CHAPTER 1
NAGISING ako sa liwanag ng araw na tumatama sa mukha ko. Napangiti ako nang maramdaman ang sarap nito sa balat. Agad akong bumangon at tinungo ang balcony. Nasa Beaumont hotel ako ngayon, dito muna ako pinacheck-in ni Dad. May business meeting daw kasi siya out of town kaya hindi ko pa siya nakikita mula nang dumating ako.
Paglabas ko, mas lalo akong natuwa nang maramdaman ang init ng sikat ng araw. 9 am pa lang pero parang tirik na ang araw, at kahit medyo masakit na sa balat, may kakaibang ginhawa itong dala sa akin. Tama si Mom na mainit nga sa Pilipinas, pero may kung anong warmth din na hindi ko maramdaman sa States.
I was too young when we left the Philippines, kaya wala akong gaanong alaala rito, maliban sa ilang sandaling kasama ko si Dad. Naramdaman ko ang bigat sa dibdib nang maisip ko ulit sila. Si Mom, kahit araw-araw kong kasama, ramdam ko pa rin na malayo siya. Binibigay naman niya lahat ng gusto ko, pero ramdam ko pa rin ang kakulangan. Siguro dahil mas abala siya sa negosyo, at lalo pa noong nagpakasal siya kay Daddy Evan, at magkaroon sila ng tatlong anak. Mula noon, parang naglaho na ako sa mundo niya.
Si Dad naman, ilang beses ko lang nakita sa loob ng maraming taon. Bihira lang kasi kung pumunta siya sa states para dalawin ako. Busy siya sa business kaya gusto ko na lang rin intindihin.
Madalas, tawag lang kami sa phone. Minsan, message. Kaya pakiramdam ko, hindi ko rin siya tunay na kilala. At ngayong may pagkakataon na sana kaming magkasama, ipapasa pa niya ako sa best friend niya na siya ring Ninong ko.
Naputol ang iniisip ko nang marinig kong tumunog ang cellphone ko. Pumasok ako sa loob ng kwarto at kinuha iyon sa bedside table.
Nakita ko ang pangalan ni Larkin, ang boyfriend kong anim na buwan ko na ring karelasyon sa States. Filipino rin siya, at kagaya ko, hiwalay din ang mga magulang niya, pero ang daddy niya ang kasama niya sa states, nasa college na siya nang mapunta doon. Pareho kaming kaga-graduate lang, same din ang school namin pero magkaiba ang course. Pareho ang plano namin na bumalik sa Pilipinas at magsimula dito ng bagong career.
Dapat sabay kaming uuwi pero may bigla siyang inasikaso sa states kaya nauna na ako.
Napansin kong may dalawang missed calls siya, kaya agad akong napangiti.
I’m sure miss na miss na niya ako.
Binuksan ko ang inbox at nakita ko ang message niya.
Larkin:
Good morning, sunshine! I tried calling you earlier. May jet lag pa rin ba? I miss you already. I can’t believe you’re really there now. Can you send me a pic of your place? I wanna see where my pretty girl’s staying.
Napangiti ako at napailing habang binabasa ang message ni Larkin. Bigla ko rin siyang namiss.
Binasa ko ang kasunod pa niyang message.
Larkin:
Babe, promise me, okay? Don’t get too close to any guys there. I know how men look at you. And wait, did you say you’ll be working for your Ninong? Like your real Ninong? That’s kinda weird, babe. Be careful, okay?
Napairap ako pero napangiti.
Typically protective talaga siya pero sweet, kahit seloso. At ngayon kahit sa Ninong kong hindi ko pa nga nakikita, pinagseselosan rin niya.
I replied to him.
Maria:
You’re overreacting again, babe! He’s my Ninong, not some random guy. Besides, Dad trusts him, so I guess I should too. Don’t worry, I’ll behave.
Ilang segundo lang, nag-reply agad siya.
Larkin:
Yeah! yeah! I know! I just can’t help it. You’re too gorgeous. Just promise me you’ll call me later, okay? I miss you.
Maria:
I will. Promise! Let’s talk later, babe!
Huminga ako nang malalim. Miss ko na rin siya. Pero habang tinititigan ko ang mga mensahe niya, may kung anong parte sa akin ang tila hindi mapalagay. Hindi ko alam kung dahil sa kanya o dahil naisip ko bigla na makikilala ko na si Ninong mamaya.
Bumuntong hininga ako bago binalik ang cellphone sa bedside table at muling humiga sa kama. Sa dami ng iniisip ko, hindi ko namalayan na nakatulog na pala ako.
Nagising ako nang marinig ko ang sunod-sunod na ring ng cellphone ko. Nakapikit pa akong kinakapa iyon sa gilid ng kama. Nang imulat ko ang mga mata ko nakita ko ang missed call ni Dad sa screen.
Pagtingin ko sa oras, almost 12 noon na. Napasapo ako sa ulo ko nang makaramdam ng kirot. Hindi ko alam kung nasobrahan ba ako sa tulog o kulang pa rin, ang alam ko lang, naninibago pa rin ako sa klima at sa oras dito.
May message din si Dad kaya agad ko itong binasa.
Dad:
Maria, nasaan ka na? Tinawagan ako ni Travis, sabi niya wala ka raw sa office.
Bigla akong napabangon, nanlaki ang mata ko. “What?!”
Nireplyan ko si Dad.
Maria:
Dad, 2pm pa schedule ko, right?
Saktong pagkasend ko nun ay naalala ko ang sinabi ni Dad kagabi habang magkausap kami sa phone. Binago nga pala niya ang schedule, from 2 p.m. ay napaaga iyon sa 9 a.m. So dapat kanina pa ako nasa office ni Ninong.
“Oh my God!" Bigla akong nag alala. Agad kong tinawagan si Dad.
“Dad! I’m so sorry! Akala ko two p.m. pa ‘yung appointment ko! I swear I didn’t mean to—”
“Maria,” putol niya sa akin.
“Travis is a very professional man. Ayaw niya ng nale-late sa oras, lalo na sa first meeting. I will just tell him na may confusion lang sa schedule mo. Pero anak, please bukas ng 9 a.m. siguraduhin mong nandoon ka na. Don’t be late again, okay?”
Napalunok ako. “Yes, Dad. I promise. I’ll be there early.”
“Good. And Maria,” may bahid ng babala sa tono niya, “remember, he’s doing me a favor. So please, make a good impression.”
“Got it!" Sabi ko bago matapos ang usapan namin.
Pagkatapos ng call, matagal akong nakatulala sa phone.
Bigla akong nakaramdam ng kaba.
Hindi ko alam kung dahil nahiya ako sa first impression na iniwan ko kay Ninong, o dahil naiisip ko kung anong klaseng boss ba talaga siya.
Kung strict nga siya gaya ng sabi ni Dad…
baka bukas pa lang, katapusan na agad ng career ko.
♡