Kabanata 9

1131 Words
“BAKIT mo gagawin 'yon?” Bakas sa mukha ni Desiree ang pagkagulat. “Dahil hindi ko gusto ang lalaking ‘yon para sa kapatid ko. Natitiyak kong salapi lang ang habol niya at iyon ang kutob ko.” “Hindi naman siguro gano’n si Amir.” Napatitig siya sa kaibigan. “Kilala mo ang lalaking ‘yon?” hindi makapaniwalang tanong niya rito. “Oo. Last year, dinala ako ng parents ko sa Maxvilla Masayahin. Piyesta iyon at ipinakilala ako ni Mang Adolfo sa kanyang anak na si Amir. Ang aming mga ama ay mabuting magkaibigan.” “Anong nalalaman mo tungkol sa lalaking ‘yon?” tanong niyang may kuryosidad. Nagkibit-balikat ito. “Nagtrabaho ako sa Manila for four years kaya wala akong masyadong alam sa kanya. Mabibilang sa daliri kung ilang beses ko lang siyang nakita nang hindi sinasadya. Pero ang alam ko, nagtapos si Amir ng kolehiyo nang may karangalan.” Nadismaya siya sa narinig. “But…” pabitin pa nitong dagdag. “Nakita ko siya noong nakaraang linggo sa ospital sa bayan ng Libertad, kung saan ako nagtatrabaho ngayon. Nakita ko siyang kausap ang front desk executive ng ospital. Ngumiti pa siya sa akin bilang pagbati. Nakilala niya siguro ako.” “Tapos?” hindi makapaghintay niyang tanong. Napakamot ito sa ulo. “‘Di ba sabi ko, nakita ko si Amir sa front desk ng ospital? At nang papunta na ako sa istasyon para mag-take over sa nurse na naka-duty, nakasalubong ko siya at paika-ika ang lakad niya. Binati ko pa siya pero hindi niya ako pinansin. Parang bigla na lang hindi na niya ako kilala.” Hindi pinansin ni Delilah ang ibang sinabi ng kaibigan. Nakatuon ang kanyang isip sa nangyari noong nakaraang linggo. Nabanggit ng ate niya, may emergency daw kina Amir. At iyon ang dahilan kung bakit hindi nagkita ang dalawa. “O, may bisita ka pala, anak.” Nasa bungad ng sala ang ina ni Desiree, may dalang basket na puno ng iba’t ibang gulay at prutas. “Ikaw pala, Delilah. Kailan ka pa dumating?” Nakangiting tumayo siya at nagbigay galang sa bagong dating. “Magandang araw, Aling Mercedes.” “Kaawaan ka ng Diyos.” Muli siyang umupo. “Mga isang linggo na akong nakabalik sa ating bayan, Aling Mercedes.” “Aba’y lalo kang gumaganda,” puna nito sa kanya na naupo sa bakanteng sofa. “Sa limang taon mo sa State, may nobyo ka na ba?” “Aling Mercedes naman,” natatawa niyang sagot at tumingin sa kaibigan na may mapanuksong ngiti sa labi. “Wala pa ho sa isip ko ang bagay na ‘yan.” “Sa ganda mong ‘yan, wala kang naging nobyo sa bansang ‘yon, Delilah? Imposible!” wika ni Desiree sabay takip sa bibig. “Ako naman, may kasintahan na,” pagtatapat pa nito. “Kilala ko ba?” “Kilala mo,” singit ng matandang babae. “Iyong bunsong anak ng mayor ng ating bayan. Hay naku, ewan ko ba sa kaibigan mong ‘yan. Maraming nanliligaw, mas pinili pa niyang makipagrelasyon sa mama’s boy na binata.” “Inang naman!” reklamo ni Desiree, balak nitong ipagtanggol ang kasintahan. “Siya ba?” hindi makapaniwalang tanong niya. “Paano nangyari iyon? Hindi ba nasa ibang bansa ang anak ng mayor at doon din nagtatrabaho?” Pinaikot nito ang mata ngunit hindi maikakailang kinikilig. “Mahabang salaysayin,” tugon ni Desiree. Naging sentro ng kanilang usapan ang kasintahan ng kaibigan at kung paano pinaalalahanan ni Aling Mercedes ang nag-iisang anak. Hanggang sa magpaalam siya na uuwi na. Hacienda De Luna. Dumaan si Delilah sa taniman ng kape. Nabanggit sa kanya ng kanilang family driver na si Amir ang namamahala sa plantasyon. Hindi siya interesadong makilala ang lalaki. Ngunit isang maliit na boses ang tila bumubulong sa kanya na dapat niyang makita ang hitsura nito. Ngunit nadismaya siya nang malaman niya sa isang tauhan ng hacienda na umalis si Amir kasama ang kanyang kapatid na si Greta. Bumalik siya sa station wagon kung saan niya ito ipinarada. Papasok na sana siya sa sasakyan nang makarinig siya ng ugong ng sasakyan mula sa likuran niya. Lumingon siya at nakita ang isang Toyota Sequoia na mabilis ang takbo. Tinakpan niya ang kanyang ilong upang maiwasang malanghap ang makapal na alikabok. Ngunit laking gulat niya nang tumigil ang sasakyan sa kanyang tabi. Tinded ang salamin kaya hindi niya makita ang nagmamaneho nito. Sino kaya itong pangahas na nakapasok sa sakop ng kanilang asyenda? Nakasandal ang dalaga sa pintuan ng station wagon habang nakahalukipkip. Hinintay niyang makababa ang driver ng Toyota Sequoia. Napakunot ang noo niya nang makitang unti-unting bumababa ang salamin ng bintana. Pakiramdam ni Delilah ay nagwala ang kanyang puso nang makita ang lalaking nakaupo sa driver’s seat. Maaliwalas ang mukha nito habang nakangiti sa kanya. Ngayon lang niya ito natitigan nang husto. Matangos ang ilong, malalim ang mga mata na may malalantik na pilikmata. Medyo pangahan at mangasul-ngasul ang paligid niyon na dinaanan ng pang-ahit. Bumaba ang tingin niya sa mga labi nito. Nanumbalik lamang ang kanyang huwisyo nang marinig ang tikhim nito. Nahihiyang nagbawi siya ng tingin. “Hi!” “B-Beau…” nanulas sa kanyang labi. Sinubukan niyang hanapin ang sariling boses. Ano bang nangyayari sa kanya? Bakit sa tuwing nakakaharap niya ang lalaki ay parang nawawala rin siya sa sarili? “Anong ginagawa mo rito? Paano mo naiwasan ang mga bantay na naglilibot sa paligid?” “Dahil sa iyo,” seryosong sagot nito nang hindi inaalis ang tingin sa kanya. Napamaang siya sa tinuran nito. “Excuse me?” Ngumiti ito nang ubod-tamis, dahilan para muling bumilis ang t***k ng puso niya. “Sinabi ko sa mga bantay na magkaibigan tayo. Ang totoo, nandito rin ako kahapon. At ngayon nama’y umaasa na makita kita sa lugar na ito.” “Naniwala silang kaibigan kita?” Nagtaas ito ng kilay. “Why not? Mukha ba akong masamang tao?” Nilakipan nito ng biro ang boses. Nagkibit-balikat ang dalaga. “Kumusta na pala ang paa mo?” Iniba niya ang usapan. “Magaling na,” tugon nito. “Kaya nga ako nagpabalik-balik dito para magpasalamat. Kundi dahil sa iyo, baka hanggang ngayon nasa gubat pa rin ako.” “Kahit sinong makakita sa kalagayan mo'y tiyak na tutulungan ka.” Sandaling katahimikan ang namagitan sa kanila. “Delilah, puwede ba muna akong maglibot dito paligid?” humingi ng permiso ang lalaki. “Napakaganda ng paligid. Parang nang-aakit na ‘di ko mawari.” Habang sinasabi ‘yon ay nakatitig ito sa magandang mukha ng dalaga. Kumabog ang dibdib ni Delilah nang magtama ang mga mata nila ni Beau. Ang dalaga ang unang nagbawi ng tingin. Marahan siyang napatango nang mapagtantong hangad nitong mamasyal sa sakop ng kanilang asyenda.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD