Kabanata14

1237 Words
“I’M sorry, na-late ako.” “Akala ko nga’y hindi ka darating.” Nilingon siya ni Beau at sinilip ang mukha niya. “Maniniwala ka ba kapag sinabi kong nandito ako bago mag-alas nuebe? Parang nasasabik akong makita ka ulit,” nahihiyang pag-amin nito. Sumandal ito sa puno ng akasya. Ipokrita siya kung sasabihin niyang hindi siya apektado sa huling sinabi ni Beau. Ibang kiliti ang naidulot niyon sa kanya. At sa binatang ito lamang niya naramdaman iyon. Iniyuko ni Delilah ang kanyang ulo. “Nabanggit mo sa akin noon na may fiancée ka. Ganyan ka rin siguro sa kanya ‘no? Nasasabik kang makita siya kaya maaga kang darating sa tipanan n’yo?” Isang ngiti lamang ang itinugon ni Beau na nagpabilis ng t***k ng kanyang puso. Hindi nakaligtas sa kanyang paningin ang palihim nitong malalim na paghinga habang nakatingin sa ilang bahagi ng lupain ng asyenda. “Sandali lang,” biglang wika nito. “May kukunin lang ako sa kotse.” Bumuka ang bibig ng dalaga para itanong kung ano ang kukunin ng binata, ngunit mabilis itong tumalikod. Sinundan na lamang niya ito ng tingin habang naglalakad patungo sa sasakyan nito. Nakita niyang binuksan ni Beau ang pinto ng sasakyan at pumasok sa loob. Mula sa kinatatayuan ay nakita niyang naglabas ito ng dalawang basket sa sasakyan matapos isara ang pinto. “Ano ‘yan?” nagtatakang tanong ni Delilah nang lumapit ang binata sa kinatatayuan niya. “Pagkain natin.” “Pagkain?” “Yes. I want to eat lunch with you,” nakangiti nitong tugon. Ipinakita pa sa kanya ang laman ng dalawang basket. Tama ang sinabi ni Beau. Iba’t ibang prutas ang laman ng isang basket. Sa isang basket nama'y may dalawang maliit na kaldero. Pagbukas niya ay napangiti siya sa nakita. “Ako ang nagluto niyan,” tukoy ni Beau sa adobong manok at kanin. “Nagdala rin ako ng tinapay at palaman, meryenda natin mamaya.” “Good idea,” walang kimi niyang sabi. Tinulungan niya itong bitbitin ang basket. Sa sapa malapit sa puno ng akasya sila pumunta. Ito ang paboritong lugar ni Delilah na sakop ng kanilang asyenda. Napakatahimik at napakalinis ng paligid. Tanging ang malamyos na pag-awit ng mga ibon ang nakakagambala ngunit mas nagpapatingkad sa kapayapaan ng lugar na iyon. Napag-usapan nila ang naging trabaho niya sa America at ang trabaho ni Beau sa Manila. Ayon sa binata, nagbabakasyon lang ito sa lalawigan ng Maxvilla Masayahin. Ang napansin niya sa kausap ay ang palihis nitong tugon nang magtanong siya tungkol sa kasintahan nito. Parang iniiwasan nitong pag-usapan nila ang nobya ng lalaki. “Umuwi ka ba rito para pamahalaan ang negosyo ninyo?” tanong ni Beau habang naglalagay ng pagkain sa paper plate na hawak. “Hindi,” sagot ng dalaga. “Umuwi ako rito dahil sa nalalapit na kasal nina Ate Greta at Amir. Nandito ako para hadlangan ang kasal nila.” Hindi nakita ni Delilah kung paano nagdilim ang mukha ng binata sa kanyang mga binitiwang salita. “Bakit mo hahadlangan ang kanilang pagpapakasal?” muling tanong ni Beau habang inaabot sa kanya ang paper plate na puno ng pagkain. “Tatlong buwan pa lang ang relasyon nilang dalawa. Bago pa man lumalago, nagdesisyon na silang magpakasal kaagad. Heredera, ikakasal sa anak ng dating tauhan sa asyenda. Ano sa tingin mo ang hinahabol ng lalaking iyon sa kapatid ko, ha, Beau?” Inabot niya ang paper plate na iniabot ng binata kaya napatitig siya mukha nito. Habang nakatutok ang atensyon niya sa gwapong mukha ni Beau, nakita niya kung paano umigting ang panga ng lalaki na parang biglang nagalit. Hindi niya pinansin ang ekspresyon ng binata. “Ang gusto lang ng lalaking iyon ay kayamanan at may mga planong hindi maganda para sa aming yaman at salapi,” patuloy niya. “Bakit mo naman nasabing yaman at salapi lang ang habol ng lalaking iyon sa kapatid mo?” “Iyon naman talaga ang habol ng mga lalaki sa kanilang bibiktamahin, 'di ba? Kapag naging asawa ni Ate Greta si Amir, magiging miyembro na rin siya ng pamilya namin. Ipagkakatiwala ng kapatid ko ang negosyo ng pamilya namin sa lalaking iyon.” “Nakaharap mo na ba ang lalaking pakakasalan ng kapatid mo?” Hawak-hawak niya ang paper plate, hindi pa rin niya binabawasan ang pagkain. Umiling siya. “Hindi pa.” Isang buntong-hininga ang pinakawalan ni Beau. “Hindi mo pa nakikita ang lalaking magiging asawa ng kapatid mo, pero durog na ang kanyang pagkatao dahil sa maling paniniwala mo.” “Alangan naman hayaan ko na lang si Ate Greta sa plano niyang pakasalan ang lalaking iyon. Hindi ako sagabal kung hahayaan nilang magtagal pa ang relasyon nila para mas makilala ang isa’t isa bago magdesisyong magpakasal.” “Ano naman magagawa mo? Matanda na ang kapatid mo para malaman kung ano ang ginagawa niya.” Kumuha ang binata ng saging sa basket at ibinigay sa kanya. “Siguro mahal na mahal ng ate mo ang lalaking iyon.” “Hindi ko masabi, Beau. Pero malaki ang pinagbago ni Ate Greta. Nahuli ko siyang umiinom ng alak at naninigarilyo. Natuto siyang magkaroon ng bisyo simula nang maging nobyo niya si Amir.” “Mapipigilan mo ba siyang magpakasal?” Natigilan si Delilah. Ipinakita niya ang kanyang hindi pagsang-ayon sa pagpapakasal nito, ngunit hindi naman iyon binibigyan pansin ng kapatid. “Hindi naman siguro lahat ng lalaki ay ganoon, Delilah. Malay mo, hindi naman suwapang sa pera ang lalaking iyon,” kibit-balikat na turan ni Beau. “May napapansin ako sa iyo,” umiling-iling na sabi ni Delilah nang magtama ang mga mata nila ng kausap. “Sang-ayon ka pa yata sa pagpapakasal ng kapatid ko sa lalaking ‘yon?” Napatawa nang malakas si Beau sa sinabi ng dalaga. “Lalaki rin ako. Kabaro ko ang inaapi mo.” Sumimangot siya. “Hindi ka naniniwala sa sinasabi ko, lolokohin lang ng lalaking ‘yon ang kapatid ko?” “O, huwag kang magalit,” natatawang wika nito. “Ang kyut mo palang tignan kapag nakasimangot.” Inirapan niya ang binata. “Mas mabuting huwag na nating pag-usapan ang tungkol sa kanila.” Ngumiti ito, saka marahan siyang tinapik sa braso. “Magagalit ka kung magbibigay ako ng opinyon.” “Mabuti pa nga,” pagsang-ayon niya. “Masisira lang ang pamamasyal nating ito.” Sa kagustuhan ni Beau na ubusin nila ang baon na pagkain, halos hindi siya makatayo dahil sa sobrang kabusugan. “Matakaw ka kasi!” biro ng binata na nakatingin sa dalagang hindi makatayo. “Hindi ko kasi akalain na masarap kang magluto.” Tinanggap niya ang kamay ni Beau. Tinulungan siyang tumayo. Kahit ang pagsakay sa kabayo ay mahirap para sa kanya. Walang sabi-sabing binuhat siya ng binata at tinulungang sumakay sa kabayo. “Hihintayin ulit kita rito bukas, ha?” “Gaano katagal ang bakasyon mo?” “Dalawang buwan,” tugon nito sa kanya na namulsa. “At ikaw ang gusto kong makasama sa mga nalalabing araw ng bakasyon ko sa lugar na ito.” Nag-init ang magkabilang pisngi ni Delilah sa huling sinabi ni Beau. Hindi man siya humarap sa salamin, alam niyang namumula siya. Tumango siya bilang pagsang-ayon. At napagkasunduan nilang mamingwit sa sapa bukas. Matapos magpaalam sa isa't isa, mabilis na pinatakbo ni Delilah ang kabayo sa maalikabok na daan. Habang tumatakbo si Speedy ay hindi maalis ang ngiti sa labi ng dalaga.

Great novels start here

Download by scanning the QR code to get countless free stories and daily updated books

Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD