Chapter 3

2688 Words
Hinihingal na ibinagsak ni Macaria ang katawan ng lalaking walang malay sa papag. Hirap na hirap siyang iakyat ito sa kagubatan kung nasaan ang kumunidad nila. Masyado itong mabigat at malaki. Halos inabot ng apat na oras sa paglalakad niya habang akay-akay ang lalaki. Kamuntikan pa itong gumulong pababa sa matarik na daan. Hindi na niya malaman kung paano niya ito nakayanang iakyat sa kagubatan. Hindi niya magawang iwanan ang lalaki sa dalampasigan bukod sa nag-aalala siyang tangayin uli ito ng alon sa karagatan, may mga galos at sugat rin ito sa noo. "Dayo.. gising!" Niyugyog ni Macaria ang balikat ng lalaki. "Hoy! Gumising ka!" Pikit na humawak sa noo nito si Kaleb saka umungol na tila nahihirapan. Natitilihang tinakbo ni Macaria ang nakabukas na bintana. Mula sa labas ay tumutugtog ang malakas at mabilis na ritmo ng tambol. Mataas ang siga sa labas ng malaking kubo kung saan ginaganap na ang vivaha. Kailangan niyang makapunta sa pagtitipon bago may makapansing wala siya roon at maisipan puntahan ng ama dito sa kanilang kubol. Mananagot siya kapag nakita nitong may kasama siyang lalaki! Dali-daling inalis ni Macaria ang nakatukod na kahoy sa bintana. Sumara 'yon saka niya binalikan ang lalaki at paulit-ulit na niyugyog ang balikat. "Hoy!" Mahinang asik niya. "Dayo! Gumising ka! Gising!!!" Sa kagustuhang magising ang lalaki. Sinampal niya ito ng ubod nang lakas. "Gumising kaaaa!" Napaatras si Macaria nang unti-unting magmulat ng mga mata ang lalaki. "Aray." Hinipo nito ang nasaktang pisngi saka bumaling sa kaniya. "Sino ka?" Marahan nitong ibinangon ang ulo at ipinalibot ang tingin sa maliit na silid. "Nasaan ako?" Nakipagtitigan si Macaria sa lalaking kasing itim ng gabi ang mga mata. Mas higit itong magandang lalaki kapag ganitong nakamulat ang mga mata at matiim ang pagkakatitig sa kaniya. Kumurap si Macaria upang hamigin ang sarili. "Paano ka napadpad sa dalampasigan? Nasaan ang mga kasama mo? At anong pakay mo rito sa isla namin?" Tumingala ang lalaki na tila pilit inaalala at hinahanapan ng kasagutan ang mga tanong niya bago pailing-iling na sinapo ang noo. "H-Hindi ko maalala.. wala akong matandaan.." Nag-aalalang dinaluhan ni Macaria ang lalaking tila gulong-gulo. "Pero natatandaan mo ang pangalan mo 'di ba? Kaleb.. iyon ang sinabi mo sa'kin kanina sa dalampasigan bago ka uli mawalan ng malay." "Ang pangalang 'yon.. paulit-ulit kong naririnig.. Pero hindi ko matandaan kung saan.. kaya marahil 'yon ang nasabi ko sa'yo. But, I'm not sure if it was really my name.." muli itong humawak sa sentido. Matamang tinitigan niya ang lalaki. Iba ang pananalita nito maging ang huling lengguwaheng ginamit ay iba. Nasisiguro niyang hindi ito galing sa mga karatig isla. Pero paano nga ba ito napadpad sa isla nila? Napapitlag si Macaria nang marinig ang malakas na tunog ng tambol. Natampal niya ang sariling noo! Ang Vivaha! Ngayon nga pala iyon gaganapin! Siguradong hinahanap na siya ng kaniyang ama. Binalingan niya si Kaleb. "Kailangan kong tumungo sa malaking kubol. Ngayon ang ginaganap ang vivaha ni Haryeta ang matalik kong kaibigan." "Vivaha?" Nagsasalubong ang kilay na tanong nito. "Kasalan ang tawag ninyong mga dayo sa vivaha," paliwanag niya. "Kailangan ko nang umalis. Huwag kang lalabas ng silid na ito hanggang di ako