mo pa rin ang boses mo?" anito nang bumaling ang tingin sa kanya.
Pigil ang muling matawa na umiling siya. "Hindi na, Sir. Lalo na kung ikaw lang din naman ang ka-duet ko."
Napuno ng tawanan ang buong silid.