INIHIMPIL ni Lucas ang dalang kotse sa tapat ng isang bahay sa Villa Verde Subdivision. Bumaba siya roon at pinagmasdan ang bahay, madilim iyon at tila walang tao, tingin niya rin ay bago lamang ang subdivision na iyon dahil ang ilang bahay ay tila hindi pa okupado, at para makasigurado ay tiningnan ulit ni Lucas sa text message ni Lucille kung tama ba ang bahay na kanyang pinuntahan. Tama naman, number 34 ang naroon sa gate niyon.
Hindi nagdalawang-isip si Lucas na buksan ang gate at agad tinungo ang pinto. Kakatok sana siya nang may mapansin sa doorknob. Numipis ang kanyang mga labi.
Sira ang pihitan ng pinto, at hindi siya pwedeng magkamali, sinira iyon gamit ang baril!
“Lucille?!” agad pumasok si Lucas sa loob at tumambad sa kanya ang tahimik na bahay. Tingin niya ay walang namamalagi sa bahay na iyon dahil ang mga gamit roon ay may mga sapin ng kumot, madilim doon at ang tanging may ilaw lamang—Kung hindi siya nagkakamali— ay ang kusina. Iginala niya ang paningin, at nang may makitang hand print ng dugo sa hawakan ng hagdan ay agad siyang umakyat doon!
“Lucille!” muli niyang sigaw. Bigla na lang bumilis ang t***k ng puso niya, sana nga ay walang nangyaring masama sa dalaga dahil kung mayroon man ay hindi niya mapatatawad ang sarili!
Nang makarating sa hallway ng second floor ay luminga-linga siya sa kaliwa’t kanan. Tatlo ang pintuan na naroon sa taas, sa dulo ng kaliwa siya dumiretso dahil iyon ang nakabukas. Pagkapasok niya ay kalat na silid ang bumungad sa kanya, nakatumba pa roon ang isang malaking cabinet. At sa ibabang sulok ng kama, doon niya nakita si Lucille, nakayakap sa tuhod, may katabi itong baril. Agad niya itong nilapitan.
“Lucille, ano’ng nangyari?! Okay ka lang ba?”
Bahagyang napasigaw at napapitlag ang dalaga pagluhod niya. Takot ang unang nakita niya sa mga mata nito. Hinawakan niya ito sa magkabilang balikat ngunit pilit iyong inialis nito.
“Lumayo ka sa’kin! Bitiwan mo ako!”
“Ako ito,” isang malakas na yugyog ang ginawa niya kay Lucille para matauhan.
“L-lucas?” bahagyang lumiwanag ang mukha ng dalaga ng makita siya, nakita niya iyon sa repleksyon ng liwanag ng buwan sa bintana dahil maging doon ay walang ilaw.
Tumango siya. “Ano’ng nangyari? Bakit ang kalat dito?”
“S-si Winston, n-nandito siya kanina.”
“Ano?!” bulalas niya. Tang-ina. Wala pang beinte kwatro oras na iniwan niya ito ay may nangyari nang masama! Inalalayan niyang makatayo ang dalaga at naupo silang magtabi sa kama. Ramdam niya ang panginginig ng buo nitong katawan. Tanging pagpisil sa mga kamay nito ang ginagawa niya upang ito ay kumalma. Doon niya rin napansin na hawak nito ang stun gun na iniwan niya.
“Lucille, sabihin mo sa’kin. Kaninong bahay ito? Ba’t ka nandito?”
“B-bahay ko rin ito, Lucas. Naisipan kong dumiretso dito kanina pag-uwi ko dahil matagal ko na itong hindi nabibisita. Wala pa siya pagdating ko pero nang makatulog ako at magising—tapos— Oh! My!” hindi na naituloy ni Lucille ang balak pa sana nitong sabihin dahil nakagat nito ang pang ibabang labi at tila ba gustong maiyak.
“Hindi natin alam kung hanggang saan ang pagmamasid ni Winston. Dapat hindi ka na pumunta dito!”
“Hindi ko naman akalain,” anitong napapiyok.
Bigla-bigla ay nais batukan ni Lucas ang sarili. Takot na takot na si Lucille, tapos sesermonan niya pa?
“I’m sorry, Lucille. Sige, okay lang, okay lang,” alo ni Lucas sa dalaga. Hindi siya nagdalawang-isip na yakapin ito ng mahigpit. Sa una ay napapitlag pa ito na malamang ay dahil sa dala ng trauma ngunit kalaunan ay nai-relax na nito ang katawan. Ipinatong nito ang kamay sa kanyang dibdib, madiin nitong nilamukos ang kanyang pang-itaas. Ang buong akala niya ay iiyak na Lucille, pero hindi nito iyon ginawa. At that moment ay bahagya siyang nainis sa dalaga, bakit ba nito pinipilit magpakatapang? Pu-pwede naman siya nitong iyakan, handa siyang maging sandigan nito.
“Alam kong natatakot ka. Pero huwag kang mag-alala, nandito na ako. Hindi na ako aalis sa tabi mo. Hinding-hindi ka na mahahawakan ni Winston.”
“O-oo.” Mabilis itong tumango. Saglit na pinaghiwalay ni Lucas ang mga katawan nila, hinawakan niya ang dalaga sa magkabilang pisngi. “Dito ka lang, kukuha lang ako ng tubig, may tubig ka ba rito sa kusina mo?” aniyang tumayo.
“Lucas, wait.” Bigla nitong hinawakan ang braso niya sabay ang pagtayo. “S-sasama ako,”
“Okay.” Tumango siya.
Magkahawak-kamay sina Lucas at Lucille at hindi niya ito binibitiwan kahit pa ba nabuksan na nila ang lahat ng ilaw doon sa baba ng bahay. Pinisil-pisil niya pa iyon at binitiwan lang nang maramdamang uminit na ngunit bahagya pang nanginginig ang katawan ng dalaga nang uminom ng baon nitong mineral water na naroon sa kusina kaya kinailangan niya pa itong alalayan. Pagkatapos noon, nang kumalma na si Lucille ay naupo sila sa sofa ng sala at ipinasalaysay niya ang lahat dito.
Gaya ng sabi ni Lucille, a las cinco ng hapon ng magsara ito ng shop, dumiretso doon sa Villa Verde Subdivision at naglinis ng kaunti. Pagkatapos ay napahaba ang tulog at nagising na ng a las dose saka napansing may sumilip doon sa bintana. Hindi alam ng dalaga kung paano nabuksan ni Winston ang main door pero sabi ni Lucas ay dahil iyon sa baril na malamang ay ginamitan ng silencer dahil walang narinig na putok si Lucille, nagtago ang dalaga sa mismong kwarto nito ngunit nasundan ni Winston at nabuksan rin ang pinto roon saka tinutukan ng baril ngunit mabuti na lamang daw ay hawak na ni Lucille ang stun gun na ibinigay niya. Habang hinila ni Winston si Lucille palabas ng kwarto ay ginamit ng huli ang kasangkapan sa lalaki. Nabitiwan ni Winston ang baril at doon nabigyan ng pagkakataong madampot iyon ni Lucille, itinutok dito sabay ang pag paputok at tinamaan sa balikat.
Nang lalapit ulit si Winston kay Lucille ay doon na nagmumura sa galit ang lalaki at walang pag-aalinlangang nagbanta pa. Iyon palang baril na nakita ni Lucas sa tabi ni Lucille ay baril pala ni Winston, mabuti na lang ay dala ng dalaga ang stun gun. Pagkatapos niya itong hingan ng paliwanag, tumawag sila ng pulis at ipinatawag niya rin ang dalawang gwarya ng Village.
“Sa susunod kasi, pagbutihin niyo ang pagbabantay. May nakapasok na pa lang adik dito hindi niyo pa napapansin! Ano kayo? Natutulog?!” pagalit ni Lucas sa dalawang gwardyang nakayuko. Naroon pa rin sila sa sala ng bahay. “Nang pumasok ako dito walang tao sa guard house, na’san kayo mga sir?! At sana pakisabi naman po sa Home Owners Association ay mag lagay ng ilaw sa mga poste. Kay daling mapasok ng masasamang tao itong lugar, kagandang subdivision mga walang ilaw!”
“Sorry, sir. Hindi na po mauulit,” sabay na sabi ng dalawang security guard. Ang isa ay nakayuko lamang, ang isa naman ay kakamot-kamot sa ulo.
“Talagang hindi na! dapat sainyo tinatanggal—”
“Lucas, tama na.” Hawak ni Aaron sa kanyang balikat. Napatingin naman siya sa kaibigan. Si Aaron ang tinawagan niya at nagsama ito ng isa pang pulis. Ang lalaki ay matalik niyang kaibigan na ngayon ay Police Inspector na sa Quezon City, at ito rin ang dahilan kung bakit napadpad siya sa Kalakhang Maynila in the first place, ang pagkaka-aksidente nito ang dahilan kung bakit nagkakilala silang dalawa ni Ginang Lucinda.
“Huwag mong daanin sa galit, hayaan mong Homeowners Asscociation na ang magpataw ng parusa sa kanila.”
“Naiinis lang talaga kasi ako,” aniya. Mainit ang ulo niya at gusto pa sana niyang mangbulyaw dahil sa kapabayaan ng mga gwardya, pero kinailangan niyang pakalmahin ang sarili.
“Hayaan mo. Gagawin namin ang lahat mahuli lang ang lalaking iyon.”
“Salamat, tol. Alam kong maaasahan kita.”
“Walang anuman. Sa ngayon, mas mabuting ‘wag mong iiwan si Miss Sta. Ana. Hindi ito ‘yung unang pagkakataong nangyari ito sa kanya at hindi ito biro dahil bigla na lang sumusulpot ang nagtangka. Hindi natin alam kung ano pa ang pwede niyang magawa sa mga susunod.” Tinapik siya ni Aaron sa balikat bago niyaya nito ang dalawang gwardya para ma-interview at para agad na ring makabalik ang mga ito sa istasyon kung saan nakatoka.
Napatingin si Lucas sa dako ni Lucille. Nakaupo ito sa sofa may distansya sa kanila, kausap nito ang isang pulis na humihingi ng salaysay. Humahanga siya sa tapang ng dalaga na kahit wala itong background sa anumang uri ng martial arts ay naipagtanggol pa ang sarili. Mabuti na lang at hindi ito nabaril ni Winston dahil kung nagkataong may masamang nagyari ay hahalughugin niya ang buong Pilipinas at uunti-untiin niyang katayin ang baliw na lalaking iyon!
Pagkatapos ng salaysay ni Lucille ay tumungo sila sa QCPD upang tuluyan nang masampahan ng kaso si Winston. Pagkatapos nila sa himpilan, ang balak sana ni Lucas ay ihatid si Lucille sa condominium nito at magpresintang doon na siya rin matutulog dahi sigurado siyang hindi ito mapapakali, ngunit sabi ng dalaga ay magho-hotel muna ito pansamantala. Inamin sa kanya ni Lucille na naroon ang pangambang baka pati condominium nito ay alam na rin ni Winston, mayaman raw kasi ang lalaki at hindi dito imposible ang magbayad ng tao upang mahanap ang pakay. Ganoon din ang nasa isip ni Lucas na baka pati ang condominium ni Lucille ay alam na ni Winston, pero kailangan ba nilang matakot sa hayup na iyon? Eh, ano kung mayaman ang dimonyong iyon? Hindi nito mapakikinabangan ang yaman kapag pinatay na niya ito sa sakal. Ewan, pero sa tuwing naiisip niya ang lalaki ay nangagalaiti siya sa galit, hindi niya kasi ma-imagine kung ano ang pwedeng sapitin ni Lucille sa mga kamay nito.
Dahil napagpasyahang mag-hotel ni Lucille, sinuhestyon naman ni Lucas na doon na rin lang ang dalaga sa tinutuluyan niya para mabantayan niya rin ito at baka bigla na lamang atakehin ng takot dahil sa nangyari. Bahagya namang nagdiwang ang kanyang puso nang hindi ito nag-dalawang isip at agad ring pumayag sa kanyang suhestyon, doon niya naramdamang kailangan talaga siya ng dalaga.
“Lucas, a-akala ko may bahay ka dito sa QC. Hindi ba pwedeng doon muna ako tumuloy?” bakas sa mukha ang pagtatakang tanong ni Lucille nang makapasok sila ng apartelle na kanyang tinutuluyan. Higit isang linggo na roon namamalagi si Lucas, maghahanap sana siya ng boarding house na malilipatan since nagtatrabaho siya para kay Lucille pero mabuti na lang ay hindi pa siya lumipat dahil tiyak namang mas kumportable kung doon tutuloy ang dalaga, at may rason pa siya para bantayan ito.
Ibinaba niya sa mesa ang binitbit na shoulder bag ni Lucille bago lumapit dito. “Mahabang paliwanag, ang mabuti pa magpahinga ka muna. Maraming nangyari ngayon kaya matulog ka na. Safe ka na dito.”
Bumuntong-hininga si Lucille. “Maraming salamat sa’yo, ah? Sana hindi naman ako nakakaabala dito.”
“Ano ka ba? Ako ang nag-offer na dito na ka tumuloy. At kahit kailan huwag mong isiping makakaabala sa’kin. Nandito lang ako parati para sa’yo.” Aniyang hinawakan ito sa pisngi sabay ang tingin sa mapupula nitong mga labi. Right that moment ay nais niya sanang halikan sa mga labi ang dalaga. Pero hindi iyon ang tamang oras para isipin ang sariling kagustuhan. Lucille was in a vulnerable state at the moment, ang kailangan nito ay ang kanyang proteksyon. Ayaw niya ring isipin nitong may ibang kapalit ang kusa niyang pagtulong.
“Ah, ang mabuti pa mag pahinga ka na, maraming ganap ang nangyari,” ani Lucas at ibinaba sa gilid ang kamay.”
“O-okay,” mahina nitong tugon.
Dahil Apartelle lamang iyon na pandalawahang tao, matagal na sumulyap si Lucille sa higaan. Kama iyon na kakasya ang dalawang tao, liban doon ay may dalawang upuan at isang table lamang.
“Sige na matulog ka na, magre-request nalang ako ng kutson sa housekeeping,” Iginiya niya si Lucille sa higaan. Agad itong nahiga kaya kinumutan niya na, bakas sa mukha nito ang pagod ng isip at katawan.
“Good night, ‘wag ka nang mag-alala, nandito lang ako,” bulong niya sabay ang halik sa noo nito. Hindi na niya napigil ang sarili, assurance niya lamang iyon.
“Lucas, wait.”
Aalis na sana si Lucas ngunit natigilan siya nang hawakan nito ang braso niya.
“C-could you please stay? Hanggang sa makatulog lang ako.”
Nais magdiwang ng kanyang puso. Indeed, kailangan talaga siya ni Lucille. At proud siya sa sarili dahil nararamdaman niyang tunay nga siyang lalaki na nilalang upang ito ay protektahan. Naupo siya sa tabi ng kama. “Sige, dito lang ako,” halos pabulong niyang sabi, bahagya pa siyang nagulat nang hawakan nito ang kanyang kamay bago ito pumikit.
Gamit ang switch na nasa tabi lang ng bedside drawer, pinatay ni Lucas ang nakasinding ilaw sa kwarto at binuksan niya ang lampshade. Kinuha niya rin ang remote control ng aircon at agad iyong umugong nang mabuksan saka pinagmasdan si Lucille na agad namang nakatulog. Napangiti lang siya nang pagmasdan ang dalaga, inipit nya sa tainga nito ang tumabing na buhok sa maganda nitong mukha. Kahit siguro pang habang-buhay ay hindi siya magsasawang titigan si Lucille. Sa totoo lang, ang dalaga ang pinakamagandang babaeng kanyang nakilala. Nakakatawa pero unang beses niya pa lamang nakita ito sa wallet size picture na ipinakita ni Ginang Lucinda ay agad nabighani ang kanyang puso. Siguro sa iba ay nakakatawa, pero ganoon naman talaga ang pag-ibig, ‘diba? Sa iba’t-ibang paraan at aspeto nararamdaman ng indibidwal.
Kung sasabihing nagustuhan niya si Lucille sa pisikal na itsura ay hindi niya ipagkakaila, pero kadalasan doon naman iyon umuusbong. Isa pa, hindi lang naman siya sa ganda nito nabighani. Noong una ay sinungitan siya nito pero alam niya namang may rason kug bakit, pero habang tumatagal ay mas nakikilala niya pa ang tunay nitong pagkatao. He was able to see through her soul, matapang na babae si Lucille at independent, bukod doon ay halatang mabuti itong tao dahil mahal ito nina Ynes at Tibong, aware din siyang involved ito sa random acts of kindness. Lucille deserves to be loved, at sisiguraduhin niyang siya na ang magmamahal dito, handa siyang maghintay na bumigay ang damdamin nito para sa kanya kahit gaano pa iyon katagal.
Ilang sandali ang nakalipas, tumigil lang si Lucas sa pagtitig kay Lucille nang maramdaman na niyang bumigat ang kanyang talukap. At dahil kahit tulog ay mahigpit ang pagkakahawak ni Lucille sa kanyang kamay ay naisipan niya na lang na tabihan ang dalaga, at ganoon na lamang ang pagkagulat niya nang bigla siya nitong yakapin! Idinantay nito ang ulo sa kanyang dibdib at ipinatong ang isang hita sa gitna ng kanyang katawan. Napalunok na lang siya at tila tumigil saglit ang kanyang paghinga nang mapatungan ng hita ng dalaga ang maselan na bahagi ng kanyang katawan.!
Hindi maipagkakaila ni Lucas na may nagising na natutulog na parte sa kanyang katawan. Nahihiya siya sa sarili at maging kay Lucille na walang alam sa bigla niyang naramdamang init, kung pwede lang batukan ang sarili ay ginawa na niya pero kahit ano’ng gawin niyang pagpipigil at pagsaway sa sarili ay iyon na siguro ang natural response niya sa babaeng tinatangi ng kanyang puso. Maging pilyo man ang kanyang isipan at pakiramdam, ang mahalaga ay maramdaman ni Lucille na mapagkakatiwalaan siya at naroon ang kanyang respeto.
“Hi…” bati niya kay Lucille nang magising ito at iniangat ang paningin para makita siya, “May kailangan ka ba?”
“W-wala naman.” Anitong umiling.
Ang ineexpect ni Lucas ay tumikal sa kanya ang dalaga dahil sa nagising na ito. Umiwas ng tingin si Lucille, ngunit nanatili itong nakayakap sa kanya. Banayad na hinaplos ni Lucas ang buhok nito. Without separating their so close body, he shifted his position to face her properly.
Nagkatitigan silang dalawa.
“Lucas, thank you for coming for me,” anito sa mahina at malamlam na boses.
Tipid naman siyang ngumiti at papalitpalit ang tingin sa tila maluluha na nitong mga mata. Hinaplos niya ang pisngi nito. “Pero, noong dumating ako ay wala na si Winston,” halos pabulong na sabi niya pa rito. Kung sana ay hindi talaga siya umalis ay hindi iyon mangyayari dahil sasamahan niya si Lucille saan man ito magpunta hangga’t hindi niya nasisiguradong safe na ang dalaga. Pero nangyari na ang hindi dapat mangyari.
Bagahyang umiling si Lucille at tipid na ngumiti. “But you came. Nung mga oras na iyon, dapat pulis ang tinawagan ko. Pero hindi ko alam sa puso ko na bakit ba ikaw ang tinawagan ko. Nag-off ang cellphone ko dahil na lowbatt, pero binuksan ko pa rin para makapag-text. Hindi ko alam bakit ikaw pa rin ang ti-next ko sa kabila ng alam ko namang naroon ka sa Mindoro.” Anitong napayuko, tumulo ang luha sa mga mata sabay ang biglang na lamang paghagulhol.
“Sige, iiyak mo lang yan,” sabi ni Lucas sabay ang mahigpit na pagyakap dito. Lucille hugged him back, ramdam ni Lucas na pilit itong nagpapakatapang ngunit hindi kaya, kaya bumigay na rin.
“Natatakot ako Lucas, may mga kaibigan ako, andyan rin sina Ivy at Tibong pero… I don’t know… you’re the one that I need,” pag amin pa nito.
Naikagat niya ang pang-ibabang labi. Sa wakas ay umamin na rin si Lucille. Ayaw niyang matakot ito sa nangyari dahil ayaw niya itong magkaroon ng trauma, pero tawagin na siyang makasarili dahil gusto niyang maramdaman ng dalaga na hindi nito kayang labanan mag-isa si Winston, na kailangan nitong tumakbo sa kanya, umasa at humanap ng comfort sa piling niya. At alam niyang siya lang ang makapagbibigay niyon.
“Andito lang ako, Lucille. Nasa buhay mo man si Winston o wala,” halos pabulong nyang sabi.
Ini-angat ni Lucille ang mukha. “Bumalik ka ba agad dito, para sa’kin?”
Tumango naman siya at tipid na ngumiti. “Pangako, hindi ka ulit kita iiwan ng mag-isa. Hangga’t hindi nahuhuli ang Winston na iyon, hinding-hindi ako aalis sa tabi mo, kahit maalibadbaran ka pa sa’kin.”
“Thank you Lucas.”” Anitong muling nayuko. “Kumusta pala ang tatay mo?”
“Maayos ang kalagayan niya ngayon, ‘wag kang mag-alala,” sagot niya. “Sige na, matulog ka na ulit.”
“Good night, Lucas.”
“Good night,” I love you…