bumabalik. Maliwanag?" Mabilis na tumango ang lalaki. Lumabas si Macaria ng silid at kaagad ring bumalik hawak ang isang kamisetang puti. Inihagis niya iyon kay Kaleb. "Gamitin mo muna ang baro ni Ama. Tutungo na ako sa vivaha." Nagmamadali nang lumabas ng silid si Macaria. Naiwan si Kaleb na nakatitig sa sumaradong pintuang kahoy, hawak ang isang puting tshirt. *** Maingat na pumasok si Macaria sa malaking kubo kung saan ginaganap ang vivaha o kasalan ng matalik niyang kaibigan na si Haryeta sa nobyo nitong si Hernan. Nakisiksik si Macaria sa mga ka-tribong nagkukumpulan palibot sa bagong kasal. Napangiti siya ng makarating sa unahan at makita ang kaibigang sumasayaw kasama ang asawa nito. Kitang-kita sa mukha ni Haryeta ang saya. Ang mga mata ay kumikislap sa pagmamahal habang nakatingala kay Hernan. Napakaganda nito suot na pangkasal na yari sa isang espesyal na tela na binurdahan ng mga bulaklak sa bandang itaas ng dibdib habang gawa naman sa balahibo ng pabo ang laylayan. Makisig na makisig rin si Hernan sa suot nitong camisa de chino mula sa hinabing dahon ng pinya, ang pang-ibaba ay sarong na hinabi mula rin sa pinya na may pinintahan ng lumang lengguwahe ng kanilang tribo. "Macaria!" Lumingon si Macaria sa kaliwang bahagi at nakita si Heron na papalapit. Tulad ng mga naroon nakasuot ito ng tradisyonal na kasuotang padyong o isang uri ng makulay na pang-ibaba na hanggang tuhod ang haba. Tanging balabal naman na gawa sa balat ng hayop ang pang-itaas nito na pinaresan ng mga aksesoryang ngipin at kuko ng mababangis na hayop ang nakasabit na kwentas sa leeg nito. "Saan ka ba galing? Kanina ka pa hinahanap ni Amang Ser-Al." "K-Kumuha ako nitong mga bulaklak." Inilabas ni Macaria mula sa kaniyang likuran ang pumpon ng mga bulaklak na pinitas niya sa hardin ni Inang Marya. Hindi na siya nagkaroon ng pagkakataon na dumaan malapit sa may talon dahil nga sa Dayo na 'yon. Hindi na nga rin siya nakapagpalit ng kasuotan. "Nasaan si Ama?" Kunot ang noong tinitigan ni Heron ang hawak niyang bulaklak. Nahalata yatang galing 'yon sa hardin ng lola nito pero pinili na lang na huwag siyang sitahin. "Naroon.." Itinuro nito ang ama niyang nakaupo sa mahabang lamesa kasama ang ilang matatandang may katungkulan sa tribo nila. Nakasuot ang mga ito ng makulay na bahag. May nakaputong na tila higanteng korona na gawa sa balahibo ng agila. Atubiling kinawayan ni Macaria ang ama nang lumingon sa gawi nila saka dali-dali hinila si Hernan palapit sa bagong kasal. Sigurado kasing tatawagin siya ng ama at kukulitin na naman sa pag-aasawa. Tuwing may ginaganap na vivaha, lalong tumitindi ang kagustuhan nitong makapangasawa na siya! Ano magagawa niya kung wala pa siyang napupusuan? "Maligayang kasal, Harrieta!" "Macaria!" Nagyakap ang dalawang babae. Nang maghiwalay, iniabot ni Macaria ang hawak niyang bulaklak at maliit na kahon. "Ano ito?" Nagtatakang tanong ni Haryeta. Ang paningin ay nakatuon sa pulang kahon. "Regalo ko sa'yo!" Tumatawang sagot ni Macaria. "Buksan mo." Nangingiti namang nakamasid si Heron at Hernan sa dalawang babae. Napasinghap si Haryeta. Kinuha nito ang isang maliit na hair clip na may dekorasyong maliliit na paru-paro. "Paano.. saan mo ito.." Umiling si Macaria. "Pinabili ko kay Talisma. Huwag kang maingay kay Ama," aniya sabay kindat. Ang tinutukoy niya ay ang tanging katribo na inaatasang bumaba at tumungo sa bayan dalawang beses isang linggo upang ibenta ang mga nakukuhang dagta ng copal at mga ginagawa nilang kagamitan. Kahapon napaikusapan niya itong bilhin nga ang regalo niya para kay Haryeta. "Baka magalit si Pinuno, Macaria! Alam mong maari mapahamak si Talisma sa ginagawa mo," pangangaral nito sa kaniya na tila nakatatandang kapatid. Sumimangot si Macaria. "Huli na 'yan, pangako." Nawiwili kasi si Macaria na magpabili at mangolekta ng iba't ibang uri ng pang-ipit sa buhok. Natutuwa siya sa kulay niyon at magagandang disenyo. At pinakatago-tago pa niya ang mga iyon sa ilalim ng damitan na tila ba isang kayamanan. Umiikot ang matang inalis ni Haryeta ang putong na tiyara sa ulo saka bahagyang yumuko. "O siya.. isuot mo nga sa'kin 'yan.. kung babagay." Ngumiti na si Macaria. Hinawi niya ang buhok nito saka inipit sa gilid ng buhok ang pang-ipit na paru-paro "Hayan! Bagay na bagay sa kaniya. Hindi ba, Hernan?" Hinapit nito asawa at nagtitigan ang dalawa. "Ikaw ang pinaka-magandang babae sa balat ng lupa, Mahal.." Naiiling na hinila na muli ni Macaria si Hernan palayo. Mukhang hindi na sila nakikita ng bago kasal. Napako ang atensyon sa isa't isa. Kung minsan naiisip ni Macaria. Mararamdaman rin kaya niya ganoon? Makikita kaya niya ang lalaking para sa kaniya? Biglang pumasok sa isipan niya ang lalaking naiwan sa kaniyang silid. Nagmamadali siyang tumungo sa mahabang lamesa kung saan nakahanda ang iba't ibang uri ng putahe. Nagpakatay ng dalawang baboy at sampung manok. Sapat upang mapakain ang buong komunidad nila. Kumuha si Macaria ng dalawang platong may nakasaping dahon ng saging at sumadok ang pagkarami-raming pagkain. Sigurado nagugutom na ang lalaking iniwan niya sa silid. "Bakit ang dami mong kinukuhang pagkain? Empatso ang mapapala mo niyan." Dinig ni Macaria na sabi ni Heron. Naglalagay na rin ito ng sariling pagkain sa plato. "Hindi ako kumain ng pananghalian kanina," aniya't tinungo ang pinakadulong pwesto malapit sa bukana palabas ng kubo. Sumunod sa kaniya si Heron at naupo sa katabi niyang silya. Kailangan niyang puntahan kaagad si Kaleb. Hindi maaring maabutan ito ng ama sa kaniyang silid. Malilintikan siya! Dapat mailipat niya ang lalaki sa ibang lugar. "Ah, Macaria... ngayong kasal na si Haryeta... wala ka bang balak na sumunod?" Natigilan sa paglinga-linga si Macaria na humhanap ng tiyempong makapuslit upang kunot noong balingan ang kaibigang si Heron. Hindi niya malinaw na maiintindihan ang pinagsasabi nito. "Sumunod saan? Anong ibig mong sabihin?" Kumakamot sa batok na nag-iwas ng tingin ang lalaki. "Sa paghahanap ng makakatuwang sa buhay... nasa tamang edad ka na... at alam kong nais na rin ni Apong Ser-Al na makahanap ka ng mapapangasawa." Ilang sandaling tinitigan ito ni Macaria bago bumuntong hininga. "Wala pa akong napupusuan sa mga kababata natin, Heron," mahinang usal niya. Nagulat siya ng hawakan ni Heron ang kaniyang balikat. Pinihit siya nito paharap. "Tumingin ka kasi sa paligid mo, Macaria. Tumingin ka..." Inilibot nga ni Macaria ang paningin sa maingay at masayang paligid. Napangiwi siya ng huminto ang tingin sa kababatang si Tardo. Ang sarap ng pangungulangot nito, binilog pa iyon bago ibinato sa katabi. Nalipat tuloy ang atensyon niya kay Bonak na masamang nakatingin kay Tardo. Nag-aasaran pa ang dalawa. Kumpara kay Tardo, "di hamak na mas maganda ang katawan ni Bonak. Batak mula sa pangangaso at pagkuha ng dagta sa puno ng copal. Mahaba ang itim nitong buhok at maamo ang mukha. Palagi itong ibinibida ni Aling Bortia na masunurin daw itong anak. Ang ngiti ni Macaria ay naging ngiwi nang biglang lumingon sa kaniya si Bonak. Inaasar-asar pa ito ni Tardo nang ngumiti pabalik sa kaniya. Lumitaw ang ngipin nitong kasing itim ng uling. Tila pa iyon lagari na matutulis ang dulo. Mabilis siyang ng iwas ng tingin. Wala na yata talagang pag-asa na mayroon siyang mapusuan sa tribo nila. Ayaw niyang maging pihikan at mapili. Palaging sinasabi ng kaniyang ama kung ano ang nariyan, tanggapin at pasalamatan. Pero sa paghanap ng makakatuwang sa buhay, hindi niya magawang tanggapin na lang ang mga inirereto sa kaniya. "Macaria?" Binalingan niya si Heron na biglang humarang mukha mula sa tinititigan niyang si Bonak. "Saan ka tumitingin?" "Sabi mo tumingin ako sa paligid ko," aniya. "Oo nga," sang-ayon nito. "Pero.. bat naman ang layo ng tingin mo.. P-Paano kung nasa tabi-tabi lang pala ang hinahanap mo..." Nagtatakang luminga-linga uli si Macaria. Ano bang nasa tabi-tabi? Si Bonak at Tardo ba ang tinutukoy nito? "Saan ba dapat tumingin?" Nagsasalubong ang kilay na tanong niya. Malakas na bumuntong hininga si Heron pagkatapos ay hinawakan ang pisngi’t bahagya pang nilapit ang mukha nito sa kaniya. "Sino.. sinong nakikita mo ngayon?" Mula sa pagtitig sa mukha ni Heron na seryosong-seryoso, lumampas ang tingin ni Macaria sa balikat ng lalaki at nanlaki ang kaniyang mga mata. Si Ama! Mabilis siyang tumayo at malalaki ang hakhang na lumabas siya ng malaking kubo. Naririnig pa niyang tinatawag siya si Heron pero hindi na niya magawang pagtuunan ng pansin ang kababata. Kailangang mapigilan niya ang amang natatanawan na papunta sa kubo nila! Mananagot siya kapag nakita nito si Kaleb sa kaniyang silid! "Ama!" Pigil ni Macaria kay Ser-al na nahinto sa pagbubukas ng tarangkahan. Kunot noo itong lumingon sa kaniya. "Ang aga ninyo naman pong uuwi,” aniya’t nilapitan ito. "Naroroon pa sila Tata Sula at Tata Tibursio. Halina balik tayo roon." "Sandali at may kukuhanin lang ako sa loob. Gusto ni Sula makita ang Bersuati." Ang Bersuati ay isang kasuotan na gawa sa balahibo ng lobo. Pinagpasa-pasahan na iyon ng mga hinirang na pinuno at isinusuot lamang sa tuwing ipuputong ang korono sa susunod na magiging pinuno. "Naku, Ama! Ako na po ang kukuha! Isusunod ko na lang po doon." Marahas itong umiling. "Hindi. Ako na. Walang may ibang maaring humawak doon maliban sa ‘kin at narito na rin naman ako. Ikaw na lang ang bumalik doon. Kanina ka pa hinahanap ng kaibigan— sandali.. hindi ko namalayang bumalik ka bago dumilim. Pumunta ka na naman ba sa dalampasigan?" "Hindi po!" Maigting na tanggi ni Macaria at humarang sa entrada ng pintuan nang buksan iyon ng ama. "Kaagad akong bumalik, Ama! At saka hinahanap kayo ng bagong kasal para.. para..." mabilis siyang umisip ng idadahilan. "Para magbigay ng payo sa bagong kasal!" Nagdududang tinitigan siya ng ama. “Ganoon ba? Hindi naman 'yon nasabi sa'kin ni Inang Marya." "Naku, Ama! Alam mo naman si Inang Marya, kung minsan ay makalilimutin na." Hinawakan na niya sa balikat ang amang lumampas lang ng kaunti sa taas niyang limang talampakan. Pinihit niya ito paharap sa direksyon ng malaking kubo. "Naririnig ko hinahanap na kayo doon, Ama! Nakakahiyang paghintayin ang mga tao roon." "O siya. Mauna na ako doon," pailing-iling na sabi nito't naglakad na. Subalit di pa man nakalalayo nilingon nito si Macaria na nakatayo pa rin sa may pintuan. "Huwag mo na dalhin ang Bersuati. Kuhanin mo na lamang yung kahon doon sa ibabaw ng papag ko. Regalo ko 'yon sa mag-asawa." "Opo, Ama." "Huwag ka ng magtagal diyan. Naroon ang anak ni Tibursio. Makipag-habulibo ka," anito bago tuluyang umalis. Nakahinga ng maluwag si Macaria nang mawala ang pigura ng ama sa dilim. Nagmamadali siyang pumasok sa loob ng kubo. Sinindihan niya ang gasera saka tinungo ang silid. Nagtaka siya ng makitang wala na doon si Kaleb. Nasaan ang lalaking 'yon? Ang akmang paghakbang ay natigilan nang maramdaman ang isang presensya mula sa likuran. Pumihit siya paharap at nabunggo ang mukha sa malapad at matigas na dibdib. Nag-angat siya ng mukha. Si Kaleb. Nakatingin ito pababa sa kaniya. The dim light from the fire lamp illuminates the outline of his face. Napalunok si Macaria. Hindi maipagkakaila na kahit saang anggulo tingnan ay malakas ang dating ng lalaki. "Kailangan kitang maialis dito bago pa dumating si Ama. Halika." Hinawakan na niya ito sa kamay saka hinila palabas. Pumasok sila sa kagubatan. Maliwanag ang buwan kaya't hindi na dinala ni Macaria ang sulo. Isa pa'y kabisado na niya ang daan patungo sa maliit na ilog kung saan siya madalas magtungo kapag nais niyang maligo o mapag-isa. May kubo doon na pwedeng tuluyan ni Kaleb habang hindi pa niya alam paano sasabihin sa ama ang tungkol sa binata. "Dito ka na lang muna.." binuksan ni Macaria ang pintuan ng maliit na kubo. Kinapa niya ang gilid ng dingding kung saan nakasabit ang isang maliit na gasera. Lumiwanag sa loob. "Nilinis ko lang ito kahapon pagkatapos kong maligo sa ilog. May papag dito na maari mong mahigaan." Nilingon niya si Kaleb at nakita ang lalaking iniikot ang tingin sa maliit na kubo. Isang papag na gawa sa kawayan at isang lamesang kahoy ang gamit doon. Nakabukas ang parihabang bintana na may manipis na puting kurtina. Tumabi siya sa gilid nang pumasok ang lalaki sa loob. Halos umabot ito sa kisame ng kubo. Nagmukhang maliit ang mga gamit at paligid dahil sa laki at tangkad nito. Lumingon ito sa kaniya. "This looks fine.. salamat sa pagpapatuloy sa'kin dito." Naupo ang lalaki sa papag saka bumuntong hininga. Nag-aalala namang lumakad palapit si Macaria. "Pasensya ka na... w-wala talaga akong matandaan kung paano ako napadpad dito sa islang ito. Kahit anong pilit ko, sumasakit ang aking ulo sa tuwing sinusubukan kong alalahanin ang huling nangyari bago ako napadpad sa islang ito." "Huwag mong pilitin. Hayaan mo at susubukan kong magtanong kay Inang Marya kung anong maaring dahilan bakit hindi mo matandaan ang nangyari sa'yo. Sa ngayon... manatili ka lang muna rito. Hanggang hindi ko pa alam kung paano sasabihin kay Ama ang tungkol sa'yo." "Thank you for helping me, Macaria..." Wala sa sariling napatango si Macaria. Bukod sa hindi niya naiintindihan ang sinabi nito. Paano nalaman ng lalaki ang pangalan niya gayong hindi pa naman niya nababanggit rito ang pangalan?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD