Chapter 12: Noah Ferrer
HINATID kami ni Kuya Jarel sa isang restaurant, family driver namin siya. Pinayagan na nga ako ni mama na isama sa akin ang anak ko.
Sinunod ko ang sinabi niya kanina. Nakasuot na ng pink na facemask si Astrid. Binihisan ko rin siya ng komportableng damit. Iyong tipong hindi rin siya maiinitan. Akala ko noong una ay mahihirapan siyang makahinga, pero kalaunan ay parang nasanay agad.
Tinulungan pa niya ako na ilagay sa stroller nito ang cute na bata. “Salamat po. Tatawag na lang po ako kapag uuwi na kami, Kuya Jarel.”
“Sige po, Ma’am Leighton.”
“Ingat po kayo.” Tumango lang siya at mabilis na sumakay sa kotse.
Pinagbuksan naman kami ng pinto ng security guard. Nagpasalamat din ako sa kaniya bago kami pumasok sa loob. Kilala ko naman ang inaanak ni mama, kuya rin. Siya si Noah Ferrer. Mayaman din ang pamilya no’n at ang alam ko ay siya na ang namamahala sa family business nila.
High school pa lang kami ni Kuya Rexus ay kilala na namin siya. Ang kapatid ko ay mas ayaw sa kaniya. Iyong ugali niya kasi ang problema.
Nauna siguro kami. Maghahanap na sana ako ng bakanteng mesa nang may tumawag sa akin.
Nagtama ang paningin namin ni Noah. Guwapo naman siya, matangkad at may magandang katawan. Ang ayaw ko lang sa kaniya ay ang ugali niya at kung paano siya makatitig sa akin.
Napabuntong-hininga ako at tinulak ko nang marahan ang stroller. “Hi,” I greeted him nang makalapit na ako sa kaniya. Tumayo siya at humakbang palapit sa akin. Namanhid ang batok ko nang halikan niya ang pisngi ko. Inabot pa niya ang bulaklak. “Thank you, Noah.”
“Long time no see, Leighton.” Pinaghugot niya ako ng upuan. Tipid akong ngumiti. Kinuha ko na muna si Astrid at napatingin siya sa aking anak.
“Anak ko pala, Noah. In case na hindi mo alam,” sabi ko. Matiim niyang tiningnan ito. Abala si Astrid sa nilalaro niya, may pacifier pa siya sa bibig kahit naka-facemask.
“I know. Sinabi na sa akin ng mama mo, and I don’t mind. Maupo ka na, Leighton,” sabi niya. Akala ko ay babaliwalain na rin niya ang anak ko. Pero maingat niyang inabot ang munti nitong kamay, dahilan napatingin ito sa kaniya. “Hi, I’m Noah Ferrer. You can call me uncle for now.”
Hindi kumibo si Astrid, humigpit lang ang hawak sa isa niyang daliri. Parang doon lang ay natanggap na siya ng bata.
“Umupo na lang tayo,” pag-aaya ko. Ngumiti lang siya at may sinenyasan agad na waiter. Nagbigay agad ito ng menu sa amin. “Puwede bang ikaw na lang ang um-order ng akin, Noah?” I asked him. He nodded for respond.
“Sa ’yo ba uhm... nagbi-breastfeed ang anak mo?” Ako naman ang tumango. Nahiya pa siyang magtanong. “It’s okay kung puro vegetable na lang ang i-order ko?”
“Ayos lang. Kumakain naman ako no’n, e,” nakangiting sabi ko.
Matapos kunin ng waiter ang order niya ay umalis na rin ito. Nasa amin na naman ang atensyon niya.
“How old is she, Leighton?”
“6 months pa lang siya. She’s Astrid,” sabi ko.
“I heard na may sakit siya. She needs medication, right?”
“Sinabi na ba sa iyo ni mama?”
“Yes, ang tungkol lang naman sa anak mo. You know what, Leighton? Wala namang kaso sa akin kung may anak ka na. Before that, aware ka naman siguro kung bakit nandito tayo, ’di ba?” tanong niya, bago pa man siya magtungo sa totoong dahilan kung bakit nandito kami. “I know you can’t say no to your mom, Leighton, and you know I’ve liked you ever since we were kids. So maybe now’s the right time for us to finally become a family. Puwede naman akong tumayong ama ng anak mo. Kailangan ko rin ng asawa ngayon, dahil masyado na akong kinukulit ni lola. Ayokong sumama pa ang loob niya.”
“Wala kang magiging problema sa akin, Noah. Ang gusto ko lang sa ngayon ay maipagamot ko ang anak ko,” sincere na wika ko. Iyon lang ang mahalaga sa akin. Kahit na marriage for inconvenience pa ang mangyayari sa amin. Na parehong may kailangan sa isa’t isa kaya kami magpapakasal.
Ngunit kung para sa pangalawang pagkakataon na umibig? Iyon na ang pinakahuling gagawin ko. Dahil wala na akong balak pang magmahal sa ibang lalaki. Kahit magiging asawa ko pa siya.
“I can do that. I’ll help you, Leighton.” I just smiled at him.
Hindi pa nasi-serve ang pagkain namin nang mahagip ng paningin ko ang lalaking nakaupo hindi kalayuan ang puwesto nila. Kung wala lang umalis na nasa gitna namin ay baka hindi ko siya makikita. Siguro kanina pa siya nandito.
