GINAMIT nila ang station wagon para sa paglilibot. Mabagal lamang ang ginawang pagpapatakbo ni Delilah sa sasakyan.
“Malawak ang Hacienda De Luna,” ani Beau. Napatingin ito sa dalaga ngunit muling ibinalik ang tingin sa maisan.
“Hindi naman,” tugon ni Delilah na nasa manibela ang atensiyon. “Isa lang ito sa mga pag-aari ng aming mga magulang.”
Sumenyas si Beau na ihinto niya ang sasakyan. Agad na lumabas ang lalaki sa station wagon at tumingin sa paligid.
Bumaba rin ng sasakyan ang dalaga. Tumayo siya sa tabi ni Beau at nameywang na sinundan ng tingin ang tinatanaw nito.
“Halika, maupo tayo sa lilim ng puno ng akasya.” Itinuro nito ang isang malaking puno na may malalaking ugat na naglalabasan sa lupa.
Bago pa makapag-react si Delilah, naramdaman niya ang mainit na palad ni Beau na nakaalalay sa kaliwang siko niya. Hindi niya matukoy kung bakit napasunod siya nito tungo sa puno.
“Marami siguro kayong mga trabahador dito sa asyenda, ‘no?” Umupo ito sa ugat ng puno ng akasya.
“Yep,” sagot niya. Tinanggap niya ang kamay ng lalaki habang inalalayan siyang umupo sa ugat ng punong kinauupuan nito. “Hindi ako sigurado kung ilan ang tauhan sa asyenda. Sa taniman ng mais may mga manggagawa, idagdag mo pa ang manggagawa sa bukid at ang mga nag-aalaga ng baka at kabayo.”
“Totoo nga palang mayaman ang angkan ng mga De Luna.”
“Mapalad kaming magkapatid at ipinanganak na may gintong kutsara sa bibig.”
“Napakasuwerte naman ng lalaking mapapangasawa mo,” biglang nulas sa bibig nito. “Mayaman ka na, maganda pa.”
Napangiti siya sa sinabing iyon ni Beau. Ngunit lihim na sumama ang pakiramdam niya nang maalala ang lalaking pakakasalan ng kanyang kapatid. Hindi pa rin niya inaalis ang katotohanang yaman lang nila ang habol ni Amir.
“Ikaw, ilan kayong magkapatid?” naisip niyang itanong sa kausap.
“Dalawa,” kibit-balikat nitong sagot. “Ayon sa aking abuelo, ako ang bunso sa aming magkapatid.”
Awtomatikong umarko ang kilay niya. “Bakit parang hindi ka sigurado na ikaw ang bunso?”
Nagyuko ito ng ulo at binunot ang mga ligaw na damo sa harapan nito.
“Tiyak na hindi mo mauunawan kahit sabihin ko pa.”
Marahan siyang napatango. Ayaw rin naman niyang pilitin itong magkuwento tungkol sa pamilya nito.
“Mayaman din siguro ang pamilyang kinabibilangan mo,” aniya nang maalala ang minamaneho nitong sasakyan.
“Nagtapos ako ng pag-aaral sa ibang bansa. Nagtapos akong may mataas na karangalan. Dahil sa karangalang iyon, nakapasok ako sa isang kilalang kumpanya sa Maynila na may mga sangay sa buong Pilipinas,” pagtatapat ni Beau.
Habang nag-uusap sila ng lalaki, nakalimutan niya sandali ang sarili niyang problema. Hindi niya alam kung bakit magaan ang loob niya sa kausap.
“Married?” Tinakpan ni Delilah ang bibig sa hiya. Hindi niya naisip ang tanong na iyon, pero iyon ang lumabas sa bibig niya.
“Married?” nakangiting balik-tanong ng lalaki sa kanya. Pero saglit lang ‘yon at biglang naging seryoso. “Not yet.”
“Ano ang ibig mong sabihin?” tanong niya. Pakiramdam niya‘y may ibig sabihin ang mga huling sinabi nito.
Nagkibit-balikat ito. “I had a sudden fiancee,” pabirong sagot nito.
Kinagat niya ang ibabang labi. Pakiramdam niya‘y tinusok ng karayom ang kanyang puso sa pag-amin ni Beau.
Bakit siya nakakaramdam nang ganito, nalulungkot at nanghihinayang?
Hindi maaari. Mali ang nararamdaman niyang ito! agad niyang saway sa sarili.
“Maligaya siguro kayo sa inyong relasyon, ‘no?” tanong niya na may pilit na ngiti sa labi.
“M-maligaya,” sang-ayon ni Beau.
Hindi sigurado si Delilah, ngunit narinig niyang pumiyok ang lalaki nang magsalita ito. Nasa dulo ng kanyang dila ang tanong kung kailan magpapakasal ang mga ito, ngunit nagpasya siyang huwag nang ituloy ang tanong.
“Ikaw, tagarito ba ang nobyo mo?”
Marahan siyang umiling.
“Taga-Maynila siya?”
Muli siyang umiling bilang tugon sa tanong nito.
“Hulaan ko?” Parang kumikinang sa tuwa ang mga mata ni Beau habang nakatitig sa maamong mukha ng dalaga. “Wala ka pa ring nobyo sa kabila ng taglay mong kagandahan?”
“Paano mo nalaman?”
“Panay kasi iling ang sagot mo sa mga itinatanong ko sa ‘yo kaya napagtanto kong wala ka pang kasintahan.”
Tuluyan na siyang napangiti sa tinuran ni Beau.
Hapon na nang umalis sila sa puno ng akasya.
“Puwede ba akong bumalik dito bukas, Delilah?”
Napatingin ang dalaga sa lalaking kasabay sa paglalakad pabalik sa station wagon.
“Mula kasi nang makita…” Napahimas sa batok si Beau na naghahanap ng tamang salita para masabi sa dalaga. “Kasi parang…”
“Sige,” biglang sang-ayon ni Delilah. Hindi man lang siya nagdalawang-isip.
“Puwede mo ba uli akong samahan mamasyal dito bukas ng hapon?”
Saglit na nag-isip ang dalaga.
“Malungkot mamasyal nang mag-isa,” patuloy nito.
“Wala naman akong ginagawa sa bahay,” walang pag-aatubiling turan niya. “Sige, sasamahan kita. Mabuti na rin ‘yon para makilala natin nang lubusan ang isa't isa.”
Tumango ang lalaki na may malawak na ngiti. Nagkatinginan silang dalawa nang malapit na sila sa kung saan nila iniwan ang sasakyan. Inalalayan siya nitong maupo sa passenger’s seat.
Nagkasundo silang dalawa na ito naman ang magda-drive ng station wagon pabalik sa plantasyon ng kape kung saan nito iniwan ang Toyota Sequoia.