DAHIL sa paulit-ulit na pag-alala sa panaginip, hindi alam ni Lucas kung ilang oras na siyang nakahilata sa higaan at nakatitig sa kisame samantalang kanina pa siya dilat. Para siyang tanga na tumatawang mag-isa. Pero masisisi niya ba ang sarili? Ang ganda ng kanyang panaginip, hinahalikan siya ng pinakamagandang babaeng kanyang nakilala, iyon ay walang iba kundi si Lucille. Muling napangiti si Lucas nang maalala ang panaginip, sinalat niya ang mga labi. Kahit doon lamang ay damang-dama niya ang lambot ng mga labi ng dalaga, kung saan sa bawat paggalaw nilang iyon ay lalong lumalamin, lalong tumatamis, lalong sumasarap. Paano na lang kaya kung sa totoo na iyon mangyari? Mababaliw ata siya.
Pilit nang bumangon si Lucas nang isiping wala siyang mapapala sa totoong buhay dahil sa kanyang pinag-iisip. Ang babaeng pinagpapantasyahan niya ay malamang nasa baba na, mabuti pang mapuntahan niya. At hindi nga siya nagkamali, naroon sa kusina si Lucille, sa may mesa at may hinahalo ito sa isang tupperware. Kumalabog nang mabilis ang puso ni Lucas nang muli itong masilayan, kung ganito lang lagi ang makikita niya tuwing umaga tiyak buong araw maganda ang kanyang mood. Napakaganda talaga nito kahit sa simpleng pambahay na puting t-shirt at maikling shorts, nakapadagdag pa sa alindog nito at pagkakapusod ng magulong buhok dahilan ng paglantan ng maputing batok na siya niyang kahinaan. Parang gusto niyang takbuhin na lang bigla sabay kabigin at halikan…
“Gising ka na pala. Good morning pa rin kahit magtatanghali na,” bati ni Lucille nang makita siya.
Parang nawalan ng hangin sa baga si Lucas nang masilayan ang ngiti nito. Pambihira, parang nakakalasing ang tingin nito!
“Ah, magandang umaga, sabi ko,” ulit na sabi ni Lucille nang mapansin nitong hindi siya gumagalaw.
Napailing naman si Lucas at pilit na iwinaksi sa utak ang kung anumang naglalaro sa imahinasyon. Marahan siyang lumapit dito. “Mas maganda ka pa sa umaga, ano’ng ginagawa mo?” Napatingin siya sa ginagawa nitong paghalo. May kalamansi, gatas at shell ng itlog sa mesa.
“Ah, ito? Iginagawa ko si Tatay Vir ng anti-aging, nag-request kasi siya. Sayang sana nagdala ako kahit isang Rosanna cream, ‘di bale sa susunod na lang, pero effective naman ito. Natural ingredients ba.”
“Nagpapagawa si Tatay? Ang matandang iyon talaga oo.” Umiling-iling si Lucas. Pero natutuwa siya dahil nagiging kumportable na ang dalawa sa isa’t-isa. Minsan sinabi rin ng kanyang ama na gusto nitong maging manugang si Lucille, sinabi pa nitong hindi lang nagsasalita ang dalaga ngunit ramdam nitong mayroon din itong pagtingin sa kanya. Sana nga, kasi ang hirap magtiis. Ang hirap pigilin na hindi ito halikan.
“Grabe ka naman! Baka magalit ang tatay mo kapag narinig niya iyan.” Sinimangutan siya ni Lucille.
Bakit ba kahit galit ay kay ganda pa rin ng mukha nito? “Alam mo, mas hindi katanggap-tanggap ang tawag niya sa’kin kapag nagagalit siya.”
“Ano’ng tinatawag niya sa’yo?” curious pa nitong tanong.
Umiling siya at natawa. “Hindi ko sasabihin. Ang bantot, eh.”
Natawa at napailing din naman si Lucille, mukhang wala na itong balak alamin iyon. Naglakad ang dalaga papuntang lababo. Doon na nagkaroon ang mga mata ni Lucas na papatingin sa magandang hubog nitong balakang— na sa bawat paghakbang ay animo sumasayaw. Nais niyang sawayin ang sarili pero bago niya pa man magawa iyon ay natagpuan niya ang sariling sumunod dito. Hindi niya yata kayang pigilin ang init na bumabalot sa kanyang katawan. s**t.
“A- Ah?” bahagyang gulat nito nang mapansing nasa may likuran na siya. Paano kasi? Kay lapit na niya! “Ah… M-may almusal na sa mesa, nagluto ako ng lomi.”
“Marunong kang magluto?” tanong niyang wala sa sarili. Nag-focus ang tingin siya sa mga labi nito na kagabi lang ay napapanaginipan na kanyang inaangkin. Kahit noon pa mang unang kita niya kay Lucille sa opisina nito, tila nais niya itong hablutin at halikan kahit pa ba ang sungit nito. Pero ngayon, nais niya nang matuloy iyon. Kung alam lang nito na ilang beses na niyang hindi ipinahalata ang pag-iinit ng katawan tuwing makikita ito. Oo, ilang beses na niyang hindi iyon ipinahalata, at ngayon hindi niya na kaya yatang pigilin. Kasalanan ng panaginip na iyon.
“L-Lucas?” sambit ng dalaga na tila ba kinakabahan. Tila ba natauhan siya nang mapatingin sa mga mata nitong nagtatanong. Noon pa lamang, kapag lumalapit siya dito ay natutuwa siyang maramdamang napapakislot ito tuwing magkakalapit sila, o kung paano ito nagiging vunerable. Pansin niyang ganoon ang reaksyon ng katawan nito hindi dahil sa takot, kundi dahil attracted din ito sa kanya. Oo, alam niyang kahit papaano ay nagkaroon na siya ng puwang sa puso nito sa maikling panahon lamang. Dine-deny lang nito dahil sa takot na magmahal. Gusto niyang sabihing ‘wag itong matakot at hayaan na lang ang damdamin, ngunit ayaw niya rin itong madaliin at gusto niyang kusa nitong ipagkaloob ang puso sa kanya. Kaya heto siya ngayon, handang maghintay kahit na matagal. Dinadahan-dahang paibigin ang puso nitong malungkot na kahit kailan ay hindi niya sasaktan.
“Ikaw? Nag-amusal ka na?” labag man sa kanyang kalooban, dahan-dahan niyang inilayo ang sarili at tumayo ng tuwid.
“Hindi pa, hinihintay kita kaya sabay na tayo?” Humakbang ito patungo sa mesa at naupo, sumalok sila ng lomi sa kaserolang naroon. Bigla siyang natakam nang makitang tila kay sarap niyon. At hindi siya nagkamali, parang langit sa sarap ang lomi!
“A-ang sarap.” Tumingin siya sa dalaga.
Tipid na napangiti si Lucille. “May nakita akong cook book dyan sa tabi ng sink. Naisipan kong basahin at mukhang masarap naisip ko. Bumili kanina ng ingredients si Tatay Vir at siya na raw ang magluluto sana, pero sinundo siya noong mag-asawang Aussie kaya naisipan kong ako na lang ang magluluto. Sana nga maayos ang lasa, dahil sinarapan ko talaga para sa’yo.”
Napatanga si Lucas, biglang nagwala ang kanyang damdamin. Bigla-bigla ay nais niya na lamang tumambling. Ni hindi na nakapagsalita, biglang napipi.
“Kain na.” Turo ni Lucille sa mangkok niya gamit ang kutsara.
“Baka tumaob iyang kaserola sa sobrang sarap. Sigurado ka bang first time mong magluto nito? Tanong niya sabay subo. Masarap palang magluto ang dalaga, lalo na masarap din siguro itong magmahal.
“Naku! Grabe naman ‘yang pambobola mo. Siguro nga masarap dahil ‘di ko sadyang mabuhos ‘yung isang pakete ng vetsin.” Humalakhak ito sabay ang pagsalok ng isang kutsarang spring onion sa platito.
Kamuntik nang mabulunan si Lucas. Mabuti na lang ay hindi tuluyang napunta sa kanyang trachea ang noodles. “K-kaya pala.” Aniya, pero mas lalong may nagising sa isang bahagi ng kanyang katawan nang marinig ang malutong nitong tawa— na sadyang kaakit-akit.
Pambihira, wala bang pangit sa babaeng ito?
Umiling si Lucille. “Pasensya ka na. first time ko kasing magluto ng ganito. Sina Mama at Lola Rosie kasi ang madalas magluto dati. Ako, mga basic na luto lang ang alam dahil na siguro sa nature ng lifestyle ko. Laging busy sa trabaho kaya madalas sa labas na ako bumibili.”
“Okay lang naman, walang kaso sa’kin. Atleast masarap ang kinalabasan.” Umunat sa pagkakaupo si Lucas. Hindi siya na-turn off, kung inaakala nito.
Tipid lang na ngiti ang isinagot ni Lucille bago nagpatuloy sila sa pagkain. Karamihan ng luto ay sa kanya napunta dahil nakaisang mangkok lang ito. Ang resulta ay siya ang nabusog ng husto, noon lang siya kumain ng ganoon karami!
“Oo nga pala, kumusta ‘yung pilay mo sa balikat?” Tumayo si Lucille at iniligpit ang pinagkainan. Aabutin niya sana ang walang laman niyang mangkok, ngunit naunahan siya nito dumiretso ito sa lababo.
“Mayroon pang sakit, pero mawawala rin ito,” sabi niya. “Ako na ang maghuhugas ‘wag ka na dyan.”
“Dumaan dito si Mang Protacio kanina. Nag-iwan nitong dahon.” Anitong pumaroon sa stove at saglit na inilagay iyon sa apoy.
Pinagmasdan lang ni Lucas ang dalaga, pagkatapos ay pumaroon ito sa kanyang likuran. Hindi niya man makita si Lucille, pero ramdam na ramdam niya ang presensya nito. Nasasamyo niya ang natural at mabango nitong amoy dahilan kung bakit hindi siya makagalaw sa kinauupuan. s**t.
“Pwede mo bang itaas ang t-shirt mo? Bilin kasi ni Mang Protacio, hanggat’ may nararamdaman kang sakit, ilagay mo itong dahon. Naugatan ka daw kasi.”
Napalunok si Lucas ngunit hindi na naimik. Itinaas niya ang suot na pang-itaas hanggang sa taas ng balikat. Kung tutuusin ay mainit pa ang paglapat ng dahon ng hitso sa kanyang balat, pero mas ramdam niya ang init at lambot ng kamay ni Lucille kahit pa hindi iyon masyadong dumidikit sa kanyang balat.
“Nakaka-amaze pala dito sa province. May mga alternative medicine. Kung sa city ka nahulog, malamang salonpas ang nakadikit sa likod mo.”
“M-mas hiyang ako sa mga herbal na gamot, kaysa iyong may mga halong kemikal ba.” Nilingon niya ito ng bahagya, pagkatapos mailagay lahat ng halamang dahon ay ito na rin ang nagbaba ng kanyang pag-itaas. Humarap siya ng maayos da dalaga, pero nanatili pa rin sa pagkakaupo.
“Oo nga pala, aalis ako ngayon. Magkikita kami ni Aaron at ng mga dati kong katrabaho dahil naka-leave sila. Gusto mo bang sumama?”
Saglit na napaisip si Lucille, pero umiling ito. “Mukhang boys time ‘yan. Dito na lang muna ako.” Anitong naglakad papunta sa hagdan. At bago humakbang ng isang baitang ay muna tumingin ito sa kanya. “Nagyayaya si Kristina na doon na sa kanila mag-lunch. Alam mo na, may girls bonding rin kami.”
Tumaas ang isang sulok ng labi niya. Kaunti lang ang mga pwedeng pagkalibangan doon sa kanila, pero pansin niya namang hindi naiinip ang dalaga. Gaya ng nakaraang araw pagkatapos nilang mag-almusal, niyaya niya itong maglakad-lakad sa kanilang barangay na ipinakilala niya lamang sa mga kapit-bahay na isang kaibigan, pero ang mga tsismosa ay sinabing ka-live-in niya raw, nakakahiya pero hindi na lang iyon pinansin ni Lucille. Sa paglilibot rin nila nakilala at nakapalagayan ng loob ng dalaga si Kristina, ang kaklase niya noong high school at anak ng barangay kapitan. “Mukhang nalilibang ka na rito, ah. Mabuti naman.”
Kibit-balikat at tipid na ngiti ang isinagot sa kanya ni Lucille. “Maliligo muna ako, pakilagay na lang sa ref ‘yung ginawa kong mask para kay Tatay Vir dahil pinapaalsa ko lang ng ilang minuto. Salamat,” anito saka tuluyan nang umakyat.
Umiling-iling ngunit napangiti na lamang siya. Siya rin, kailangan nang maligo at baka mahuli pa siya sa kanyang lakad.