TILA naubusan ng oxygen si Lucille sa kanyang baga dahil eksaktong paggising niya ay agad siyang sumagap ng hangin gamit ang bibig. Kumalabog ng mabilis ang kanyang puso at saglit na natigilan, nakaupo siya sa rocking chair ng kanyang Lola Rosie at nakaangat ang likod mula sa sandalan niyon dahil bigla siyang naging alerto, hindi niya namalayang nakatulog na pala siya roon! Napahawak siya sa puso at inalalaa ng masamang panaginip, tumatakbo raw siya dahil mayroong humahabol sa kanya, mayroon din siyang tinawag na pangalan ngunit nakalimutan na niya kung sino man iyon. Hanggang sa maabutan siya ng humabol sa kanya at doon na siya nagising.
Naroon si Lucille sa sala sa loob ng kanyang bahay sa Villa Verde Subdivision. Madilim ang paligid, ang tanging tanglaw lang ay ang dilaw na ilaw na naroon sa kusina, tanaw niya iyon mula sala dahil nakabukas ang pinto ng kusina. Saglit siyang hindi makagalaw at pinakiramdaman ang paligid, Napakatahimik ng lugar, ang tanging naririnig niya lang ay ang tunog ng wall clock. Once a week kung pumaroon si Lucille sa kanilang bahay para i-check at maglinis, pero dahil naging busy siya ng mga nakaraan ay kahit weekend ay hindi niya napuntahan. Naawa nga siya sa bahay dahil pagdating niya ay maalikabok na roon kaya naisipan niyang magwalis at magpunas-punas dahil ang mga display doon ay nababalutan na ng sapot, agiw at alikabok Nang mapagod ay saglit na naupo sa rocking chair, pero hindi niya akalaing makakatulog siya.
Tumayo si Lucille at inihimpil ang gumalaw na rocking chair na kanyang inupuan. Pinagmasdan niya ang paligid. Dati noong nabubuhay pa ang mama at lola ni Lucille ay doon sila nakatira, pero simula nang mamatay ang dalawa ay napag-isipan niyang kumuha ng condo malapit sa kanyang shop. Dahil hindi na siya namamalagi roon, ang buong sala set ay tinabunan niya na ng puting kumot para hindi maalikabukan. Sumulyap siya sa wall clock, napakunot-noo siya ng makitang a las dose na pala ng hating-gabi. Para masiguradong tama ay sumulyap siya sa kanyang wrist watch. Same time.
Biglang tumunog ang piano dahilan kung bakit nagulat si Lucille at naihawak ang kamay sa dibdib at bibig, hindi siya tumili pero parang sasabog na ang dibdib niya sa sobrang kaba!
“Oh! My God! Ano ‘yun?” aniya sa sarili na nakatingin sa piano. Bahagya siyang nakaramdam ng relief nang may makitang malaking daga roon. Napailing siya at lumapit doon, tumakas naman ang daga papunta sa kusina.
Tinakpan ni Lucille puting tela ang piano. Hindi niya pala natakpan iyon nang patugtugin niya kanina, medyo sira na ang ilang piyesa at hindi niya alam kung bakit. Pumunta siya sa kusina para sundan ang daga.
“Paanong may daga rito?” Kunot-noong inilibot niya ang paningin sa paligid. Ang ilang appliances doon ay nakabalot rin sa tela, ang ilan ay nakakahon ngunit tila inaagiw na. Hindi pa niya nalilinis iyon pero siguro sa mga susunod na araw na lang, magpapatulong rin siya kina Ivy at Tibong. Tiningnan ni Lucille ang sahig ay may duming tila putik ang nababakas doon, sinundan niya ang bakas at sa drainage ng kusina iyon nagmula. Napailing siya at gamit ang paa, tinakpan ni Lucille ang cover ng drainage at diniinan iyon, doon malamang galing ang daga. Napabuntong-hininga siya, saka bumalik ng sala pero bigla siyang natigilan at nahinto sa paglakad.
Bigla muling kumalabog ng mabilis ang puso ni Lucille at halos tumaas ang balahibo niya sa buong katawan. Hindi siya pwedeng magkamali, sa bukas na bintana ng sala ay may isang lalaki ang humawi ng kurtina doon, ngunit nang makita siya ay agad itong nawala! Dagling pumunta si Lucille sa center table at dinampot ang kanyang bag, iniharang niya rin ang sarili sa main door at naupo, hangga’t maaari ay pinilit niyang itulak ang pinto kahit pa ba naka-lock iyon.
Sino ang taong iyon? Hindi niya nakita ang mukha, pero sigurado siyang lalaki iyon! Nanginginig na kinuha ni Lucille ang smartphone niya sa kanyang bag. Alam niyang nasa Mindoro si Lucas pero dahil sa takot na nararamdaman ay hindi niya alam kung bakit iyon ang din-ial niyang numero. Pero nang mag-ring ng dalawang beses ang number nito ay saka namang biglang namatay ang kanyang smartphone, napapiyok na lang siya sa takot na bumalot sa kanyang puso at napatayo nang gumalaw-galaw ang door knob ng main door!
“S-sino ‘yan?!” nanginginig niyang tinig, ngunit patuloy pa rin sa pagpihit ang door knob, “Sabi ko, sino ‘yan?! Umalis ka na! Tumawag na ako sa pulis!”
Doon huminto sa paggalaw ang door knob. Sa likod niyon ay may nagsalita.
“Mi amor…”
Parang biglang naging yelo ang katawan ni Lucille. It was Winston.
DALA ang hiniram na kotse ng kaibigan, mabilis na pinaharurot ni Lucas ang sasakyan nang nasa Batangas siya galing Mindoro, nagtakda lang siya ng speed limit nang makarating sa kalakhang Maynila. Pagkatapos niyang makausap ng sandali ang kanyang ama ay nagpaalam na siya rito na babalikan na si Lucille, halos paliparin niya na nga ang sasakyan dahil sa pagkasabik. Ang napakagandang babaeng iyon, hindi niya makakamtan ang makasama ito kung hindi niya pinagpilitan ang sarili. His friend— Lucinda, was right, bumubuo si Lucille ng mataas na pader ngunit ang pader na iyon ay kay dali lamang gibain, pero hindi niya iyon giniba dahil sa nais niya lamang, ngunit nais niyang pumasok sa buhay nito… ng paghabang-buhay.
“Lucille, ba’t ‘di ka sumasagot? Miss na kita agad,” ungot ni Lucas na bahagyang lumabi. Ibinaba niya ang smartphone habang nakatingin sa nakasaradong shop ng dalaga, nadaanan lamang niya iyon. Malamang ay kanina pa ito umuwi dahil mag-a-a las dose na ng gabi, siguro ay nagtatrabaho pa ito sa condo nito o kaya nagpapahinga na kaya ganoon. Naisip ni Lucas na umuwi na sa apartelle na tinutuluyan, ngunit biglang tumunog ang kanyang cellphone, agad lumiwanag ang kanyang mukha nang makitang si Lucille iyong tumatawag pero agad ring nawala. He called her back, ngunit unattended na ang number nito. Saglit siyang natigilan at napakunot-noo. Kailangan niyang pumunta sa condo nito, biglang nag-iba kasi ang kanyang pakiramdam. Habang minamaneho niya ang sasakyan ay bigla ulit nagtext si Lucille.
No. 34, Villa Verde Subdivision. Mabini Avenue, Q.C.
Natigilan si Lucas, doon niya na nasiguro na may hindi magandang nagyayari kaya agad niyang ipinihit ang sasakyan!