CHAPTER 3

1305 Words
CHAPTER 3 Buhat ni Gio ang isang malaking supot na puno ng ampalaya. Tagaktak ang pawis niya dahil sa init sa loob at labas ng palengke. Ilang beses na siyang pabalik-balik para hakutin lahat ng gulay mula sa truck papasok sa pwesto ng amo niya sa palengke. Basa na ng pawis ang suot niyang sando. Huminto siya sa paglalakad at alalay na ibinaba ang hawak na supot ng gulay. Pinunasan niya ang pawis sa noo gamit ang bimpong nakasabit sa balikat niya. “Gio, graduate ka na ‘di ba? Bakit nagtratrabaho ka pa rito?” tanong nang matandang tindera sa hinintuang tindahan. Humarap siya rito. “Naghihintay pa po ng tawag Aling Senya.” Isang linggo na mula nang interview niya sa GNC pero wala pa rin siyang natatanggap na tawag, e-mail o text man lang. Parang nawawalan na nga siya ng pag-asa na matatanggap siya roon. Naramdaman niya ang pag-vibrate ng phone sa bulsa ng suot niyang short. Kinuha niya ang cellphone at binasa ang text message na galing sa isang unregistered number. Akala niya’y galing na ito sa GNC pero bahagya siyang nadismaya nang malaman na hindi. Pero natuwa rin naman siya dahil bagong opportunity ito para magkatrabaho. Galing ang text sa isa sa mga kumpanya na pinasahan niya ng resume at inaanyayahan siya para sa isang interview dalawang araw mula ngayon. Hindi ito kasama sa top 3 na kumpanya na gusto niya pero trabaho pa rin ito kaya hindi na siya magiging mapili pa. Nag-reply siya at sinabi niyang available siya sa araw na ‘yon at makakapunta siya sa interview. Ibinalik na niya ang cellphone sa bulsa at binuhat uli ang sako ng gulay. Umuwing pagod si Gio sa maghapong trabaho sa palengke. Magpapahinga lang siya saglit at maliligo dahil may itsu-tutor pa siya mamayang gabi. Naupo siya sa green nilang sofa sa sala. “Malungkot ka ata,” puna ng ina na naupo sa tabi niya. “Hindi pa rin po ako tinatawagan ng GNC.” Bumaling siya sa kaliwa at humarap sa ina. “Pero Nay may nag-text po sa ‘kin kanina. May job interview uli ako. Hindi po malaking kumpanya pero magandang umpisa na rin para sa ‘kin.” “Tama ‘yan. Huwag ka muna maging mapili sa trabaho ngayon. Ang importante may trabaho. Katagalan aangat ka rin at makukuha mo ‘yung mga gusto mo at pinapangarap mo.” “Opo Nay.” Walang sabi-sabi ay bigla na lang napatayo ang ina. “Bakit po Nay?” nagtatakang tanong niya. “Magluluto nga pala ako ng Biko. Pwede mo bang kunin ‘yung kayuran ng niyog sa bodega? Matagal ko na ring hindi nagagamit ‘yon. Nag-request lang ang Tiya Adel mo sa ‘kin kaya ipagluluto ko. Birthday pala niya ngayon at nagdala ng pansit dito kanina. Nabanggit ‘yung Biko na dinala ko sa kanya dati. Ipagluluto ko nang kaunti at dadalhan ko.” “Sige po Nay, kukunin ko.” “Pagkatapos mong kunin, kainin mo na ‘yung pansit d’yan. Ipinagtira kita. Inilagay ko sa ref.” “Opo Nay.” Ang bodega na sinasabi ng ina niya ay ang ang isang kwarto nila sa itaas na walang gumagamit kaya ginawa na nilang bodega. Tatlo ang kwarto nila sa itaas. Kwarto niya, ng kuya niya at ‘yung naging bodega na ngayon. Ang mga magulang ni Gio sa ibaba na natutulog dahil naka-wheelchair ang ama na na-stroke. Pagpasok sa bodega, puno ito ng napakaraming gamit na ‘yung iba nasa kahon. Pati sira nilang washing machine at lumang refrigirator ay narito. Hindi alam ni Gio kung saan nakalagay ang kayuran ng niyog na pinapakuha ng ina kaya iniisa-isa pa niyang tingnan ang mga patong-patong na kahon. Nasilip niya ang laman ng isa sa mga kahon na naroon kaya binuhat niya ito at kinuha niya ang laman nito. “Playstation? Kanino kaya ‘to? Kay Kuya? Bakit ‘di ko ata alam na meron siyang ganito.” May mga kasama pang CD ang playstation at mp3 player na sama-sama sa isang paperbag. Inilagay niya muna ito sa isang tabi at itinuloy ang paghahanap sa ipinapakuha ng ina. Nasa bandang sulok pala ang kayuran kaya hindi niya ito makita. Binuhat niya ito palabas ng bodega. Bitbit niya rin ang playstation at paperbag ng mga CD. Pagdating sa kusina ibinaba ni Gio ang kayuran ng niyog sa sahig at ipinatong naman ang Playstation at paperbag sa lamesa. “Nay kanino po ito?” Tiningnan siya ng ina. “Baka sa kuya mo.” “Bakit ‘di ko po alam?” “Baka hiniram sa kaibigan tapos hindi na naisauli. Alam mo naman ‘yung kuya mo, malilimutin.” “Bait naman ng kaibigan niya. Hindi na binawi.” Natawa ang ina sa sinabi niya. Matapos niyang tulungan ang ina sa pagkakayod ng niyog ay pumunta na sa kwarto niya si Gio bitbit ang laruan na nakuha sa bodega. Isinaksak niya ito sa TV at sa kuryente. Natuwa siya nang makitang gumagana pa ito. Kinuha niya ang paperbag na naglalaman ng mga CD. Ang una niyang nabunot, ay mukhang car racing game, base na rin sa picture sa ibabaw ng CD. Inilagay niya ito sa playstation at nagsimula siyang maglaro mag-isa. Abala siya sa paglalaro nang tumunog ang cellphone niya. Ibinaba niya ang controller ng playstation at kinuha ang cellphone na ipinatong niya kanina sa kama. Isang text message uli galing sa isang unregistered number na naman. Akala niya galing ito sa nag-text sa kanya kanina pero laking gulat niya nang malamang galing ito sa GNC at sinasabi rito na for medical na siya. Kapag pumasa siya sa medical ay tanggap na siya. “Yes! Yes!” Nagtatakbo siya palabas ng kwarto papunta sa ina na abalang naghahalo ng Biko sa kawaling bakal. “Gio, natutulog ang tatay mo,” saway ng ina kaya napatakip siya ng bibig. “Bakit ka ba nasigaw?” Lumapit siya sa ina at inilayo ito sa kalan. Niyakap niya ito. “Nay tanggap na ‘ko. Tanggap na po ‘ko sa GNC. For medical na po ‘ko.” Humarap ang ina sa kanya. “Talaga anak?” “Opo. May trabaho na ‘ko!” Naluha ang ina kaya mabilis niya itong niyakap. “Nay, dapat happy tayo. Huwag na kayong umiyak.” “Masaya lang ako. Pangarap mo ‘to.” Nang magising ang ama, sinabi niya agad ang magandang balita, kaya tuwang-tuwa ito. Tinawagan niya rin si Vicky. “Hello V!” “Bakit? Nasa jeep ako. Pauwi.” “May trabaho na ‘ko! For medical na ‘ko!” “Talaga! Congrats! Oy, ‘yung libre ko ha? Huwag mo kalimutan.” “Oo, kahit saan mo pa gusto.” “Sabi ko sa ‘yo matatanggap ka eh. Ikaw lang ‘tong masyadong kabado.” “Hindi pa rin ako makapaniwala. Akala ko wala na talaga. Hindi na ‘ko tatawagan. Tapos biglang nag-text kanina. Unregistered number pa. Pa-suspense, lintek ‘yon.” “Paano ‘yan ‘di na pala kita madalas makikita. City boy ka na.” “Baka mag-uwian ako. Wala akong makitang murang matitirhan doon. Nagtingin na ‘ko. Puro 10k pataas ang presyo. Ayoko naman ng bed space, walang privacy. Paano kung dalhin kita doon eh ‘di wala tayong—” “Gago! ‘Yon talaga naisip mo? Walanghiya ka. Mamaya na nga tayo mag-usap. Baka ano pang masabi ko rito. Nasa jeep ako, remember?” Natawa siya sa sinabi ni Vicky. “Okay. Sige, sige. Ba-bye. Ingat ka.” “Okay! Bye!” Habang nakahiga si Gio sa kama nakatitig lang siya sa screen ng kanyang cellphone kung saan mababasa ang text message na galing sa GNC. Masayang-masaya siya dahil konti na lang ay mapapalapit na siya sa matagal na niyang pinapangarap.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD