CHAPTER FOURTEEN

1846 Words
NAGISING SI Lucille nang may makitang sulat sa bedside table. Agad niya iyong binasa, galing iyon kay Lucas at ayon sa sulat ay makikipagkitang muli ang binata kay Inspector Aaron sa Lipa, Batangas dahil sa biglaan nitong pag-ninong sa binyag sa anak ng bunsong kapatid ni Aaron. Isasama raw sana siya nito kaya raw ay mahimbing pa ang tulog nya, nakakahiya naman daw kung gisingin. Ayos lang naman sa kanya dahil hindi naman pwedeng laging bantayan siya ng binata dahil may kanya-kanya naman silang buhay. Lunes ng araw na iyon, minabuti ni Lucille na umpisahan ang araw sa maikling panalangin bago nag-ehersisyo ng kalahating oras, nangamusta kina Ynes at TIbong thru text at naligo. Pababa na sana siya ng hagdan nang maagaw ang kanyang atensyon ng pagbukas-sara ng pinto sa dulo ng hallway. Minabuti niyang puntahan iyon at isara. “Naku, sira pala itong door knob,” aniya sa sarili nang tangkang isara iyon pero bumukas ulit, wala iyong latch. Muling bumukas ng ma malawak ang pinto nang biglang umihip ang malakas na hangin na nagmumula sa binata ng kwartong iyon, dahilan kung bakit tumambad kay Lucille ang loob. Kumbinasyon ng color blue at pink ang pintura, at dala na rin siguro ng kyuryusidad, namalayan na lang ni Lucille na ihihakbang niya na ang mga paa papasok doon. It was a spacious room. Mas malaki iyon sa kwarto ni Lucas na kanyang tinutulugan. Doon sa kwartong iyon natutulog ang binata, pero kanino kaya iyon? “Robot?” pumikit-pikit siya nang pagmasdan ang pulang robot na dinampot sa bedside table. Bukod pa roon, may mangilan-lingan ring laruan gaya ng yoyo, baril-barilan at matchbox. Bigla siyang napatanong sa isip kung kanino ang mga iyon. Laruan kaya ni Lucas noong bata pa ito? Mukhang bago ang mga iyon. Marahang ipinatong ni Lucille ang hawak sa bedside table. Lumingon siya sa pink na dresser na nasa sulok ng kwarto, at kahit marahan siyang naglakad papunta roon ay matunog pa rin ang langitngit ng kahoy na sahig na kanyang tinatapakan. Bahagyang salubong ang kanyang kilay nang paglandasin ang mga daliri sa nakaukit na mga bulaklak doon sa dresser. Mayroon laruan ng batang lalaki, at mayroong dresser ng pambabae. Ang sabi sa kanya ni Lucas, ito at si TAtay Vir lang ang nakatira roon at wala ng iba. Ang kapatid naman ng huli na si TIyo Berting at pamilya nito ay sa kabilang bayan namamalagi. Kaya hindi niya maiwasang itanong sa isip kung kanino ang mga gamit na iyon. Dala ng kyuryusidad, binuksan ni Lucille sa drawer niyon. Wala iyong laman, pero may sulat ng black marker sa loob. “Jeremy N. Medina, Kinder 2,” sambit ni Lucille nang mabasa ang nakasulat. Bahagyang nagsalubong ang kanyang kilay. Sino si Jeremy? At Medina? Apelyido iyon nila Lucas. Naagaw ang atensyon ni Lucille nang marinig na ingay ng tricyle mula sa baba. Narinig niya rin ang malakas na boses ni Tatay Virgilio na nakikipagtawanaN sa tricycle driver. Teka, tama bang makialam siya doon sa kwarto? Isinara niya ang drawer pati ang sirang pinto ng kwarto at minabuti niyang bumaba. Masaya niyang sinalubong si Tatay Virgilio na nagyayang magkape at kumain ng bibingka sa hapag-kainan. Galing pala ito sa palengke at bumili ng almusal. Sayang lang ay hindi niya naaabutan ang pag-alis nito tuwing umaga dahil gusto niya sanang sumama, kaya lang ay masyado itong maagang magising. “Mabuti naman hija nakaligo ka na. Tamang-tama rin dahil hindi ko muna ipagluluto ‘yung mag-asawa dahil pupunta raw sila ng Puerto Gallera. Kaya makakapagpasyal tayo.” “Pasyal po?” aniya. “Oo.” Tumayo si Tatay Virgilio at kinuha ang plato at tasa niyang walang laman. Dumiretso ito sa lababo at naghugas. Tuwing kakain sila, laging nagboboluntaryo si Lucille na maghugas, pero hindi siya pinagbibigyan ni Tatay Virgilo at Lucas. Alam niyang bisita siya roon, pero nakakahiya kung magiging senyorita siya kaya minsan ay natatagpuan siya nitong nagwawalis at nagbubunot ng sahig, o ‘di kaya’y nagpupunas ng mga muebles at mehoras doon gamit ang feather duster. “Para naman hindi ka rito maburyo sa bahay.” “Si Tatay Vir naman, hindi naman po ako nabuburyo dito.” Aniyang tumayo. “Saan po tayo pupunta? Go po ako dyan.” “Hindi naman siguro magagalit si Lucas kung uunahan ko siya na dalhin ka sa Silonay? Pupunta tayo ngayon para mas lalo kang ma-relax.” “Talaga po? Ngayon na? Teka magbibihis lang po ako.” “Teka lang, ayos na ‘yang suot mo, nak!” pigil sa kanya ni Tatay Virgilio nang akmang tatalikod na siya. Pedal shorts, t-shirt na puting pambahay at naka-Rambo slippers lang si Lucille nang lumabas sila ni Tatay Virgilio. Nagdala lang siya ng sling bag na naglalaman ng pera, panyo, smartphone, wet tissue at alcohol. Mula roon sa kanilang barangay, isang oras sila bumiyahe sakay ng dalawang jeep at isang tricycle, narating nila ang Barangay Silonay, Calapan City. Pagkatapak pa lang ni Lucille sa Silonay Mangrove Conservation Area and Ecotourism, para siyang bata na biglang nakaramdam ng excitement. Pumasok sila sa reception area at nagpirma, pagkatapos ay ipinakilala sa kanya ni Tatay Virgilio si Roberto, ang tour guide doon at pamangkin ng matanda, anak ito ni Tiyo Berting. Pinakilala ni Lucille ang sarili na kaibigan ni Lucas. “Mabuti naman po ay nakabisita uli kayo, Tyong Virgilio.” Ngiti ni Roberto bago bumaling ang tingin sa kanya. “Ma’am Lucille, siguradong mare-relax kayo sa ganda ng bakawan dito.” “Lucille na lang, eto naman,” aniyang ikinumpas ang kamay sa ere. “Ang swerte naman ni Lucas, nagkaroon siya ng kaibigan na kasing ganda mo. Sigurado kang kaibigan ka lang niya?” tanong pa nito. Napanganga si Lucille, ngunit walang salita ang lumabas doon sa kanyang bibig. Bahagya pa syang nayuko at pinamulahan ng pisngi. Kahit na mga kapit-bahay nila Tatay Vir ay laging ganoon rin ang tanong. “Hay naku, Berto! Pwede ba ilibot mo na lang kami?” mungkahi Tatay Virgilio at inakbayan ang lalaki. “Ikaw nagiging tsismoso ka na, nakukuha mo na ‘yung ugali ng nanay mo! Huwag ganyan, ah! Kalalaki mong tao.” “Grabe naman si Tyong!” Ngumuso si Roberto. “Panigurado magagalit si Nanay kapag narinig ‘yan! Pero sa bagay…” “Ah! Huwag mo kaming pansinin, Lucille. Ganito lang kami magbiruan nitong mahal kong pamangkin.” Tumingin sa kanya si Tatay Virgilo at mas kinabig pa si Roberto. Malakas na tinapik pa nito ang dibdib ng lalaki. “Ay! Okay lang po,”bahagya siyang tumawa. Dumaan sina Lucille, Tatay Virgilio at si Roberto sa bahagyang makipot na 300 meter bamboo brigde o board walk kasama ng ilang turista, ang ilan pa ay mga estudyanteng galing ibang bayan kasama ang mga guro. Sa magkabilang gilid ay halos abot-kamay na ni Lucille ang nagtataasang bakawan o mangrove. May nakita rin siyang ilang ahas doon, pero sabi ni Roberto ay non-venomous naman raw iyon. Gamit ang kanyang smartphone, nag-picture-picture sina Lucille, Tatay Virgilio at ilang shots na kasama rin si Roberto. Nakarating sila sa watchtower kung saan tanaw ni Lucille ang kalakhan ng mangrove. Breathtaking— iyon ang pagkadescribe ni Lucille sa lugar. She never get used on how nature fascinates her, mapresko roon at nagliliparan ang iba’t ibang uri ng ibon. Ayon kay Roberto ay mayroon vente nueve species ng ibon doon, pito ay endemic sa Pilipinas. Pagkatapos doon sa watchtower, nagyaya si Tatay Virgilio na sumakay sa kayak boat para naman daw mas lalo siyang ma-relax. Kaliwa’t kanan din doon ang mangrove. “Berto, buti walang nagpuputol ng mangrove dito, ano?” ani Lucille. Nasa gitna ng bangka si Roberto at marahang nagsasagwan. Siya naman ay nasa kabilang dulo, habang si Tatay Virgilio naman ay nasa unahang dulo at nagsasagwang rin— na mukhang kahit halos nasabi na nitong pabalik-balik na ito roon ay hindi pa rin mapigilang ma-amaze sa magandang kapaligiran. “Ay! Wala po, dati ang hanap-buhay dito ng mga tao ay ang pagpuputol ng bakawan at ginagawang uling para ibenta, minsan ipinanggagatong. Pero ipinagbawal na. Isa pa napakalaki ng tulong nito sa mga residente rito.” Proud na inilibot ni Roberto ang pangingin. “Ang bakawan ang nagsisilbing panangga sa lakas ng bagyo at hangin, pati na rin ng alon. Ito ang pumoprotekta sa mga kabahayan.” “Nature never ceases to amaze me.” Ngiting inilibot niya rin ang tingin sa paligid. “Kailangan natin silang ingatan para ingatan rin nila tayo. Isa pa, stress reliever ang ganitong lugar sa mga taong maraming iniisip na probema. Natatandaan ko pa, four years ata iyong huli kong pasyal, pero sa La Mesa Ecopark lang. Parke rin doon at maganda rin, pero parang iba pa rin kapag sa probinsya ka namamasyal, mas nakaka-relax ba.” Iniunat niya ang mga paa at sumighot ng hangin. Naroon siya sa kabilang dulo ng kahel na kayak boat. “Ang tagal naman po, four years na?” hindi makapaniwalang tanong ni Roberto. Tumango si Lucille at tumingin sa nagsasagwan na lalaki. “Busy kasi lagi sa trabaho. Ngayon ko rin lang na-realize na kailangan ko rin namang mag-relax, salamat kay Tatay Virgilio.” Sumulyap si Lucille kay Tatay Virgilio na nakaupo sa dulo ng bangka. “Tay Vir?” tinawag niya ito ngunit tila ba hindi siya narinig, nagpatuloy lang ito sa pagsagwan. Bahagyang lumapit sa kanya si Roberto at nagsalita ng mahina. “Nagmumunimuni si Tyong, naalala nanaman siguro niya ‘yung asawa niya.” “Ha?” Tumingala siya kay Roberto. Naupo ito sa tabi niya at muling bumulong. “Sabi kasi ng tatay ko, noon panahon nila, laging namamangka si Tyong Vir at ang kasintahan niya noong kabataan nila. Iyong first love niya, siya rin ‘yung napangasawa niya. Pero iniwan siya at sumama sa iba. Hanggang ngayon ay ‘di pa bumabalik.” Tumingin si Lucille sa nakatalikod na si Tatay Vir. Maliit lang ang bangka, hindi ba sila naririnig nito? O sadyang lumilipad lang ang isipan sa nakaraan? Nakaramdam tuloy siya ng awa sa matanda. Paano kung mahal pa nito ang asawa hanggang ngayon. “Nabanggit na nga sa’kin ni Lucas. Pero hindi masyado.” “Ay isa rin si Kuya Lucas, napakagandang lalaki pero madalas siya ang pinapaiyak ng mga babae. Kawawa naman ang mag-ama, parehong laging bigo sa pag-ibig.” “Ha? Bakit, sino ba ang mga nagpaiyak sa kanya?” hindi makapaniwalang tanong niya. Nagpaiyak? Parang hindi niya ma-imagine. “Oo! At—” “Ano’ng sinabi mo, Roberto?” biglang nagsalita at tumingin sa kanila si Tatay Vir. “Ay Tyong! Nakikinig kayo?” Ngiwi at natatawang tanong ni Roberto. “Ano’ng akala mo sa’kin, bingi?” anitong tumayo at hinawakan ang sagwan na parang baseball bat. “Hindi na nga siya naliligaw sa isipan ko, eh! At hindi ko na siya itinuturing na asawa dahil matagal ko nang limot ang bruhang iyon! Tumitingin lang ako sa kapaligiran may inisip na agad?!” simangot na sabi nito. Naglakad ito sa gawi nila dahilan kung bakit umuga ang bangka. Pare-pareho silang napasigaw, dahil huli na ang lahat, tumaob iyon!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD