TANOD'S P.O.V:
SAMA-SAMA naming pinagtulungan ng mga tauhan ng mansion ang mga naglalakihang banga at halos maubos yata ang enerhiya ko dahil tatlong tao ang kailangan sa bawat isang palayok.
"Grabe, saan ba gagamitin ang gatas na ito?" hinihingal na tanong ni Lawrence habang papasok kami sa bodega na nasa likod ng mansion patungo sa hacienda dala ang malaking banga.
"Ipapangligo ito ni Senyorita," sagot ni Mang Bruno sa amin.
"Ano?"
"Ha?" magkasabay na tanong namin ni Lawrence hanggang sa tuluyan naming maisaayos ang banga na dala namin.
Tatlo pa lang ang naipapasol namin dahil anim lang kaming mga lalaki ang nagtutulong-tulong sa pagbuhat ng banga papunta rito sa bodega.
Umayos ako ng tayo at maging si Lawrence ay ganoon din at ang atensyon namin ay na kay Mang Bruno.
"Totoo ang sinasabi ko. Pangligo ng Senyorita ang mga naglalakihang banga ng gatas na ito na galing pa sa Espanya," paliwanag nito.
"Grabe namang pangligo 'yan? Wala ba kayong tubig dito?" ani ni Lawrence.
"Mayroon ngunit kabilin-bilinan sa amin ng Donya na huwag madapuan ng kahit anong uri ng tubig ang balat ng Senyorita at tanging gatas lamang na galing sa Espanya ang pinanghihilamos at pinangliligo niya."
"Hindi na ako magtataka kung bakit ganoon kaputi at kalambot ang balat ng Senyorita," wika ko at saka kami nagpasyang bumalik sa lugar kung saan naroon ang truck habang nag-uusap kami nina Lawrence at Mang Bruno.
"Kahit kami noong una ay nagulat din ngunit wala naman kaming magagawa kung iyon ang patakaran nila para sa kanilang anak. Hindi rin naman namin maitanong si Senyorita sa mga bagay-bagay tungkol sa kanya dahil hindi naman kami marunong magsalita ng kanyang wika."
"Bakit hindi niyo na lang kunin si Tanod bilang tauhan ng hacienda para naman may makausap ang Senyorita? Mukhang interesado ito sa kanya."
Napangiwi ako sa sinabi ni Lawrence. "Gusto mong tuktukan kita sa esophagus? Ibubugaw mo pa ako kay Senyorita."
"O bakit? Totoo naman na parang interesado siya sa'yo, niyakap ka pa nga eh." Rason pa nito sa akin na para bang ginusto ko ang ginawa ng Senyorita gayong nagulat lang din ako kanina nang yumakap siya sa akin.
"May asawa 'yan si Senyorita."
Natigilan kami ni Lawrence sa sinabi ni Mang Bruno.
"Weh? Ilang taon na ba si Senyorita?" usisa ni Lawrence.
"Tatlumpo't limang taong gulang." Mabilis na sagot ni Mang Bruno. "Base sa sulat na pinadala rito kasama ni Senyorita, namatay ang kanyang asawa sampung taon na ang nakalilipas at hanggang ngayon ay hindi pa rin niya ito makalimutan."
Nangunot ang aking noo. "Kaya ba tinanong niya ako kanina na buhay pa ako?"
"Hindi ko alam ang totoong dahilan. Ang mabuti pa, tapusin na natin ang paghahakot at baka abutin kayo ng tanghali rito. Marami pa kaming trabaho na aasikasuhin sa hacienda."
Napabuga na lamang ako ng hangin at saka kami sumunod ni Lawrence kay Mang Bruno at pinagpatuloy ang aming paghahakot.
Hindi ko inaasahan na may asawa pala si Xochitl at hindi halata sa kanya na mas may edad siya kaysa sa akin.
Kaya siguro lagi siyang nakatingin sa labas ng kanyang balkonahe ay sinasariwa niya ang mga alaala na naiwan sa kanya ng kanyang asawa.
Hindi ko rin naman alam kung ano ang totoong kwento kung bakit ganoon ang sinabi niya sa akin na buhay pa ako gayong hindi naman kami magkakilala at isa pa ngayon lang kami nagkaharap na dalawa.
Mataas na ang sikat ng araw at tagaktak na ng pawis ang buong katawan ko kaya naman hinubad ko na lamang ang suot kong damit at mabuti na lamang ay natapos na kami sa paghahakot ng mga naglalakihang banga na naglalaman ng gatas.
"Paano ba 'yan, ito na ang bayad sa pagpunta ninyo rito," ani ni Mang Bruno at inabutan niya si Lawrence ng limang libong piso.
"Salamat, Mang Bruno. Babalik na kami sa bayan para maibalik din itong truck." Paalam ni Lawrence ngunit bago pa man kami makasakay ng truck, tinawag ako ni Aleng Lorna.
"Tanod, sandali lang," aniya dahilan para mapahinto ako sa balak kong pagpasok sa loob ng sasakyan.
"Bakit po, Aleng Lorna?" takang tanong ko sa kanya.
"May sinasabi si Senyorita sa akin ngunit hindi ko siya maunawaan kaya maaari sana ay tulungan mo muna ako bago kayo umalis ni Lawrence papuntang bayan?" pakiusap nito sa akin.
"Nasaan ho ang Senyorita?" tanong ko na lamang.
"Nasa kanyang silid. Maaari ka bang sumama muna sa akin?" paghingi nito ng pahintulot kaya nilingon ko si Lawrence.
"Sumama ka na, mabilis lang naman siguro, pwede kitang hintayin kasi hindi naman ako marunong magmaneho nito," ani ni Lawrence kaya nilingon ko si Aleng Lorna.
"Sige po, sasama po ako," sagot ko na lamang at nagliwanag ang mukha ni Aleng Lorna at iginiya niya ako papasok ng mansion.
Dala ang pinaghubaran kong damit, sumunod ako kay Aleng Lorna at ito ang unang beses na nakapasok ako sa loob ng mansion. May malaking portrait ng Don at Donya na makikita sa b****a pa lamang ng pintuan at may mga litrato rin ng kanilang buong angkan at isang solo portrait ni Xochitl at mas bata siyang tignan doon kaysa sa ngayon.
Pumanhik ng hagdan si Aleng Lorna kaya naman sumunod ako sa kanya at sa bawat paghakbang ko, nakapako ang aking tingin sa nakangiting litrato ni Xochitl.
"Labing walong taong gulang siya nang ipagawa ang portrait na 'yan," ani ni Aleng Lorna kaya naibaling ko ang tingin ko sa kanya.
"Sino po?" patay-malisyang tanong ko ngunit alam kong si Xochitl ang tinutukoy niya.
"Si Senyorita Xochitl. Ang gandang bata hindi ba?" Tumango ako bilang tugon. "Kung ganyang kaganda ang magiging anak ko, sobrang ligaya ko siguro dahil nagkaroon ako ng anak na tulad niya na parang manika ngunit puro lalaki ang binigay sa akin at sakit pa ng ulo."
Bahagya akong natawa sa kanyang tinuran hanggang sa marating namin ang dulo ng hagdan papunta sa ikalawang palapag. "May mga tao po talaga na pinagpala sa genes lalo pa't parehong banyaga ang mga magulang ng Senyorita."
"Ikaw ba may lahi ka ring banyaga kasi ang gwapo mong bata eh? Kung may anak lang akong babae baka pinakasal ko na siya sa'yo."
Ngumiti ako. "British po ang aking ina at Pilipino naman ang aking ama kaya hindi ho malabong maganda ang resulta nila at ako po 'yon."
"Ewan ko sa'yong bata ka. Nandito na tayo," ani ni Aleng Lorna at huminto kami sa isang malaking pintuan na gawa sa kahoy. Kumatok si Aleng Lorna ng tatlong beses. "Senyorita? Nandito po si Tanod, maaari po ba siyang pumasok?"
Nakarinig ako ng kaluskos mula sa loob ng silid at makalipas lamang ang ilang sandali, bumukas ang pinto ng kwarto ngunit nanatili sa loob ang Senyorita at nakatago ito sa likod ng pinto.
"¿Qué haces aquí?" (What are you doing here?) aniya gamit ang mahinhing boses nito na para bang gusto ko na lamang iyong pakinggan araw at gabi.
Iwinaksi ko sa aking isipan ang namumuong kahungkagan at napabuga ako ng hangin at saka nagsalita. "Estoy aquí porque Aleng Lorna me pidió que averiguara qué querías transmitirle porque no podía entenderte. ¿No te enseñaron Tagalo antes de que vinieras aquí a las Filipinas?" (I'm here because Aleng Lorna asked me to find out what you wanted to convey to her because she couldn't understand you. Weren't you taught Tagalog before you came here to the Philippines?)
Nag-iwas ng tingin si Senyorita Xochitl sa akin at bahagyang humana ang kanyang mapupulang labi at humigpit ang pagkakayakap niya sa pinto.
"Solo le pregunté cuál era su nombre porque quería disculparme por lo que hice antes." (I just asked her what your name was because I wanted to apologize for what I did earlier.)
"Tanod." Mabilis kong sambit dahilan para mapatingin siya sa akin.
"¿Qué" (What?) gulat na tanong niya sa akin.
"Mi nombre es Quade Tanod Quillan, Señorita Xochitl. Y sobre lo de que me abrazaras antes, no me importa, a pesar de que estoy perplejo por tu afirmación de que estoy vivo y por qué te dejé en este mundo infernal." (My name is Quade Tanod Quillan, Señorita Xochitl. And about your hugging me earlier, I'm fine with it even though I'm puzzled by your statement that I'm alive and why I left you in this hellish world.)