MAG-AALAS diyes na ng umaga. Tirik na tirik ang araw habang naglalakad siya papunta sa Marina Azul. Dahil madalang ang dumadaang tricycle, naglakad na lang siya kahit tirik na ang araw.
Kanina pa siya naglalakad, at puro tabing-dagat lang ang nakikita niya.
"Manong, kilala n’yo po ba si Merlita Mangahas? Sabi po kasi niya dito siya nakatira sa Marina Azul," tanong ni Orah sa lalaking nadaanan niya. Dalawa silang nag-iinuman, kahit umaga pa lang.
Naasiwa si Orah nang sinuyod siya ng tingin ng lalaki, mula paa pataas hanggang mukha. Napapunas tuloy siya ng mukha at inabot pa ang gilid ng mata.
"May dumi ba ako sa mukha?" tanong niya, bahagyang napasimangot.
Tinapik ng isang lalaki ang kaibigan. Mukhang natauhan ito, biglang kumurap.
"Nanay mo ang hinahanap, Kuya Khal..." sabi ng unang lalaki.
"Huh? Si Nanay?" tanong ni Khal habang muling sinipat si Orah. "Bakit mo hinahanap ang nanay ko? May atraso ba s’ya sa’yo?"
"Naku, wala po. Kakilala ko po si Nanay Merlita. Saan ko po siya makikita?"
"Nasa bahay, nakahiga..." pabalang na sagot ni Khal, sabay tingin kay Baldo na natawa sa kanya.
"Pwede ko po ba siyang puntahan? May kailangan lang akong itanong."
Matamang tinitigan ni Khal si Orah, habang iniisip marahil kung totoo ang sinasabi niya.
"Kuya Khal, kakausapin lang naman si Nanay Merlita. Dalhin mo na siya. Miss… ano nga ulit pangalan mo?"
"Zipporah po… pero tawagin n’yo na lang akong Orah. Sabihin n'yo, si Orah po. Kilala na niya ako."
Hindi sumagot si Khal, nag-aalangan kung dadalhin nga ba niya sa bahay ang dalagang nasa harap nila ni Baldo.
Ang ganda naman ng batang 'to na naghahanap sa nanay niya, naisip ni Khal. Baka mamaya ay kapatid pa niya ito labas. Pero okay na rin 'to, at least malalahian sila ng maganda at makinis.
"Sige. Dadalhin kita kay nanay, pero... sasagutin mo ang tatlong bote namin ng gin."
Nalaglag ang panga ni Orah sa kondisyong iyon. Samantala, tumawa nang malakas si Baldo.
"Miss, iyong pinakamalaki, ha? Mukhang nakulangan si Kuya Khal sa ininom namin," ani Baldo, halos natatawa pa.
"Walang problema. Gawin ko pang lima! Ano, game?" panghahamon ni Orah, na siyang ikinalaki ng mata ni Baldo at ikinatigil ni Khal.
"Pusang gala! Gusto ko 'yan! Mahaba- habang inuman 'to, Kuya Khal!" hiyaw ni Baldo.
Malawak na ngumiti si Khal.
Napatulala si Orah— magandang lalaki pala si manong. Hubad- baro ito, naka-maong shorts lang, at nangingintab ang dibdib sa pawis. Dagdag pa ang namumutok na mga muscles. Ang lakas talaga ng dating.
"Umayos ka, Baldo! Baka sabihin nitong si Miss Orah, sugapa tayo sa alak." Saway ni Khal saka binalingang muli ang dalaga. "Pampalipas oras lang namin 'to ni Baldo. Magdamag kami sa laot para manghuli ng isda."
Bahagyang ngumiti si Orah. "Wala naman po akong ibang iniisip. Gusto ko lang talagang makausap si Nanay Merlita. Baka puwede na natin siyang puntahan."
"Baldo, tumayo ka na d'yan. Umuwi muna tayo sa bahay. Ipakikilala natin s'ya kay nanay." Ani Khal na sinunod naman ni Baldo.
"Tara na, kuya," sabi naman ni Baldo na umakbay pa kay Khal.
Naamoy ni Orah ang dalawang lalaki. Amoy alak ang bumabalot sa kanila. "Kaya n’yo po bang umuwi, manong? Mukhang medyo lasing na po kayong dalawa ng kaibigan mo."
Nagkatinginan sina Baldo at Khal, halatang nagpipigil ng tawa. "Ako, manong? Kanina ko pa napapansin na tinatawag ako ni miss ng manong. Mukha ba akong matanda? Baldo, sabihin mo nga— matanda na ba ako?" Turo pa ni Khal sa sarili niya.
Sumingit si Baldo, nagpipigil ng ngiti, sabay tapik sa dibdib ni Khal. "Kuya Khal, matanda ka na talaga. Ikaw lang ang hindi nakakaalam..." pang-aasar niya.
Biglang tinanggal ni Khal ang kamay ni Baldo na nakaakbay sa kanya. "Hoy, ikaw, Baldo! Uupakan talaga kita… sinabi mong matanda na ako!"
Napaatras si Orah, nakaramdam ng kaunting kaba. Sa kanya pala nagsimula ang inis ni Khal, dahil sa pagtawag niya ng "matanda."
Nagkakamot siya ng ulo, kunwari’y nahihiya habang nakatingin kay Khal. Bahagya siyang ngumiti, may konting pilipit na kunot sa noo at bahagyang nakatingala, para bang nagmamakaawa. "Sorry po, kuya Khal," pa-cute niyang sabi, pabulong- bulong pa ang huling mga salita. "Hindi ko naman sinasadya… hindi ko gustong ma-offend ka… you know," sabay kindat, sinusubukang gawing biro ang paghingi ng tawad.
Pabirong siniko ni Baldo si Khal, sabay sabing, "Humingi na ng sorry, oh. Patawarin mo na, kuya..."
Napailing si Khal, pero hindi niya napigilang mapangiti sa pang-aasar ni Baldo at sa cute na paghingi ng sorry ni Orah.
"Oo na. Pero 'wag mo na ako ulit tatawaging manong," babala ni Khal, may pilyong ngisi sa labi. "Aanakan kita... malalaman mo kung gaano pa ka-aktibo ang matandang sinasabi mo."
Natahimik si Orah. Baka nga totohanin ng lalaki ang babala nito.
Tatawa- tawa si Baldo nang makita ang pamumutla ng dalaga. Mukhang may bagong babae na dumating sa kanyang Kuya Khal. Mas bata, mas maganda, at aprub na aprub sa kanya. Hindi gaya ng mga babae sa palengke, na mga bilasa na at amoy isda.
Nakasunod si Orah sa dalawang lalaki na nauunang maglakad. Pinagtitinginan sila ng mga taong nakakasalubong nila.
"Hoy, Khal! Maganda 'yan, ah. Ibinalato mo na sa 'min 'yan. Titiyakin naming liligaya 'yan!" pang-aalaska ng tambay sa tindahan, kasunod ang malakas na tawa.
Biglang natakot si Orah at tumabi kay Baldo, pilit itinatago ang sarili sa bastos na lalaki.
Nakita ni Khal ang ginawa ni Orah. Parang nanginig sa takot ang dalaga. "Sira ulo ka, Waldo! Ulitin mo pa 'yang pambabastos mo sa bisita ko, may kalalagyan ka," babala niya.
"Nagbibiro lang ako, Khal. Ikaw naman masyado kang seryoso," sabi ni Waldo na humalakhak pa ng nakakaasar.
"Huwag mong pansinin 'yon, Orah. Kapag kasama mo si Kuya Khal, walang gagalaw sa'yo dito sa Marina Azul. Takot ang mga 'yan kay kuya. Wala kang dapat ipag-alala," pinapalakas ni Baldo ang loob ng dalaga.
"Tama si Baldo. I'm here for you..." segunda ni Khal. "English 'yon," natawa pa siya sa sarili. Mukhang nawala ang tama ng alak sa kanya.
"Ang galing talaga ng kuya ko. Kaya ipinagmamalaki kita," ani ni Baldo. Nginitian ni Khal ang tinuran ng kanyang kaibigan.
Bata pa si Baldo noong mapasama sa kanya sa pamamalaot. Maasahan niya ang bata sa lahat ng bagay. Kaya nga kahit sobrang bata pa nito ay sobrang pinagkakatiwalaan niya ito.
Gustong tumawa ni Orah, pero pinipigilan lang niya ang sarili. Napapalagay na ang loob niya sa dalawang lalaki. Mukha namang mabait ang mga ito.
"Tatay, nakauwi na po ako," anunsyo ni Khal nang pumasok sa loob ng bahay. Binalingan niya si Orah. "Umupo ka. Feel at home. Pasensiya ka na sa bahay namin, medyo masikip."
"Wala 'yon. Sanay ako."
"Baldo, bumili ka ng maiinom ni Orah," utos ni Khal. Agad na sumunod si Baldo at nagmamadaling pumunta sa tindahan. "Tatawagin ko lang si tatay," paalam niya sa dalaga, na tinanguan naman ito ni Orah.
Naiwan si Orah sa sala ng bahay nina Khal. Inilinga niya ang mata. Wala siyang reklamo kung ganito ang magiging bahay niya. Masaya at punong- puno naman ng pagmamahalan kaysa sa mansyon nila. Mayamang sila pero ang taas ng pressure. Kailangan mong maging perpektong anak. Pero walang oras ang parents niya sa kanilang mga anak. Business at pera lang ang importante sa kanila.
"Tay, may naghahanap po kay nanay," sabi ni Khal sa ama, hila niya ang kamay ng tatay niya papunta sa sala.
"Ano ka ba, Khal? Hindi mo ba sinabi sa kanya ang kalagayan ng nanay mo?" Paano siya makakausap ni Merlita."
Natigilan si Isagani nang makita ang dalaga. "Senyorita Orah?"
"Mang Isagani..." napatayo si Orah nang makita ang asawa ni Nanay Merlita.
"Anong ginagawa n'yo po dito sa Marina Azul?" Nagtatakang tanong ni Isagani.
Nagpalipat- lipat ng tingin si Khal sa ama at sa kanilang bisita. "Magkakilala po kayo, Tay?"
Napabaling ng tingin si Isagani sa anak at tumango. "Oo, anak. Alaga ng nanay mo si Orah. Siya si Zipporah Burton."
"Burton?" Nanlaki ang mga mata ni Khal nang mareliased na galing si Orah sa isang mayamang pamilya. Kilalang- kilala niya ang mga Burton. Ang ama ni Orah na si Valentino Burton.
"Pasensiya na po, senyorita. Kung hindi kayo kilala ng anak ko. Ano bang sadya mo kay Merlita? Maupo ka."
"Mang Isagani, umalis po ako sa bahay at kailangan ko po ng matutuluyan..." sagot ni Orah. Tahimik lang na nakikinig si Khal.
"Anong pong problema?"
Napayuko si Orah. Nagtaas baba ang kaniyang balikat. "B-Buntis po ako. Ang totoo po, pinalayas ako sa mansyon. W-Wala po akong ibang mapupuntahan. Kaya hinanap ko ang bahay n'yo."
Nagkatinginan ang mag-ama. Naawa si Khal sa sinapit ng dalaga.
"Ang ama ng dinadala mo, alam ba n'ya?" Sabat na tanong niya.
Nag-angat ng tingin si Orah. Hilam ng luha ang kanyang mga mata. "H-Hindi niya po ako gustong panagutan. P-Pero okay lang. Kaya ko namang palakihin na mag-isa ang anak ko."
Napayukom ng kanyang kamao si Khal. "Hayop na lalaki 'yon! Kung makikita ko lang siya, mapapatay ko siya!" Naggagalaiting sabi niya.
Pinunasan ni Orah ang mga luha niya. Pilit pinapakalma ang sarili.
"Dumito ka na lang, senyorita. Ligtas ka dito. Pero maliit lang po itong bahay namin. Doon ka na lang sa kuwarto ni Khal," wika ni Isagani. Hindi niya kayang pabayaan ang dalaga. Ang bata pa nito at baka lalong mapariwara ang buhay.
"Khal, ilipat mo ang mga gamit mo sa kuwarto namin ng nanay mo. Dito ka na lang sa sala matulog," sabi pa niya sa anak.
"Naku, Mang Isagani. Hindi na po." Wikang tanggi ni Orah. "Ako na lang po dito sa sala. Nakakahiya naman po kay K-Kuya Khal..."
"Wala 'yon, Orah. Mas maganda na sa kuwarto ko ikaw matulog. Babae ka at buntis pa. Hindi maganda na dito ka sa labas," giit na sabi ni Khal.