CHAPTER 2 BANYERA

1622 Words
NAGISING si Orah sa mahinang tapik sa kanyang balikat. Napamulat siya ng kanyang mga mata, bumungad ang bunging konduktor ng bus. "Miss maganda, ticket mo?" tanong ng konduktor ngiting- ngiti ito kahit na halos tatlong ngipin na lang ang nasa itaas at naninilaw pa. Naasiwa si Orah pero hindi niya pinahalata. Kinuha niya ang ticket na binili sa may terminal. "Ito po, kuya." Sabay abot ng ticket. "Malapit na po ba tayo sa Bicol? Sabi po kasi ng kakilala ko pagkapasok ng Bicol ay doon ako baba." "Hindi pa, miss. Mga tatlong oras pa bago tayo makarating sa Bicol. Hayaan mo, sasabihin ko sa driver para maibaba ka sa destinasyon mo." "Salamat," sambit ni Orah na pilit ngumiti sa lalaki. Para namang nagningning ang mga mata ng konduktor sa pagngiti niyang iyon. "Walang problema. Basta ikaw, miss ganda." Halatang nagpapacute ang konduktor kay Orah na pasekretong kumindat pa. Napabiling ang ulo ni Orah at tumawa ng mahina. Sa loob- loob niya akala siguro ng konduktor ay magkakagusto siya dito. Pero para maging maayos ang biyahe niya ay sunggaban niya ang pagkakataong nauuto niya ang lalaki. Sa Bicol niya gustong manirahan. Hindi siya matutunton doon ng kanyang pamilya. Ang dati nilang katulong na si Nanay Merlita ay sa Bicol naninirahan. Matagal nang umuwi ito sa kaniyang pamilya para alagaan ang mga anak. Hindi man niya alam ang eksaktong address. Pero natandaan naman niya ang sinabi nitong lugar kung saan sila nakatira— sa Marina Azul. Ipagtatanong- tanong na lang niya ang bahay ni Nanay Merlita. Huminto ang bus sa isang istasyon. Kipkip ni Orah sa kanyang dibdib ang bag at bumaba sa bus. Bago siya lumabas ng bus ay nagpasalamat siya sa konduktor na tumulong sa kanya habang nasa biyahe. Naasiwa lang siya dahil sa panay ang tingin nito sa upuan niya. Madalas din siyang pinupuntahan at kinakausap. Nagtulog- tulugan na lamang siya para tantanan ng lalaki. "Miss ganda, kapag nagawi ako dito. Puwede bang dalawin kita?" pahabol pa ng konduktor na tanong. Ngumiti pa ito ng pagkalaki- laki, na parang ipinapakita ang bunging mga ngipin. Alanganin na ngumiti si Orah. "Oo naman. Basta kapag nagkita tayo," pagsang-ayon na lang niya. "Masaya akong makilala ka, miss ganda. Aalis na kami." "Salamat ulit. Mag-iingat kayo." Tugon ni Orah na kumaway sa binatsng konduktor. Pumasok ang binata sa loob ng bus at naiwan si Orah na nakatanaw pa rin. Nang makaalis ang malaking bus ay napatanaw siya sa lugar na kanyang pupuntahan. Ang Marina Azul, ang bayan kung saan siya magsisimula ng kanyang bagong buhay kasama ang kanyang anak. Napahawak si Orah sa kanyang tiyan at marahang hinagod. Napapikit siya at sumamyo ng sariwang hangin. "ANG dami nating huli, Kuya Khal. Mukhang tiba- tiba tayo sa palengke nito. Lalo na ikaw ang kasama ko na magdadala ng mga banyera. Tiyak na pipilahan ka, hindi ang mga isda," natutuwang sabi ni Baldo habang nakatingin sa limang banyera na puno ng mga isda. Nakapameywang si Khal na may malapad na ngiti sa labi. Madaragdagan na naman ang ipon niya sa bangko mula sa mapagbibilhan ng mga isdang dadalhin nila sa palengke. Siya si Khaldiag Mangahas, kilala bilang Khal— isang mangingisda at minsan ay naglalako ng mga nahuling isda. Kitang- kita ang tikas niya sa suot na maong shorts at pawisang katawan, habang ang kanyang dibdib at braso ay bumibilad sa araw. Bawat patak ng pawis ay dumadaloy mula sa matipuno niyang balikat. Ang kanyang morenong balat, palaging bilad sa araw, ay nakadagdag ng kakaibang karisma na kinahuhumalingan ng mga kababaihan sa kanilang maliit na nayon ng Marina Azul. "Tiyak na makakauwi tayo ng maaga sa bahay, Baldo. Dapat magdiwang tayo. Bumili ka ng bilog mamaya at ako na ang bahala sa pulutan." Parang natakam si Baldo at tila nauhaw nang marinig ang paboritong inumin. "Ayos! Kung ganito palagi ang huli natin. Parating masasayaran ang lalamunan ko ng dem@nyong may sibat!" Malakas na tumawa si Khal sa tinuran ni Baldo. Hayok sa alak na animo'y kailanman ay hindi nakakainom si Baldo. Sa edad na tatlumpu’t walo, ito na ang simpleng buhay na nakasanayan ni Khal— ang mamuhay sa tabing- dagat kasama ang kanyang buong pamilya. Kuntento na siya rito. Matapos ikarga nina Khal at Baldo ang mga banyera sa tricycle, umupo si Baldo sa harapan habang si Khal ang nagmaneho, papunta sa palengke. "Andito na si Khal! Mga kumare! Andito na siya!" Malakas na sigaw ng isa sa mga tindera ng isda sa palengke. Nagsilabasan naman ang kanyang mga kasamang tindera at sinilip ang paparating na tricycle. Kilalang- kilala nila ang trike ni Khal. Kaya malayo palang ay alam na nilang siya ang papalapit. Hinawi ni Dabya ang mga tinderang karibal niya kay Khaldiag. "Ako ang mauuna! Magsibalik na kayong lahat sa mga puwesto n'yo!" Bulyaw niyang taboy sa lahat ng mga babaeng hukluban ba pinagpapantasyahan ang kanyang si Khaldiag. 'Ang sugapa mo talaga, Dabya. Lalamutakin mo lang si Khal, wala ka na halos itira sa amin," himutok ng isang matabang babae. Sa tuwing pumupunta si Khal sa palengke, nauuna na si Dabya na lantakan ang binata. Daig pa sa isda kung pisil- pisilin nito ang namumutok na muscles ni Khal. At ni halos 'di nilulubayan ang binata sa kasusunod sa buong palengke kapag inilalako ang mga huling isda. "Ay, lint@k ka! May asawa ka na, Caring. Siyam na nga ang mga anak mo! Tigilan mo si Khal. Dahil sa akin s'ya!" "Kahit na! 'Wag mong solohin si Khal. Dapat ibahagi mo rin s'ya sa 'min." Sabi naman ng isang matandang babae. Isa pa ito sa may pagnanasa sa matandang binatang si Khal. "Lola ka na. Hindi ka na papatulan ni Khal." "E, ikaw? Akala mo ba papatulan ka ni Khal. Ang sama kaya ng ugali mo, Dabya. 'Di ka nababagay sa kanya," matapang na saad ni Caring. Nagpanting ang tenga ni Dabya. Sa itsura niya lamang siya ng limang paligo sa mga kasama niya. Siya mukhang mabango pa at fresh, sila mga bilasa na parang isda. "Magsitigil kayo! Lamang pa rin ang ganda ko sa inyong lahat. Ayaw n'yo pang aminin na ako ang karapat- dapat kay Khal. Matatanda na kayo at ubod pa ng papangit!" Singhal ni Dabya. Napapailing na lang ang mga kasama niya sa sobrang talas ng tabas ng dila niya. Tatawa- tawa si Dabya. Wala palang binatbat ang mga ito sa kanya. Mataba lang siya pero maganda pa rin at bata pa. Sa kanya lang si Khal, walang puwedeng umangkin na iba! "Ano na naman ang pinag-aawayan n'yo? Ang aga-aga, dinig ko na ang mga talakan n'yo," sabi ni Khal. Sabay- sabay na nilingon ng mga babae ang lalaking nagsalita. Kitang- kita ang ningning sa kanilang mga mata habang sinusuyod ng tingin si Khal, na hubad baro pa rin at naka-maong shorts na abot hanggang gitna ng hita. Bakas ang mala-pandesal na abs niya, lalo pang nakakatakam tingnan sa bawat butil ng pawis na dahan- dahang dumadaloy pababa sa kanyang tiyan. Bumaba mula sa trike si Baldo na hindi mapigilang matawa. "Mali ang tanong mo, kuya. Dapat sino ba ang pinag-aawayan nila." Napailing na lang si Khal sa biro ni Baldo. Sa halip na magsalita ay binuhat niya ang banyera na nasa tricycle niya. Napatunganga ang mga babae at walang nagtangkang nagsalita sa kanila. Pinapanood nila si Khal sa ginagawa. "Kunin niyo na ang mga banyera. Ibibigay ko ng mura lang," alok ni Khal sa mga tindera. Nakanganga ang mga ito na nakatulalang nakatitig kay Khal. "Ang mga laway n'yo, tutulo na..." sambit ni Baldo. Doon lang nahimasmasan ang mga tindera at mga mapatikom ng bibig. Nagmamadali namang lumapit si Dabya kay Khal. Idinunggol- dungol ang dibdib sa braso ng binata habang pinaglalandas ang daliri sa matipunong dibdib ni Khal. "Ako na lang bibili ng isang banyera. Kahit na dagdagan ko pa ang bayad," malanding sabi ni Dabya na pinapungay pa ang mata. "Salamat, Dabya." Mas lalong nagningning ang mga mata ni Dabya. Napasinghap naman si Khal nang halikan siya ng babae sa pisngi sabay yakap sa kanya. Napasimangot ang mga kasamahang tindera ni Dabya. Sumisikip ang mga dibdib nila sa galit dahil sa pagiging madamot nito kay Khal. Hindi naman sila manalo sa matapang na si Dabya. "Ako rin, Khal. Bibilhin ko na ang isang banyera. 'Wag mo na akong bigyan ng discount. Ngiti mo lang, okay na 'ko," sabi ni Caring. Halatang may gustong ipahiwatig sa mga tingin. "Salamat, Aling Caring." Sumama ang loob ni Caring sa narinig. Si Dabya naman ay ang lakas ng halakhak na mapang-asar at ipinulupot ang isang kamay sa beywang ni Khal. Naubos kaagad ang mga isda na ibinebenta nina Khal at Baldo. Binibilang ni Khal ang perang napagbilhan niya ng banyera ng isda. "Oh, ibili mo na ng alak. Sa tumana na lang tayo mag-inom," sabay abot ni Khal ng isang libo kay Baldo. Ang lawak ng ngiti ni Baldo na tinanggap ang pera. Hinalikan pa ng loko ang perang papel na ikinailing ni Khal. "Ang lakas mo talaga sa mga tindera sa palengke. Parating ubos ang mgs huli natin. Dapat nagtatayo ka na ng fans club. Si Dabya ang presidente. Ang lakas ng tama ng b@boy na 'yon sa'yo." Hindi na nila kailangan na maghirap magtinda. Pinakyaw nila ang mga isda. "Sira! Ganoon lang talaga si Dabya. Alam mong wala akong interes sa mga babae at ayokong magkaroon ng karelasyon dito. Gusto kong magpayaman para ipamukha doon sa ex ko na nang-iwan sa akin noo," ani Khal. "Hindi mo pa rin nakakalimutan si Isha. Ipinagpalit ka na sa mayamang matanda. Hayaan mo na 'yon." Madilim ang mukha ni Khal habang nakatitig sa kawalan. "Walang kapatawaran ang ginawa niyang panloloko sa 'kin. Darating ang araw na magkakandarapa siyang habulin ako. At sisiguraduhin kong pagsisisihan niya ang araw na niloko niya si Khaldiag Mangahas."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD