“WHO can explain the difference between cholinergic and anticholinergic drugs?”
Mangilan-ngilang estudyante ang nagtaas ng kamay, kabilang doon is Moira; pero katulad noong nakaraang linggo ay nilampasan lang siya ng tingin ni Slater.
“Levy,” tawag ng lalaki sa estudyanteng nasa likuran.
Ibinaba niya ang kanyang kamay pero hindi inalis ang tingin sa professor. Mula nang magkausap sila noong second day ng duty nila sa JRRMMC ay malaki na ang naging pagbabago ni Moira. Bukod sa unti-unti siyang napapalapit sa mga kaklase ay mas naging active na rin ang dalaga sa klase, ngayon ay nagtataas na siya ng kamay para mag-recite. Pero kung kailan niya ginawa iyon ay saka naman siya bihira nang tawagin ni Slater.
Nakapanood siya sa lalaking professor na patango-tango habang nagsasalita si Levy. Hindi niya maiwasan ang mapangiti nang maalala kung paano siya noon gisahin ng tanong ni Slater. Sino’ng mag-aakala na mami-miss din pala niya iyon, gayong dati ay inis na inis siya sa ginagawa nito.
“Moira,” mahinang sabi ng katabi niya, kasabay nang mahinang siko sa kanyang braso.
Bumalik ang diwa niya at napalingon sa katabi. "What?”
“Tawag ka ni Sir,” pabulong pa rin nitong sagot.
“Ha?” napamulagat niyang sabi sabay tingin sa kinaroroonan ni Slater. Nakatingin nga ang professor sa kanya. “Y-yes, Sir?”
“May gusto ka pa bang idagdag sa mga sinabi ni Levy?” tanong ni Slater na hindi inaalis ang mga mata sa kanya.
Napaawang ang labi niya, pagkatapos ay dumako ang tingin niya kay Levy. Sh*t! tahimik na usal ng isip niya. Hindi niya nabigyan ng atensiyon ang mga sinabi ng babae kaya paano niya malalaman kung ano pa ang puwede niyang idagdag doon.
“W-wala na ho, Sir," pagkuway ay mahina niyang tugon.
Napatango lang ang binata. “Okay,” wika nito bago binawi ang tingin sa kanya at ibinaba sa laptop nito. “Moving on…”
PAGKATAPOS ng klase ay mabilis na inayos ni Moira ang kanyang mga gamit. Nakalabas na si Slater ng classroom nang matapos siya, kaya mabilis niya itong sinundan. Hindi na niya naabutan ang binata sa hallway kaya nagpasya siyang bumaba sa faculty room, sigurado siyang doon pupunta si Slater.
“Sir! Sir Miranda!” napalakas ang tawag niya sa nakatalikod na professor. Papasok na ito sa faculty room nang maabutan niya.
Napatigil ang lalaki sa may pinto at tiningnan siya.
“Yes, Miss De Vera?” tanong ni Slater nang makalapit siya rito.
“Regarding sa case presentation namin tomorrow, Sir,” bahagya pang hinihingal niyang sagot. “Ipapa-check ko sana sa inyo itong ginawa kong pathophysiology.”
Nakita niya ang pagkunot-noo ng lalaki.
“First time ko kasing gumawa ng pathophysio, Sir. I just want to make sure na tama 'yong ginawa ko," dagdag pa niya.
“Okay,” tipid na sabi nito bago binuksan ang pinto ng faculty room. Pumasok ang lalaki pero hindi nito binitiwan ang pagkakabukas ng pinto hanggang sa makapasok na rin siya sa silid.
Marahang ipininid ng binata ang pinto at saka ito nagpatiuna patungo sa lamesa nito. Tahimik niyang sinundan ito.
Ibinitang ni Slater ang mga dala nitong gamit sa lamesa bago naupo. Nang ilahad ng lalaki sa kanya ang isa nitong kamay ay mabilis niyang iniabot dito ang hawak niyang folder. Tahimik na pinag-aralan ni Slater ang diagram na naka-illustrate doon. Nanatili naman siyang nakatayo sa tabi nito.
“Get that chair,” maya-maya ay utos nito at itinuro ang upuan sa kabilang lamesa.
Agad naman siyang tumalima. Hinatak niya ang upuan at naupo roon, kandong-kandong niya ang kanyang bag. Nakatuon pa rin ang mga mata ni Slater sa folder habang tahimik naman niyang hinintay ang sasabihin nito.
"Okay naman ito," ani Slater pagkaraan ng ilang sandali. "Kailangan lang iayos ng konti, at may dapat ka ring idagdag.”
Umusod pa siya ng konti palapit sa lalaki para makita ang itinuturo nito. Tiningnan niya ang diagram habang ipinapaliwanag naman ni Slater ang mga dapat niyang iayos doon.
Nakikinig siya sa professor pero ilang sandali lang ay parang unti-unting nawawala ang focus niya roon. Hindi niya maiwasan na mapansin ang mabangong amoy nito. Ilang pulgada lang ang layo niya kay Slater kaya nanunuot sa ilong niya ang naghahalo na natural na amoy ng katawan nito at ng gamit na pabango.
“Hindi clear kung paano naging related ang Hemochromatosis sa other diseases ng patient ninyo,” sabi ni Slater. "You need to show how these complications developed.”
Umangat ang kanyang tingin at natuon iyon sa mukha ng lalaki.
“Tulad nito,” patuloy ni Slater. “Paano nagkaroon ng liver cirrhosis ang patient ninyo?”
Hindi nga kataka-takang nagka-crush sila Tine sa 'yo, naisaloob niya habang pinagmamasdan ang binata.
Napangiti siya nang maalala ang sinabi noon ni Tine na mas bagay raw ang ‘yummy-ness' ni Slater sa showbiz or sa modeling world. Puwedeng-puwede nga naman makipagsabayan ang lalaki sa ilang mga kilalang modelo sa bansa.
“Moira?”
Napapitlag siya nang marinig ang malakas na pagtawag sa kanya ni Slater. Doon niya napansing nakatingin na rin ang lalaki sa kanya. Huling-huli ng binata ang pagkakatitig niya rito. Ramdam niya ang biglang pag-iinit ng magkabila niyang pisngi. Hindi man nakikita ang sarili ay natitiyak niyang pulang-pula ang kanyang mukha ng mga sandaling iyon. Agad siyang napa-iwas ng tingin dito.
“Are you listening?” kunot ang noo na tanong nito.
“S-sorry, Sir. Ano ho `yong tinatanong ninyo?”
“I’m asking you kung paano nagkaroon ng liver cirrhosis ang patient ninyo?"
“Ahm, ano ho, it was due to the over-accumulation of iron in the liver, Sir,” aniya na sinikap gawing kaswal ang tinig para hindi mahalata ang pagkapahiya niya, pero hindi pa rin siya makatingin sa lalaki. “Hemochromatosis is caused by excessive absorption of iron; and since liver is the main storage of iron, it may be damaged when its storage capacity is exhausted.”
Tumango si Slater. “That’s it, ganoon ang gawin mo sa presentation ninyo bukas. I-justify mo kung paano naging related ang mga complications na ito sa subject ng case pres ninyo.” Iniabot na sa kanya ng lalaki ang folder.
“Thank you, Sir, at pasensiya na rin sa abala,” aniya na kinuha na ang folder at agad tumayo.
“No problem,” pakibit-balikat nitong sabi. “Good luck sa presentation ninyo tomorrow.”
Tipid niya itong nginitian bago tinalikuran. Kagat niya ang pang-ibabang labi habang naglalakad palayo sa lalaki. Naalala niya ang pagkakatingin sa kanya ni Slater nang mahuli siya nitong nakatanga rito. Pigil niyang tuktukan ang sarili. Ano ba'ng nangyari sa kanya kanina? Bakit ba kung anu-ano ang pumapasok sa isip niya?
Napailing na lang siya sa sarili.