Prologue
Taon 1962.
“Dapat silang parusahan na dalawa! Nakakahiya sila para sa ating angkan!” sigaw ng pinakamatanda sa angkan ng Tucker. Sila ay mga kilalang tao sa larangan ng negosyo. Sila ay nakakaangat sa buhay. Ang angkan nila ang talagang kilala sa buong bansa at sa karating bansa rin. Iba rin magalit ang kanilang angkan. Kaya walang kumakalaban sa kanila.
“Anong parusa ang ipapataw mo sa kanila?” tanong ng isa pang may mataas na posisyon sa pamilyang Tucker.
“Kamatayan! Iyan ang dapat sa mga taong gumagawa ng kasalanan sa Diyos! Pinipili ang taong mamahalin, at bakit kailangan pa sa isang kapatid at siyang kakambal pa niya siya umibig! Kalapastanganan sa mata ng Diyos at sa mata ng tao! Hindi talaga sila nahiya!” malakas ulit na sigaw ng pinakamatanda sa angkan.
“Ngunit kaya mo bang patayin ang sarili mong mga anak? Iyong dugo at laman sila! Matakot ka sa Diyos na siyang lumikha!” tutol ng isang matandang babae. Asawa ito ng matandang lalaki. Isang malakas na sampal ang dumapo sa pisngi ng matandang babae.
“Ang kasalanan ay ang patuloy silang mabuhay at ipagpatuloy ang kanilang pinagbabawal na relasyon! Ako ang may hawak ng kapangyarihan ng angkan na ito kaya ako ang masusunod sa mga batas na ipapatupad ko! At hanggang sa ako’y maglaho sa mundong ito ay patuloy pa ring magpapatuloy ang batas na aking lilikhain!” malakas at galit niyang sigaw sa lahat ng myembro ng pamilya. Walang isa man ang nagsalita. Lahat ay takot sa matandang Tucker.
“Simula sa araw na ito ay ipapatupad ko ang isang batas na hanggang sa kahuli-hulihang angkan ko ay dapat na sundin. Mismong aking dugo ang magiging palatandaan na hindi dapat putulin ang aking batas.” Muli ay wika ng matandang Tucker. Kinuha niya ang isang papel at panulat. Isinulat niya ang kanyang pangalan at kinuha ang maliit na patalim. Hiniwa niya ng maliit ang kanyang hinlalaki at nang may lumabas na dugo ay agad niya iyong inilagay sa papel kung saan niya inilagay ang kanyang pangalan. Iyon ay kanyang pirma at palatandaan na dapat sundin ng lahat ng myembro ang batas na isusulat doon. Lahat ng myembro ng pamilyang Tucker ay napuno ng takot at katanungan kung anong batas ang ipapatupad ng matandang Tucker.
“Ito ang bagong batas na dapat sundin ng lahat. Kapag may nagkaanak sa inyo ng kambal na lalaki at babae ay agad na ilalayo ang isa sa mga anak ninyo. Hahayaan ko kayong mamili kung sino ang iiwan niyo at kung sino ang ipapamigay o ipapalayo ninyo. Hinding-hindi sila magkikita hangga‘t hindi sila nagkakaroon ng sariling pamilya. Ang hindi tutupad sa batas ko ay may nakaatas na kaparusahan. Dugo ko ang siyang aking lagda na nagpapatunay na mananatili ang batas na ito hanggang sa huling angkan ng Tucker! Malinaw ba ang lahat sa inyo?” maawtoridad niyang tanong sa lahat ng myembro ng kanilang pamilya.
“Malinaw po!” sabay-sabay na sagot nilang lahat.
Sa kabilang banda ay kitang-kita naman ni Elizabeth kung paano pinarusahan ang kanyang tiyahin at tiyuhin. Ang kasalanan nila ay nagmahalan silang dalawa. Magkapatid at magkakambal pa. Isang relasyong mahigpit na ipinagbabawal. Kasalanan sa mata ng Diyos, lalo na sa batas ng tao.
Halos hindi mawala sa isipan ni Elizabeth ang nakita. Kaya hanggang sa paglaki niya ay parati siyang nananalangin na sana huwag siyang magkaanak ng kambal.
Sa awa ng Diyos ay nang magkaroon ito ng pamilya ay dalawa lang ang naging anak niya. Lahat iyon ay puro lalaki at hindi naman kambal.
Taon 1994
Akala ni Elizabeth ay makakawala na siya sa sinumpang batas ng kanyang angkan. Ngunit hindi pala. Nang magpakasal ang panganay niyang si Emilio sa babaeng mahal niya na si Helena ay tunay siyang naging masaya.
Nang magbuntis si Helena ay naging masaya ang mag-asawa, maging si Elizabeth ay masaya para sa anak nito. Lalo na sa magiging apo niya. Ipinalangin niyang sana lalaki ang unang apo nila ng asawang si Franco.
Lahat ng myembro ng pamilya Tucker ay alam ang pinagbabawal na batas. Kaya lahat ay nangingilag at parating pinapanalangin nila na sana‘y walang magkaroon ng anak na kambal na lalaki at babae.
Matapos ang check-up ni Helena ay umuwi siya sa mansion. Tanging si Helena ang walang alam tungkol sa batas ng pamilya Tucker. Kaya naman ay masayang ibinalita ni Helena ang kanyang pinagbubuntis. Nasa hapag na sila nang sabihin ni Helena ang tungkol sa kanyang mga anak.
“Magandang balita! Kambal ang pinagbubuntis ko!” masaya niyang balita sa lahat. Agad na natahimik ang buong paligid ng babae. Nalito siya sa naging reaction ng lahat. Dapat masaya sila dahil kambal ang pinagbubuntis niya. At isa pa dalawang buwan na lang at manganganak na si Helena.
“Anong kasarian ng dalawang bata?” seryosong tanong ni Elizabeth. Naging tahimik si Franco na asawa ni Elizabeth at si Emilio.
“Lalaki at babae po Mama. Kaya nga masayang-masaya ako eh, dahil dalawa na sila tapos lalaki at babae pa,” kahit na iba ang awra ng paligid ay masaya pa ring ibinalita ni Helena ang resulta ng kanyang ultrasound.
Mas lalo pang tumahimik ang lahat. Wala ng narinig pa si Helena mula sa pamilya ng kanyang asawa.
Pumunta si Helena sa garden upang magpahangin. Nakita niya ang kanyang kasambahay na naglilinis. Buntis din ito kagaya ni Helena.
“Josefina! Ilang buwan na iyang tiyan mo?” masiglang tanong ni Helena sa katulong na si Josefina.
“Pitong buwan na po!” nakangiti nitong sagot.
“Pareho pala tayo ng kabuwanan.” Nakangiting saad ni Helena sa babae.
-
“Asawa ko! Manganganak na ako!” malakas na tawag ni Helena sa kanyang asawa. Agad namang dumalo si Emilio rito.
“Teka at dadalhin kita sa hospital!” natatarantang sabi ni Emilio.
“Hindi mo siya dadalhin sa hospital! Dito sa bahay manganganak si Helena! At walang dapat na makaalam na kambal ang anak niya! Naiintindihan niyo ba?” tila kulog na sabi ni Elizabeth.
Sa bahay nga nanganak si Helena at isang kumadrona lang ang tumulong sa kanya.
Katulad nga ng inaasahan ay kambal ang pinanganak ni Helena.
Dahil sa ganitong pangyayari ay nagdesisyon si Elizabeth na dalhin sa ibang lugar ang pamilya ng kanyang anak upang makapamuhay sila ng normal. Walang magku-kwestiyon sa kanila.
Isang bagay lang ang hiniling ni Elizabeth kay Helena. ‘Yon ay ang bigyan ng ibang pangalan ang kanyang babaeng anak at ibang pangalan ng magulang ang siyang ilalagay sa birth certificate nito. Walang nagawa si Helena kung hindi ang sundin ang ipinapagawa ng kanyang byenan. It's their family rules at tanging si Elizabeth pa lang ang sumira sa batas na ipinatupad ng kanyang Lolo.