Iiwas ko na sana ang tingin ko, dahil ayokong makita niya rin ako rito. Ngunit curious ako kung sino ang kasama niya at gusto ko ring malaman kung ano na ang nangyari sa kaniya pagkatapos naming umalis ni Astrid sa poder niya.
Pero mukhang maayos naman siya. Dalawang lalaki ang kasama niya at hindi iyong bago niyang girlfriend.
Bago pa nga lang ako makaiwas ay nagtama na ang mga mata namin. Nabigla siya noong una nang makita ako. Bumaba pa ang tingin niya, particular na sa anak namin at nalipat iyon sa lalaking kasama ko. Kitang-kita ko kung paano nagsalubong ang kilay niya.
Ibinalik ko na lang ang atensyon ko sa kasama ko ngayon. Nahuli ko pa itong nakatitig sa mukha ko. Ang weird niya talaga.
“Bakit? May dumi ba sa pisngi ko, Noah?” I asked him.
“Motherhood suits you, Leighton. You’re still stunning. Can I see your baby’s face? I bet she’s got your beauty.”
“Nambola ka pa.” Sinisikap ko na lang talaga na maging kalmado, kahit parang sasabog ang dibdib ko sa lakas nang kabog nito.
Ibinaba ko ang facemask ni Astrid, napangiti pa ako. Dahil agad niyang tinanggal ang pacifier niya sa bibig.
“How come na nakahinga pa siya ng maayos? Tama nga ako, maganda rin siya. Puwede ko rin ba siyang hawakan?” pakiusap pa niya. Parang seryoso siya sa sinabi niya kanina na handa siyang tumayong maging ama ng anak ko.
“Puwede rin naman,” aniko. I caressed her cheek, and kissed her forehead.
Tumayo siya at naglakad sa puwesto namin. Inilahad niya agad ang mga kamay niya at napatitig pa sa kaniya si Astrid. Ganito talaga siya kapag may nagtangkang kumuha sa kaniya.
Tumingin ito sa akin, kaya nginitian ko siya. Dahan-dahan na niyang iniangat ang matatambok niyang mga braso. Parang nanghihingi lang siya ng permiso sa akin, kung magpapakuha na rin ba siya rito.
“Get well soon, baby girl,” sabi niya. Parang humahaplos na malambot na bagay sa dibdib ko, lalo na nang hinalikan niya ang noo nito. Nag-ingay ang baby. “She’s beautiful.”
“Oo naman,” aniko.
Sandali kong nakalimutan ang daddy ni Astrid. Kumakain kami habang nasa kandungan niya ito. Napapatingin sa paligid ang anak ko.
Kung nakakapagsalita lang siya ay baka nag-usisa na siya. Baka nga curious na bata rin siya. Sa ngayon kasi ay wala pang salita ang kaya niyang bigkasin. Maliban sa baby sounds niya.
After that ay nag-aya na si Noah na umuwi. Nagboluntaryo siya na ihatid kami, subalit ako na ang tumanggi. Nag-text na ako kay Kuya Jael, na magpapasundo na kami.
“Leighton, I insist. Ihahatid ko na kayo,” giit niya. Umiling ako.
“Okay lang naman, Noah. Nagpasundo na ako sa family driver namin, e,” sabi ko at bumuntong-hininga na siya.
“Leighton.” Tinapik ko ang balikat niya.
“Sige na. May next time pa naman, e.”
“Fine. Basta next time, huwag mo na akong tatanggihan.”
“Sige. Mauna ka na,” pagtataboy ko sa kaniya. Napatingin siya sa relo niyang pambisig.
“See you later then,” paalam niya at kumaway lang siya sa amin. Hinintay ko na lang sa waiting area si Kuya Jael.
Ngunit bago pa kami makapunta roon ay may tumawag naman sa pangalan ko.
Nang lumingon ako ay bumilis ang t***k ng puso ko. Hindi ko inaasahan na si Leandro pala ang tatawag sa akin.
He stepped towards me. Ewan ko kung ano ang nakain niya ngayon, kung bakit...
“Babe, sabi ko na nga ba ikaw iyan!” Tumalikod na ako. Hindi ko naman kailangang harapin pa siya. Dahil tapos naman na kami.
May bago na silang girlfriend at ako mismo ang nagdesisyon na putulin na rin ng tuluyan ang relasyon namin.
“Leighton...” I ignore that at ’saktong pumarada sa gilid ng kalsada ang sasakyan namin. Hinila ko ang stroller at tinungo ang kotse. Pinagbuksan agad kami ng pinto ni Kuya Jael.
Siya na rin ang nagpapasok ng stroller. Nang nakasakay na kami ay hindi na ako nag-abalang pang tumingin sa labas. Nang magbaba ako ng tingin ay ang atensyon naman ng baby ko ay nasa labas ng bintana.
“Uuwi na tayo, anak. Pagdating natin sa bahay ay matutulog ka, okay po?” malambing na sabi ko. Nakuha ko na ulit ang atensyon niya. Nginingitian na niya ako. “Love na love ka ni mommy.”
Mayamaya lang ay umaandar na ang sasakyan namin. Nakipagkulitan pa rin ako sa anak ko.