UMAGA. Agad hinanap ni Delilah ang kanyang nakatatandang kapatid mula sa tiyahin nang dumulog siya sa komedor.
“Umalis kasama si Mang Lorenzo. Hinatid nila sa kabilang bayan ang kabayong naligaw sa asyenda.”
Lumapit sa kanya ang isang kasambahay at nagsalin ng mainit na tsokolate sa kanyang tasa. Kanina lang pagpasok niya sa kusina ay hawak na nito ang porcelain pitcher.
“Paano mo nalaman na may ligaw na kabayo sa gubat?”
Hindi natuloy ang paghigop ng tsokolate ang dalaga. Muli niyang inilapag ang tasa sa mesa. Mabilis siyang nag-isip ng isasagot.
“Nasa sapa ako nang makita ko ang kabayong nanginginain sa damuhan. Kakaiba ang tindig nito kaya alam kong hindi ‘yon kabilang sa aming mga alagang hayop,” pagsisinungaling niya sabay tingin sa hawak niyang tasa.
Sinabi niya kay Mang Lorenzo ang tungkol sa kabayo. Wala siyang binanggit na may estrangherong lalaki ang napadpad sa kanilang lupain.
“Maiba ako,” ani Aling Clara habang nagsasalin ng fried rice sa plato nito. “Anong plano mo ngayong bumalik ka na sa Pilipinas?”
Nag-angat siya ng mukha at may ngiti sa labi na nagsalita. “Mag-a-apply po ako ng trabaho, Tiya Clara. Nakausap ko sa telepono ang kababata kong si Desiree, ang ospital na pinagtatrabahuan niya’y kulang sa mga nurse. Sa katunayan, bibisitahin ko siya ngayon.” Taliwas ‘yon sa kanyang unang plano.
“Saang ospital?”
“Hindi ko siya natanong,” kibit-balikat niyang sagot. “Pero sigurado ako na ang nasabing hospital ay sakop pa rin ng lungsod ng Iraya.”
“Bakit kailangan mong maghanap ng trabaho kung puwede mo namang matulungan si Greta na pamahalaan ang asyenda?”
Humigop siya ng tsokolate at natahimik sandali. Ang totoo, pumasok na iyon sa isip niya. Pero ayaw niyang mabalewala ang kursong natapos niya.
“Kung hindi ako matanggap sa hospital na pag-aaplayan ko, baka himukin ko si Ate Greta na ituro sa akin ang lahat ng pasikot-sikot ng aming kabuhayan kaysa mapakinabangan ng iba.”
Makahulugan ang huling sinabi niya at saka nagsimulang kumain. Hindi na niya nakita ang dismayadong mukha ng kanyang tiyahin.
Pagkatapos kumain ay pumanhik agad siya sa ikalawang palapag ng bahay at naligo.
Paglabas niya ng kanyang silid, pusturang-pustura siya. Nakasuot siya ng denim maxi skirt, na ipinares sa puting loose midriff-baring tee top, solid belt, at puting sneakers. Bagay sa kanya ang kasuotan lalo na't matangkad siya. Hinayaan lang niyang nakalugay ang kanyang hanggang balikat na buhok.
“Nasaan si Mang Delfin, Annabelle?” tanong ni Delilah sa kasambahay pagbaba niya sa sala.
“Baka sa garahe, señorita,” sagot nito sa kanya matapos patayin ang vacuum.
Lumabas siya ng bahay at dumiretso sa garahe. Kasalukuyang pinupunasan ni Mang Delfin ang sasakyan nang datnan niya ito sa parking lot. Binati siya ng matandang lalaki nang makita siyang papalapit sa kinatatayuan nito.
“Mang Delfin, magagamit pa ba ang station wagon ni Papa?” tanong niya rito. Ang kotseng ‘yon ang paboritong gamitin ng kanilang ama.
Tumango ang matanda. “Aalis tayo, señorita?”
“Magpahinga na lang muna kayo, Mang Delfin.”
Napatigil ang matanda sa ginagawa nito. “Marunong ka bang magmaneho?”
“Natuto po ako sa State. Halos lahat ng mga kapwa ko nurse doon ay may mga sasakyan at marunong magmaneho,” nakangiti niyang sagot. “At saka, malapit lang naman ang pupuntahan ko. Bibisitahin ko lang ang kaibigan ko.”
“Sige, ikaw ang bahala.”
Nagpaalam si Mang Delfin para kunin ang susi ng station wagon. Pagbalik nito’y iniabot ang susi ng sasakyan sa dalaga.
“Maraming salamat po,” ani Delilah nang tanggapin niya ang susi.
Nakaramdam siya ng pananabik. Limang taon din silang hindi nagkita ng kaibigan niyang si Desiree. Nakakausap naman niya ito sa telepono noong nasa ibang bansa pa siya pero bihira lang. Siguro dahil magkaiba ang oras sa pagitan ng Pilipinas at Amerika.
“Señorita, mag-iingat ka sa pagmamaneho,” habilin ng matandang drayber sa kanya.
Sumakay siya sa kotse at umupo sa driver's seat. Kinalma niya ang sarili. Ginalaw niya ang daliri sa kamay bago hinawakan ang manibela.
Binuksan ni Mang Delfin ang gate ng garahe para makalabas ang station wagon.
Apat na kilometro lamang ang layo ng bayan sa kanilang hacienda kaya agad niyang narating ang lungsod. Nagpatuloy siya sa mabagal na pagmamaneho. Habang umaandar ang sasakyan, pinagmamasdan niya ang paligid.
Malaki na ang pinagbago ng bayan ng Maxvilla Masayahin. Marami siyang nakikitang dayuhan na naglalakad sa magkabilang gilid ng kalsada. At ang mga gusali ay bagong tayo na sa tingin niya’y higit sa labindalawang palapag ang taas. Nagpapatunay lamang na umuunlad ang kanilang bayan.
Napangiti siya sa sarili habang papalapit ang station wagon na minamaneho niya sa isang bungalow style na bahay, gawa sa bato at may maliit na garahe sa kaliwa.
Bumaba siya ng sasakyan at lumapit sa gate. Dalawang beses niyang pinindot ang doorbell.
“Delilah?”
Bigla siyang napalingon sa nagsalita. Nakatayo sa tabi niya ang kaibigan niyang si Desiree na may malawak na ngiti. At saka niya napansin ang isang tricycle na nakaparada malapit sa station wagon kung saan ‘yon nakaparada.
Sabik nilang niyakap ang isa't isa.
“Loka, bakit hindi mo sinabing bibisitahin mo ako? Buti na lang night shift ang schedule ko sa ospital.”
“Hindi na nakakagulat kung sinabi ko,” biro niya sa kaibigan. Napahiyaw siya nang kurutin nito ang gilid ng bewang niya.
“Psst, miss!” sigaw ng tricycle driver, na ikinalingon naman ng magkaibigan. “Kanina ko pa hinihintay ang bayad mo.”
“Ay, oo nga pala!” natatawang bulalas ni Desiree. Kinuha nito ang wallet sa loob ng shoulder bag. Mabilis na lumapit ang dalaga sa tricycle driver at nag-abot ng pera. Humingi rin ito ng paumanhin sa abala.
Bumalik si Delilah sa station wagon nang buksan ni Desiree ang gate ng bahay. Muli siyang sumakay para ipasok ang sasakyan sa driveway ng bakuran.
“Akala ko nagbibiro ka lang nang sinabi mong bumalik ka na sa Pilipinas. Noong nakausap kita sa telepono, hindi mo nabanggit na nasa Hacienda De Luna ka. Akala ko ba’y sa susunod na buwan ka pa uuwi?” wika ni Desiree pagkapasok nila ng bahay. Magkaharap silang naupo sa sofa.
“Sana,” tugon niya. “Pero hindi naman lingid sa kaalaman mo ang balita tungkol sa nalalapit na kasal ni Ate Greta.”
“Umuwi ka nang maaga para mapaghandaan ang kasal ng kapatid mo?”
Nagsalubong ang kilay niya. “Hindi iyon ang dahilan ng biglaang pag-uwi ko,” aniyang walang ngiti sa labi. “Nandito ako para pigilan siyang pakasalan si Amir. Sa lalaking hindi ko mawari kung bakit umiinit ang dugo ko tuwing binabanggit ang pangalan niya.”