Chapter Five

2324 Words
MULA sa kinauupuan niya sa gilid ng kama. Sumulyap si Ged sa panyo na nasa ibabaw ng bedside table. Napangiti siya. Isang simpleng eksena ang tanging nakapaloob sa piraso ng tela na iyon. Iyon ang panyong pinamunas niya sa mukha ni Gogoy nang araw na abutan sila ng ulan. Hindi rin niya maintindihan kung bakit kailangan mabulabog ang puso niya sa simpleng tagpo na iyon. Kung tutuusin, wala naman talagang espesyal sa piraso ng telang iyon. Ngunit ang magandang alaala na nabuo kasama niyon, that what makes it special. Halos mahigit tatlong buwan na ang nakakalipas simula nang dumating siya sa Tanangco at tumira sa piling ng mga Mondejar. At sa loob ng maikling panahon na iyon, tila bumaliktad ang ikot ng mundo para sa kanya. Parang kailan lang pinagdasal niya na sana ay yumaman na siya. Ngayon, heto na siya. Isang ganap na heridera ng yaman ng Lolo niyang hindi man lang niya nakilala. Nabibili ang lahat ng nais niya. Kung noon ay puro sa tiangge at ukay ukay siya bumibili ng mga damit niya, ngayon puro branded na ang karamihan ng gamit niya. Napupuntahan ang lahat ng gusto niyang puntahan. Hanggang sa mga sandaling iyon, parang isang panaginip lang para sa kanya ang lahat ng pangyayaring iyon sa buhay niya. At sa lahat ng kaganapan na iyon, isang tao lang ang nanatili sa kanyang tabi. Si Gogoy. Ginampanan na nito lahat. Bodyguard. Teacher. Guardian. Kulang na lang ay maging Nanay at Tatay na rin niya ito. Natawa siya sa huling naisip. Hindi niya ma-imagine na maging magulang niya ito, mas gusto pa niyang maging boyfriend ito. Naks! Crush niya si Gogoy! Tudyo ng isang bahagi ng isip niya. Napatayo siya ng wala sa oras. "Hindi ah!" napalakas ang boses na sagot niya. Eksakto naman na bumukas ang pinto ng kuwarto niya at pumasok doon si Lola Dadang. "Hija, ayos ka lang ba?" tanong nito. Agad siyang napangiti, bago tumikhim ng malakas para umayos ang takbo ng isip niya. "P-po? Ah, opo Lola!" sagot niya. "Akala ko kung ano na nangyari sa'yo dito. Kanina pa ako kumakatok eh, hindi ka sumasagot. May problema ba, hija?" tanong nito. Napakamot siya sa ulo. "Naku eh, wala po. May iniisip lang. Pasensiya na po." Sabi pa niya. "Ay, halina't lumabas ka na diyan at nang makapag-almusal na. May lakad pa yata kayo ni Gogoy." Sabi pa nito. "Naku Lola, nakakahiya naman. Kayo pa po ang tumawag sa akin, sana po ay si Inday na lang." sabi pa niya. "Aru! Ikaw na bata ka, walang problema sa akin 'yon." "Teka po? May lakad daw kami ni Gogoy? Talaga? Saan daw po?" sunod-sunod na tanong niya. "Walang sinabi, ang mabuti pa'y lumabas na tayo at masamang pinaghihintay ang pagkain." Anito. Lumabas na sila ni Lola Dadang ng kuwarto niya saka sabay silang pumunta sa dining area. Pagdating doon, naabutan nila ang ilan sa magpipinsan. Si Jester, Karl, Wayne, Mark, Marvin at si Gogoy. "Good Morning!" nakangiting bati sa kanya ng huli. "Good Morning din," sagot niya. "Wow ah, ang sigla ng pagkakabati mo kay Ged!" puna ng pinsan nitong si Karl. "Oo nga no? At himala hindi ka nakabusangot ngayon?" dagdag naman ni Jester. "Bakit kapag sa amin palagi kang nakasimangot? Ibig sabihin, may gusto ka kay Ged kaya ka ngumingiti sa kanya?" walang preno naman sabi ni Marvin. "Naks! Si Gogoy, umiibig na naman!" direktang panunudyo sa kanya ni Wayne. Nawala ang ngiti nito, saka seryosong tiningnan ang mga pinsan. "Don't start," anito na may halong utos. Muntik na siyang mapabungisngis nang sabay sabay ngumisi ang mga ito at nag-peace sign. "Sorry Boss," mahina ang boses at tila maamong tupang wika ni Mark. Natutop niya ang bibig nang sa kanya naman ito bumaling. Hindi gaya kanina na nakangiti ito, ngayon naman ay seryoso ang mukha nito. "Ged, after breakfast magbihis ka. May pupuntahan tayo." Sabi nito. "Saan?" tanong niya. "You'll know when we get there." Simpleng sagot nito pagkatapos ay hindi na kumibo ito. Naupo siya sa bakanteng silya sa tabi ni Mark, narinig pa niya ang mga ito habang nagbubulungan. "Ikaw kasi eh, sinabi mo pa 'yon. Alam mo naman sensitive 'yan kapag tungkol sa lovelife ang usapan." Narining niyang wika ni Mark. "Sorry naman, akala ko naman move on na siya." Sabi pa ni Wayne. Napakunot noo siya sa narinig. Bigla tuloy siyang na-curious sa pinag-uusapan ng mga ito. Natahimik ang dalawa at naputol ang pag-iisip niya nang magsalita ulit si Gogoy. "Ged, di ba sabi mo nakapag-college ka? Hanggang anong year lang ulit nga ang inabot mo bago ka huminto?" tanong pa nito. "Ah, third year college na ako noong huminto ako." Sagot niya. Iyon lang at hindi na ito muli pang kumibo. Pinagpatuloy na lang niya ang pagkain habang patuloy pa rin siya sa pag-iisip tungkol sa mga narinig niya. Wala sa loob na napapasulyap siya kay Gogoy habang tahimik itong kumakain. MULA sa likod na bahagi ng kotse nito ay may kinuha itong isang brown envelope saka inabot iyon sa kanya. "Ano 'to?" tanong pa ni Ged. "Open it," sagot nito habang patuloy sa pagmamaneho. Kunot-noo niyang sinunod ito, nagtaka siya ng makita niyang mga papeles niya ang mga naroon. At karamihan ay mga records niya galing sa dating University na pinasukan niya sa Batangas. "Teka, school records ko ito ah? Bakit nandito ang mga ito? Saka paano mo nakuha?" tanong na naman niya. "Pinalakad ko sa isa sa mga tauhan ko. How would you like to continue your studies?" sa halip ay tanong din nito. Namilog ang mga mata niya paglingon dito. Napahawak siya sa braso nito, saka inalog alog pa nito iyon. "Talaga? Totoo? Hindi ka ba nagbibiro?" sunod-sunod at hindi makapaniwalang tanong niya dito. Gumuhit ang malapad na ngiti sa mga labi niya. Isang bonggang good news iyon para sa kanya. Simula nang huminto siya sa pag-aaral limang taon na ang nakakaraan dahil sa kakapusan nila pinansiyal, isa sa mga naging pangarap niya ay matapos iyon para mas lalong gumanda ang buhay nilang mag-anak. At alam niya, mula sa langit ay nakikita ng mga ito ang magandang nangyayari sa buhay niya. Alam rin niyang masaya ang mga ito para sa kanya. "Yes! Sa wakas! Matatapos ko na rin ang pag-aaral ko!" malakas na sigaw niya, saka excited na napapalakpak pa siya. Nang lumingon siya kay Gogoy, nakita niyang bahagya na itong nakangiti. "Ganyan ka ba talaga?" tanong nito. "Ha?" "Iyan, ganyan. Madali kang matuwa sa simpleng bagay lang. I mean, natural lang naman na magpatuloy ka sa pag-aaral dahil sa mga negosyong hahawakan mo." Anito. Umayos siya ng upo saka bumuntong-hininga. "Ganoon talaga ako eh. Mababaw ang kaligayahan, malaking bagay na para sa akin ang makatapos ng pag-aaral. Kahit wala ang mga iniwan sa akin ni Lolo, basta makapag-aral ako. Noong nabubuhay pa ang Tatay ko, palagi niyang pinapaalala sa akin, kailangan daw matuto akong makuntento sa kung anong mayroon ako. Huwag maghanap ng wala. At matutong magpasalamat at pagyamanin ang biyayang natatanggap." Mahabang paliwanag niya. Hindi ito kumibo, pero nakita naman niya sa mukha nito na kuntento ito sa naging sagot niya. Hanggang sa makarating sila Unibersidad na papasukan daw niya ay hindi na sila nag-usap pa. "PAPASOK na po ako, Lolo, Lola!" paalam ni Ged sa dalawang matanda. Hinagkan pa niya sa pisngi si Lola Dadang. "Ingat, Ged." Sabi naman ni Wesley. "Sige, salamat." "Grabe, sigurado marami kang makikitang guwapo sa University na papasukan mo! Enjoy your first day in school!" sabi pa ni Bern. Napangiti siya paglingon niya dito. "Oo nga eh, noong enrollment lang ang dami ko ng nakita." Pakikisakay niya sa biro nito. "Oh, Gogoy. Bakit biglang umasim ang mukha mo?" sabad ni Daryl, sabay baling sa katabi nito. "Tigilan mo ako, Daryl." Anito sa pinsan. Pagkatapos ay binalingan siya nito. "Ikaw naman, may usapan tayo. Kailangan maging excellent ang grades mo para maganda ang maging credentials mo. Hindi iyong kung anu-ano at sinu-sino ang aatupagin mo. Naintindihan mo?" walang kangiti-ngiting bilin nito sa kanya. Napakunot noo siya sa tono ng pakikipag-usap nito sa kanya. "Okay, fine! Masyado kang seryoso eh. Huwag kang mag-alala, hindi nakakalimutan 'yon." Sagot pa niya. "Pasimple ka pa eh. Ayiee!" Panunukso ni Miguel dito. "Tigilan n'yo na nga si Gogoy, kaya kayo sinisimangutan n'yan eh." Saway niya sa mga ito. "O siya, babay na!" paalam niya. Hindi pa siya nakakasampung hakbang ng pigilan siya ni Gogoy. "Sandali, ihahatid na kita." Anito. "Ha? Naku, kahit hindi na. Alam ko na naman papunta sa school." Tanggi niya. Ngunit parang walang narinig na lumapit pa rin ito sa kanya. Ang mas ikinagulat niya ay bigla nitong paghawak sa kamay niya sabay hila sa kanya palabas. Napapikit na lang siya saka tinago ang mukha niya nang inulan sila ng kantiyawan. At habang nangyayari iyon, sumasabay din ang puso niya na habang tumatagal ay nagiging abnormal na ang t***k lalo na't nasa tabi niya si Gogoy. Lalo na ngayon, at hawak nito ang kanyang kamay. Hindi iyon ang unang pagkakataon na hinawakan nito ang kamay niya, pero ang pinagtataka niya ay ang hindi rin pagbabago ng damdamin sa tuwing maghuhugpong ang mga palad nila. Tila nagdiriwang ang puso niya. Simula sa loob ng sasakyan, sa buong byahe, hanggang sa makarating sila sa University na papasukan niya. Nanatili siyang walang kibo. Kinakabahan kasi siya, at dalawang bagay ang dahilan ng kabang iyon. Una, dahil sa unang araw ng pagbabalik niya sa pag-aaral. Pangalawa, ang lalaki sa tabi niya. "Nandito na tayo." Anito pagparada ng kotse. Lumingon siya sa malaking building na nasa gilid niya. Hindi alam ni Ged kung anong naghihintay sa kanya. Sa totoo lang, nakakaramdam siya ng konting insecurity dahil sa edad niya. Alam niyang mga bata pa ang magiging kaklase niya, sana lang ay masakyan niya ang ugali ng mga kabataan ngayon. "Ged, are you okay?" untag nito sa kanya. Napalingon siya dito, saka siya tumango. "Medyo kinakabahan lang ako." Aniya. Parang nagliwanag ang buong paligid nang sumilay ang magandang ngiti nito. "Don't be. This is not your first day in school. Just be yourself. That's your expertise, right?" Napangiti din siya dahil sa pagpapalakas ng loob nito. "Thank you, Gogoy." "Ay, Gogoy na naman. Please, just call me JM. O kaya John, o Michael. Huwag lang Gogoy." Pakiusap pa nito. Natatawang bumaba siya ng sasakyan, sumunod naman ito. "Bakit ba ayaw mo no'n? Eh iyon naman ang tawag sa'yo ng mga pinsan mo. Saka cute naman ang Gogoy ah. Gogoy." Pag-ulit pa niya sa pangalan nito na may halong pang-aasar. "Sila 'yon! Nakasanayan na nila. Iba ka." May malakas na pagkabog na naman siyang naramdaman sa dibdib niya. "I-iba? Pa-anong iba?" kandautal na tanong niya. Hindi ito agad sumagot, bagkus ay tintitigan siya nito ng diretso sa mga mata na siyang naging dahilan upang lalong maghurumentado ang puso niya. Bumuka na ang bibig nito, upang marahil ay sagutin ang katanungan niya nang biglang maagaw ang atensiyon nito ng mga babaeng nagtilian sa di kalayuan. Paglingon niya ay napasimangot siya. Isang grupo ng mga kabataang babae ang nakatingin kay Gogoy at tila kinikilig habang nagbubulungan. Hindi pa nakuntento ang mga ito, talagang nilapitan pa nito ang huli. Kulang na lang ay iharang niya ang sarili huwag lamang makalapit ang mga ito. Effective siguro siyang security kung si Gogoy ang babantayan niya. "Hello po, di po ba kayo si John Michael Lombredas? Yung may-ari ng Mondejar Cars Incorporated?" tanong ng isa. "Di ba isa po kayo doon sa mga Carwash Boys? Grabe! Ang guwapo n'yo pala sa personal?" kinikilig pang sabi ng isa. "OMG! I can't believe this! Sa magazine lang kita nakikita araw-araw ngayon kaharap na kita." Anang isa pa. "Pa-autograph at pa-picture naman po!" "Puwede ka bang maging boyfriend?" lakas-loob naman na tanong ng isa. Lalong nagsalubong ang dalawang kilay niya, kung malakas ang loob ng mga mahaharot na batang ito na manira ng moment. Kaya din niyang gawin iyon, as in now na! Tumikhim siya ng malakas. Saka pasimpleng hinawi ang mga ito. "Excuse me, mga hija. Pero kailangan na pong umalis ni Gogoy." Aniya sa mga ito. "Ay teka, Miss. Sino ka ba? Tumabi ka nga diyan!" pagtataboy sa kanya ng gustong magpa-picture. "Ako ang...ang..." bigla siyang napipilan. Biglang hindi niya alam ang idu-dugtong sa sinabi. Kung bakit ba naman kasi umepal pa siya. Hindi niya napaghandaan ang tanong na iyon. Akala niya kasi, kapag pinaalis niya ang mga ito ay susunod na lang ang mga babaeng ito. Malay naman niyang usisera ang mga ito. "She's my girl." Biglang dugtong ni Gogoy. Nanlaki ang mga matang lumingon siya dito. Bigla siyang ninerbiyos nang muli nitong hawakan ang isang kamay niya sa harap ng grupo ng mga kabataan na iyon. Nakita niyang lumungkot ang mukha ng mga ito habang nakatitig sa magkasalikop nilang mga palad. Sinubukan niyang bawiin iyon, ngunit mas lalong lang nitong hinigpitan ang pagkakahawak sa kanya, naramdaman pa niya nang pinisil nito ang palad niya na siyang naghatid ng tila boltahe ng kuryenteng nanulay hanggang sa braso niya. Hindi siya sigurado kung naramdaman din iyon ni Gogoy, dahil napatingin din ito sa mga kamay niya. "Mga hija, pasensiya na kayo. Pero hindi ako artista para hingan n'yo ng autograph at magpa-picture. Pribadong tao po ako. Maintindihan n'yo sana." Mahinahon na paliwanag nito. "Ay sayang," anang isa. "Sige na nga, at least nakita ka namin ng personal." Binalingan siya ng kanina ay nagtaray sa kanya. "Miss, ay este, Ate pala. Pasensiya ka na ha?" hinging paumanhin nito. Tumango siya. "Okay lang," aniya. Hindi pa agad umalis ang mga kabataan na iyon, bagkus ay nanatili lang ito sa di kalayuan at tila pinagmamasdan sila. Humarap si Gogoy sa kanya, nakahinga siya ng maluwag ng sa wakas ay bitiwan na nito ang kamay niya. "Pasensiya ka na sa kanila," anito. Pinilit niyang ngumiti sa kabila ng nagwawalang puso niya. "H-ha? Wala 'yon! Naintindihan ko naman. Ganoon talaga kapag sikat." Biro pa niya dito. "Hindi ako sikat! Ewan ko ba!" tanggi nito. "O sige, papasok na ako sa loob at baka mahuli ako sa first subject ko." Paalam niya. Tumango ito. Ngunit hindi niya inaasahan ang sumunod na gagawin nito. Tila pinako siya mula sa kinatatayuan niya nang bigla itong dumukwang sa kanya, saka siya kinintalan ng mabilis na halik sa gilid ng labi. Kasunod ng dobleng bilis ng pagtibok ng puso niya. Hanggang sa makaalis na ito, ay nanatili pa rin siya sa kinatatayuan niya. Wala sa loob na natutop niya ang bahagi na hinalikan nito, pagkatapos ay ang dibdib niya. Hindi pa rin bumabalik sa normal ang t***k niyon. Gogoy Lombredas, bakit mo ginagawa ito? Ano 'tong nararamdaman ko?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD