Chapter 11: The pain
IPINATAWAG ako ni mama noong oras ng hapunan. Kaya naman mabilis kong pinalitan ang diaper ng baby ko. Lumabas ako na buhat-buhat siya.
Pagdating namin doon ay naghihintay na sila sa mesa. Kumunot pa ang noo ng aking ina nang makita niya si Astrid.
Nakangiting umupo ako sa tabi ni kuya. Pinaupo ko na sa lap ko ang anak ko. Inilapag ko sa mesa ang tupperware at agad na pumalakpak siya. Kabisado na talaga niya kung ano ang laman no’n. Sa isang kamay lang ay nabuksan ko ang takip na pinaglalagyan ko ng baby bread niya.
Nang ibigay ko iyon sa kaniya ay napabungisngis siya at agad niyang isubo iyon sa munti niyang bibig.
“Manang, alagaan mo muna ang apo ko.” Agad akong umiling. Lumapit na sa akin si Manang Abel para sana kunin si baby.
“Okay lang po, ’ma. Ako na lang po,” pagtanggi ko. Mas lalong kumunot ang noo niya.
Maliban sa doctor ni Astrid at sa pamilya ko ay wala pa talaga akong hinahayaan na may bumuhat sa kaniya. Hindi dahil wala akong tiwala. Kasi inaalagaan ko lang naman ang kalagayan niya.
“Ganito ka ba lagi sa tuwing kumakain ka, Leighton? Palaging nasa bisig mo ang anak mo?” malamig niyang tanong. Humigpit ang hawak ko sa aking anak. Naramdaman ko pa ang pag-angat ng ulo nito.
“Mahal,” sambit ni papa, na parang pinipigilan niya si mama. Ang kuya ko naman ay tahimik lang.
“Sa tingin mo ay maganda iyang ginagawa mo? Paano maaalagaan ng ibang tao ang anak mo kung hindi mo siya sinasanay? Leighton.”
“Hindi naman po ganito madalas, mama. May baby chair po siya, pero hindi ko pa po naaayos iyon. At hindi naman po nangingilala ang anak ko, e. Nag-aalala lang po ako sa kondisyon niya, ’ma. Kaya hayaan ninyo na po ako,” mahinahon na paliwanag ko. Narinig ko ang pagbuntong-hininga niya.
“Akin na.” Napatingin ako sa kaniya.
“Po?”
“Akin na ang apo ko.” Nakaramdam ako ng kaba sa mga oras na iyon. Mama ko naman siya at may tiwala ako, pero ewan ko kung bakit nakararamdam ako ng takot ngayon.
“Mama,” tawag naman sa kaniya ni Kuya Rexus. “Pabayaan ninyo na po si Leighton, ’ma. Kumain na lang po tayo.” Alam kong nagpipigil na naman ng emosyon niya ang nakatatanda kong kapatid.
“Wala akong masamang balak sa apo ko. Sa tingin ninyo ba ay kaya kong saktan ang isang batang wala pang kamuwang-muwang sa mundo?” Mas sumeryoso ang boses niya, kaya napalunok na ako. Sinilip ko pa ang mukha ng anak ko.
She looks innocent at wala pa nga siyang kamalay-malay. Nagpatuloy siya sa pagkain at nilalaro niya sa kaliwang kamay niya ang laruan.
Hinalikan ko siya sa ibabaw ng ulo niya at saka ako tumayo. Kahit mabigat sa loob ko ay ibinigay ko siya sa lola niya. Napatingin pa siya sa akin. Siguro nagtataka siya kung bakit ko siya hinahayaan na ibigay sa kaniyang lola.
Nagsimula ng namula ang kilay niya at iiyak na rin sana nang hinaplos ni mama ang pisngi niya. Napatingin siya roon at nang sinimulan siyang aluhin ay umaliwalas ulit ang mukha niya.
Bumalik na ako sa upuan ko at pinagmamasdan ko na lang siya. Halos maiyak ako nang makita kong ingat na ingat ang lola niya sa kaniya.
May naglagay na ulam sa plato ko, galing iyon kay kuya. “Kumain ka na.” Tumango lang ako. Tumikhim pa ako. Pakiramdam ko ay may bumara sa lalamunan ko.
Kaya habang kumakain kami ay tahimik lang si baby Astrid. Napabungisngis lang siya sa tuwing magtatama ang paningin namin.
Alam niya talaga kung kailan siya magbe-behave. Pero kapag nilalaro mo siya ay makikita mong masaya talaga siya.
Kahit noong tapos na kami sa pagkain ay na kay mama pa rin siya. Nakuha ko lang siya noong napansin na nila na parang inaantok na rin siya.
***
“Happy ka, anak? Happy ka dahil nakipaglaro sa ’yo si lola, hmm?” malambing na tanong ko sa kaniya. Nakahiga na kami sa kama at pinapadede ko na rin siya. Hinahaplos ko ang buhok niya at ilang beses ko na ring hinalikan ang sentido niya.
Noong una ay nakatitig lang siya sa akin, pero kapag kinakausap ko siya ay ngumingiti lang siya sa akin.
Dito, payapa na ang isip ko. Focus na focus na ako sa anak ko. Kaya hinding-hindi ako magsisisi na umalis kami sa pader ng daddy niya. Kami na lang ni Astrid, kaya naman naming mabuhay na kaming dalawa lang.
Nauna siyang natulog at sa gabi ay katabi ko talaga siya palagi. Sinigurado ko naman na hindi ko siya madadaganan.
Nang magising ako kinakabukasan ay wala na siya sa tabi ko. Akala ko ay nailagay ko siya sa crib pero wala siya roon.
Agad akong binalot ng kaba at ang lakas pa ng kabog sa dibdib ko. Nagmamadali akong lumabas ng kuwarto ko. May tumutulo ng luha sa pisngi ko at tinatawag ang pangalan ng baby ko.
“Astrid... Baby...”
Nakababa na ako sa sala, ngunit wala siya roon. Nanginginig na ang katawan ko sa kaba, hanggang sa may humila sa kamay ko.
“Calm down. Walang nangyaring masama sa anak mo.” Boses iyon ni kuya ay hinila niya nga ako palabas.
Itinuro niya sa akin ang garden. Nandoon sina mama at papa. Si mama ay buhat-buhat niya ang apo niya.
Bahagya akong kumalma. “Astrid.”
Hindi ako sanay na unang nagigising kaysa sa aking anak. Natural na mabibigla ako at matatakot kapag hindi ko siya nakita sa tabi ko.
“Pinapaarawan lang siya ni mama. Hindi mo yata siya pinapasyal sa labas, e.” Nasa loob lang kasi kami ng condo ni Leandro. Lumalabas naman kami sa veranda, ngunit hindi madalas.
Ayokong mahawaan ng panibagong sakit si Astrid. Hinagod ni kuya ang likod ko at naglakad kami patungo roon.
Napangiti agad si papa nang makita kami. “Good morning, anak,” bati niya. Napangiti na rin sa ’kin si mama. May pagtataka na naman sa mukha.
“Good morning po, papa.” Nagmano ako sa aking ama at kay mama rin. Agad na itinaas ni Astrid ang kanang braso niya. Gusto niyang magpabuhat sa akin.
Walang salita na ibinigay naman siya ng lola niya. Doon lang ako mas kumalma. Hinawakan niya ang pisngi ko at humilig din sa dibdib ko. I kissed her forehead.
Ganito ako ka-attach sa anak ko at natatakot kapag nawawala siya sa tingin ko.
Sa unang linggo namin sa bahay ay naging maayos naman sa akin ang lahat. Tanggap naman ni mama ang apo niya. Medyo kampante na rin ako kapag nasa kaniya si Astrid. Pero hindi pa rin sanay na kinukuha siya sa umaga para paarawin.
Hanggang sa isang araw ay inutusan niya akong makipagkita sa inaanak niya. Nangako naman ako na lahat ng inuutos niya ay susundin ko. Magiging masunurin na ako ngayon sa kaniya.
“Hindi ko po ba puwedeng isama ang anak ko, mama?” tanong ko sa kaniya. Ang atensyon ko ay nasa bassinet. Natutulog doon ang baby ko.
“Hindi pa niya alam na may anak ka. Sabihin mo muna sa kaniya,” sagot niya. Nakuha ko naman agad kung bakit gusto niya akong makipagkita sa inaanak niya.
“Puwede ko naman pong ipakita sa kaniya si Astrid, ’ma.”
“Oh sige. Pero paano kung hindi niya matatanggap ang anak mo? Payag ka ba na iwan mo rito sa amin ang anak mo at sumama ka sa kaniya?” Agad akong tumayo at lumuhod sa harapan niya.
“M-Mama, you can’t do that. Hindi ninyo po puwedeng ilayo sa akin ang anak ko... ’Ma, ayaw ko po... Huwag ninyo naman pong gawin ito sa akin. Nangako na po ako, mama... Nangako ako sa inyo na susundin ko ang lahat ng inuutos ninyo. Pero huwag lang po... Huwag ninyo lang pong ilayo sa akin si Astrid,” umiiyak na pagmamakaawa ko. Akala ko ay okay na, na ayos na ang lahat. Pero bakit may ganito?
“Gagawin namin ang lahat, Leighton. Maipagamot namin ang anak mo. Hindi ba ito naman ang gusto mo? Ang gumaling ang apo namin?” Sunod-sunod ang pag-iling ko at halos halikan ko na ang sahig sa pagmamakaawa.
“Ikamamatay ko, mama... I-Ikamamatay ko po kapag inilayo ninyo sa akin ang anak ko. Sa kaniya na lang po ako kumukuha ng lakas. Nakadepende na po kay Astrid ang buhay ko. Kung gagawin ninyo po iyon...patayin ninyo na lang po ako, ’ma...” Napahawak ako sa dibdib, nang maramdaman ko ang pagkirot nito.
Parang kakapusin ako ng hininga at naghalo-halo ang emosyon ko. Hanggang sa marinig ko ang boses ng ako ko. Umiiyak din siya.
“Hindi ko gusto ’yang inaasta mong iyan, Leighton. Magpapakonsulta ka sa doctor. Sige na. Isama mo ang apo ko. Pasuotin mo siya ng facemask, para maiwasan ang iniiwasan mo,” mahinahon na sabi niya. Nang umalis na siya sa sofa ay lumapit ako sa anak ko.
Binuhat ko siya at inalo. “Nandito lang si mommy, anak. Nandito si mommy. Hush now, Astrid.” Ilang beses ko pang hinalikan ang pisngi niya. Tumahan naman siya at bumalik sa pagtulog. Pinalis ko na ang mga luha ko sa pisngi.
Hindi ko hahayaan. Hinding-hindi ko hahayaan na ilayo siya ni mama. Akin lang ang anak ko.