TINOTOO nga ni Khal ang sinabi niya sa tatay niya. Sa tuwing umuuwi galing pumalaot at pagtitinda ng isda ay may pasalubong siyang dala para kay Orah. Hindi pa naman siya nagsasabi na nanliligaw siya sa dalaga at 'di pa rin inaamin ang nararamdaman. Masaya na siya sa pag-aalaga sa dalaga. Ayaw niya rin biglain ito, lalo na malapit na itong manganak. Kabuwanan na ni Orah, naghihintay na rin siyang makita ang supling nito.
"Kanino 'yan, Kuya Khal? Mali pala ako, dapat hindi na ako nagtatanong kasi alam ko naman kung para kanino ang nahuli nating malaking lapu- lapu," natatawang panunukso ni Baldo. Inihihiwalay ni Khal ang ilang piraso ng malalaking lapu- lapu.
Napakamot ng ulo niya si Khal. "Hindi na natin ito ibebenta. At saka, alam mo naman pala. Bakit nagtatanong ka pa? Maganda ang isda para sa mga buntis."
"Pinatatawa mo talaga ako, kuya. Malapit nang manganak si Orah. Paano pa niya kakailanganin ang sustansiya ng isda."
"Hayaan mo na ako sa kaligayahan ko. Ibagsak na nga natin ito sa palengke para may pera na tayo. Mamaya toma tayo. Ikaw ang sagot sa pulutan."
"Eh, ibibigay mo na nga ang pulutan natin." Natatawang sabi ni Baldo.
"Sira! Ang dami nating huli. Magtira ka ng kaunti para sa pulutan natin mamayang gabi. Pampatulog, alam mo na," tugon ni Khal.
"Jowain mo na kasi si Dabya para may magpatulog sa'yo. Idinadaan mo pa sa alak."
Napapailing na lang si Khal. "Isakay na natin sa trike ang mga banyera at dalhin na natin sa palengke. Kapag maraming tira, ilako natin," pag-iiba niya sa usapan nila.
Isinakay na isa- isa ni Baldo ang mga banyera sa tricycle at pagkatapos ay umalis na sila ni Khal patungo sa palengke.
Pagkarating nila sa palengke ay pinaligiran na sina Khal at Baldo ng mga tindera. Habang ang ibang mangingisda na nagbabagsak din ng mga isda sa palengke ay napapakamot na lamang ng kanilang mga ulo.
"Ibang klase talaga 'tong si Khal. Nakuha na naman ang mga mamimili. Paano na tayo makakaubos nito?" Malungkot na saad ng isang mangingisda sa kanyang kasama.
Ang mga mata nila'y napako sa mga tinderang nakapalibot kina Khal at Baldo. Malakas talaga itong si Khal. Palibhasa ay ginagamit ang gandang lalaki at karisma sa mga babae. Nawawalan tuloy sila ng kita, kung mayroon man ay kakaunti lang.
"Pare, kapag naubos ang kina Khal na isda. Sa atin na pupunta ang mga suki niya. Ibagsak presyo natin para sa atin na sila bibili."
"Sa tingin mo gagana ang paandar nating bagsak presyo?" Untag ng lalaki sa kaibigan. "Tingnan mo nga sila,,tuwang- tuwa ang mga babae kapag dumarating na si Khal. Akala mo may dumating na celebrity dito sa palengke. Napupuwersisyo tuloy ang hanapbuhay natin." Sabi pa niya na sobrang dismayado.
Habang nag-iistima sina Baldo at Khal ng kanilang paninda ay lumapit si Dabya kay Khal. Dumapo ang kamay ng babae sa mukha ni Khal. Pinunasan ang pawis sa mukha.
"Dabya, anong ginagawa mo?" tanong ni Khal na napabaling ng tingin sa babae.
"Masyado kang nagpapagod. Tingnan mo, basang- basa ka ng pawis," anito habang tuloy- tuloy ang pagpupunas sa pawis ni Khal. Bumaba ang kamay ni Dabya sa bandang tiyan, at napakagat labi siya nang masalat ang matigas na abs ng binata.
"Ano ba, Dabya? Nakakahiya sa mga tao," mariing sabi ni Khal sabay alis ng kamay ng babae mula sa kanyang tiyan.
Ngunit imbes na umurong, nang-aakit ang tingin ni Dabya. Dahan- dahang humaplos ang palad niya sa balikat ni Khal, saka pinaglandas ang daliri pababa sa braso nito. Hindi niya binitiwan ang titig sa binata, tila may ibig sabihin ang bawat galaw.
"Put@ngin@! Dabya, 'wag mo akong andaran ng mga ganyan mo. Hindi mo ako makukuha sa pang-aakit. Matibay ang sikmura ko, at hindi ako napatol sa babaeng katulad mo!" Madidiing wika ni Khal, walang pasubaling mga salita. 'Di na niya naiwasang magmura sa ginawa ni Dabya. Nakakawalang respeto ang mga babaeng desperado sa lalaki.
Natauhan si Dabya. Napaayos siya ng tayo at luminga sa paligid. Nakatingin na pala ang mga kasamahan niyang tindera sa kanila ni Khal. Napapalunok siyang muling bumaling ng tingin kay Khal.
"W-Wala naman akong ginagawang masama, ah. Concern lang ako sa health mo. Ikaw na nga itong inaalala, ikaw pa ang galit! Hmmp! Makaalis na nga. Iyong binili kong isda iwan mo na lang at ito ang bayad..." naiinis na saad ni Dabya at ibinigay ang bayad sa isdang binili saka, nagmartsa palayo.
"Pambihira talaga ang babaeng 'yon. Siya na nga ang nang mamanyak. Siya pa ang galit, ano?" Sabi naman ni Baldo na iiling- iling ng ulo.
Habol ng tanaw ni Khal si Dabya na naghihimutok ang dibdib sa galit sa kanya.
"Hayaan na nga natin siya. Akala niya siguro madali niya akong makukuha sa mga panghihimas niya. Naka-reserved na 'to. Masyado siya," aniya na nairita din kay Dabya.
Bago magtanghalian ay pauwi na sina Khal at Baldo. Sakay sila ng tricycle ng binata.
"Biruin mo, Kuya Khal, naubos na naman ang paninda nating isda. Kung palaging ganito ang huli at mabilis makabenta, mabilis tayong yayaman."
Lumapad ang ngiti ni Khal. Nag-iipon na nga siya para mayroon siyang ipagmalaki kay Orah. Hindi pangkaraniwan ang babaeng katulad ni Orah. Mayaman ito at mahirap 'yon abutin. Pero para sa dalaga ay pipilitin niya.
"Gusto ko ngang ipagawa ang kubo namin. Nang maging komportable si Orah pagkatapos niyang manganak. Ipapaayos ko ang kuwarto niya at palalakihin," sabi ni Khal. Matagal na niyang plano na ipagawa ang bahay nila. Mukhang mapapadali sa pagdating ng magiging anak ni Orah.
"Mukhang planado na, kuya. Iba talaga ang may inspirasyon." Panunukso ni Baldo na ngingiti- ngiti.
Inihinto ni Baldo ang tricycle sa tapat ng kubo nina Khal. "Baldo, 'wag mong kalimutan ang happy- happy natin mamayang gabi. Ikaw na ang magluto ng pulutan natin," paalala ni Khal na lumabas sa tricycle, bitbit ang ilang piraso ng lapu- lapu.
"Oo, kuya. Ako na ang bahala do'n. Nasa akin na ang itinira ko para sa pulutan natin. Basta ikaw ang bahala sa alak."
Tumango si Khal na sumang-ayon sa sinabi ni Baldo. Iniwan na niya ang kaibigan sa labas at pumasok sa loob ng bahay. Excited na siyang makita si Orah. Tulog pa ito 'nung umalis siya kaninang madaling araw.
"Andito na po ako, 'Tay," malakas na anunsyo ni Khal. Sinadya niyang lakasan para marinig ni Orah at lumabas ito sa kuwarto.
"Kumusta ang pamamalot n'yo ni Baldo? Marami ba kayong huli ngayon?" Mga tanong ni Isagani sa anak.
"Swerte po talaga ako palagi. Mabilis pang naubos ang mga isda. Nagtira na lamang po ako para sa panghapunan natin."
Nilapitan ni Isagani ang anak at tinapik ito sa balikat. "Maigi naman." Napansin niya ang tila nanghahaba ang leeg ni Khal sa pagsilip sa gawi ng kuwarto ni Orah. "Nasa kuwarto namin si Orah. Sinusuklayan ang nanay mo."
"Ganoon po ba?" Ang tanging naisagot ni Khal.
"Puntahan mo na at akin na 'yang isda." Kinuha ni Isagani ang hawak ng anak saka bumulong, "Parang hinahanap ka kanina pa."
Hindi agad nakagalaw si Khal. Napa-isip siya, hinahanap siya ni Orah? Tila nasabik din siyang malaman ang reaksyon ni Orah sa oras na makita siya.
Hinaplos niya ang buhok, inayos ang hati, at siniguradong maayos ang hitsura bago huminga nang malalim.
Napatawa si Isagani sa ginagawa ng anak. Tinamaan talaga ang panganay niya sa kanilang bisita. Sana'y magkasundo sina Khal at Orah, kahit magkaiba sila ng mundong ginagalawan. Nakakabagabag lang ang malaking agwat na nakapagitan sa dalawa.
"Guwapo ka na, anak. Mana ka sa akin..."
Natawa si Khal at napatingin sa pintuan ng kuwarto ng kanyang mga magulang.
Halos matigilan si Khal nang marinig niya ang mga mahihinang tawa mula sa loob ng kuwarto. Alam niyang si Orah iyon, kasama ang kanyang nanay. Para bang sumikip ang dibdib niya at biglang bumilis ang ti_bok ng puso. Napalunok siya, habang dahan- dahang lumalapit sa pinto.
Pagdating niya sa tapat ng pinto, napatigil siya sa paghinga. Tumambad sa kanya si Orah, abala sa pagsusuklay ng buhok ng nanay niya. Hindi niya alam kung lalapit ba siya o maghihintay na lang na mapansin siya ng dalaga.
Napatikhim siya, ngunit agad niyang pinagsisihan. "Anong ginagawa ko?" tanong niya sa sarili. Ramdam niya ang mabilis na ti_bok ng puso na parang tambol sa dibdib niya na hindi maipaliwanag.
"H-hi," mahina niyang bungad, halos hindi niya marinig ang sarili.
Napalingon si Orah, at ang simpleng ngiti nito’y sapat na para magpati_bok ng puso niya nang mas mabilis pa kaysa kanina. Sinubukan niyang ngumiti pabalik at umakto nang normal upang hindi mahalata ni Orah ang kabang kanyang nararamdaman.
"Andito ka na pala, Kuya Khal." Matamis ang ngiting sambit ni Orah. Binalingan niya si Nanay Merlita na nakatingin lang sa kawalan. "Nay, si Kuya Khal po andito na siya."
Ang saya lang sa puso ni Khal na makita si Orah kung gaano maalaga sa kanyang sariling ina. Sa kabila ng kalagayan nito ay 'di niya ito nakikitaan ng pagod sa pag-aalaga sa nanay niyang maysakit.
"Pinapagod ka ba ni nanay, Orah?" Untag niya na naglakad papalapit sa dalaga at sa ina.
"Ano ka ba? Maganda nga itong kahit paano ay may pinagkakaabalahan ako. At hindi nakakapagod alagaan si Nanay Merlita. 'Di nga ako nakakaramdam ng pangangalay kapag kasama ko si nanay. Gutom lang, kuya. Kanina pa nga kita hinihintay..."
Bigla siyang naging mas alerto, nakatutok ang buong atensyon kay Orah habang nagsasalita ito.
"B-Bakit, Orah?"
"Eh, kasi, kuya... gusto ko sana ng inihaw na bangus. Gusto ko, hindi sa uling inihaw..."
Nalaglag ang panga ni Khal sa narinig. "Manganganak ka na... naglilihi ka pa rin?" sabi niya, napasapo sa noo.