Villa De Luna.
Si Beau pa rin ang nasa isip ni Delilah habang umaakyat sa hagdan patungo sa ikalawang palapag ng bahay.
Nang kasama niya ang binata, hindi niya maiwasang maramdaman ang labis na saya na pumupuno sa kanyang puso. Hindi maalis ang mga ngiti sa kanyang labi habang kumikinang ang kanyang mga mata sa kaligayahan. Hindi niya maipaliwanag ang kanyang nararamdaman, ngunit alam niyang ito’y isang uri ng kasiyahang hindi pa niya naranasan. Ito ang kanyang unang pagkakataon na makaramdam ng kilig.
Pero bigla siyang nalungkot nang maalalang nakatali si Beau sa ibang babae–sa babaeng mahal nito. Hindi dapat magpatuloy ang kabaliwan ng kanyang puso.
Napahinto si Delilah sa harap ng pintuan ng library nang marinig niya ang boses ng kanyang Ate Greta sa loob ng silid na iyon. Hindi siya nag-abalang kumatok. Marahan niyang itinulak ang pinto.
Kasalukuyang may kausap ang kapatid sa telepono. Nakatalikod itong nakaupo sa chaise longue habang nakadikit sa tainga ang awditibo, kaya hindi napansin ang pagpasok niya.
"Ilang araw ko nang napapansin na parang iniiwasan mo ako, Amir,” malungkot na sabi ni Greta. “Dahil ba sa kapatid ko, dahil gusto niyang pigilan ang kasal natin?”
Natigilan siya nang marinig ang sinabi ng kapatid. Hindi niya inalis ang mga mata sa likod nito. Bukas ang kanyang pandinig, ayaw niyang makaligtaan ang anumang detalye sa pag-uusap ng dalawa.
“I’m sorry. Hindi ko lang maiwasang sumama ang loob. Mahal kita, pero mahal ko rin ang kapatid ko. Sa kanyang pananalita, hindi siya nagbibiro. Kilala ko siya. At kapag sinabi niya, talagang kanyang paninindigan.”
How she wished na marinig niya ang tugon ng lalaki sa kabilang linya.
“Sige. Kakausapin ko siya mamaya kapag nakabalik na siya sa villa.”
Narinig niya ang sinabi ng kapatid. Nagpaalam na rin ito sa kausap.
“Nandito na ako, Ate. Ngayon mo ako kausapin,” bigla niyang nasabi nang ibalik nito ang awditibo sa lalagyan. Nagulat ito nang makita siya.
“K-kanina ka pa ba, Delilah?” Sunod-sunod na napalunok si Greta.
Tumango siya bilang tugon. Humakbang siya palapit sa kinauupuan nito.
“Narinig ko lahat ng sinabi mo sa nobyo mong gold-digger,” sarkastikong sabi niya.
Napailing si Greta sa tinuran ng nakababatang kapatid.
“Now, ano’ng pag-uusapan natin?”
“Mahal mo ba ako?”
“Loving you was never the question. Ano bang klaseng tanong ‘yan, Ate Greta?” Pagak siyang natawa.
Tumayo ito at sinalubong ang kanyang mga mata. “Kung mahal mo ako bilang kapatid, huwag mong ipagkait sa akin ang kaligayahan.”
“Hindi mo mararanasan ang kaligayahan kasama ang lalaking iyon kapag natuloy ang iyong kasal. Humahadlang ako dahil ginigising ko lamang ang natutulog mong isipan. Hindi ka mahal ni Amir, Ate. Maniwala ka sa akin. Pera lang ang gusto ng lalaking iyon sa iyo.”
Napakagat-labi si Greta.
“Delilah, nasasaktan ako sa mga salitang lumalabas sa bibig mo. Tila matalas na patalim, na humihiwa sa aking puso.”
“Wala akong magagawa,” mariing sabi niya. “Sa totoo lang, wala akong balak na dumalo sa seremonya ng kasal mo. Kung balak mo pa ring pakasalan ang lalaking iyon, humanap ka ng papalit sa akin bilang maid of honor.”
Tinalikuran ni Delilah ang kapatid. Akmang hahawakan na niya ang seradura nang magsalita ito.
“Kapag hindi ka dumalo sa araw ng kasal ko, mapipilitan akong kausapin si Atty. Vargas.”
Mabilis siyang lumingon. Pakiramdam niya ay may kahulugan ang sinabi nito. Parang may gustong iparating sa kanya.
“Ang kasal ay isang mahalagang okasyon sa buhay ng isang tao. Ito’y hindi lamang isang simpleng seremonya kundi isang malaking hakbang sa buhay ng mag-asawa. Ikaw na lang ang pamilyang mayroon ako, Veronica. Gusto kong naroon ka para masaksihan ang pinakamasayang araw ng buhay ko. Pero dahil sa pagmamatigas mo, mas mabuting ibenta na natin ang buong Hacienda De Luna,” malungkot na patuloy nito.
Napamaang si Veronica. Hindi siya makapaniwala sa narinig. Siguro, kapag sinabihan siya ng kanyang kapatid na huwag tumuntong sa asyenda, maniniwala pa siya. Pero para ibenta ang buong Hacienda De Luna…
“Magsalita ka. Sobra naman yata ang pagkabigla mo,” sa nang-uuyam na boses.
“Hindi lang ako makapaniwala!” Mataas ang boses ni Veronica, nanginginig sa sama ng loob. “Gusto mong ibenta ang mga kabuhayang iniwan ng ating mga magulang. Balewala pala sa iyo ang lahat ng hirap na ibinuhos mo sa buong hasyenda. ‘Yan ba ang pinag-usapan n’yo ni Amir? Sa kanya ba nanggaling ang ideyang ‘yon, ha, Ate Greta?!”
“Wala siyang kinalaman sa desisyon ko. Iyon lang ang nakikita kong paraan para mapatunayan sa iyo na mali ang pagkakakilala mo kay Amir. Na ang mga paghuhusga mo tungkol sa kanyang pagkatao ay hindi totoo.”