CHAPTER 1
Mae's Pov -
Mula sa tuktok ng bundok ay tanaw ko ang kulay berdeng kapaligiran. Sa bawat gilid ng aking kinaroroonan ay may dalawang bundok din na kasing taas ng aking kinatatayuan. May mga nagtataasang puno roon katulad ng santol, sampalok at niyog. Sa harap ko naman ay makita ang shoreline ng buong isla. Sa ibaba ko ay ang bagong tanim na mga mais na sa aking palagay ay hanggang tuhod ko ang taas.
Naipikit ko ang aking mga mata nang umihip ang preskong hangin at tinangay ang ilang hibla ng aking buhok na nakawala mula sa pagkatali. Isinandal ko ang aking likod sa malapad at malaking puno ng mangga habang naririnig ko ang huni ng mga ibon na nakakubli sa mayabong nitong mga dahon.
Umupo ako sa malaking ugat na nakausli sa lupa.
Kung dati ay ibinuhos ko ang lahat ng oras sa trabaho, iba na ngayon. Tila takot nga akong bumalik doon at araw-araw na mabungaran ang mabangis na mukha ng aming bagong amo. Hindi ako sanay sa kabilang parte ng pagkatao niya. Pakiramdam ko ay binabagabag ako ng aking konsensiya sa tuwing nakahaharap siya. Ang uri nang tingin na ipinupukol niya sa akin, ang mga masasakit na salita na natatanggap ko sa kan'ya halos buong araw, ang panggigipit at pamamahiya niya sa akin sa harap ng karamihan ay sakto na para isipin kong sumuko at mag-resign. Pero sa tagal ng panahong iginugol ko upang buuin ang sariling pangalan gamit ang pawis at determinasyon ay hindi ko iyon maisakatutuparan. Pinaghirapan ko ang kung ano man ang katayuan ko ngayon kaya hindi ko hahayaang matinag sa tigas at lamig nang pakikitungo niya sa akin. Buo na ang desisyon kong ipaglaban ang sarili hangga't nasa linya ako ng tama.
Kaya ako nag-file ng 1 week leave ay upang i-relax ang isip at puso mula sa stress na bigay ng mapaglarong tadhana. Umuwi ako rito sa Cebu dahil ito lang ang alam kong lugar na makapagbibigay sa akin nang buong katiwasayan ng loob.
"Halika na, iha, mananghalian na tayo," tawag ng lolo ko sa akin mula sa kubo.
Sumama ako sa kanila rito dahil batid kong napakaganda ng puwesto ng pag-a-ari nitong lupain sa bundok. Araw-araw rin daw kasi silang umaakyat dito upang bisitahin ang mga pananim.
"Opo, 'lo," balik kong tugon.
Tumayo ako at nagpagpag sa puwetan. Kahapon ng hapon lang ako dumating dito sa probinsya. Taga rito ang aking mama Era. Sina Lolo Berto at Lola Saling - ang kanyang mga magulang. Magti-third year high school ako noon nang napagpasyahan kong dito mag-aral. Subalit nang maka-graduate na ako ng high school ay tuwing summer na lang ako nakakabisita rito sa probinsya.
"Wow! Ang sarap naman niyan," kumento ko sa nakahain sa hapag.
Agad akong umupo. Sa harap ko ay ang ginataang langka, alimango at hipon. Katabi nito ang malaking papaya at hiniwang mga pinya.
"Huli ni Pareng Diryong ang mga alimango at hipong iyan. Binili ko kaninang umaga upang baunin natin dito." si Lola na nagsandok ng kanin.
"Buti at nakakapunta pa rin kayo rito sa bukid, 'la?" ani ko. Pareho na kasi silang animnapu't tatlong taong gulang.
"Alam mo naman, Mae, na ang mga matatanda rito sa probinsya ay nagbubukid pa rin kahit pa umabot ng setenta anyos o hangga't kaya pa ng tuhod," saad ni Lolo na nagsimula nang kumain.
"Oo nga po, ano? Kita ko nga po si Nana Celya kanina na paakyat din ng bundok. Hindi po ba, 'lo, malapit nang mag-otsenta 'yon?" tanong ko. Nakakabilib lang kasi dahil malalakas pa rin ang mga matanda kapag nasa probinsya.
"Ay, oo naman. Kapag sanay ang katawan mo sa gawaing bukid ay hindi talaga alintana ang edad lalo na kung wala kang dinaramdam na sakit gaya ng high blood o ibang seryosong sakit na dahilan nang pagkaratay sa banig. Ibang-iba rito kumpara sa siyudad, iha. Dito, kaya pa rin ang mga matatanda ay gawa na rin 'yan nang mga preskong kinakain namin na sinabayan nang ehersisyo gaya nitong pagbubukid," muli ay saad ni lolo.
Tumango ako. Tama nga naman. Sa syudad kasi lalo na 'yung sanay sa fast food chains at restaurants ay roon na nakadepende ang kinakain maliban na lang sa mga namamalengke pa rin upang makabili ng isda at gulay.
"Bakit ka nga pala umuwi, iha? Hindi pa naman bakasyon, ah?" tanong ni lola sa akin.
Muntikan na akong mabilaukan sa tanong niya. Mabilis akong kumapa nang isasagot.
"Ano po kasi, 'la. Nakaka-stress na sa trabaho. Na-miss ko nang mag-relax dito 'tsaka nami-miss ko na rin po kayo. Hindi naman kasi ako kagaya ng isa pa ninyong apo na si Zach, uuwi lang kung gustuhin niya." Nakabusangot kong sagot kay lola.
"Hayaan mo na iyong pinsan mong iyon. Buweno, nabanggit mo na rin lang si Zach. Kumusta naman na ang batang iyon? Aba'y matagal na ring hindi napadpad ang batang iyon dito." si Lolo na lumingon sa akin at hinintay ang sagot ko.
Kumuha ako ng hipon at tinanggalan ng balat saka kinagat.
"Ayon busy sa pagpapayaman," sagot ko at nagkibit-balikat.
"Ikaw, bakit hindi ka na lang tumulong sa kompanya ng ama mo? Nag-iisang anak ka lang, iha, kailangan mo ring aralin ang pasikot-sikot sa negosyo ng mga magulang mo," sabi naman ni lola sa akin.
"Saka na po, 'la. Mas maganda pa rin po na may natutunan ako sa pamamagitan ng sarili kong sikap sa iba't ibang kompanya. Ayaw ko rin po kasing nakadepende na lang lahat sa mga magulang ko. Atleast lahat nang naaabot ko ay galing sa sariling pawis. Kapag handa na akong humalili kay papa ay darating rin naman ako sa puntong iyan," paliwanag ko sa kanila.
Kita ko ang pagngiti nang matamis ng mga matanda.
"Kahit kailan talaga, apo, ay hindi mo kami binigo. Bilib talaga kami sa uri ng pagpapalaki ng mama at papa mo. Hindi ka lumaking suwail. Sa halip ay napakaresponsable mong bata idagdag pa ang kabaitan at kagandahan," saad ni lola.
Niyakap ko naman agad ito.
"Aba'y mayroon pa! Matalino na, marami pang talento," proud na sabi rin ni Lolo.
Mas lalo akong ngumisi. Ang suwerte ko talaga dahil hindi lang supportive ang lolo at lola ko, pati ang babait din.
Pagkatapos naming kumain ay tumulong ako sa kanila. Naglagay kami ng fertilizers sa tanim na mais. Kahit papaano ay nawaksi sa isipan ko ang madilim na mukha ng aking amo. Naging panatag ang isipan ko buong araw. Malapit nang dumilim nang umuwi kami sa baryo. Bukas ay babalik na naman daw sila kaya naisipan kong sumama ulit. Na-miss ko tuloy ang mga kaibigan ko. Nasisilayan ko lang kasi sila sa tuwing nagbabakasyon ako rito subalit hindi ngayon dahil pareho na kaming lahat na busy sa kanya-kanyang trabaho maliban na lang kung summer dahil fiesta at uuwi talaga kaming lahat sa okasyong iyon.
"Hay, sana pagbalik ko ng Maynila ay magaan na ang awra ng kompanya. Sana magandang balita ang bubungad sa akin. At sana, magbago na ang pakikitungo sa akin ni Jacob," Mahinang bulong ko.