Isang oras na ang nakakaraan simula kanina at lasing na lasing na 'tong si Lance. Maging ako rin ay malakas na rin ang tama pero kontrolado ko pa naman ang sarili ko. Nakahiga si Lance sa sahig at ako nama'y pinagmamasadan siya sa pagkakaupo ko sa sofa. Ilang minuto ring katahimikan ang bumalot sa buong apartment nang magsalita si Lance.
"Panget ba ako, Jao? Ano bang mali sa'kin? Ano bang meron sa Lukas na yun, na wala ako?" malungkot niyang tanong na nakahiga pa rin at nakatitig sa kisame.
The f*ck?! Ano bang pinagsasasabi niya. Alam naman niyang hindi siya panget. Lahat ng mga babae sa campus, pinapangarap siya. Pati nga mga bakla o kapwa niya straight na lalake pinagnanasaan siya. Kung pagbabasehan yung mukha, he's much better than Lukas. Maganda ang pangangatawan at kahit sinong babae, mahuhulog ang loob sa mala-anghel niyang mukha. So totaly, walang mali sa kanya. In fact, mabait siyang tao. Marahil ay lasing lang siya kaya niya naitatanong ang mga bagay na yun.
"Ano bang sinasabi mo dyan? Lance look, gwapo ka at marami pang ibang babae dyan na magkakandarapa para sa'yo. Don't be a fool crying for a girl who doesn't deserve a good person like you." tugon ko at tumayo para tumungo sa kusina.
Pagkatayo ko ay naglakad na agad ako para lampasan siya. Ngunit bago pa ako makausad ay agad siyang tumayo at hinawakan ang kamay ko, kaya't natigilan ako para harapin siya.
"You think I'm a good person?" seryosong tanong niya, na sinabayan pa ng mga titig niyang tila nangungusap.
"Oo, Lance at naniniwala ako na marami ka pang makikilala dahil mabuti kang tao." sagot ko at ngumiti sa kanya.
Pagkasabi ko no'n ay naupo na ulit siya at nangiti. Napasabunot siya sa sarili niya at napayuko.
"Salamat pare," yun yung naging tugon niya at bumaling ng tingin sa akin.
Hindi na ako tumuloy sa kusina at nagpasyang umupo nalang sa tabi niya. Alam kong hindi biro ang masaktan lalo pa't mahal na mahal mo yung taong nanakit sa'yo. Kung may makakaintindi man sa kanya ngayon, ako yun. Kasi alam na alam ko na yung pakiramdam na masaktan at lokohin ng taong mahal mo. Hindi ito tungkol sa isyu ko sa pag-ibig, tungkol 'to sa tatay ko.
About 5 years old palang yata ako, nasa abroad na siya at nagta-trabaho. Yun ang alam ko at ang alam ni mama pero isang araw nalaman nalang namin, may iba na pala siyang pamilya doon. Hindi ko alam kung paano yun tatanggapin dahil mahal na mahal ko ang tatay ko. Walang gabi noon na hindi ko ginustong umuwe na siya pero di na siya bumalik. Sa murang edad ko no'n, akala ko magkakaroon ako ng kumpletong pamilya pero wala eh. Madaya ang tadhana, kami nalang ni mama at ng mga kapatid ko yung nagkasama hanggang sa paglaki ko. Kaya nga mahal na mahal ko si mama, eh. Siya nalang kasi yung natitirang pamilya ko, kasama ng mga kapatid ko. Kaya kung may pagkakataon akong makausap ang tatay ko ngayon, isusumbat ko sa kanya lahat ng sakit at poot na naramdaman naming magkakapatid noon. Yung sakit na dinulot niya kay mama na walang binibigay na dahilan. Bigla nalang siyang naglaho na parang bula.
"Naalala mo yung kinwento ko sa'yo tungkol kay papa?" mahina kong tanong kay Lance.
Tumunghay siya mula sa pagkakayuko at bumaling ng tingin sa akin.
"Oo, bakit?"
"Siguro gano'n rin yung naramdaman mo noong nalaman mong niloko ka ni Wendy. Masakit diba? Lalo na kapag yung taong yun, importante sa'yo." tulalang tugon ko na pinipigilang maging emosyunal.
"Oo, pare. Sobrang sakit." yun lang yung naisagot niya at napayuko na ulit na parang maiiyak na naman.
Tumingin ako sa kanya at bahagyang lumapit para akbayan siya.
"Alam ko yung pakiramdam, pare. Iniwan kami ni papa, niloko niya kami at alam kong masakit yun. Mahal mo yung tao, eh." pigil kong emosyun habang naka-akbay pa rin sa kanya. "Pero ngayon, hindi ko na alam kung may puwang pa rin siya sa buhay ko at sa buhay namin. Noong kinalimutan niya kami, sinimulan ko na ring burahin siya dito sa puso ko. Alam kong mahirap pero kung patuloy akong aasa na babalik siya, na babalikan niya kami ay baka palagi lang akong malungkot. Lalo na kung alam ko namang hindi na mangyayari yun."
"Sana gano'n nalang kadali yun, pare. Pero hindi, eh. Kahit ipilit ko man sa sarili ko na hindi na ako mahal ni Wendy, hindi ko pa rin kayang hindi siya mahalin dahil alam ng puso kong mahal na mahal ko pa rin siya." tugon ni Lance na mas lalong nagpabigat ng emosyun ko.
Sa sinabi niyang yun, hindi ko na mapigilan yung luha ko. Ewan ko ba kung ano ba yung mas masakit, yung isyu ko tungkol sa tatay ko o yung sabihin ni Lance na mahal niya pa rin si Wendy kahit nasaktan na siya nito? Bigla tuloy bumigat yung pakiramdam ko dahil sa narinig sa kanya. Kahit nasasaktan, hindi ko pa rin maiwasang alalahanin siya at kung anong payo ang pwede kong ibigay sa kanya. Ayoko kasi siyang nakikitang ganito, eh. Nagpapakatanga sa iisang babae.
Kung tutuusin, pareho lang kami eh. Pareho lang kaming nagpapakatanga. Ako sa kanya at siya sa taong hindi naman siya binibigyan ng halaga. Ako dahil kahit nasasaktan na ako sa nakikita at naririnig ng tenga ko mula sa kanya, patuloy pa rin akong nagpapaka-martyr para lang matulungan siya.
"Bakit ganyan ka, pare? Niloko ka na't lahat nung tao pero bakit mahal mo pa rin? Sinaktan ka na nga niya pero bakit hindi pa rin nagbago yung pagtingin mo para sa kanya." wala sa wisyong tanong ko kahit alam ko naman yung sagot.
"Kapag mahal mo ang isang tao at kahit gaano pa kalaki ang kasalanan niya, hindi magbabago yun kung mahal mo talaga siya." sagot niya at bumaling sa akin.
Tinanggal ko na yung pagkaka-akbay ko sa kanya at dumistansya ng bahagya. Tama naman siya, totoo yung sinabi niya dahil gano'n rin ako sa kanya. Tila bang nagre-reflect sa mukha ko lahat ng pinag-uusapan naming dalawa. Ang sakit.
"Katangahan ang tawag do'n, pare." sambit ko sabay tawa ng bahagya.
Natawa nalang ako sa sinabi ko dahil tila sarili ko lang din ang sinasabihan kong 'tanga'. Wala, eh. Ang tanga ko.
"Alam ko yun, pare. Tanga na kung tanga pero mahal ko pa rin." mahina at may hikbing pagkakasabi niya na muling nagpakirot sa puso ko.
Napailing na lang ako at natatawa ng kaunti. Kahit umiikot na yung paligid ko dahil sa tama ng alak sa ulo ko, dama ko pa rin yung sakit sa mga naririnig ko kay Lance. Sapul na sapul niya 'ko, eh. Bulls eye kumbaga. Isinawalang-bahala ko nalang yun pinigilan ang emosyong gustong kumawala sa loob ko.
"Siguro gano'n nga talaga sa pag-ibig, handa tayong maging tanga basta manatili yung taong mahal natin. Pero sana matauhan din tayo minsan, sana marunong rin tayong makaramdam ng sakit." patama ko kay Lance at sa sarili ko. "Payong-kaibigan lang, pare. Kung ano yung nandyan sa puso mo, yun yung sundin mo. Kung saan ka masaya, susuportahan kita. Ayoko lang yung nasasaktan ka dahil nasasaktan rin ako para sa'yo."
Hindi ko na pinansin yung huling bahagi ng mga sinabi ko kay Lance dahil pareho kaming lasing at sigurado naman akong wala lang sa kanya yun. Tiningnan ko siya at nakayuko pa rin mula kanina kasabay ng pagpatak ng mga luha niya sa sahig. Kahit papaano, naparamdam ko sa kanyang nasa tabi niya lang ako palagi. Kahit masakit, atleast yun man lang magawa ko para ipakita yung pagmamahal ko para sa kanya.
"Sige, pare. Una na 'ko sa kwarto. Inaantok na ako, eh. Ikaw rin." sambit ko sabay tapik sa balikat niya at tumayo na.
Nang makatalikod na ako sa kanya, doon na tumulo ang mga luhang ikinukubli ng mga ngiti ko. Natigilan ako sandali at tiningnan siya ulit. Gano'n pa rin ang posisyon niya.
Kailan kaya darating yung pagkakataong, ako naman yung mapapansin niya? Kailan kaya yung oras na ako naman yung mamahalin niya? Kasi ako? Hinding-hindi ko siya sasaktan, eh. Mamahin ko siya, higit pa sa pagmamahal na kayang ibigay ng mga babae sa kanya. Pero naisip ko, hindi naman mangyayari yun eh. Straight si Lance at ilusyon lang ang lahat.
Pumasok na ako sa kwarto ko at nahiga. Pumikit na ako habang lumuluha pa rin ang mga mata. Marahil bukas magiging okay na ulit ako.