“Ma’am Gemma ayos lang po ba kayo?”
Bigla na lamang akong natauhan nang marinig ko ang boses na iyon.
“Nakatulala ka na naman, napagalitan ka na naman ba ng bruha mong nanay?” dagdag na tanong pa nito.
Natawa naman ako nang mahina sa tinuran niya.
“Kanina ka pa ba rito Mikay?” balik tanong ko naman sa kaniya.
Tumango-tango naman ito nang sunod-sunod.
“Kanina pa ako nandito Ma’am, hindi mo lang napansin kasi alam kong nasa ibang mundo na naman ang utak mo,” natatawa namang tugon niya agad sa akin.
Pinukulan ko naman ito nang masamang tingin.
“Aba! anong Ma’am? ‘wag mo nga akong tawagin ng ganiyan,” saad ko sa kaniya.
“Kailangan kitang tawagin nang ganiyan ano, baka marinig na naman ako ng napakabait mong nanay na tinatawag kitang Gemma, nako! Baka tuluyan na akong mapalayas dito,” ani naman ni Mikay at agad nilapag sa lamesa ko ang hawak nitong sandamakdamak na papeles.
“Wala naman siya rito eh, kaya puwede mo akong tawagin sa pangalan ko---”
“Kailangan natin mag-ingat. Maraming mata at malawak ang tainga rito ni Mada’m. Alam mo naman ‘di ba?” pagpuputol naman nito sa sinambit ko at ngumiti pa nang makahulugan.
“Hay! Basta punta tayo sa bar mamaya,” pag-iiba ko naman nang usapan.
At tulad nang inaasahan ko ay mabilis itong lumapit sa akin. At talagang nilapit pa nito ang bibig niya sa aking tainga.
“Tara, do’n naman tayo sa BGC,” bulong nito at bakas sa pagkakabulong niya ang pagkasabik at saya.
Napatango naman ako agad sa tinuran nito at kitang-kita ko na ang pagkislap ng mga mata niya.
“Sigurado na mawawala ang lungkot na nararamdaman mo mamaya, walwal is life!”
Natawa na lamang ako sa pagiging jolly nito. Kahit na may ganito akong sitwasyon ay nagpapasalamat pa rin ako sapagkat mayroon akong kaibigan na tulad ni Mikay. Personal assistant ko ito ngunit hindi ko ito tinuturing na empleyado ko bagkos ay tinuturing ko itong tunay na kaibigan o kapatid.
Mas nararamdaman ko pa sa kaniya ang isang pamilya kaysa sa sarili kong pamilya.
Mas tinatrato pa ako nito nang tama kaysa sa pinaparanas sa akin ng aking ama’t ina.
Walang pinagkaiba si Mikay sa dati kong kaibigan, parehong-pareho sila.
“Gemma, gemma, gemma, nasaan na naman ang nakarating ang iyong isip?”
Bigla ulit akong natauhan nang marinig ko si Mikay na kinakanta nito ang kaniyang sinasabi.
Napatawa naman ako sa kabaliwan nito. At agad na kinuha ang mga papeles at tiningnan ang mga nilalaman.
“Tawagan na lang kita mamaya, susunod na lang ako sa’yo,” saad ko sa kaniya habang nakatutok ang mga mata ko sa mga papeles na nakakakalula nang basahin.
“Ayusin mo ang taste mo sa damit mo ha? Baka naman nakalong dress ka na naman! Aba, Gemma pupunta tayo sa bar hindi sa simbahan! Pinapaalala ko lang sa’yo.”
Dahil sa sinambit niyang iyon ay agad na dumako ang tingin ko sa kaniya at pinukulan ko ito nang masamang titig.
“Alam mo naman kung bakit gano’n ang suot ko at saka pumunta lang naman tayo sa bar para mag-unwind hindi para mag-fashion o ‘di kaya humanap ng lalaki---”
“Oo na, oo na. Alam ko namang matatalo ako sa diskuwestiyonan pagdating sa’yo,” sagot naman nito na ikinatawa ko nang mahina.
“Itulad mo pa ako sa’yo na naghahanap ng boylet sa Bar,” pang-aasar ko naman sa kaniya.
Tumaas naman ang kilay nito at pawang confident na confident pa itong umawra sa akin.
“I’m proud of it. Nako! Gemma tumatanda na tayo kailangan natin ng partner in s*x I mean partner in life.”
Napapailing na lamang ako sa kalokohan ng babaeng ito. Nagmodel-model pa ito sa harap ko.
“Oh siya kailangan ko ng umalis, marami pa akong tambak na trabaho. Pero hindi puwedeng magpakastress, mababawasan ang beauty natin kaya’t ikaw Gemma, iiwas mo ang sarili mo sa mga nagpapasakit sa ulo mo, nako! Tingnan mo tumatanda ka na kitang-kita na sa mukha mo,” maarteng saad nito na ikinalaki nang mata ko.
Nagmamadali ko namang kinuha ang salamin at tiningnana agad ang repleksyon ko rito. At bumungad sa akin ang babaeng halata sa mga mata nito ang pagod. Napakaputla kong tingnan.
“Biro lang naman Gemma, maganda ka pa rin---”
“Wala na akong pakealam pa sa itsura na mayroon ako Mikay, sanay naman akong laging mali ang nakikita sa akin,” nakangiting saad ko sa kaniya.
“Hala sorry hindi naman gano’n ang ibig---”
“Baliw, alam ko naman na biro mo lang iyon,” pagpuputol ko naman sa sasabihin nito.
At bago pa ito makapagsalita ay biglang nag-ring ang telepono niya at mabilis niya rin itong sinagot.
“Hello Ma’dam?” saad niya’t sumilay ang pekeng ngiti nito sa kaniyang labi.
Halos mapatawa naman ako sa pagbabago ng reaksyon ng mukha nito at ang pinalambing nitong boses na halata ko namang inipit niya o pinilit.
“Yes Mada’m papunta na po ako,” magalang pa ani niya na talagang gusto kong itawa nang malakas ngunit pigil na pigil ako sapagkat pinangsisingkitan ako nito nang mata.
Nang pinatay na nito ang tawag ay do’n ako napatawa nang malakas lalo na nang ‘di ko maipinta ang itsura nito.
“Yes Mada’m papunta na po ako,” panggagaya ko pa sa paraan nito nang pagsasalita.
Umirap naman ito sa ere at maya’t maya ay sinabayan din ako nito sa pagtawa.
“Kailangan maging magalang tayo, mabuti tayong tao---”
“Plastik na tao kamo,” natatawa namang pagpuputol ko sa sasabihin nito.
Tumawa naman ito at napasway pa ng kaniyang buhok. Taray ng babaeng ‘to!
“Teka anong sabi ni Mommy sa’yo---”
“Oh sht! Nakalimutan kong pinapatawag niya pala ako.”
Awtomatikong nawala ang ngiti sa labi niya at halos madapa-dapa itong nagmamadaling lumabas sa opisina ko.
At ‘di na ito nakapagpaalam pa. Natatawa naman ako habang napapailing sa pinanggagawa ng kaibigan kong ‘yon.
Nagsimula na akong pirmahan ang mga papeles sa lamesa ko. At kusa akong natigilan nang makita ko ang isang papeles.
Nilapit ko pa ang papel upang makasigurado kung tama ba ang nababasa ko. Isa itong personal letter mula sa Cortis Family.
Gulat na gulat ako nang makita ito. Bumalik na ba sila?
Halos ‘di ako makahinga sa lakas nang t***k ng puso ko at awtomatiko na lamang pumikit ang mata ko’t biglang naalala ang nakaraan.
10 years ago.
“Hindi ko na kaya Gemma! Ang sakit!” malakas na sigaw ni Letitia habang walang tigil ito sa pag-iyak. Tila hindi ko naman alam ang gagawin ko upang mapatahan ito.
Kagabi pa raw ito iyak nang iyak at halos magkulong na sa kwarto. Walang kahit na sino itong pinayagan na makapasok sa kwarto maliban sa ‘kin sapagkat nang marinig nito ang pagkatok ko kanina ay agad nitong binuksan ang pinto.
“Gemma lahat naman ginawa ko hindi ba? Pero bakit nagawa pa rin ni Alejandro na maghanap nang iba?” hirap na hirap na tanong nito sa akin.
Napalunok naman ako nang maraming beses sa mga sinambit nito. Dahil alam kong malaki ang naging parte ko sa kasalanan na iyon.
“Gemma nakikinig ka ba sa mga sinasabi ko? Tinatanong kita kung anong mali sa akin?!” singhal nito na ikinagulat ko.
Wala naman akong magawa kun’di ang yakapin ito nang mahigpit at tila ‘di ko napigilang bumuhos din ang luha mula sa mata ko.
“Wala, walang mali sa’yo Letitia. Almost perfect ka na nga e. Walang ibang puwedeng sisihin dito kun’di si Alejandro---”
Nagitla naman ako nang bigla nitong kinalas ang pagyakap ko sa kaniya.
“Hindi lang si Alejandro ang dapat sisihin dito kun’di ang babae na lumandi sa kaniya!” galit na galit na saad nito.
Napailing-iling naman ako agad at tumingin sa kaniya na pawang ‘di ako panig sa sinambit nito.
“Malay mo naman ‘di ba Gemma? Wala siyang choice kun’di gawin ‘yon. Malay mo hindi naman niya ginusto. At kung mahal ka talaga ni Alejandro, kahit sino pang babae ang handang bumukaka sa kaniya hindi niya iyan papatulan dahil tapat siya sa’yo at ikaw lang ang nakikita niya,” saad ko sa kaniya.
Namilog naman ang mata ko nang diretso ako nitong tiningnan, halos kumurap-kurap na ako’t gusto ko nang iiwas ang tingin sa kaniya ngunit siya ay nanatili pa ring tutok ang titig sa akin kaya’t nakaramdam ako nang munting pagkailang.
“Bakit Letitia---”
“Ako dapat ang magtatanong sa iyo niyan Gemma, bakit? Bakit parang kinakampihan mo pa ang babaeng lumandi sa asawa ko? Bakit parang pinagtatanggol mo pa ang kakatihan niya? Ako ang kaibigan mo rito pero bakit nasa kaniya ‘ata ang simpatya mo?” seryosong tanong nito sa akin.
Napalunok naman ako sa tanong niyang iyon. At tila walang salitang gustong lumabas sa bibig ko.
“Namumutla ka? Okay ka lang ba?” dagdag na tanong pa nito’t hinawakan ang noo ko.
“Kailangan ko nang umalis.”
Hindi ko na ito hinintay pang magsalita at tumayo na ako’t nagmamadaling lumabas sa kwarto nito.
Pagkalabas ko sa kwarto niya ay sunod-sunod nang tumulo ang luha sa mata ko.
Hindi ko na kayang labanan pa ang konsensya tila pinapatay ako nito sa tuwing nakikita kong miserable ang buhay ng kaibigan ko.
Halos tumalon naman ang puso ko nang biglang nag-ring ang cellphone at kahit ‘di ko na tiningnan kung sino ang tumawag ay kilala ko na ito.
“Ma?” namamaos na pagtawag ko rito at alam kong madidinig nito ang munting paghikbi ko.
“Oh napa’no ka? Umiiyak ka ba?”
Bakas sa boses nito ang pagkairita. Huminga naman ako nang malalim at agad na pinunasan ang mga luhang tumutulo mula sa mata ko.
“Ma, ayaw ko na. Nakokonsensya na ako. Hindi ko na kayang gawin ang gusto mo---”
“Naririnig mo ba ang sinasabi mong tanga ka? Hindi ka talaga nag-iisip o sadyang wala kang utak? Nagawa na natin ang plano, nasira mo na ang buhay ng mag-asawa. Naghiwalay na si Letitia at si Alejandro. At balita ko pa nga’y halos malugmok na sa sakit ‘yang si Letitia at ‘di na makalabas ng kwarto. Dahil diyan may pagkakataon ka ng mamuno sa kompanya. Tayo na ang magpapatakbo at hahawak ng kompanya na dapat para sa atin at hindi sa kanila. Ayaw ko ng maging kasosyo lang habang buhay! Gusto kong umangat! ‘wag mo akong itulad sa sarili mong hanggang diyan lang, walang mararating,” mahabang litanya nito na punong-puno nang panglalait at pang-iinsulto.
“Konsensya, konsensya ka pang nalalaman diyan. Wala kang gano’n okay? At saka puwede ba iangat mo ang sarili mo. Paano kita maipagmamalaki na anak ko kung wala kang ibang ginawa kun’di ang ngumawa at umiyak? Napakahina mo talaga kahit kailan!” dagdag pa nito at bakas sa boses nito ang matinding gigil nito sa ‘kin.
Wala naman akong salitang sinambit dahil kahit gustuhin ko mang sagutin ito at ipagtanggol ang sarili ko ay alam ko namang wala rin akong magagawa. Matinding takot ang nararamdaman ko sapagkat alam kong hawak ako nito sa leeg. At wala akong puwedeg gawin kun’di sundin ito.
“Nagawa mo na ba ang sunod nating plano?’’ tanong nito na ikinataranta ko.
“Ma, puwede bang hindi na natin gawin ‘yon? Lugmok na ngayon si Letitia, I think sapat na iyon para sabihing hindi niya kayang humawak ng kompanya---”
Napatigil naman ako sa pagsasalita nang bigla itong tumawa sa kabilang linya.
“Nasa’n ba nakapuwesto ang utak mo? Nakatagilid siguro kaya’t ‘di ka nakakapag-isip nang maayos. Malamang hindi iyan sapat. Itutulad mo si Letitia sa’yo? Strong and independent woman si Letitia, alam nating malalagpasan niya iyan. Babalik iyan sa kompanya at siguradong siya na ang mamumuno rito. At ikaw saan ka pupulutin? Ang pamilya natin? Puwede ba Gemma? ‘wag mong dalhin ang pamilya mo sa mababang mundong kinasanayan mo!”
Wala talaga itong preno kung magsalita ngunit mabilis ang pagkakasabi niya ay malinaw na malinaw sa pandinig ko ang mga binigkas nito.
“Ma’am excuse me, ihahatid ko lang po ang pagkain ni Miss Letitia.”
Napatigil naman ako nang may biglang nagsalita sa likuran ko at tila sumisenyas ito na papasok siya sa loob ng kwarto ng kaibigan mo.
“Oh nandiyan na ba ang pagkain ni Letitia? Oh ayan binibigyan ka ng pagkataon, lagyan mo na ng gamot iyan. At siguraduhin mong maiinom niya para magawa na natin ang plano nating pabaliwin ito sa tindi ng dosage ng gamot na maiinom niya.”
PInikit ko naman nang mariin ang mata ko, “Patawad Letitia…” bulong ko sa aking sarili.
“Ma’am ayos lang po ba kayo---”
Awtomatikong napadilat ang mata ko at tinapunan ang babae ng abot taingang ngiti at maaliwalas na tingin.
“Ako na ang bahalang maghatid sa kaniya,” nakangiting saad ko at kahit nagtataka ito ay binigay pa rin nito sa akin ang tray.
“Hindi ko sinasadya Letitia, kailangan kong gawin ito.”