Chapter 10: Muling pagtanggap
“THANK you po sa paghatid sa amin, Ninong Mark,” aniko na sinadya ko ulit liitan ang boses ko. Napahalakhak na naman siya at maingat niyang hinawakan ang ulo ni Astrid.
“Hindi na ako papasok sa loob. Ayokong makita ang mama mo. Baka kung may sasabihin sa iyo na hindi maganda ay hindi ako makapagtimpi,” sambit niya.
“Sus, hindi ka naman palasagot sa mama ko, e. Sige na. Uwi ka na rin. Hahanapin ka pa ng mag-ina mo. Salamat ulit, Mark.”
“No probs, Leighton. Just call me to update.”
“Okay.”
Naibaba na rin namin ang mga gamit at isa-isa nang naipasok sa loob ng bahay namin. Hinalikan pa niya sa noo si baby Astrid bago siya tuluyang umalis.
Huminga ako nang malalim at napatitig saglit sa bahay namin. Grabe, isa’t kalahating taon din ako na hindi nakapunta rito. Aminado akong na-miss ko ito.
Hindi nga kasi naging maganda ang relasyon namin ni mama, sa tuwing nag-aaya si papa na kumain kami sa labas ay hindi naman siya sumasama. Ganoon din naman ang ginagawa ko.
Ngayon ay nakahanda na rin naman talaga akong harapin siya. Hindi na bale kung pagtawanan pa ako ng sarili kong ina. Tatanggapin naman niya siguro ako. Anak pa rin niya ako, hindi niya ako magagawang tiisin.
Totoo naman talaga ang kasabihan na hindi kayang tiisin ng isang ina ang kaniyang mga anak. Kung ano man ang naging kasalanan nito noon ay kaya niyang tanggapin at mapapayawad pa rin niya ito.
“Pasok na tayo, anak ha? Hindi iyan magagalit sa atin si mama,” aniko. Gising na siya pagkarating pa lang namin sa bahay. Na para bang pati siya ay handang-handa na rin.
Nakasandal lang siya sa dibdib ko, nararamdaman ko ang mabagal niyang paghinga. Masuyo kong hinalikan ang tuktok ng ulo niya.
Dahan-dahan na akong naglalakad at ang bigat sa dibdib nang makita ang bahay na dati kong iniwan. Wala pa ring pinagbago ang bahay namin. Na-miss ko ito, ah.
Nadatnan namin si mama sa sala. Bumilis ang pintig ng puso ko. Nang mapansin niya kami ay agad siyang tumayo. Lumapit sa kinaroroonan namin. Nakakrus pa ang mga braso niya at wala akong nakikitang emosyon sa mukha niya. Maski ang mga mata niya ay malamig. Iyong maleta namin ni Astrid ay nasa tabi na namin.
“Hindi na ako magtatanong pa kung bakit ka nandito at kasama mo pa ang anak mo. Ano, Leighton? Hindi ka pa rin nakatiis, ’no? Bumalik ka pa rin dito sa bahay natin. Hula ko na hindi maganda ang trato sa iyo ng pinagmamalaki mong lalaki noon na mahal na mahal ka. Pero nasaan siya ngayon? Iniwan niya ba kayo o pinalayas?”
Nakayuko ako at nagsimula nang sumikip ang dibdib ko. “Ma…” Parang may bumara na agad sa lalamunan ko. Huminga ako nang malalim. “Alam kong wala akong karapatan. Alam kong lahat ng galit mo, lahat ng sakit… ay ng dahil iyon sa akin. Nagkamali ako. Lahat ng pinili ko… mali. Pero heto ako ngayon, nagmamakaawa. Gusto ko lang po na tanggapin mo ulit ako, mama. Kung ano man ang ipag-uutos mo, gagawin ko. Kahit ano, mama. Mapatawad ninyo lang po ako. Wala akong ibang pupuntahan. Kayo lang po ang naisip ko.”
To be honest ay kaya ko naman talagang buhayin ang anak ko. Ngunit dahil sa kaniyang kalagayan ay mas kailangan kong babaan ang pride ko upang muli akong tanggapin ni mama.
Kailangan ko ang pamilya ko para mapaigamot sa ibang bansa si baby Astrid. Alam kong malaking kahihiyan ang ginawa ko noon. Subalit wala na akong pakialam kahit pagtawanan pa ako ng sarili kong ina. Sila lang ang makatutulong sa amin ng anak ko. Kaya handa kong itaya ang lahat. Alang-alang kay Astrid.
“Ngayon mo lang naisip ’yan? No’ng pinili mong talikuran ang lahat para sa lalaking ’yon, nasaan ang utak mo noon, Leighton?” malamig niyang taong.
“A-Akala ko po ay iyon ang nararapat, ’ma. Patawarin ninyo na po ako at hayaan na tanggapin ulit,” pagmamakaawa ko at nagawa ko nang lumuhod sa sahig para ipakita sa aking ina na sincere ang paghingi ko ng kapatawaran.
“Alam mo, Leighton?” panimula niya, malamig pero diretso, “May kasabihan. Lahat ng anak na nasasaktan, pamilya pa rin ang unang binabalikan.” Hindi ko alam kung dapat ba akong mahiya o umoo lang. “Pero bakit ganoon? Bakit kailangan pang saktan muna bago maalala ang pamilya? Bakit kailangang maubos muna bago kami maalalang nandito lang?” Mariin kong kinagat ang labi ko.
“T-Tama po kayo, ’ma.”
“Ngayon mo lang naisip na tama ako? Ilang beses kitang pinagsabihan noon, Leighton. Ilang beses. Pero hindi ka marunong makinig,” matigas ang boses na saad niya.
“Mama…”
“Hindi, makinig ka. Isa’t kalahating taon na wala ka, napaisip ako. Darating kaya ang araw na maiintindihan mo ako, ha Leighton? Mas pinili mo noon si Leandro, kaysa sa sarili mong ina at ngayon, babalik ka, bitbit ang bata at iiyak sa harap ko? Gusto mong matanggap ulit?”
“Gagawin ko ang kahit ano, ’ma,” sagot ko, hindi ko na naitago ang panginginig ng boses ko.
“Kung gano’n, simulan mong makinig. Dahil kung gusto mong manatili rito, dapat mong tanggapin na ang boses ko ang maririnig mo sa buong araw. At kung anong sabihin ko, ’yon ang susundin mo. Walang reklamo. Walang tanong.”
Tumango ako nang ilang beses. “Opo, ’Ma. Simula po ngayon ay sa iyo na ako makikinig.”
“At isa pa. Palaging may dahilan kung bakit tama ang isang ina. Sana hindi na ulit kailangan pang patunayan ’yon.” Tumalikod na siya sa akin, bago pa lang siya makaalis ay nagsalita na ako.
“Ngunit, mama. Itatama ko lang po ang sinabi ninyo kanina sa akin.” Hindi na siya lumingon pa sa akin. Nanatiling nakatalikod at hindi kumikilos. “Totoong mahal ko po si Lee. Pero pinili ko po siya hindi lang dahil sa pagmamahal na iyon. Pinili ko po siya kahit alam kong may lamat na ang relasyon namin. Nagtiis po ako sa poder niya, dahil ’ma. Kagaya mo ay isa rin po akong ina. Isang ina na takot lumaki ang anak na walang amang kinikikilala. Isang ina na mas inaalala na mabigyan ng kompletong oamkkya ang anak niya.” Hindi ko napigilan ang paghikbi ko, lalo na nang maramdaman ko ang maliit at malambot na kamay ng aking anak, tila humahaplos sa pisngi ko.
“Nandito po ako ngayon ay hindi lang dahil sa akin, o hindi dahil sa lalaking minahal ko na tinalikuran lang ako. Binabaan ko po ang pride ko, ’ma. Ngayon nakaluhod ako at may sinseridad ang paghingi ko ng paumanhin. Pinili kong balikan ang pamilyang ito dahil din sa iisang dahilan. Kailangan po kayo ng anak ko. Kung puwede lang po ay ako na lang ang mahirapan. Hindi ko kayang tingnan ang anak ko habang unti-unting nauubos.”
Akala ko ay tuluyan kaming tatalikuran ni mama. Nagulat na lang ako nang muli siyang lumingon. Wala na akong nakikitang lamig doon. Sapagkat nakita ko ang pagkislap ng mga mata niya.
“Umakyat na kayo sa kuwarto mo, Leighton. Saka ko pag-iisipan kung ano ang puwede mong gawin ng sa gayon ay mapatawad kita agad-agad,” aniya sa mababang tono.
Sa halip na tumigil ako sa pag-iyak ay mas bumuhos ang luha ko. Napahinto lang ako nang marinig ko ang mumunting hikbi ni baby Astrid. Nakatingala ang luhaan niyang mga mata.
“Ayos lang si mommy, anak. Masaya lang ako, dahil sa wakas natanggap na ulit tayo ni mama. Hindi natin kailangang pagsiksikan ang sarili natin sa buhay ng daddy mo. Kung wala na tayong puwang sa puso niya ay sige lang. Ang mahalaga, mayroon si mommy na ikaw at ikaw naman, ibibigay ko ang lahat ng makakaya ko. Pasensiya na, anak ha? Hindi na mabubuo pa ang pamilya natin, pero ayos lang naman, ’di ba? May mabait kang ninong, may tito ka pa. May lolo’t lola at higit sa lahat. May mommy ka na mahal na mahal ka.”
Parang naiintindihan na naman ako ng anak ko. Ngumiti kasi siya at muling sumandal sa dibdib ko. Tumayo na rin ako. Mamaya ko na lang babalikan ang maleta namin.
Nang pumanhik nga kami sa loob ng kuwarto ko ay tila palagi pa rin itong nililinisan. Wala akong nakikitang alikabok at ang mga gamit ko ay nasa lalagayan pa rin nila.
Maingat kong ibinaba sa kama si Astrid. Isinubo ko sa munti niyang bibig ang pacifier.
Isang sandali lang ay mayroong kumatok sa aking silid at nang bumukas ito ay dalawang kasambahay ang nagpapasok ng bagahe namin.
“Maraming salamat po,” nakangiti kong sabi.
“Walang anuman po, ma’am. Kung gusto ninyo po ay kami na ang mag-aayos niyan?” Umiling ako.
“Okay lang. Ako na ang gagawa.”
“Sige po, Ma’am Leighton. Maligayang pagbabalik po.” Yumuko pa sila habang binabati ako kaya muli lang akong nagpasalamat sa kanila.
Habang hindi pa naman umiiyak ang baby ko ay nagsimula na akong umayos. Inakyat na rin nila ang dalawang crib ni Astrid. Ang isa ay nasa sala.
Kung hindi lang dumating sina papa at Kuya Rexus ay hindi pa ako matatapos sa ginagawa ko.
“’Pa,” tawag ko sa kaniya. Naluluhang sinalubong niya ako ng yakap. Ramdam ko ang paninigas ng katawan niya.
“Alam mo, anak. Minsan kahit gaano kasakit, kailangang tanggapin na may dahilan ang bawat pangyayari. Lahat ng nangyayari sa buhay ng tao ay may dahilan. Minsan hindi natin agad maintindihan, subalit kalaunan, mapagtatagpi-tagpi rin ang sagot.”
Tahimik lang ako. Hindi ko alam kung dapat ba akong umiyak ulit o tumango na lang.
“Siguro kaya ka bumalik sa amin,” patuloy niya, “Hindi lang para humingi ng tawad sa iyong ina, kundi para matutong lumaban. Para matutong magpakatatag, hindi lang para sa sarili mo, kundi para sa anak mo.”
“Maraming salamat po, papa,” sabi ko at humiwalay rin siya para kunin ang apo niya.
Napatingin ako sa aking kuya. Galit ang makikita sa kaniyang mga mata. Nakikita ko rin ang emosyon na kanina ay na kay mama. Si kuya nga ang nagmana sa aming ina. Samantalang ako ay kay papa.
“Ang ganda-ganda naman ng apo ko. Punta tayo kay lola, ha?” Lumabas si papa at kaming dalawa na lang ni Kuya Rexus ang naiwan.
“Tell me that he didn’t force you to leave,” mariin na sabi niya.
“We decided to leave on our own, kuya. I wasn’t forced. I wanted to do it.”
“Ano? Ang ang kapalit ni mama para tanggapin ka niya ulit at patuluyin sa bahay?”
“Wala pa. Pag-iisipan pa niya.”
“Dapat sinabihan mo muna ako bago ka pumunta rito, Leighton. Magpapagamit ka na naman kay mama? Hahayaan mo na naman siya na kontrolin ang buhay mo? Leighton, nandiyan na ang anak mo. Oo, tama ang desisyon mo na umalis sa poder ng lalaking iyon na dapat noon mo pa iyon ginawa. Pero ang bumalik dito at makikipagsundo na naman kay mama...” Napahinga siya nang malalim at parang nagkaroon lang siya ng problema sa akin.
“Hayaan mo na po ako, kuya. Mas okay na ito at saka ang pamilya lang natin ang una kong naisip na balikan. Para na rin maging maayos ang relasyon namin ni mama. Huwag mo na akong masyadong alalahanin pa. Magiging okay ako, basta okay rin ang pamangkin mo, kuya. Kailangan niya po ng medical attention. Eh, ako. Wala pang trabaho at ayokong magtrabaho. Kasi gusto ko hands-on sa pag-aalaga kay baby Astrid.”
Hindi na naman kumibo si kuya. He stepped towards me at nabigla ako nang yakapin niya ako.
“You don’t have to pretend you’re okay when you’re not. I know you very well... Sige lang, iiyak mo. Bukas ay ipangako mong wala ng luha pa ang papatak sa mga mata mo ng dahil lang sa lalaking iyon.” Pangako, hindi na ulit ako luluha pa sa lalaking nagbigay lang sa akin ng sakit at sama ng loob.
His words made my tears fall. I rested my head against his chest and clung tightly to his shirt.
“K-Kuya...”
“Put your life back together, and stay strong for Astrid. I know it hurts now, but this pain won’t last forever. In time, you’ll learn to live with it,” he uttered as he caressed my back.