Binalingan ni Ser-Al ang hindi mapakaling si Macaria. "Mamaya tayo mag-uusap sa banwa," matigas nitong sinabi pagkatapos ay hinarap uli ang mga kalalakihang katutubo. "Tayo na. Kailangang malaman natin ang pakay ng dayong iyon."
Nangunguna ang ama ni Macaria na nagtungo sa malaking kubo kasunod ang mga kalalakihang may dalang sulo, kung saan isinasagawa ang mahahalagang pagpupulong.
Alam naman niyang hindi sasaktan ng ama at mga katribo si Kaleb. Kahit kailan ay hindi sila nanakit ng mga dayong nangangahas na pumasok sa isla nila. Kahit na nga iyong mga opisyales na nais silang paalisin sa isla noon.
Ang pananaw ng kaniyang ama, lahat naman daw ay maaring madaan sa mabuting usapan. Pero umaalpas pa rin talaga ang kaba sa kaniyang dibdib.
Hindi maaring tumulala lang siya rito. Siya ang nagdala at nagtago kay Kaleb sa kubo, siya ang dahilan bakit ito nahuli ng mga katribo. Kailangan niyang tulungan ang lalaki.
Malalaki ang hakbang na sumunod si Macaria sa mga ito. Pagdating sa b****a ng kubo ay pinigilan siya ni Heron sa akmang pagpasok. Hinawakan siya nito sa braso.
"Mabuti kung umuwi ka na lang muna, Macaria. Hindi natin alam ano ang pakay ng dayong iyon. Maaring may dala siyang panganib sa tribo natin."
Nilingon niya ito saka malakas na bumuntong hininga. "Hindi mapanganib si K-Kaleb.. kilala ko siya."
"Ano? Paano mong nakilala ang dayong 'yon?" Gulat na tanong ni Heron.
"Mahabang kwento, Heron. Kailangan kong kausapin si Ama bago pa kung anong magawa nila kay Kaleb."
Pinakawalan siya nito. "Sasamahan kita."
Tumango si Macaria at sabay na pumasok ang dalawa sa loob. Nakita niya kaagad ang ama at iba pang katutubong kalalakihan na nakapalibot kay Kaleb na nakaupo sa kahoy na rattan. Nakapagos ang mga kamay nito sa likuran.
Abot-abot ang pintig ng puso ni Macaria nang magtama ang mga mata nila ni Kaleb. Naglaho ang kislap ng pag-alala sa mata nito at tila maluwag na nakahinga nang makita siya.
Lalapitan sana niya ang lalaki nang biglang magsalita ang amang si Ser-Al na nakatayo sa harapan ni Kaleb. Sa tabi nito ay may dalawang lalaking katutubo. Tila sila guwardya sibil, alerto sa anumang ikikilos ng dayo.
"Anong pangalan mo at ano ang iyong pakay mo sa'ming Isla?"
Huminga ng malalim si Kaleb bago sumagot kay Ser-Al. "Kaleb.. Kaleb ang pangalan ko. Napadpad ako at nagising sa dalampasigan na walang naalala sa nakaraan ko."
"Hindi mo maalala ang 'yong nakaraan?" Kumunot ang noo ni Ser-Al.
Tumango si Kaleb. "Hindi. Nainisin ko mang umalis.. hindi ko alam kung saan ako tutungo."
Sandaling itong natigilan. Pinagmamasdan si Kaleb, inaalam kung nagsasabi ba ito ng katotohahan. "Malayo ang dalampasigan dito sa'ming banwa. Paano mo ito natunton?"
Noon na naglakas loob si Macaria na lumapit sa ama. Sinubukan pa siyang pigilan ni Heron subalit hindi nagpaawat si Macaria.
"Ako.. ako ang nagdala sa kaniya rito sa'tin, Ama."
Biglang natuon ang tingin ng lahat kay Macaria. Bumalatay ang gulat sa mukha ng amang si Ser-Al at nang sulyapan niya si Kaleb, marahan umiling ang lalaki na parang sinasabing huwag niyang ipahamak ang sarili para dito.
Subalit matigas ang loob ni Macaria. Kung may dapat mang sisihin at parusahan, walang ibang kundi siya! Itinago niya ito at hindi pinaalam sa Ama na dapat naman niyang ginawa una pa lang. Pero pinangunahan siya ng takot at pangambang magagalit ito.
"Anong ibig mong sabihin, Macaria..."
"Ama, patawarin ninyo ako.. natagpuan ko si K-Kaleb na walang malay sa dalampasigan at.. at dinala ko siya rito sa'tin."
Nagkaroon ng mahinang bulong-bulongan sa labas ng malaking kubo. Naroroon si Haryeta kasama ang esposo nito. Maging ang kaninang mga nagsasayawan at kantahang katutubo ay naki-usyoso na rin.
"Ano!" Dumadagundong ang boses ni Ser-Al hanggang sa labas ng kubo, naglalabasan ang ugat sa bumbunan nitong napapanot. "Kabisado mo ang batas natin, Macaria! Alam mong hindi maari magpatuloy ng dayuhan dito sa'ting banwa! At hindi ba matagal ko nang ipinagbawal ang pagpunta sa dalampasigan!"
"Ama.." kagat ang ibabang labing nagyuko si Macaria. "Patawad.. hindi ko magawang iwan doon si Kaleb— ang dayo.. sugatan siya noon. Wala akong mapagpilian kundi ang tulungan siya. Hindi ba, sinabi mo sa'kin noon.. huwag akong magdadalawang isip kung may taong nangangailangan ng tulong ko?
Tila naman nahishimasmasan ng kaunti ang amang si Ser-Al. Biglang naging mahinahon ang tono ng boses nito. "Kailan mo pa inililihim ang tungkol sa dayong ito?"
"Isang linggo na siyang tumutuloy sa kubo, Ama," halos pabulong na usal ni Macaria.
"Ganoon na katagal?!" Muling tumaas ang boses nito. "Ganoon na katagal na may dayong namamalagi dito satin! Hindi mo ba inisip ang ating nasasakupan, Macaria! Paano kung masamang tao ang lalaking 'to!" Mabilis nitong nilingon si Kaleb. "O di kaya'y pinadalang espiya ng mga opisyales! Hindi ka marunong mag-ingat! Mula ngayon ay hindi ka na makalalayo sa'ting banwa!"
"Pero, Ama! Hindi po masamang tao si Kaleb!" Katwiran ni Macaria. Tumaas na rin ang boses niya.
Sa dalawang taon na pag-aaruga ng ama kay Macaria, mabibilang sa daliri na pinagalitan siya nito. Hindi rin naman kasi suwail na anak si Macaria. Hindi niya lang talaga maiwasang magpunta sa dalampasigan. Iyon kasi ang lugar kung saan malaya siyang nakakapag-isip at malayang nangangarap ng gising.
"Hindi natin nasisiguro, Macaria! Ang kapangahasan mong ito ay maaring magdulot ng kapahamakan sa 'ting lahat. Hindi mo naisip 'yon? Simula ngayon, hindi ka na lalayo sa 'ting banwa!"
"Pero, Ama—" Natigilan sa muling pangangatwiran si Macaria nang magsalita si Kaleb.
"Sir, wala pong kasalanan si Macaria. Ang totoo niyan ay napakalaki ng pasasalamat ko sa anak ninyo. Kundi hindi dahil sa kaniya'y, hindi ko kayang isipin kung anong kinahantungan ko. Napakabuti niyang tao. At wala man akong naalala maliban sa pangalan ko. Gagarantiyahan kong.. hindi ako gagawa ng anumang ikakapahamak ninyo," sinserong ani Kaleb at diretsong nakatingin sa mata ni Ser-Al.
Sinamantala naman ni Macaria ang pananahimik ng ama upang tulungan si Kaleb na kumbinsihin ito.
"Totoo, Ama. Sa loob ng isang linggo'y walang ginawang masama sa 'kin si Kaleb."
"Hindi pa rin tayo nakasisiguro, Pinuno. Kailangan ng matibay na pagsusuri. Paano kung padala iyan ng mga opisyales? O di kaya'y miyembro ng mga bandito?" biglang pakikisali ni Nersak. Isa sa mga Berbata o hukom na siyang gumagawa ng mga patakaran at batas sa kanilang tribo.
Itinaas ni Macaria ang mukha. Subalit bago pa man siya makapagsalita'y naunahan siya ng amang si Ser-Al.
"Lumabas ka na, Macaria. Wala ka rin lang maitutulong dito dahil ako at ang mga berbata ang masusunod at magpapasya." Matigas na sabi nito't binalingan ang lumapit na si Heron. "Sige na, Heron. Ilabas mo muna itong kaibigan mo."
"Halika na, Macaria." Hinawakan siya ni Heron sa braso at inakay palabas.
"Heron, sandali..." nag-aalalang nilingon niya si Kaleb na nakatingin pala sa kaniya. Nagtama ang mga mata nila. Nagtangkang bumalik si Macaria subalit marahang umiling ang lalaki at ngumiti. Tila ba sinasabing huwag siyang mag-alala.
Wala nang nagawa si Macaria kundi magpatangay kay Heron palabas ng kubo habang palingon-lingon pa rin kay Kaleb.
.
.
Maagang gumising si Macaria nang sumunod na araw. Hindi na niya nagawang sukalayin ang buhok. Pagbangon sa papag diretso siya palabas ng silid.
Nagtaka siya nang hindi madatnan ang ama sa maliit nilang salas. Kapag ganitong oras kasi ay nagkakape na iyon o di kaya'y naghahanda para sa mga tungkulin nito sa kanilang banwa.
Hindi pa ba umuuwi si Ama? Ano kayang naging desisyon ng mga nakatatandang Berbatura?
Halos hindi nakatulog si Macaria kagabi sa kaiisip kung ano na ba ang mangyayari kay Kaleb. Mananatili ba ito sa isla nila o paaalisin.
Paano at saan naman pupunta si Kaleb kung sakaling hindi ito patuluyin sa isla nila? Wala itong naalala.... paano itong uuwi sa pamilya nito? May pamilya pa nga ba ito? Paano kung wala na?
Malakas na bumuntong hininga si Macaria. Lumabas siya ng kubo para maghilamos sa maliit nilang kusina. Magkakasama na ang lutuan at hugasan ng plato roon.
Gawa sa kawayang bubong ganoon rin maliit na lababo. Nakahilera ang tatlong malalaking galon sa katabing lamesa. Lalagayanan iyon ng tubig na iniigib nila mula sa bukal sa loob ng kagubatan. Iyon lang ang napagkukuhanan nila ng malinis na tubig sa isla at may kalayuan pa 'yon sa kanilang banwa kaya nag-iimbak na sila ng pang-ilang araw na inumin at gamit para sa pagluluto.
Pagkatapos maghilamos lumabas si Macaria ng bakuran nila. Wala siyang ganang kumain ng almusal. Mamaya na lang. Hindi siya mapakali gusto na niyang malaman ano ang hatol kay Kaleb.
Nasa kalagitnaan na siya ng paglalalakad malapit sa kubo nang mapakunot ang kaniyang noo. Lahat kasi ng mga kababaihang katutubo na nakakasalubong at kasabay niya'y tila nagmamadali at nagbubungisngisan na para bang mga inahing hindi mapaanak.
Dala ng kyursidad sinundan ni Macaria ang direksyon na tinatahak ng dalawang dalagitang nasa unahan niya at nagulat siya nang makita kung ano ang pinagkakaguluhan ng mga ito— mali kung sino pala ang pinagkakaguluhan ng mga ito!
At walang iba kundi si Kaleb! Wala itong pang-itaas at nagsisibak ng kahoy kasama ang ilang kalalakihan na katribo nila.
Huminto si Macaria sa harapan ni Kaleb. "Bakit ka nagsisibak ng kahoy diyan?" Puno ng pagtatakang tanong niya. "Nasaan si Ama?"
Nag-angat ito ng tingin at kaagad na ngumiti kasabay nang pagdating ng ama niyang si Ser-Al at dalawa sa tagahukom.
"Pansamantala ay pinapayagan na muna naming manatili ang dayo rito sa'tin."
Nagliliwanag ang mukhang nilingon ni Macaria ang ama. "Talaga, Ama!"
"Oo. Pero kinakailangan niyang sumunod sa mga patakaran natin dito. Tulad na lang sa mga gawaing panglalaki."
"Huwag po kayong mag-alala, Sir—"
"Pinuno. Pinuno o Ama. Iyon ang nakasanayang itawag sa 'kin."
Tumango si Kaleb. "Salamat po, Ama. Huwag kayong mag-aalala gagawin ko po ang lahat para masuklian ko man lang ang kabutihan ninyo sa'kin.."
Nakagat ni Macaria ang ibabang labi upang pigilan ang mangiti. Dati naman nang tinatawag ng "Ama" ang kaniyang ama ng mga katutubo. Pero bakit ngayong si Kaleb ang nagsabi niyon may kung ano siyang naramdaman sa puso niya?
Luminga si Ser-Al at sinenyasan si Heron na kaagad itinigil ang ginagawa at lumapit sa kanila. "Mula ngayon ay kasama sa grupo mo ang dayo."
Tuwid na tumindig si Heron at seryosong tinitigan si Kaleb. Halos umabot lang ito sa ilalim ng tainga ni Kaleb. Kung tutuusin isa si Heron na maituturing na matangkad sa tribo nila. Batak rin ang pangangatawan nito, at hindi iyon nalalayo kay Kaleb.
"Bukas na bukas ay sasabak ka sa pangunguha ng dagta."
"Ano?!" Biglang palatak ni Macaria na hinila pa sa braso si Heron. "Walang alam si Kaleb diyan! Ano ka ba, Heron!" Mahinang asik niya sa kaibigan.
"Macaria, hayaan mo si Heron ang magpasya," saway ng amang si Ser-Al sa kaniya. "Matutunan rin niya 'yon."
Bakit naman kasi mabigat na gawain kaagad ang inatas nila kay Kaleb! Ano namang malay nito doon?
Nakasimangot si Macaria nang balingan siya ni Kaleb. Nakangiting ginulo pa nito ang buhok niya bago ngumiti at nagsalita.
"I'll be fine don't worry."
Kahit hindi naiintindihan ang sinabi ng lalaki, napipilitan na lang tumango si Macaria. Ang tono kasi nito'y banayad na tila sinasabing huwag siyang mag-alala.
Nakikipagngitian pa siya kay Kaleb nang bigla na lang siyang hilahin ni Heron sa braso.
"Halika na nga! Doon ka na raw sa bahay mag-agahan sabi ni Inang Marya."
Habang hila-hila ni Heron, lilingon-lingon naman si Macaria sa likuran. At katulad niya'y nakasunod rin ang tingin ni Kaleb sa kaniya...
???
"Sabi ko na nga ba.. may nililihim ka sa 'kin!" Pag-aakusa ni Haryeta sa kaniya. "Kaya pala palaging kang nagmamadling umalis! Iyon naman pala ay may kinakatagpo ka!"
Tinutulungan siya ni Haryeta na ilabas ang lumang mga gamit nilang mag-ama sa maliit na kubo sa likod bahay. Pansamantala kasing doon muna titira si Kaleb habang naririto sa isla nila.
"Hindi ko siya kinakatagpo. Pinupuntahan ko siya," pagtatama niya sa kaibigan. "At hindi 'yon tulad ng iniisip mo, Haryeta."
Nahihimigan niya kasi ang panunukso sa tinig nito. Ayaw niyang bigyan ang kaibigan ng maling interpretasyon sa namamagitan sa kanila ni Kaleb.
"Ano naman ang iisipin ko, Macaria?" Maang-maangan nito.
"Hindi ko alam sa'yo. Masyado kang maimahinasyon kung minsan..."
"Kuuuu, aminin mo..." tumabi ito sa kaniya sa gilid ng kama. "Magandang lalaki si Kaleb.." sabay sinundot-sundot ang beywang niya.
"Haryeta!" Umiiwas na saway ni Macaria sa kaibigan. "Kahit naman magandang lalaki siya ay wala naman siyang naalala sa nakaraan niya. Ano bang malay natin kung may asawa at anak na siya?"
Napaisip rin si Macaria sa sarili niyang sinabi. May posibilidad nga 'yon, kung pagbabasehan ang anyo ng lalaki. Nakasisiguro siyang matanda ito ng ilang taon sa kaniya.
Mukha ring may pinag-aralan dahil gumagamit ito ng lengguwaheng minsang narinig na niyang ginagamit ng mag-asawang Ataska at Fletcher kapag dumadalaw dito sa banwa nila.
Idagdag pa ang itsura nito. Paniguradong isang komunidad ng mga kaibabahan ang nahuhumaling sa lalaki. Sa kanilang komunidad nga lang, hindi na mapakali ang mga kaibabahan, eh.
"Hindi rin naman tayo nakasisiguro kung may asawa na nga siya. At ano bang masama kung humanga tayo sa dayong iyon? Minsanan na nga lang tayo makadaupang palad ng lalaking maihahanay sa mga artista!" Kinikilig na sabi nito. "Parang siya yung mga napanood nating modelo doon sa telebisyon ni Ma'am Ataska!"
Isang beses lang silang nakapanood sa telebisyon. Sa bahay ng mag-asawang Wolfhard noong ihatid nila ang mga abubot na gagamitin sa kasal ng mga ito. At mula noon hindi na malimutan ni Haryeta ang mga lalaking napanood! Madalas ay para pa itong nananaginip ng gising kapag inaalala ang naturang palabas!
"Pansamantala lang dito si Kaleb, Haryeta. Hindi rito ang mundo niya."
Sumimangot ang babae. "Ang lalim naman nun! Ang sinasabi ko lang ay paghanga... teka nga, saan mo nga natagpuan ang lalaking 'yon?"
"Sa dalampasigan," pabalewala niyang sagot at isinilid sa baryong ang mga lumang baro na pinaglumaan ng namayapa niyang abuelo at abuela. Dito sila sa kubong ito naniniharan noong buhay pa ang mga ito. Ayon sa kaniyang ama.
"Sandali nga..." tumingala si Haryeta pagkatapos ay nahihiwagaang binalingan ang kaibigan. "Hindi kaya..."
Nilingon niya ito at nakitang malalim ang iniisip. "Hindi kaya ano?"
Nanlalaki ang matang tumitig ito sa kaniya. "Hindi kaya siya ang sinasabi ni Inang Marya sa hula?! Siya ang lalaking nakalaan para sa'yo!"
Biglang bumukas ang pintuan at sabay silang napalingon doon ni Haryeta.
"Anong hula?" Ani Kaleb. "At nakalaan para kanino?" Naglipat-lipat ang tingin nito sa kanila ni Haryeta.