NAPUNO ng pagkamangha si Ged nang pumasok sa isang malawak na bakuran ang kotseng sinasakyan nila. Pagbaba nila, lalo siyang namangha dahil tumambad sa harap niya ang isang mansiyon na maihahalintulad sa bahay noong panahon ng mga Kastila. Mula sa main door ay lumabas ang isang matandang lalaki, kasunod nito ang isang matandang babae na marahil ang asawa ng una at akay naman ito ng isang magandang babae. Kasunod naman nito ay isang grupo ng mga lalaking pawang naggaguwapuhan din.
Napakunot noo siya saka lumingon kay JM at Miguel. Bakit wala siyang makitang pangit doon? Nang magpaulan yata ng grasya ng kaguwapuhan at kagandahan ang langit, walang dalang payong ang mga ito. Naputol ang pag-iisip niya nang lumapit sa kanya ang matandang lalaki.
"Ikaw nga ba ang anak ni Ferdinand?" tanong pa nito.
Ngumiti siya dito. "Opo. Ako nga po." Sagot niya.
Kinuha nito ang kamay niya saka tila tuwang tuwa na kinamayan siya. "Salamat at pinaunlakan mo ang paanyaya ko." Sabi pa nito.
"Naku, wala pong anuman. Gusto ko rin po malaman ang tungkol sa buhay at Pamilya ng Tatay ko." Aniya.
Agad niyang napansin ang paglungkot ng mukha nito nang banggitin niya ang Tatay niya. Marahil nasabi na ng dalawa ang tungkol dito.
"Patawarin sana ako ni Fred. Nahuli ako sa paghahanap sa inyo." Malungkot na wika nito. Nagkatinginan sila ni JM.
"Lolo, huwag n'yo na po isipin 'yon. Ganoon talaga buhay, nagkataon lang na expired na Tatay ko sa mundong ito. Saka sigurado ko naman magkasama na sila ng Lolo ko, malamang nga po naglalaro na ng Chess ang dalawang iyon." Pag-aalo niya dito na may kasamang biro. Sinadya niya iyon upang pagaanin ang loob nito.
Napangiti naman ang matanda. "Palabiro ka pa lang bata. Ang mabuti pa ay pumasok na muna tayo sa loob at nang makapagpahinga ka."
Tumango siya. "Sige po." Pagpayag niya. Binalingan nito ang mga kalalakihan na nakatayo sa bandang likod nito.
"Everybody in the Dining Area," utos nito.
Agad na tumalima ang mga kalalakihang sinabihan nito. Pagdating doon, pinakilala ni Lolo ang mga ito sa kanya.
"Lolo Badong ang itawag mo sa akin. Ito naman ang aking pinakamamahal na si Dadang, ang aking asawa. Sila naman ang mga apo ko, ang dalawang sumundo sa'yo ay mga apo ko rin." Pagpapakilala pa nito. Isa-isa rin nagpakilala ang mga apo nito.
Ramdam ni Ged ang magaan na dating ng mga ito. Maging ang mainit na pagtanggap ng mga ito sa kanya base sa ngiti ng mga ito. Isa lang sa mga ito ang tanging nakapormal at seryoso ang mukha. Si John Michael. Mataman itong nakatitig sa kanya na tila ba gusto siyang balatan ng buhay nito malayo sa magaan na pakikitungo nito sa kanya kanina. Pero kahit na ganoon ang pinapakita nito sa kanya, hindi naman siya nakakaramdam ng takot dito. Sa katunayan, naiintriga pa nga siya sa pagkatao nito. Nang magkaroon siya ng pagkakataon kaninang matitigan ng malapitan ang mga mata nito. Sa kabila ng pagngiti nito, nababanaag niya ang kalungkutan doon. Naputol ang pag-iisip niya nang magsalita ang kaisa-isang babae sa magpipinsan na nakilala niyang si Marisse.
"So, may boyfriend ka na?" tanong pa nito habang nakangiti.
Bahagya siyang nagulat sa personal na tanong nito. "H-ha? Ah, wala pa." kandautal na sagot niya, sabay sulyap kay JM na nakatingin pa rin sa kanya. Nagsisimula na siyang mailang, agad naman niyang binawi ang tingin mula dito.
"Kung makatanong ka ah? Huwag mo ngang takutin si Giody." Saway ng lalaking kamukha ni Marisse na nagpakilalang Marvin.
"Ah, Ged na lang. Iyon ang nickname ko." Sabi niya.
"Bakit? Anong mali sa tanong ko? Tumigil ka nga Pengkum na mukhang babae!" pang-aasar ni Marisse dito.
"Kambal kaya tayo, eh di mukha ka rin lalaki." Ganti naman ng isa.
"Aru! Heh! Mga tinamaan kayo ng magaling! Hindi na kayo nahiya kay Ged." Saway ni Lola Dadang dito.
Napangiti siya habang pinapanood ang magulo at masayang pamilya ni Lolo Badong. Muling nagsalita si Marisse, sa pagkakataon na iyon si JM naman ang binalingan nito.
"Hoy Gogoy! Matunaw si Ged! Dahan dahan sa pagtitig!" sita nito sa pinsan.
Napalingon siya sa gawi nito. Kitang kita niya kung paano nito mabilis na ipaling sa iba ang tingin nito.
"Lo, bagay sila no?" komento naman ng isa sa magpipinsan. Kung tama ang pagkakatanda niya, Wesley ang pangalan nito.
"Tama! At tamang tama dahil si Gogoy na lang ang single sa atin!" sabi naman ng nagpakilalang Mark.
"Guys, relax. Baka ma-phobia si Ged sa atin. Hindi siya pumunta dito para i-match kay Gogoy. Nandito siya para sa ibang bagay, at tungkol naman sa love team nila. Let the heaven do the rest." Sabi naman ni Karl.
Natawa siya. Mukhang sa pagtigil niya doon ng ilang araw, ngayon pa lang alam na niyang hindi siya mababagot. Baka sakali, kahit paano, mabawasan ang lungkot at pangungulila niya sa kanyang mga magulang.
"Ged," ani Lolo Badong. Natahimik ang lahat.
"Po?"
"Sumunod ka sa akin, may pag-uusapan tayo. Gogoy, Miguel, sumama kayo sa Study Room." Sabi nito.
Napatingin sa kanya ang lahat. Sinenyasan siya ni Marisse na sumunod dito. Habang papunta sa sinasabi nitong Study Room. Mabilis na umarangkada ang kaba sa dibdib niya, hindi niya alam kung ano ang sasabihin ni Lolo Badong o kung ano pa ang malalaman niya tungkol dito. Hindi rin niya alam kung ano ang magiging epekto nito sa buhay niya sa hinaharap. Ngunit kung ano man iyon, bahala na. Tinataas na lang niya sa Diyos ang lahat.
DAHAN-DAHAN nilapag ni Ged ang bulaklak sa ibabaw ng puntod ng Lolo niya. Binasa pa niya ang pangalan na nakasulat sa lapida. Alfredo Marcelo, sabay punas ng luha na umagos sa pisngi niya.
Kung siya ang tatanungin. Nalulungkot siya. Hindi niya akalain na malungkot ang naging buhay ng Lolo at Tatay niya, na nagkalayo ang dalawa at hindi nagkaayos dahil sa "pride". Para sa kanya, nasayang ang mga araw na sana'y naging masaya ang mga ito. Ayon na rin kay Lolo Badong, kapwa galit sa isa't isa ang mag-Ama. Ang Lolo niya dahil tinalikuran ng Tatay niya ang maginhawang buhay alang-alang sa Nanay niya at ang Tatay niya dahil hindi nito tinanggap silang mag-ina. Pero sa bandang huli, pinagsisihan ng Lolo niya ang pagtatakwil sa sarili nitong anak at matagal na nitong pinatawad ang Tatay niya at buong pusong tinanggap na nito silang mag-ina. Sa mga panahon na kinuwento ni Lolo Badong na pinapahanap sila nito. Kung tama ang pagkakatanda niya, nasa Batangas sila noon at highschool pa lang siya. Sinabi rin niya ang totoo na simula nang magkaisip siya. Walang kinuwento ang Tatay niya sa kanya tungkol sa Lolo niya. Kapag nagtatanong siya dati, ang tanging sagot nito ay wala na itong pamilya. Ngayon huli na ang lahat. Ang tanging dalangin na lang niya ay sana'y nagtagpo sila sa langit at doon nagbigay ng kapatawaran sa isa't isa.
"Are you okay?" tanong ni JM sa kanya paglapit nito.
Tumango siya. "Oo. Pasensiya na, naiyak ako."
"Okay lang 'yon. Naiintindihan ko ang nararamdaman mo." Anito. "Pero curious lang ako. Kung anong tumatakbo sa isip mo?"
Tiningnan niya ito. "Panghihinayang."
"About what?"
"Sa mga nasayang na panahon. Kung sana'y noon pa sila nagkasundo, hindi sana nahuli ang lahat para sa kanila. Baka nakilala ko pa ang Lolo ko at nakasama siya." Sagot niya.
Bumuntong-hininga ito saka tumingin sa puntod ng Lolo niya. "Ikaw na nga rin ang nagsabi kay Lolo Badong di ba? Malay mo nagkapatawaran na sila sa langit." Sabi pa nito.
Napangiti siya sa sinabi nito. "Iyon na lang din ang iniisip ko."
"Eh anong plano mo ngayon?" tanong pa nito.
"Sa totoo lang, hindi ko pa alam. Hanggang ngayon, hindi pa rin ako makapaniwala sa mga nalaman ko. Sa biglang pagbabago ng buhay ko. Hindi ko nga alam kung saan ako magsisimula." Sagot niya.
Matapos niyang malaman mula kay Lolo Badong ang naging buhay ng Tatay niya at ng naging hidwaan nito at ng Lolo niya. Pinagtapat din ng una ang tungkol sa iniwang kayamanan ng Lolo niya. Ayon sa Last Will and Testament na iniwan nito. Ang lahat ng pag-aari nito, ang bahay na matatagpuan malapit sa Tanangco. Ang perang nagkakahalaga ng mahigit kumulang isang daan milyon piso. Ang RTW Factory na negosyo ng Lolo niya. Ang mga shares of stocks nito sa iba't ibang kompanya ay mapupunta sa Tatay niya at sa buong pamilya nito. Ngunit dahil nga wala na ang mga magulang niya, at bilang nag-iisang anak. Sa kanya mapupunta ang lahat ng iyon. At hanggang ngayon ay hindi pa rin nagsi-sink in ang mga iyon sa isip niya.
Natatandaan pa niya noong isang linggo. Hiniling niya sa Diyos na sana ay yumaman siya. Hindi naman niya akalain na sasagutin agad iyon ng langit. Sino nga ba ang mag-aakala na sa isang iglap ay magkakaroon siya ng ganoon kalaking halaga? Parang hindi totoo. Parang isang panaginip lang ang lahat.
"Let's go?" tanong nito sa kanya.
Tumango siya. "Tara,"
Habang nasa sasakyan, patuloy pa rin sila sa pagku-kuwentuhan. "Ano nga palang gagawin mo sa minana mo? Uuwi ka na ba ng Batangas?"
Nagkibit balikat siya. "Ewan ko. Pinag-iisipan ko pa."
"Parang hindi ka masyadong excited?" tanong na naman nito.
"Ano pa bang halaga ng mga ito kung wala naman akong kasama sa buhay? Kung nandito lang sana ang mga magulang ko. Kahit paano, matitikman nila ang magandang buhay na dati ay pangarap lang namin." Sagot niya.
Katahimikan ang naghari sa kanilang dalawa sa loob ng ilang sandali. Hanggang sa magulat siya ng biglang kunin nito ang kamay niya at hawakan iyon. Parang may sampung dagang tumatakbo sa dibdib niya sa sobrang lakas ng kabog niyon. Wala sa sarili na lumingon siya dito. Bigla siyang nalito kung bakit ganoon ang reaksiyon ng puso niya. Lalong bumilis ang t***k niyon ng ngumiti ito.
"Hindi ba't sinabi ko na sa'yo na kasama mo ako. From now on, I'm responsible for you. Don't ever think that you're alone, because you're not. I'm here and as well as my family." Sabi pa nito.
Tumagos sa puso niya ang sinabi nitong iyon. "Bakit mo ginagawa ito? Hindi mo naman ako lubos na kilala? Bakit kailangan mong maging mabait sa akin?" sunod-sunod na tanong niya.
Naramdaman pa niya ng bahagya nitong pisilin ang kamay niya. "I don't know. Maybe because, my heart told me so."
Hindi na nakakibo pa si Ged, kahit na binitiwan na nito ang kamay niya. Pero ang pakiramdam na parang hawak pa rin siya nito ay hindi nawawala. Lihim niyang pinakalma ang puso niyang hanggang ngayon ay naghuhurumentado pa rin. Pasimple siyang humugot ng malalim na hininga.
"Tanghali na pala, ano? Let's eat." Sabi nito.
"H-ha? Ah, si-sige." Nagkandautal na sagot niya.
Dinala siya nito sa isang branch ng Jefti's Restaurant. Tanaw mula sa puwesto nila ang malawak na Manila Bay. Muli na naman siyang nakaramdam ng kalungkutan, natural na nga siguro sa kanya iyon sa tuwing nakakakita siya ng dagat.
"Oh, malungkot ka na naman." Puna nito sa kanya.
Agad siyang ngumiti paglingon niya dito. "Ah, pasensiya ka na. May naisip lang ako." Hinging paumanhin niya, sabay tingin ulit sa dagat.
Tumingin din doon si Gogoy. "I think I know." Anito. "Nagkamali yata ako ng pagdala dito. Kung gusto mo lipat na lang tayo ng ibang restaurant."
"Naku, hindi na. Okay lang naman ako." Sabi pa niya.
"Are you sure?"
Tumango siya. "Huwag mo akong pansinin minsan, lalo na kapag nag-e-emote ako. Libangan ko na 'yon." Biro pa niya. Parang musika sa pandinig niya ng marinig niya ang malutong na tawa nito. Habang hinihintay nila ang order nilang pagkain, wala pa rin silang humpay sa pagku-kuwentuhan. Nahinto lang iyon ng dumating ang isa sa pinsan nito at may-ari ng Restaurant na si Jefti. Kasunod nito ang isang waiter na may dalang tray na puno ng pagkain.
"This is such an amazing view to see." Sabi pa nito paglapit sa kanila.
Ngumiti siya dito. "Ang ganda ng dagat, no?" sagot niya.
"Hindi iyan, kayo." Pagtatama nito sa kanya.
"Ha?"
"Ano na naman 'yan, Pengkum?" tanong naman ni Gogoy.
"Ibig kong sabihin, kayo ang magandang view. You look good together." Sagot nito na may halong pang-aasar.
Napatungo siya, saka pilit na iniwas ang tingin niya sa dalawa. Naiilang na uminom na lang siya ng tubig.
"Go away! Alam ko restaurant mo 'to! Pero layas, naiilang sa'yo si Ged." Pagtataboy nito kay Jefti.
Tatawa-tawang umalis ito, dahil sa panunukso nito. Tuluyan na siyang nahiyang makipag-usap dito. Tinuon na lang niya ang atensiyon sa pagkain. Dahil nabalot ng katahimikan silang dalawa, napapitlag pa siya at naibagsak ang hawak na kutsara sa gulat ng biglang magsalita si Gogoy. Nang tumingin siya dito ay napapangiti ito. Kaya nahawa na rin siya.
"Masyado ka palang magugulatin," puna nito sa kanya.
"I'm sorry, kapag masarap ang pagkain. Seryoso talaga ako." Aniya na nilakipan ng biro ang pagkapahiya niya.
"May itatanong lang kasi ako." Sabi pa nito.
"Ano 'yon?"
"Nakapagtapos ka ba ng College?"
Nahihiyang ngumiti siya dito. Sabay iling. "Hindi eh,"
"Anong year ka nang huminto ka?" tanong ulit nito.
"Third Year College, Business Management." Sagot niya.
"Wow, that's good. At least hindi ka na magbabalik sa basic. Kailangan mo ng kurso mong iyan para sa pagpapatakbo ng negosyo na naiwan ng Lolo mo." Sabi pa nito.
"Isa pa pala 'yon. Hindi ko alam kung paano ko papamahalaan ang ganoon kalaking negosyo. Tiangge lang ang alam kong patakbuhin."
"Exactly. May experience ka na sa pagtitinda sa tiangge. Alam mo na ang magandang quality ng mga damit. Sa parteng iyon, hindi ka na mahihirapan. Kung may pag-aaralan ka, iyon ay ang ilang detalye na lang." pagpapalakas pa ng loob nito.
"Kinakabahan pa rin ako, baka mamaya hindi ako magustuhan ng mga manggagawa." Aniya.
"Ged, ipakita mo lang na mahal mo sila. Mamahalin ka rin nila. Treat them nicely and they will treat you like one. Iyon ang sikreto." Payo nito sa kanya.
Tumango siya. "Sige, tatandaan ko 'yan. Salamat, Gogoy."
"What? Gogoy? Call me, JM." Pagtatama nito, saka parang nahihiya na napakamot ito ng ulo.
Natawa siya sa reaksiyon nito. "Bakit? Okay naman ang Gogoy ah?"
"Nah! Bahala ka na nga!"
Tumawa na naman siya bilang sagot. Pagkatapos nilang kumain, nagyaya na siyang umuwi. Marami pa siyang dapat pag-aralan tungkol sa mga iniwan ng Lolo niya. Ngunit bago pa sila makalabas ng restaurant, bumuhos na ang malakas na ulan.
"Paano na ngayon? Wala tayong dalang payong. Medyo malayo pa naman naka-park ang kotse mo?" sabi pa niya.
Hinubad nito ang suot nitong coat saka nilagay sa ulo nila. "Eto, payong! Improvise nga lang! Bilisan mo ang takbo ha?" anito.
Napangiti siya sabay tango.
"Bilang ako ng tatlo, tapos takbo."
"Okay."
"One, two, three. Takbo!" Pagbilang nito. Pagkatapos ay sabay silang tumakbo papunta sa kinaroroonan ng kotse nito.
At iyon na yata ang pinakamasayang sandali na nagpaulan siya. Kadalasan, naiirita siya kapag umuulan dahil hassle magdala ng payong at nakakasira pa ng porma. Pero sa mga sandaling iyon, wala siyang pakialam kahit mabasa pa siya. O kahit coat lang nito ang gamit nila. Hindi rin niya alam ang dahilan kung bakit masaya siya. Wala sa loob na lumingon siya sa katabi niya. Nakita niya ang kakaibang kislap sa mga mata nito, ang ngiti na hindi pinilit lang. Isang tunay na ngiting galing sa puso. Nang lumingon din ito sa kanya, saka lang niya napagtanto na napakalapit na distansya nila sa isa't isa at halos isang dangkal lang ang layo ng mukha niya dito. Bukod doon, dahil ito ang may hawak ng coat nito na nagtatabing sa ulo nila. Halos nakaakbay na ito sa kanya. Ang tagpong iyon ang muling nagpabilis sa t***k ng puso niya.
Pagdating nila sa loob ng kotse, agad nilang pinunasan ang tubig ulan sa braso nila. Kahit na ginawa nitong payong ang coat nito. Nabasa pa rin sila. Kinuha niya ang panyo sa loob ng bag niya. Habang si Gogoy naman ay abala sa pagpupunas sa nabasang damit nito. Napatitig siya dito. He's more than just a handsome face. Kahit hindi pa niya lubusan kilala ito, nararamdaman niya ang kabutihan ng loob nito kahit pa minsan ay may tingin ito sa kanyang tila galit ito.
"Ged, okay lang ba?" biglang tanong nito.
Mabilis na umiwas siya ng tingin, bago pa nito mahuling tinititigan niya ito.
"H-ha? Ano 'yon?" patay-malisyang tanong din niya.
Pinaandar na muna nito ang kotse pagkatapos ay agad na umalis na doon. Bago sagutin nito ang tanong niya.
"Papunas naman ng mukha ko. Basa pa rin ng tubig ulan eh." Sabi pa nito. "May tissue diyan sa may likod. Iyon na lang ang gamitin mo."
Lalong kumabog ang dibdib niya. "Ah, itong panyo ko na lang. Sayang ang tissue, kung okay lang sa'yo." Kinakabahan na sagot niya.
Tumango ito saka nakangiting sumulyap sa kanya. "Okay. Hindi naman ako maarte." Pagpayag nito, sabay ngiti.
Sa kabila ng nararamdaman niyang hiya at kaba, hindi pa rin nawala ang sayang patuloy na umuusbong sa puso niya. Pinunasan niya ang mukha nito. Napapangiti siya habang ginagawa niya iyon. Dahil habang tinititigan niya dito, saka niya napansin na mas makinis pa yata ang balat nito sa kanya. At hindi lang iyon, mukha kasi silang mag-boyfriend. Kung may makakakita lang sa kanila, malamang na iyon ang isipin.
"Flawless," mahina ang boses na sabi niya.
"What?"
Umiling siya. "Wala," natatawang tanggi niya.
"Am I sexy?" tanong nito.
"Ha?"
"Sabi mo kasi flawless ako." Sagot nito.
Natawa na siya ng tuluyan, hindi na siya sumagot pa. Matapos niyang mapunasan ang mukha nito. Binaling na lang niya ang tingin sa kabilang side ng daan. Habang patuloy pa rin niyang pinapakalma ang kanyang puso.