Dahan-dahan kong hinubad ang damit ko at pinagmasdan ang kahubdan ko sa harap ng salamin.
Hindi ko mang masasabing perpekto ngunit kahit na may edad na ako ay may maipagmamalaki naman ako sa katawang mayroon ako.
May maganda akong kurba at pawang makikita talaga sa katawan ko na batak ako sa ehersisyo at matinding diet sapagkat bantay-sarado ako sa bawat kinakain ko.
Sa kahit saan namang aspeto ay tinitingnan at binabantayan ang bawat kilos ko. Kailan pa ako gumalaw na walang mata nilang nakamasid sa akin?
Napadako naman ang tingin ko sa aking mukha. Tumatanda na pala talaga ang aking itsura. Isang taon na lang ay lalampas na ang edad ko sa kalendaryo.
Kung sa iba tingin nila sa akin naabot ko na ang pangarap ko ngunit ‘di nila alam na kulang na kulang pa ako. Hindi ko pa nararating ang gusto ng aking magulang. ‘Di pa nila kayang matawag akong anak nila.
Kumbaga wala pa akong maipagmamalaki sa kanila.
Isa lamang akong hamak na anak na sunod-sunuran sa mga gusto nila.
Agad kong sinuot ang damit na nilaan nila para sa akin. Maski sa mga dapat kong suutin, sila pa rin ang may gusto. Wala akong karapatan upang magdesisyon para sa sarili ko.
Wala akong kalayaan. Lahat ng kilos ko ay naaayon sa gusto at ninanais nila. Nabubuhay lamang ako sa pagdidikta at mga utos nila sa ‘kin.
Agad naman akong napahinto sa pagtitig sa repleksyon ko nang marinig ko ang sunod-sunod na pagkatok.
“Gemma ano ba?! Hindi ka pa ba lalabas diyan? Kanina ka pa hinihintay sa presentation! ‘Wag mo na naman ako bigyan ng kahihiyan!” sigaw nito at pawang sisirain na nito ang pinto sa sobrang lakas nang pagkatok niya.
Napapikit na lamang ako nang mariin sa inaasta nito. Tila nasanay na ako sa paulit-ulit nitong litanya sa akin.
Mabilis ko namang sinuot agad ang damit na nilaan nila para sa akin at tiningnang mabuti ang aking itsura.
Sinusuri ang bawat detalye kung magiging perpekto na ba ito sa mata nila. Ngunit nagitla na lamang ako nang biglang bumukas ang pinto at bumungad sa akin ang nanggagalaiti nitong mukha.
Awtomatikong kumabog ang dibdib ko’t tila ‘di ako makahinga sa paraan nang titig nito. Halos matunaw ako sa paraan ng tingin niya. Alam na alam kong kinikilatis nito ang kabuuan ko. Napalunok naman ako nang maraming beses nang tumaas baba pa ang titig niya’t umikot pa ito sa puwesto ko.
“Ma---”
Kusa akong napahinto at ‘di ko natuloy ang sasabihin nang humalakhak ito nang malakas.
“Nakikita mo ba ang itsura mo sa salamin?” tanong nito sa akin at ngumiti pa ito na pawang may pang-iinsulto.
“Ma, kailangan ko na pong umalis---”
Hindi ko man lang nagawang maihakbang ang mga paa ko nang mahigpit nitong hinawakan ang wrist ko’t tiningnan ako nang masama.
“Hindi mo ba talaga napapansin ang mukha mo ngayon? Sa ating dalawa, ikaw pa iyong magmumukhang nanay. Ayusin mo nga ang pagmumukha mo at postura, nakakahiya ka!” singhal nito sa akin at tinapunan pa ako nito nang tingin na punong-puno nang pagkadismaya.
“Hubarin mo iyan at papasukin ko ngayon din ang mag-aayos sa’yo. Hindi ko talaga maatim kung paanong naging anak kita! Hindi nagmumukhang damit ang mga pinapasuot ko sa’yo kun’di nagmumukhang basahan!” dagdag pa niya’t marahas na hinila ang damit na suot ko kaya’t napunit ito.
Kusa namang pumatak ang luha mula sa mata ko at nang nakita niya iyon ay lalo itong nagalit at tila ang mga mata nito ay nanlilisik na’t matalim na ang tingin sa akin.
“Anong iniiyak-iyak mo riyan? ‘Di ba sabi ko sa’yo walang umiiyak na Villareal?! Punasan mo iyan! Punasan mo!”
Mabilis at natataranta ko namang pinunasan ang mga luhang patuloy na bumubuhos at kahit anong ginagawa kong pagpigil sa paghikbi ay wala akong nagawa dahil tuloy-tuloy at walang tigil ang aking luha sa pagpatak nito.
“Napakahina talaga ng loob mo! Konting bagay lang ay iniiyak mo na! Wala ka talagang silbi!” bulyaw nito sa akin at marahas pa nitong diniin ang daliri niya sa noo at agad na hinakbang nito ang kaniyang paa palabas ng kwarto ko.
Nang ‘di ko na maramdaman ang madilim nitong presensya ay awtomatiko akong napahinga nang maluwag at hinayaan ko nang dumaloy sa aking pisngi ang luhang kanina ko pa pilit na pinipigilan.
“Ma’am Gemma.”
Agad-agad ko namang pinunasan ang mga luha at inipon ko ang lakas ko at mabilis na humarap sa nagsalita. Abot langit ang ngiti ko sa kaniya at kitang-kita naman sa mukha nito ang labis na pagtataka.
“Huwag na huwag mong ipapakita sa iba ang kahinaan mo. Pero sadyang mahina ka lang talaga kaya mahirap talaga na magpanggap dahil kitang-kita naman at halatang-halata ang pagiging mahina mo’t walang utak. Kaya dapat mag-iingat ka sa mga kilos mo. Ayaw kong mabahidan ng masamang imahe ang kompanya nang dahil lang utak sa mayroon ka.”
Biglang pumasok sa utak ko ang mga sinambit na salita sa akin ng aking ina. Iyon ang bagay na lagi nitong pinapaalala sa akin. Hindi maaaring magpakita ako nang kahinaan. Dahil senyales ito ng kahihiyan sa aming pamilya.
“Okay lang po ba kayo---”
“I’m fine, aayusan mo na ba ako?” nakangiting saad ko sa kaniya.
Halatang-halata ko naman ang pag-aalinlangan nito sa pagtango.
“Cool! Umpisahan na natin!” natutuwa ko ulit na tugon sa kaniya.
Wala naman itong kibo bagkos ay inayos nito ang kaniyang mga gamit sa pagmake up sa akin. Kaya’t mabilis din akong nagtungo sa kaniya at agad din ako nitong inayusan.
Pagkalipas nang ilang minuto ay natapos niya rin ang pag-aayos sa akin. At halos mapabilib ako sa naging resulta.
“Ang galing mo talaga sa larangan na ‘to Lovie---”
“Pero hindi pa rin natatakpan ng makapal na make up ang lungkot na pilit mong tinatago,” pagpuputol nito sa sasabihin ko.
At bago ko pa maibuka ang bibig ko para magsalita ay agad na itong sumenyas hudyat na kailangan na nitong umalis.
Tumango naman ako at agad na tiningnan ang repleksyon ko sa salamin. Mukhang tama nga ito sa kaniyang sinabi. Kahit anong takip ng make up sa mukha ko at kahit ano pang ilagay na kolorete ay ‘di pa rin maaalis ang nakatagong lungkot sa mga mata ko.
Ngunit hindi ako nagpatinag. Tinuwid ko ang tindig ko at sinadya kong ngumiti nang sarkastiko at dahil strong ang pagkakalagay ng eye shadow sa aking mata ay tila nababagay rito ang pag-aasta kong mataray at palaban.
Ito ang dapat makita nang lahat, ang isang matapang na babae na walang ibang kinakatakutan.
**
“Puwede ba ayusin mo ang trabaho mo? Sinasahuran ka rito para may maiambag ka sa kompanya hindi para ikaw ang maging dahilan ng pagbagsak nito!” sigaw ko sa isang empleyado na pawang walang alam sa ginagawa nito.
Kakapasok ko pa lamang sa opisina ay mayroon na agad masamang balita akong natanggap.
“Sorry po Ma’am, hindi ko naman po talaga sinasadya na malukot ‘yong papeles---”
Agad kong tinaas ang kamay ko at alam na nito ang ibig kong sabihin.
“Ma’am parang awa niyo na, ‘wag niyo po akong tanggalin sa trabaho. Ako lang po ang inaasahan ng pamilya ko. Wala na pong ibang maaasahan ang magulang ko kun’di ako lang at ako rin po ang nagpapaaral sa mga kapatid ko, kaya pakiusap po Ma’am…” halos hirap na hirap na ito magsalita dahil nauuna na ang paghikbi nito.
Napabuntong hininga na lamang ako nang malalim at agad na napatayo sa pagkakaupo mula sa swivel chair. Halos ‘di ko makayanang pagmasdan ito sa kaniyang matinding pag-iyak.
“Ipapaasikaso ko na ang huling salary mo, hintayin mo na lang ang tawag sa financial department,” walang emosyong saad ko at mabilis itong tinalikuran.
Awtomatiko naman akong napapikit ng mata nang bigla kong naramdaman ang paghawak nito sa paa ko at nang humarap ako rito ay unti-unti kong dinilat ang mata ko at laking gulat ko sa aking nakita.
May biglang kumirot at kumislot sa puso ko nang makita kong nakaluhod ito sa harapan ko, matindi pa itong nakakapit sa legs ko at walang tigil ito sa pag-iyak.
“Ano bang ginagawa mo?” nagtatakang tanong ko sa kaniya at tila inaatake na ako nang aking konsensya at nahihirapan na ako’t natatalo ng aking awa habang pinagmamasdan ko ang ginagawa nito.
“Parang awa mo na Ma’am. Nakikiusap ako hindi bilang empleyado mo kun’di bilang tao. Bilang tao na nangangailangan nang tulong. Ma’am, tatanawin ko itong malaking utang na loob ko na ito sa’yo, sana pagbigyan mo ako,” mangiyak-ngiyak na ani nito habang nakaluhod ito’t nagmamakaawa sa akin.
Halos mahabag na ang puso ko at tutulo na ang luha sa mata ko kaya’t mabilis akong tumalikod sa kaniya.
“Ma’am---”
“Buo na ang desisyon ko. ‘Wag mo nang ipilit pa. Dahil kung itutuloy mo pa iyan hindi ako magdadalawang isip na tawagin ang guard at palayasin ka rito sa kompanya at i-ban pa. Hindi mo na makukuha ang huling sahod mo at may bad record ka pa rito. Nawalan ka na nga ng trabaho, wala pang tatanggap sa’yo na ibang kompanya,” saad ko sa kaniya. At halos ‘di ko maibigkas nang maayos ang litanya ko sapagkat labis akong nasasaktan para sa kaniya.
“Ganiyan ka na ba kawalang puso Ma’am? Nasa’n ang iyong pakiramdam? Wala na bang kahit na katiting na awa kang naramdaman? Ganiyan ka na ba kamanhid? Tao ka pa ba? O robot na kontrolado at laging dinidiktahan at sumusunod na lang sa mga utos.”
Sa tanong niyang iyon ay biglang dumako ang tingin ko sa kaniya. At tinapunan ko ito nang malamig na tingin.
“Hindi mo alam ang sinasabi mo---”
“Anong hindi ko alam Ma’am Gemma? Sa tagal ko rito sa kompanya, alam ko na ang pasikot-sikot dito at alam ko kung sino ang humahawak ng lahat. Kahit na sabihin nating ikaw ang namumuno rito, ikaw ang CEO, nasa sa’yo ang titulo pero wala ka namang karapatan. Lahat ng desisyon hindi ikaw ang gumagawa at ang lahat nang iyon ay inutos lang sa’yo. Wala kang nagagawa sa kompanya Ma’am kun’di ang umupo sa upuan na iyan at maghintay na lang sa sasabihin nila,” sarkastikong saad niya sa akin.
Tila natulala naman ako nang ilang segundo sa mga sinambit nitong salita.
“Tama ako hindi ba Ma’am Gemma?” pawang nang-aasar pang dagdag tanong nito. At ang paraan ng titig niya sa ‘kin ay pawang nakakapangloko.
Hindi ko mawari kung bakit walang salitang lumabas sa bibig ko bagkos winaksi ko nang marahas ang kamay nitong nakakapit sa legs ko at mabilis na hinakbang ang mga paa ko palabas sa opisina.
Pigil na pigil ako na ‘wag pumatak ang mga nagbabadyang luha na nangingilid sa aking mata.
Mabilis kong hinakbang ang mga paa ko patungo sa banyo at nang buksan ko ito ay bumungad sa akin ang mukha ni Mikay na tila nagitla rin sa amalakas na pagbukas ko nang pinto ng banyo.
“Anong nangyari sa’yo Gemma este Ma’am Gemma? Nagkasagutan na naman ba kayo ng mama mo? Pinagalitan ka na naman ba niya---”
Hindi ko na pinatapos pa ang sasabihin niya at agad ko na siyang niyakap nang mahigpit.
Naramdaman ko naman ang pagkagulat nito sa ginawa ko ngunit maya maya ay naramdaman ko naman ang pagganti ng yakap nito sa akin.
Kaya’t hindi ko na napigilan pa ang pagbuhos ng luha sa aking mata. At nadama ko na lamang ang paghagod nito sa ‘king likuran.
At kahit hirap na hirap ako sa pagsalita ay nasabi ko sa kaniya ang lahat nang nangyari kanina.
Agad naman itong kumalas nang pagkakayap sa akin at mataman akong tiningnan.
“Ano ba Gemma parang ngayon ka lang nagtanggal ng empleyado dahil sa utos ng magulang mo ha? Wala tayong magagawa e, hawak ka nila sa leeg. Wala kang kahit na anong karapatan para magreklamo o umayaw, dahil kung hindi mo iyan gagawin. Sayang naman ang mga pinaghirapan mo noon, alam na alam mong tatanggalin nila iyon.”
Kahit na mahaba na ang litanya niya ay hindi iyon naging balakid upang maunawaan ko ang nais nitong iparating.
Tila naliwanagan ako sa mga sinambit nito at may malaking epekto ito sa akin.
Wala naman talaga akong magagawa sa mga desisyon na gagawin nila. At kahit sabihin kong ‘di ako papayag ay sila pa rin ang gumagawa nang paraan.
Mananatili na lang ako sa ganitong sitwasyon. Laging sumusunod, laging nakadepende sa mga opinion at sasabihin nila. Walang sariling disposisyon. Kumbaga naghihintay na lamang sa sasabihin nila kung ano ang aking gagawin.
**