MARAHANG iminulat ni Lucille ang mga mata at saglit na napatitig sa kisame. A las cinco y media na ng umaga nang tingnan niya ang oras sa wristwatch na nakapatong sa bedside table. Napasarap ang tulog niya, pagkatapos kasi nilang mamingwit ni Lucas nang nakaraang araw ay tinuruan pa siya nitong lumangoy. Saglit silang nagpahinga at doon na rin walang kahirap-hirap na nilinisan at inihaw ng binata ang apat na isda na siyang kinain nila bilang pananghalian at namitas pa ito ng bunga ng papaya. At pagkatapos noon ay muling tinuruan siya nitong lumangoy.
Hindi tinantanan ni Lucas si Lucille hangga’t ‘di siya natutong mag-freestyle at threading. Medyo naiinis rin siya sa sarili dahil parang ang bagal-bagal niyang matuto. At the age of tweny nine ay hindi talaga siya natutong lumangoy kahit kalian dahil kapwa hindi naman marunong ang mama at lola niya. Inisip niya pa nga na kapag may edad na ang isang tao ay mahirap nang matutong lumangoy, but Lucas proved her wrong. Sinabihan pa siya nitong wala sa edad kung gusto mong willing matuto. Yes, she wanted to know how to swim properly. Pinagtyagaan siya ni Lucas kaya kahit hindi man perpekto ang kanyang paglangoy ay atleast natuto siya kahit papaano. Sabi ng binata ay hindi naman mama-master ng isang araw ang paglalangoy kaya sa ibang araw na lang ulit siya nito tuturuan.
Hapon na sila nakauwi ng bahay, maaga na rin silang naghapunan at maaga siyang nakatulog dahil na rin sa pagod. Masakit at mangalay man sa katawan ang nangyaring swimming lesson nila ay kay ganda naman sa pakiramdam, lalo na’t na-motivate siya ng binata. Lucas was the best package of a bodyguard ever!
Bumangon na si Lucille at tumungo ng banyo para mag-shower. Nang bumalik siya ng kwarto ay binuksan niya ang bintana niyon at tumingin sa ibaba dahil sa narinig. Muli siyang napangiti nang makitang naroon si Lucas na seryoso sa pagsisibak ng kahoy. Unconsciously, bahagya niyang naikagat ang pang-ibabang labi nang pagmasdan ang semi-nude na katawan ng binata dahil simpleng pambahay na shorts lamang ang suot nito. Nagpe-flex ang mga muscles nito sa bawat paggalaw at effortless na sinisibak nito ang kahoy. Napailing lang siya nang tumingin ito sa gawi niya.
“Magandang umaga!” Bati sa kanya ng binata. Tumayo ito ng tuwid, malawak na ngumiti at kumaway sa kanya.
“Good morning din, mukhang busy ka, ah?”
“Hindi naman, inuubos ko lang sibakin itong mga naiwang kahoy ni Tatay. Kumusta ang tulog mo? A las sais pa lang tulog ka na.”
“Napagod ako, eh,” tugon niyang natatawa.
Iiling-iling namang natawa si Lucas saka pumitas ng gumamela sa isang halamanan, bago walang sabi-sabing umakyat sa puno ng mangga malapit lang sa may bintana ng kwartong tinutulugan ni Lucille. Saglit pa siyang naalarma, iniisip na baka mahulog ito ngunit naroon ang pagka-amuse at pagtawa sa isip. Para itong si Tarzan, clean-cut version nga lang!
“Para sa’yo.” Abot nito ng gumamela sa kanya. Palibhasa’y malapit lang ang puno sa bintana.
Bulaklak? Bakit siya nito binibigyan niyon? “T-thank you.” Kuha niya rito. “Ang galing mong umakyat, may lahi ka bang unggoy?”
“Ako? May lahing unggoy?” Itinuro nito ang sarili. “Mayroon bang unggoy na ganito kagwapo?”
Sabay silang natawa. Bakit nga ba kahit ilang araw palang silang magkakilala ay tila kumportableng-kumportable na sila sa isa’t-isa? Kung hindi niya nakilala si Lucas, malamang mas lamang pa rin ang panglaw sa puso ni Lucille, hindi lang mga labi niya ang napapangiti nito, kundi maging ang puso niya.
“Ang mabuti pa, mag-almusal na tayo. Naghihintay na ang nilagang saging sa baba.”
“Okay.” ngisi niya. “Nilagang saging…”
Iiling-iling namang natatawa si Lucas. Doon na sana ito dadaan sa bintana ng kwarto, ngunit agad siyang napatili nang mapamali ito ng tapak, nahulog ito! “Oh! s**t!”
“Lucas!” Huli na ng sana’y tangkain niyang hawakan ito sa kamay. Nabitawan niya ang gumamela at natutop na lang ang bibig mang nakitang bumagsak ito sa lupa! Hilam ng pusong mabilis sa pagkalabog, dali-dali siyang bumaba at tumungo sa likod-bahay kung saan sa ibaba ng punong mangga ay nakita niyang nakahiga pa rin ang walang malay na si Lucas.
“Lucas, Oh! My…” Lumuhod si Lucille sa harapan ng binata, mas lalong nadagdagan ang kanyang kaba nang hindi ito gumagalaw. Paano kung nabali ang spinal cord nito at may mamuong dugo sa utak? Kung anu-ano na ang naiisip niya! “Lucas gising!” mabilis niyang niyugyog ang balikat nito, makailang inulit niya pa iyon, pero hindi ito dumidilat!
Tumingin-tingin siya sa paligid dahil kung may tao man ay hihingi siya ng tulong, ngunit wala!
“Ano nang gagawin ko?” tanong ni Lucille sa sarili. Ibinaba niya ang kanang tainga sa dibdib nito. Normal naman ang t***k ng puso ng binata, ngunit dahil sa pag-aalala ay nag-init ang mga mata niya at napakagat sa pang-ibabang labi, bahagya pang bumaon ang kuko niya sa balikat nito. “Bakit kasi umakyat ka pa ng puno? Pakiramdam mo kasi eksperto ka na sa lahat ng bagay! Gumising ka na, nahimatay ka lang naman siguro. Huwag mo naman akong pag-alalahanin,” garagal niya.
Kamuntik na siyang umiyak, kundi lang dahil naramdaman niya ang paghagod ng isang kamay sa kanyang likuran. Natigilan si Lucille, inangat niya ang ulo mula sa dibdib ng binata at tiningnan ito. Napatanga siya nang unti-unting lumapad ang ngiti sa mga labi nito, sabay tingin sa kanya at iminulat ang isang mata.
“Hi!”
“L-Lucas?” napangaga siya. “K-kanina ka pa may malay?”
“Ang totoo niyan, masakit lang sa likuran ang pagbagsak pero hindi naman ako nawalan ng malay.”
Saglit na natigilan si Lucille bago mabilis na bumangon, sumunod naman sa pagbangon si Lucas na bahagya pang napangiwi.
“Ano’ng ibig sabihin mong hindi ka nawalan ng malay? G-gising ka?”
“Oo.” Lumawak ang ngiti nito.
Ilang segundo pa bago nagproseso sa utak ni Lucille ang sinabi ng binata. Teka lang, pinagloloko ba siya nito? “Pambihira ka! Buhay ka naman pala!” Hinampas niya ito ng dalawang beses sa braso.
“Ah! Grabe ka naman. Hindi nga ako mamatay-matay sa giyera noon, sa simpleng hulog pa kaya? Hindi ako mamamatay nang ganoon lang,” tatawa-tawa ang loko, “Binibiro lang kita.”
“Ano’ng simpleng hulog? Ang taas ng puno na iyan!” turo niya sa tuktok ng puno. “Simpleng hulog ka dyan, ang yabang mo nakakainis ka. Tingin mo nakakatuwa ‘yang biro mo? Pinag-alala at tinakot mo ako bwisit ka!” Patuloy niya sa paghampas dito na kulang na lang ay tuluyan na siyang umiyak nang dahil sa inis. Dahil sa emosyong nadarama hindi niya alam kung may nasabi ba siyang hindi maganda. Pero masisisi niya ba ang sarili? Nasaksihan niya ang pagkahulog nito, at ang insidenteng ganoon ay nakapagbigay ng takot sa kanya dahil bigla ring bumalik sa kanyang isip kung paano niya nasaksihan ang aksidente na nangyari sa kanyang Lola Rosie. Patay ang kanyang lola, habang si Lucas ay mukhang okay naman.
Unti-unting nagbago ang ekspresyon ng binata nang mapansin nitong tila ba nangigigil na siya rito, sinalo nito ang kamay niya na patuloy sa paghahampas. “Nag-alala ka sa’kin?”
“Obvious ba? Hindi ka nakakatuwa!” sikmat niya. Panigurado, hindi nito maiintindihan kung bakit ganoon siya kapikon.
“Sorry,” halos pabulong nitong sabi.
Magsasalita pa sana si Lucille upang pagsabihan ito, ‘di nga lang naituloy nang inilapit nito ang sarili sa kanya dahilan kung bakit tila ba bigla siyang napipi. Bigla-bigla ay hindi siya makagalaw nang maramdaman ang mainit na katawan ng binata at nasamyo ang mabango at mainit nitong hininga. Nadama niya ang pagbilis ng t***k ng puso ni Lucas nang inilapat nito ang kamay niya sa pawisan nitong dibdib. Biglang uminit ang magkabila niyang pisngi, ngunit hindi maalis ang mga mata niyang ngayon ay nakikipagtitigan sa lumamlam nitong tingin.
“Nakakataba naman ng puso, akala ko ako lang ang nag-aalala sa’yo, iyon pala nag-aalala ka rin para sa’kin.”
“O-oo naman, nag-aalala ako sa’yo,” pinigilan niyang maluha sa inis at pag-aalala. “Pasaway ka, tinakot mo ako. Paano na lang kung may nangyaring masama sa’yo? Hindi pa kita napapasalamatan sa mga ginawa mo para sa’kin.”
Saglit na katahimikan ang naghari sa pagitan nila bago siya nayuko. “Hindi kita nagawang pasalamatan noon… noong iniligtas mo ako ng unang beses sa dalawang nagtangka na mangidnap sa’kin. Pangalawa, noong dumating ka sa bahay habang takot na takot ako. Basta maraming salamat sa lahat, hindi ko alam ang mangyayari sa’kin kung wala ka,” mahina ngunit sinsero niyang paliwanag. Kailangan pa bang madisgrasya ni Lucas bago siya magpasalamat dito?
“Lucille,” halos pabulong na sambit ni Lucas sa kanyang pangalan. Hindi na siya kumibo nang haplusin ng isa nitong kamay ang kanyang pisngi, lalo na ng mapatingin ang binata sa kanyang mga labi. Makailang beses siyang napalunok at napasinghot, naipit din ang hininga niya nang unti-unting ibinaba nito ang mukha sa kanya. Oh! My… is he going to kiss her? Ipinikit niya ang kanyang mga mata, una niyang naramdaman ang pagtama ng matangos nilang ilong, kasunod ang…
“Lucas, may dala akong— ay…”
Tila biglang nagising sina Lucille at Lucas sa sana ay napakagandang magaganap. Biglang dumating si Tatay Vir, kapwa sila napatingin dito. “Ay, nakakaabala ba ako sainyo? Sige dyan muna kayo.” Ngisi nito sabay talikod.
Nagkatinginan silang dalawa sabay ang bahagyang paglayo sa katawan ng isa’t-isa. Napahimas sa batok si Lucas, siya naman ay napahawak sa isang pisnging mainit sabay ang pagtayo. Nakaramdam ng hiya si Lucille, pero para bang mas nangibabaw sa kanya ang panghihinayang!
“Tay, ang bilis niyo naman yatang bumalik,” sambit ni Lucas na bakas sa boses ang pagkadismaya.
Humarap naman sa kanila ang hahakbang na sana na palayo na si Tatay Virgilio. “May dinala lang ako ditong pagkain galing sa malaking bahay, aalis din kami. Pasensya na kung nakaabala ako. Pwede nyo nang ituloy dahil mamaya pa ako babalik.” Turo a nito sa kanilang dalawa.
“Ah, h-hindi naman po.” Si Lucille sumagot. Tumingin kay Lucas na ngayon ay may kislap sa mga mata. Napailing siya at napagpasyahang tulungan itong tumayo na hindi naman nito tinanggihan. Nang makita niya hindi ito makatayo ng maayos ay isinampay niya ang braso nito sa kanyang balikat, kay bigat pala ng binata kahit ba ramdam niyang tila ba nagpapagaan na ito.
“Ano’ng nangyari?” Kunot-noo ni Tatay Vir. Nagsimula na silang humakbang palapit sa nag-aalalang matanda.
“Nahulog ako, Tay. wala man lang sumalo,” pabiro pang sabi ni Lucas. Kinabig pa siya mas malapit sa katawan nito. Pinlakihan niya ng mga mata ang binata, ano ba ang ibig nitong sabihin?
Nang makarating sa gawi ni Tatay Vir ay inis na ipinasa niya rito ang anak. Lumabi naman si Lucas na animo’y bata, mas gusto yatang sa kanya ito nakadikit. Magdusa ito!
“Hay! Parang nung bata ka. Kung hindi sa bayabas nahuhulog— sa mangga, minsan pa nga sa bubong, eh! Pero ni minsan hindi ka naman na-comatose. Awa ng Diyos!”
“Tay, medyo masakit ang balikat ko. Pero balikat lang,” bahagya itong napangiwi.
Humalukipkip si Lucille. Balikat lang? Paano kung na-dislocate iyon? Pagsasabihan pa sana ito ni Lucille, pero nakakahiya namang pagalitan niya ito sa harap ng ama.
“Hay, naku! Mabuti kasama ko si Protacio, magpahilot ka muna sa kanya bago kami umalis. Tara na sa loob, mukhang hindi pa rin kayo nag-aalmusal dahil naroon pa rin iyong saging na nilaga ko!”
Sa main door sila ng bahay dumaan, doon niya nakita si Mang Protacio na siyang maghihilot kay Lucas. At ayon dito ay may pilay ang binata. Iniwan nila ni Tatay Ben ang dalawa sa sala.
“Tay, hindi maganda ang pagkakahulog ni Lucas. Ano kaya kung sa duktor natin siya patingnan?” pag-aalala niyang sabi sabay sulyap sa dalawang nasa sala. Naroon sila sa kusina at kumuha ng mga plato. Napangiwi siya nang parang ino-orasyunan ng matandang lalaki si Lucas sabay pahid ng dinurog na dahon sa likuran nito, dahon na nahiningi lang sa kapit-bahay. Sa isip-isip niya ay hindi naman naengkanto ang binata.
“Huwag kang mag-alala, subok na iyan si Protacio. Isa siya sa bihasang manghihilot dito sa bayan at suki na niya si Lucas. Kasi makulit ‘yang anak ko bata pa lang kaya madalas mapilay. Adventurous ba?” Tumingin ang matanda sa dalawa. “Hay naku, saan ka nakakita ng nahulog at napilay na, eh, nakangiti pa rin?” ngiti nito sabay ang tingin sa kanya. “Iba talaga kapag pumapag-ibig, nawawala iyon bang pain receptors!”
“H-ho?” napamaang siya.
“Lucille, anak,” Ani tatay Vig.
“T-tay?”
“Alam mo, hindi sa pinapalakas ko ang anak ko sa’yo. Pero iyang unico hijo ko sa totoo lang?” anito na bahagyang hininaan ang boses dahil hindi kalayuan ang sala doon para hindi sila marinig, “Hindi man siya katulad ng ibang lalaki na may marangyang pamumuhay, pero mabuti siyang tao. Bonus na lang nga iyong pagiging magandang lalaki niya. At kapag nagmamahal? Ibinibigay niya ang buong puso niya. Iyon bang parang wala nang matitira sa kanyang sarili.”
“A-ah, ga’nun po ba?” sabi niya na lang. Ano ba ang gustong sabihin ni Tatay Vir?
Bahagyang lumapit sa kanya ang matanda at nagpatuloy sa mahinang pagkukwento. “Nasasabi ko ito sa’yo dahil kilalang-kilala ko siya. At sa nakikita ko sa kanya, mayroon na siyang babaeng tinatangi.”
Speechless si Lucille pero kumalabog ng napakalakas ang dibdib niya. May tinatangi daw si Lucas. Hindi siya manhid para hindi malaman kung sino ang tinutukoy nito. Pero siya nga ba? O tumatalon lang siya sa conclusion?
Inayos ng matanda ang kumbyertos sa mga pinggan. “Alam mo, trenta y cuatro na ang anak ko. Matanda na pero hindi ko alam kung bakit natotorpe, eh, wala namang masama kung aaminin niya ang pagtingin sa’yo. Siguro iyon ay dahil amo ka niya.”
“M-may pagtingin po siya sa’kin?” halos pabulong niya ring tugon. Nahahalata nga niyang parang mayroon, pero dahil ba sa mag-amo sila ay hindi nito maipagtapat? Ah, ewan. Bigla siyang naguluhan!
“Oo. Mayroon nga, kahit hindi niya sabihin ay nahahalata ko sa mga kilos niya. Lalo na ng makita ko ang kislap sa kanyang mga mata habang ikinukweto ka niya sa’kin. Anak, hindi ko siya pinipilit sa’yo, pero sana bigyan mo siya ng pagkakataong patunayan ang pag-ibig niya sa’yo. Responsible ‘yan at hindi mahirap mahalin. Hinding-hindi ka magsisisi.” Sabi pa ng matanda, hinawakan siya nito sa braso bago umalis at dinala ang mga pinggan.
Saglit na hindi makagalaw si Lucille sa kinatatayuan. Naipako niya ang tingin sa lalagyan ng plato. Bumalot ang kakaibang emosyon sa kanya, emosyon na noon niya lamang nadama, may kaba ngunit tila ba napakaganda. Straight sa mga labi ni Tatay Virgilio, walang pag-aalinlangan nitong inilalakad sa kanya si Lucas! At Obvious din naman sa mga ikinikilos ng binata na tila ba may pagtingin ito sa kanya, pero iba pa rin kapag sinasabi ang totoong damdamin. Wala pa siyang naririnig na pagtatapat mula rito.
Tumingin siya sa gawi ng binata na hinihilot pa rin ni Mang Protacio. Batid niya’y kanina pa siya nito tinitingnan, malamlam ang mga titig at may kaunting ngiti sa mga labi.
“Kayo ba’y tapos na dyan sa hilot? Ang mabuti pa kumain muna kayo ng pancit, mukhang ayaw nyo nitong nilagang saging,” sikmat ngunit halatang nagbibiro ang himig ni Tatay Vir.
“Ay, hindi po!” Lapit ni Lucille sa mesa. “Kagigising ko lang po kaya hindi agad nakakain. Kayo naman ang bilis nyong magtampo, Tay.”
Tatawa-tawa naman si Tatay Ben. “Nagbibiro lang ako! Huwag mong seryosohin ang matandang ito.”
“Alam ko naman po ‘yun!” bawi ni Lucille. “Huwag muna po kayong umalis, saluhan nyo na kami.”
“Oo nga naman, Tay. Ang dami nyong dinala,” sabi naman ni Lucas.
Bahagyang nagulat si Lucille nang marinig na magsalita ang binata. Bigla na lang itong sumulpot sa tabi niya! “K-kumusta? Okay na ba ‘yung balikat mo?” iyon lang ang nasabi niya. Pilit niya itong tiningnan sa mga mata, ngunit maya’t maya ay umiiwas siya. Ano ba ang nangyayari sa kanya?
“Maayos naman, ‘wag kang mag-alala malayo sa bituka.” Inikot-ikot nito ang kanang balikat.
“Kahit na, hindi lang naman bituka ang delikado,” aniyang bahagyang dumistansya sa binata at kunwa’y inayos ang mga nasa mesa.
Napailing si Lucas at inamoy ang sarili. Kala siguro ay iniwasan niya ito dahil sa matapang na amoy ng panghilot na hinaluan ng dahon.
“Ah, hija? Maayos naman siya, ‘wag kang mag-alala. Mayroon lang siyang broken…”
“Broken ano po?” agad na tingin ni Lucille kay Mang Protacio.
“Broken heart, baka pwede mong gamutin?” sabi pa nito na natawa sa sariling sinabi.
Nagkatinginan naman sina Lucille at Lucas, pagkatapos ay siya na rin ang unang umiwas. Joke ba iyon?
“Ay! Pambihirang matanda ka, hindi ka bagay na maging komedyante. Pero benta sa’kin ang joke mo!” Lapit dito ni Tatay Vir sabay ang pag-akbay. “Magpapalit ka na ba ng propesyon?”
“Hindi, ah! Sinubukan ko lang silang patawanin pero hindi yata umubra?” kakamut-kamot ito sa ulo sabay ang dampot ng tote bag sa kawayang upuan.
“Ah, Tay? Mang Protacio? kakain ho tayo,” alok ni Lucille. Mukhang aalis na ang dalawa at ayaw niya munang maiwan silang dalawa ni Lucas pagkatapos ng mga nangyari at nalaman!
“Ay! May trabaho pa ako sa malaking bahay at marami ring hihilutin si Protacio. Isa pa, pandalawang tao lang ‘yang pancit. Nakakahiya naman sainyo kung mabitin kayo.”
Lumapit si Lucas sa dalawang matanda na naglakad na palabas ng bahay. Mukhang wala na siyang magagawa!
“Ano’ng oras po ang balik nyo, Tay?” ani Lucas.
“Hindi ko alam, basta makikita mo na lang ako dito kaya ikaw na ang bahala kay Lucille, ha?” ani Tatay Ben na tinapik pa sa braso ang anak.
“Sige po.”
Nakaalis na ang dalawang matanda na hinatid lang ni Lucas ng tingin hanggang makalabas ng gate. Saglit na tumahimik ang paligid dahilan kung bakit unti-unting kumaba ang puso ni Lucille. Naiiwan naman silang dalawa ni Lucas doon, pero bakit biglang naging ganoon na lang ang pakiramdam niya?
“Ang mabuti pa, mag-almusal na tayo.” Lapit sa kanya ng binata.
Tango lang naman ang isinagot ni Lucille. At habang kumakain ay wala namang sinasabi si Lucas. Casual lang silang nag-uusap hanggang sa matapos sila sa pag-aalmusal.