CHAPTER 7 - MIRACLE & JARRED
Miracle Florence Geronimo
“Ate, kamusta ang first day mo?” bungad na tanong sa akin ni Heaven nang makauwi ako ng bahay.
Mag-a-alas otso na ng gabi. Ang dapat isang oras na byahe lang ay lumagpas ng dalawang oras kaya ang lakas maka-haggard. Ramdam ko ang pagod sa buong araw na trabaho. Pero makita ko lang ang kapatid ko ngayon ay parang natanggal na ang pagod ko.
“Mabuti naman. Si Tita Mayet, gising na ba?” Nakangiting sagot ko sa kapatid ko matapos ibaba ang bag ko sa upuan.
Ganitong oras kasi ang kadalasan na alis ni Tita Mayet na papasok naman sa club. Dumeretso ako sa ref matapos kumuha ng baso. Pagkabukas ko ng ref ay kumunot ang noo ko nang makita ang ilang bar ng imported chocolates.
“Gising na, Ate. Baka naliligo na at papasok na ‘yon sa club.” Sagot ni Heaven na hindi ko naman naintindihan ang sinagot dahil sa nakita sa loob ng ref.
Nagsalin muna ako ng tubig sa baso at uminom. Pagkatapos ay nilingon ko si Heaven.
“Saan galing ang chocolate, Heaven?”
“Ahh. Ate, may dumalaw sa akin.”
Nag-iwas ng tingin ang kapatid ko habang naningkit naman ang mga mata ko.
“Dumalaw? Lalaki? Binigyan ka ng chocolate?"
Wala akong narinig na sagot mula kay Heaven sa sunod sunod na tanong ko.
“May nanliligaw ba sa’yo? Kung meron ay ‘wag mong papansinin, ha. Unahin mo ang pag-aaral mo. Distraction lang ‘yan—”
“Hayaan mo na lang si Heaven!” Bigla akong napalingon nang biglang lumabas si Tita Mayet sa kwarto nito at halatang papaalis na.
“Tita?” Nilingon ko siya.
“Alam mo... Hindi mo mapipigil ang mga kabataan ngayon. Kung lalandi, lalandi! Kung mabubuntis, mabubuntis! Wala kang magagawa kapag nangyari ‘yon.”
Mabubuntis agad?
Parang imposible naman na mangyari sa amin ng kapatid ko ‘yon. Kahit sa akin ay hindi. Ayoko pang masira ang buhay namin na magkapatid na mabuntis ng maaga. Ang dami pa namin na pwedeng gawin kesa itali ang mga sarili namin sa pag-aasawa. Sobrang bata pa namin.
“Gusto ko lang po na mag-concentrate si Heaven sa pag-aaral para siguradong makapagtapos siya at makahanap ng magandang trabaho.” Sambit ko.
Pinipilit kong igalang si Tita Mayet kahit na minsan ay sumosobra na ito sa treatment sa amin.
“Bakit, sa tingin mo ba ay magandang trabaho ang mapupuntahan ni Heaven kapag nakatapos? Baka sa club din ang maging bagsak niya kapag nahirapan na maghanap ng trabaho. Kung ako sa inyo, maging praktikal kayo. Maykaya ang lalaking nagkakagusto d’yan sa kapatid mo. May restaurant ang pamilya. Malay mo mapaganda pa ang buhay niya kapag nabuntis siya no’ng lalaking ‘yon!”
Pagod na trabaho at byahe ay ito pa ang maririnig ko pag-uwi. Bigla ay parang umakyat ang dugo ko sa ulo.
“Tita Mayet, naririnig niyo po ba ang sinasabi niyo? Kinse anyos pa lang si Heaven!?” Hindi ko na naiwasan na iparamdamdam na galit ako. Nakakuyom ang kamay ko.
Parang gusto kong maiyak. Simula nang nalulong sa bisyo si Tita Mayet ay nawala na rin siya sa hulog mag-isip.
“Hoy, Miracle! ‘Wag mo kong pinagtataasan ng boses!” Singhal ni Tita. “Nagkatrabaho ka lang, tumaas na ang ere mo?! Malaki pa rin ang utang na loob niyo sa akin. Kung hindi lang kayo binilin ng Nanay niyo at Olga ay pinalayas ko na kayo! Mga walang silbi!”
Nagdadabog na umalis si Tita Mayet. Pinilit kong pigilan ang luha ko at nang tuluyan nang maka-alis si Tita ay doon ko lang hinayaan na tumulo ang luha ko.
“Ate, sorry!" Lumapit sa akin si Heaven at niyakap ako." Bigla kasi akong dinalaw ng classmate ko na may gusto sa akin. Hindi ko naman alam na dadalhan niya ako ng chocolate. Hindi ko naman talaga siya pinapansin, eh. Wala akong balak sagutin siya.” Yumugyog na rin ang balikat ni Heaven.
Niyakap ko siya pabalik at hinimas sa likod para kumalma. Sa ginawa ko ay pati ang nagngangalit kong mga ugat ay tila kumalma na rin.
"Wala kang kasalanan, Heaven."
Matapos ng ilang sandali ay huminto na sa pag-iyak si Heaven.
Hinarap niya ako. Doon niya sinabi ang pakay ng dati niyang classmate. Nalaman pala nito na naghahanap si Heaven ng trabaho at nag-offer ang classmate niya ng part-time na dishwasher sa restaurant nila. Ilang araw na trabaho lang naman 'yon dahil nagpaalam lang raw ang dishwasher na uuwi ng probinsya pero hindi na bumalik. Minimum rin ang sahod at may overtime pa.
"Hindi ba’t hindi na kita pinayagan na maghanap ng trabaho, Heaven? Mag-concentrate ka nalang dito sa bahay at hayaan mo na akong mag-isa na kumayod. Kaya ko naman." sambit ko matapos madinig ang paliwanag ni Heaven.
"Pero, Ate Mira. Gusto kong makatulong. Ayokong maging pabigat."
"Kahit kailan ay hindi ka pabigat sa akin. Alam mong ikaw ang dahilan ko kaya nagsisikap ako. Gusto kitang bigyan ng magandang buhay."
Parang iiyak muli si Heaven sa sinabi ko. "Pero, Ate gusto kong maranasan na kumita rin ng pera. Tsaka, sandali lang naman 'yon. Ilang araw lang. Malapit lang naman dito sa atin' yon. Promise, kapag uwian ay deretso ako dito sa bahay."
Sobrang nag-aalala ako kay Heaven sa gusto nitong mangyari. Pero sa huli ay pumayag ako dahil sa pangungulit nito. Sinabi niya ang lugar kung saan s’ya raraket at naisip ko na lang na susunduin na lang siya kapag uwian na. Siguro para malaman niya rin ang value ng pera at matutong maging responsible sa paggasta ng perang pinaghirapan niya.
"Basta ilang araw lang, ha?" Sa huli ay sinabi ko.
"Oo, Ate. Promise."
***
"Good morning po, Sir Justin." Nakangiting bati ko sa TL namin nang nagpunta siya dito sa may table namin ni Ate Ryza.
"Good morning, Mira." Mas malapad ang ngiti na bati sa akin ng lalaki. "Don’t forget later, ‘yung outfit mo para bukas, puntahan mo sa studio."
Tumango ako at binaling na ang tingin sa ginagawa ko sa laptop. Hindi ko kasi matagalan ang tingin nito. Naaasiwa ako.
Pagkasabi ni Sir Justin sa akin ay tinawag nito si Ate Ryza para magpunta sa table nito. Naiwan akong kinakabahan para sa akin mamaya.
Binaling ko na lang ang atensyon sa pinapagawa sa akin ni Ate Ryza. 2nd day ko pa lang sa trabaho ay masasabi kong madali lang naman ang mga clerical job na pinapagawa sa akin.
Mas nagugustuhan ko ang ginagawa ko ngayon. Kung pwede lang na puro ganito na lang ang gagawin ko ay mas masaya pa sana. Ayoko na magpunta pa sa ibang lugar at makisalamuha sa maraming tao.
Hanggang sa lumipas na ang oras at dumating na ang tanghalian.
Kagaya ng sinabi sa akin ni Ate Ryza na dadalhin ako sa isang studio para mag-fit ng mga damit na susuotin ko bukas sa event ay ito mismo ang nagdala sa akin do'n matapos ng lunchbreak namin.
"Wow, siya ba?" Nakangiting sabi ng babaeng naroon sa studio na nadatnan namin.
"Oo." sagot ni Ate Ryza.
Titig na titig naman sa akin ang staff.
"Ang ganda niya. Batang bata pa. Anong pangalan mo?" Tanong sa akin ng babae na sa akin na binaling ang mukha.
"Miracle po. Mira na lang po." Magalang na sagot ko.
"Oh, siya sige, Mira. Halika dito."
Hinawakan na ako ng babae at dinala sa kung nasaan ang mga outfit. Nagpaalam na rin sa amin si Ate Ryza.
"Ito siguradong bagay sa 'yo to at kasya." Nakangiting binigay sa akin ng babae ang isang pares ng outfit na agad kong kinuha.
"Magbihis ka na, Mira para matingnan ko kung sakto sa katawan mo. Para mahanapan kita ng iba kung hindi kakasya sa' yo."
Agad na akong iniwan ng babae at pumasok na ako sa fitting room. Nang mag-isa na lang ay halos hindi ako makalabas ng dahil sa sexy ng suot ko. Wala naman na problema sa katawan ko. Sa edad kong 19 ay makikita na na mayroon akong magandang hubog ng katawan. Pero sobrang revealing ng suot ko na hindi naman ako sanay.
Paano ako kikilos sa harap ng maraming tao bukas?
Mini skirt at square-neck ribbed crop top. Kita ang malalim kong pusod, may cleavage na ako at nasisilip ‘yon sa suot ko ngayon. Sakto ang fitting sa akin.
Alam kong alak ang major product ng Caballero Brewery, pero hindi naman calendar girl ang in-apply ko dito. Sa itsura ko ngayon ay para akong artist ana binabalandra sa calendar. Ang kaibahan nga lang ay mas sexy ang mga suot ng babae do’n.
Kapag nakita ako ng sinong lalaki ay pagpiyestahan ang katawan ko. Doon pa nga lang sa amin kapag naglalakad ako ng naka-uniform at kita ang legs ay binabastos na ako. Ngayon pa na ganito?
Bigla tuloy akong napapaisip kung ano ang difference nitong gagawin ko kung sakali na sa club ako nagtatrabaho.
Matapos ang ilang sandali na nasa loob ng fitting room ay hindi ko man lang narinig na may tumawag sa akin kahit ang tagal ko na sa loob kaya lumabas na ako.
Kinabahan ako nang hindi ko naman nakita ang babaeng nag-a -assist sa akin kanina. Naiwan akong mag-isa dito sa kwarto.
Bigla akong napalingon nang bumukas ang pinto. Pero si Sir Justin ang pumasok do’n. Agad akong kinabahan dahil pagkakita nito sa akin ay napakagat labi pa ito matapos hagurin ng tingin ang katawan ko.
Nang magtama ang tingin namin ay bigla itong ngumisi at hindi man lang nahiya na nahuli ko siyang tinitingnan ako nang malagkit sa katawan.
“S-sir?”
“Mira, you look sexy in your outfit.” Sambit nito na tuluyan nang nakalapit sa akin.
“Salamat po, Sir Justin.” Naiilang na sabi ko na humakbang paatras.
“But I think it’s too short. Are you comfortable wearing that?” Parang pinapa-sexy pa ni Sir Justin ang boses n’ya sa paraan ng pagtatanong n’ya sa akin.
Lumapit sa akin si Sir Justin at nagulat ako sa ginawa n’ya. Hinawakan niya ang hita ko.
“Sir!” gulat na sabi ko.
Hindi man lang natinag si Sir Justin kahit pinaramdam ko sa tono ng boses ko na sinasaway ko siya. Gusto ko man na gumalaw ay hindi ko na nagawa sa pinaghalong gulat at takot.
“Gusto mo na hanggang dito ang haba ng skirt na susuotin mo?” Tanong nito na naramdaman ko ang paghimas nito sa hita ko.
“What the f*ck!” Nagulat ako nang dumagundong ang sigaw na nagmula sa pinto.
“Sir Jarred!” usal ko.
Hindi ko maipaliwanag kung saan ako mas kinabahan. Sa lakas ng sigaw ng CEO o sa pangmamanyak sa akin ng TL ko.
Sobrang nagulat din si Sir Justin sa biglaang pagdating dito ng boss namin. Bigla nitong tinanggal ang kamay na nasa hita ko at hinarap si Sir Jarred na mabilis ang lakad papunta sa kinatatayuan namin habang kuyom ang kamao at umiigting ang panga.
Parang leon na manlalapa ang itsura ni Sir Jarred kaya parang may naghahabulan na kabayo tuloy sa dibdib ko. Mabuti na lang at sa tingin ko ay hindi siya sa akin galit dahil ang tingin niya ay naka-focus sa TL ko.
“S-sir, Jarred, good afternoon, we’re just— Ughh” hindi na natuloy ni Sir Justin ang sinasabi dahil kinwelyuhan siya ni Sir Jarred.
“What the hell are you doing!?” Tanong ni Sir Jarred na nag-aapoy ang mata sa galit.
Nakakatakot siyang magalit. Kaya pala maraming takot sa kanya. Powerful na ang awra niya ay powerful pa ang boses niya.
“What!?” muling tanong ni Sir Jarred sa TL ko na ngayon ay puro takot naman ang makikita sa itsura.
Napahawak ako sa dibdib ko sa takot na magkagulo. Wala naman na ibang pumasok dito sa loob ng kwarto bukod kay Sir Jarred. Gustohin ko man na tumawag ng guard ay natuod na ako sa kinatatayuan ko dahil sa nakikita ngayon.
“S-sir. T-tungkol po sa trabaho ang ginagawa ko—”
“Trabaho!? F*ck you! You’re maliciously touching your subordinate.” Nanginginig sa galit na sabi ni Sir Jarred. “You know the policy! That’s grave misconduct! You’re fired!”
Nanlaki ang mata ko sa narinig. Napahawak ako sa bibig ko para takpan ang pa-awang no’n. Hindi ko akalain na aabot sa ganito.
Bigla ay binitawan ni Sir Jarred ang kwelyo ni Sir Justin. Pero pabalibag niyang ginawa ‘yon to the point na tumilapon ang TL ko sa lapag. Bigla itong lumuhod at nagmakaawa.
“S-sir Jarred. Maawa po kayo. Wala po akong ginagawang masama!” Halos takot na takot si Sir Justin. Bigla ay dinuro niya ako na kinagulat ko. “Siya po! Siya po ang nagsabi na hawakan ko ang hita n’ya. Inaakit n’ya po ako! Siya po ang tanggalin niyo!”
Nagulat ako sa pambibintang ng ni Sir Justin. Imbes na maawa dahil mawawalan ito ng trabaho ay bigla akong nagalit dito. Nang nilingon ko si Sir Jarred ay nakatingin siya sa akin na parang tinatanong kung totoo ang sinasabi ni Sir Justin.
Mariin akong umiling. Parang maiiyak ako.
“S-sir… Hindi po totoo ang sinasabi niya. Hindi ko po siya inaakit!”
Naningkit ang mata na binaling ni Sir Jarred ang tingin kay Sir Justin. Nang tiningnan ko si Sir Justin ay nag-aapoy sa galit ang tingin nito sa akin. Bigla itong tumayo mula sa pagkakaluhod at akmang susugurin ako. Doon lang ako nakakilos para umakbang paatras dahil ilang hakbang lang ang pagitan natin.
“You’re liar! Inaakit mo ko—”
Hindi na natapos ni Sir Justin ang pagsugod sa akin at nakita ko na lang na hinarang s’ya ni Sir Jarred at inundayan ng napakalakas na suntok. Isang uppercut ‘yon at isang suntok lang at tumilapon si Sir Justin sa lapag at hindi na bumangon. Isang iglap na tingin ko dito ay nakapikit ito at mukhang masama ang pagkakasuntok dito.
Bigla akong napaiyak sa nasaksihan.
“Sir Justin!” Malakas na usal ko.
Paano kung sa tindi ng tama na natamo nito ay mamatay ito.
Napatingin ako kay Sir Jarred. Bakas pa rin ang galit sa mata nito dahil sa katatapos lang na suntok.
“S-sir?”
“Simula bukas ay hindi ka na magtatrabaho sa marketing department!” Mariing sambit ni Sir Jarred na ikinalaglag ng balikat ko.
Nagpatuloy ang iyak ko.
Pati ako tatanggalin?
“Sir? Maniwala po kayo nagsisinungaling po s’ya hindi ko po s’ya inaakit.” Parang gusto ko na rin na lumuhod at magmakaawa para lang ‘wag matanggal sa trabaho.
“I believe you.”
Natigilan ako sa narinig. Pinahid ko ang luha kaya mas luminaw ang itsura niya sa paningin ko. Kita ko ang sincerity sa mata n’ya at naniniwala sa akin.
“Sir?”
“I’ll transfer you to other department. Doon sa walang mambabastos sa’yo. Ayokong mapahamak ka na naman.”