NASA kanyang silid si Orah. Nagpapasalamat siya na walang alinlangan na pinatira siya ng mga Mangahas sa bahay nila. Maliit man at kahoy lang ang bahay ay malinis naman.
Para sa kanyang anak, pipilitin niyang mabuhay nang masaya at malaya sa mga taong nanakit sa kanya.
"Anak, I'm your mama. Aalagaan kita kahit na hindi alam ni mama paano mag-alaga ng baby. Mahal na mahal kita," naluluhang sabi ni Orah sa kanyang tiyan. Kinakausap ang kanyang anak na nasa sinapupunan.
"Orah, gising ka pa ba?" Katok ni Khal sa pinto.
Biglang nagpunas ng kanyang mga luha si Orah. "Opo. Pasok, Kuya Khal. Bukas ang pinto."
Bumukas ang pinto at bumungad si Khal kay Orah na may dalang isang baso ng gatas.
"Naistorbo ata kita. Patulog ka na ba?" Umiling si Orah na sagot. "Dinalhan kita ng gatas. Maganda daw ang gatas sa buntis. Para healthy si baby." Ibinigay ni Khal ang baso sa dalaga.
"Thank you, kuya. Nag-abala ka pa."
Ngumiti ng bahagya si Khal. Nanatili siyang nakatayo at pilit na bibinigyan ng distansya ang pagitan nila ni Orah.
"Hmm... Okay ka ba sa kuwarto ko? Hindi ba mainit? Bukas ibibili kita sa bayan ng bagong malaking electric fan. Kawawa naman si baby mo kung maiinitan siya," sabi ni Khal, napadako ang tingin sa maingay at maliit na fan. Nag-aalala siya para sa kalagayan ni Orah. Hindi ito sanay sa ganitong buhay. Ang mga katulad ng dalaga ay sanay sa aircon. Kaya nga ang puti- puti at ang kinis ng balat.
"Naku, 'wag na. Okay na ako sa maliit na fan. Saka, hindi naman mainit. Ang presko nga po dito sa Marina Azul. Presko ang hangin at hindi polluted."
"Basta kapag may kailangan ka, 'wag kang mahiyang magsabi. Alam mo si nanay ay bedridden na. Pasensya ka na kung hindi ka na niya makilala."
Nalungkot si Orah para kay Nanay Merlita. "Nakalkamiss si nanay. Katabi ko siya matulog noon, kuya. Sobra akong nagulat nang makita ko ang lagay niya."
"Ginawa naman namin ang lahat. Sinukuan na siya ng kanyang mga doktor pero hindi kami sumuko. Basta makita namin siyang buhay, masaya na kami. May kapatid pa pala akomg isang, si Kele. Nag-aaral sa state university. Umuuwi lang 'yon tuwing bakasyon."
"Ahh..." tumango- tango pa si Orah. "Baka gusto mong maupo, Kuya Khal."
Napakamot ng kanyang ulo si Khal habang nakangiti. "Eh, hindi ba ako nakaistorbo sa'yo?"
"Hindi... gusto ko nga, andito ka. Para may kausap ako."
"Ano naman pag-uusapan natin?"
"Kahit ano..."
"Sige. Nang mabilis kang makatulog."
Napahagikhik si Orah. "Halata bang hindi ako makatulog?"
"Alam kong namamahay ka pa. Saka alam ko rin hindi ka sanay sa ganitong bahay."
"Hindi naman ako maarte."
"Baka may gusto kang kainin." Biglang sabi ni Khal.
Nahihiya naman si Orah na magsabi sa binata. Ang dami na niyang abala.
"Huwag ka nang mahiya, Orah. Bisita ka namin sa bahay kaya kahit ano ay gagawin para maging komportable ka."
"P-Puwede bang h-hotdog na may cheese. G-Gusto ko 'yong binili sa supermarket."
Nalaglag ang panga ni Khal. Napasubo ata siya. Napatingin siya sa orasan na nakasabit. "Alas diyes na. Pambihira ka naman pala maglihi."
"Pasensiya na, Kuya Khal. P-Pero okay lang. Matutulog na lang ako," nahihiya pa ring sabi ni Orah. Ano ba naman kasi itong baby niya? Pinahirapan pa si Kuya Khal ss gustong kainin.
Napabuntong hininga si Khal. "Masama daw na hindi ibinibigay ang gusto ng buntis. Inumin mo na ang gatas mo. Lalabas lang ako sandali para bumili ng hotdog na may cheeses sa supermarket."
Lumawak ang ngiti ni Orah. Tila biglang natakam siya sa sinabi ng binata.
"Salama, Kuya Khal..."
Tumango si Khal at ngumiti. Tumayo na siya at lumabas sa kuwarto.
Habang naiwan si Orah ay 'di niya mapigilan ang magalak. Mayroon na siyang kakampi, may kuya pa siya na hindi niya narasanan sa buong buhay niya. Aalagaan siya at gagawin ang mga bagay na naiis niya.
Inubos niyang inumin ang gatas na dala ni Khal. Napahikab siya, parang hinihila na siya ng antok. Wala pa si Khal.
Samantala, nasa loob na ng supermarket si Khal. Nagpasama siya kay Baldo na bumili ng cravings ni Orah.
"Walastik! Kuya, naging instant tatay ka ng anak ni Orah..."
Masamang tinignan ni Khal si Baldo. "Iyang bibig mo, Baldo. Kahit kaibigan kita, dudukutin ko 'yan." Napatakip naman si Baldo ng kanyang bibig. "Tumutulong lang ako. Nag-iisa ang bata dito sa Marina Azul. At sino naman ang tutulong sa kanya, kundi kami lang nila tatay."
"Ang sabihin mo, interesado ka sa kanya. Ang bata pa nun. Mas bata pa kaysa kay Kele."
"Alam ko. Uulitin ko tinutulungan ko lang siya at hindi ako interesado kay Orah," paniniyak ni Khal. Kay Baldo na rin nanggaling na bata pa si Orah at kararating lang nito sa Marina Azul. Masyado namang mabilis na magkakainteres siya agad sa isang batang- batang buntis.
Ginagawa niya ito dahil naging mabuti ang pamilya Burton sa nanay niya, 'yon lamang.
"Bumili na nga tayo ng cravings ni buntis. Masama daw pinaghihintay ang buntis," sabi pa ni Khal at pumunta na sila sa meat section.
Kumuha si Khal ng dalawang balot ng hotdog na may cheese. "Kuhaan kita ng picture, kuya. Para may patunay tayo na binili natin sa supermarket."
Nagliwanag ang mukha ni Khal. "Maasahan talaga kita. Sige, kuhaan mo na ako ng picture. Gandahan mo ang anggulo. 'Yong makikita ang mga muscle ko."
Napakamot sa kanyang ulo si Baldo. Parang picture laang, kailangan talagang may magandang anggulo.
Pagkatapos na bumili ay dumiretso na pauwi si Khal habang si Baldo ay pumunta pa sa kaibigan para makipag-inuman.
"Iluluto ko lang ang mga hotdog at saka ko dadalhin kay Orah," nausal ni Khal na pumunta sa kusina.
Nang matapos siyang mag-prito ay napatingin siya sa orasan, pasado alas dose na ng madaling araw. Sana'y gising pa si Orah.
Hindi na kunatok si Khal, pinihit na niya ang pinto at pumasok sa loob ng dati niyang kuwarto.
"Ay, naloko na. Tulog na tulog si Orah. Ano'ng gagawin ko ngayon?" bulalas ni Khal, bahagyang napapakamot sa batok.
Nasa kasarapan na ng tulog si Orah, kaya't ipinatong na lang niya ang pinggan ng piniritong hotdog sa mesa at tinakpan ito. Matapos ay naglakad siya patungo sa pintuan. Bago siya tuluyang lumabas ng kuwarto, saglit pa siyang lumingon kay Orah, na mahimbing pa rin ang tulog.
Napainat si Orah nang magising, isang mahabang hikab ang pinakawalan niya habang minulat ang mga mata. Ang sarap ng tulog niya kagabi. Hindi niya maalala ang huling pagkakataon na nakatulog siya nang ganito kahimbing sa sarili niyang kuwarto. Para bang hindi siya nanibago sa lugar.
"Hala! May pagkain dito." Napatingin siya sa gilid ng kama at napatigil. Isang plato ang nakatakip at maingat niyang tinanggal ang takip. Pritong hotdog ang bumungad sa kanya.
Ngunit sa halip na matakam, bigla siyang nakaramdam ng pagsusuka.
Naalala ni Orah na nagpabili siya ng hotdog na may cheese kay Khal.
"Nakakahiya naman, ang effort niya tapos ganito pa ang reaksyon ko..." Bumuntong hininga siya habang inilayo ang plato. Hindi niya makayanan ang pagbaliktad ng kanyang sikmura.
Hindii pumalaot si Khal ngayong umaga. Medyo malaki ang kinita nila kahapon ni Baldo. Kaya itinuring niya ang araw na 'to bilang day off niya.
Pasilip- silip siya sa kuwarto ni Orah.
"Good morning, Kuya Khal." Nakangiting mukha ni Baldo ang bumungad sa kanya sa pintuan ng bahay nila. "May dala akong dalagang bukid. Galing 'to sa huli natin kahapon. Nagtira ako para sa inyo." Pumasok siya sa loob ng bahay at dumiretso sa kusina para ilagay sa palanggana ang mga isda.
Pansin ni Baldo ang hindi mapakaling kaibigan. "May problema ba? Parang hindi ka mapakali."
"Hindi pa kasi lumalabas ng kuwarto niya si Orah. Alas syete na ng umaga."
"Kuya, taga-siyudad si Orah. Tanghali na talaga magising sila," tugon ni Baldo.
"Huh? Totoo ba 'yon?"
Umupo si Baldo sa katabi ni Khal. "Ang dinig ko pa, ang mayayaman daw ay madalas na gising sa gabi at sa araw tulog. Siyempre, marami silang katulong para gawin ang mga gawaing bahay. 'Di katulad natin, alas kuwatro palang ng umaga gising na."
"Ganoon ba?" Napapakamot na sabi ni Khal. Tumango- tango naman si Baldo.
"E, bakit ba hinihintay mong magising si Orah?"
"Iyong hotdog kasi hindi ko alam kung nagustuhan niya..."
Napahalakhak si Baldo. "Parang hotdog lang. May iba pa bang lasa ang hotdog?"
Naasar naman si Khal sa tinuran ni Baldo. Hinampas niya ng mahina sa ulo ito. "Pinaghirapan kong bilhin at iprito. Tulog na kasi noong dalhin ko sa kuwarto niya."
"Kaya naman pala..."
Biglang lumangitngit ang pintuan ng kuwarto ni Khal. Biglang napaayos ng upo sina Baldo at Khal. Napatikhim pa si Khal habang nakaiwas ng tingin sa papalapit na si Orah.
"Kuya Khal...." agad na napalingon si Khal sa pagtawag ni Orah. Napaamang siya nang makita ang itsura nito.
Todo ang pag-ipit ni Orah sa butas ng kanyang ilong habang nakalayo ang hawak na pinggan.
"Anong nangyari?" Natataranta na dinaluha ni Khal ang dalaga. Ibinigay ni Orah ang pinggan na parang nandidiri.
"Ilayo mo sa akin 'yan, Kuya Khal!"
Nalaglag ang panga ni Khal hindi makapaniwala sa nakikitang reaksyon ni Orah. "Bakit?"
Gustong matawa ni Baldo. Nahuhulaan na niya. Ayaw ng pang-amoy ni Orah ang hotdogs.
"Nasusuka ako...." biglang nagtakip si Orah ng kanyang bibig.
Hindi nagdalawang isip si Khal. "Baldo, ilagay mo muna sa labado ang hotdog. Kainin mo kung nagugutom ka," may diing utos niya.
Natatawang tumayo si Baldo at kinuha mula kay Khal ang hotdog. Kumuha pa siya ng isa, kumagat na parang tinatakam si Orah at tila nang-aasar.
Napapangiwi naman si Orah habang pinapanood si Baldo. Halos mamilipit siya sa pinipigil na pagsusuka.